"Anong nangyari? At bakit ka nandito?" pagbungad sa akin ni Madam Kylein. Doo'y hindi ako nakapagsalita. Pero sa halip na hintayin niya ang sagot ko ay mabilis siyang nakalapit sa katawan ng taong mahal ko. Hindi ko alam kung anong nangyayari dahil bigla na lang siyang humagulgol. Alam ko naman na matagal nang naka-comatose si Kyru pero hindi ko maintindihan kung bakit bigla na lang siyang nagsisigaw sa k'wartong ito. "Anak ko! Hindi p'wede! Anak, gumising ka!" naiiyak na wika niya. Ngayon ay naiintindihan ko na, dahil ang sandaling huli kong nakausap at nakausap si Kyru ay ang tuluyan na niyang pamamaalam hanggang sa kabilang buhay.
Masakit isipin na ipinagkait sa aming dalawa ang pagkakataon na magsama pa ng matagal at ang pinakamasakit sa lahat ay 'yung inakala kong katotohanan ang isang kamalian.
Totoo man ang pagmamahal na ibinigay sa akin ni Kyru ay hindi ko maiwasang malungkot dahil sa tingin ko ay hindi lang ako ang handa sa pagkawala niya nang tuluyan kundi pati na rin ang kaniyang pamilya.
Pero paano ko sasabihin kila Madam Kylein ang totoo?
Napapikit ako at sa isang iglap ay unti-unting pumatak ang luha ko.
Pero naalarma ako sa boses ni Madam Kylein, "Fyane, pakitawag si Rio p-please."
"Opo, ma'am, masusunod po."
Patakbo akong bumaba upang hanapin si Aleng Gina at naabutan ko siyang nagdidilig ng mga halaman sa may hardin.
"O, hija, bakit ka umiiyak?"
At hindi na ako nag-aksaya pa ng oras imbes na sagutin ang katanungan niya. "Aleng Gina, maaari mo po ba akong tulungan na gumamit ng telepono upang tawagan si Sir Rio?"
"O, siya sige, pero teka bakit ka nga ba umiiyak, hija?" Natahimik ako sa itinanong ni Aleng Gina. Hindi ako handa sa mga nangyari at hindi ako handa na sabihin sa ibang tao na wala na ang taong pinakamamahal ko.
"W-wala na siya.." Pumatak muli ang luha ko at sa pagkakataong iyon ay naintindihan ako ni Aleng Gina.
"Hindi ko alam na mahabagin kang bata, hija. Kahit hindi mo kaanu-ano ay mabilis lumambot ang puso mo. Halika na at tutulungan kitang matawagan si Rio."
Nagpunta nga kami sa may salas kung saan nandoon ang telepono at mabilis naman akong natuto sa paggamit niyon. Sa ganoong paraan din ay magagawa ko na rin makipag-usap sa pinsan kong si Fritzy.
Ilang minuto lang ang lumipas ay magkakasunod na busina ng sasakyan ang um-alarma sa amin. At bumungad doon ang isang maganda, makinis at may katangkaran na babae. Sa tingin ko ay siya ang tinutukoy nilang si Jerica, ang totoong kasintahan ni Kyru noong nabubuhay pa siya.
Napayuko ako nang dumaan siya sa harapan ko subalit napalingon ako nang tawagin niya ako, "You, bago ka lang dito? I had never see you except now."
"Ah, opo, ma'am. Ako po 'yung bagong hired na katulong," magalang kong sagot subalit nakita ko ang sandaling pagtaas ng kilay niya.
"I never thought that Tita Kylein would hired a young maid here. E, baka jowain mo lang ang kapatid ng nobyo ko, e," wika niya na nagpakunot ng noo ko. Hindi man ako marunong magsalita ng wikang Ingles ay naunawaan ko iyon.
"Mawalang galang na ho, ma'am, pero lumuwas po ako ng Maynila para kumita ng pera at hindi para mag-asawa," sabi ko na nagpaliit ng mata niya at animo'y para siyang sinilihan dahil nagmamadali siyang tunalikod upang umakyat ng hagdan.
Ilang sandali pa ay narinig ko ang boses ni Aleng Gina, "Hindi mo na dapat siyang sinagot, hija." Napalingon ako sa kaniya at doon lang siya muling nagsalita, "Simula ngayon ay kailangan mo nang masanay sa ugali no'n, matapobre at judgemental. E, hindi naman kayo nagkakalayo ng beauty, hija, e."
"Pero paano po kapag nalaman niyang patay na s-si K-kyru, may dahilan pa po ba para magpunta pa siya rito?"
"Siguro, hindi naman na kasi siya basta nobya lang ni Kyru, e. Ikakasal na dapat sila, e, ang kaso nangyari ang trahedyang 'yon." Napaisip ako sa sinabi ni Aleng Gina. Paano kaya ang ipinangako sa akin ni Kyru na maghihintay siya sa Floresca? Matupad kaya 'yon? Paano kung sa kabilang buhay ay muli niyang maalala ang babaeng una niyang minahal bago ako dumating sa buhay niya?
Sandali akong natigil sa isiping iyon nang tapikin ako ni Aleng Gina dahil nakita niyang dumating na si Sir Rio.
Nagmamadali pa itong umakyat patungo sa k'warto ni Kyru.
At ilang saglit pa ay nagmumura itong bumaba ng salas. "Rio maghunos-dili ka! Wala na tayong magagawa kung talagang wala na si Kyru," tugon ni Aleng Gina nang lumabas ito galing kusina upang ikuha si Sir Rio nang maiinom.
Mugto na rin ang mata ni Madam Kylein nang bumaba siya. Habang makikita rin ang lungkot sa mga mata ni Jerica habang kino-comfort nito si Madam Kylein.
"Anak, patawarin mo ako kung wala na akong nagawa. Ginawa ko naman ang lahat para maisalba ang buhay ng kapatid mo pero--" natigilang sabi ni Madam Kylein.
"Paano kita mapapatawad, mom, kung maging ako ay hindi ko mapatawad ang aking sarili dahil wala akong kwentang doktor!" padabog na sambit ni Sir Rio.
"Anak, hindi totoo 'yan.." Naiiyak pa rin si Madam Kylein kaya hindi maiwasang madala kami ni Aleng Gina sa pag-iyak niya.
"Rio, don't say that, magaling kang doktor, just like your mom," pagpapalakas pa ng loob ni Jerica kay Sir Rio. At doo'y natahimik ito.
Ilang saglit pa ay nagsalita ulit si Madam Kylein, "Gina, ipatawag mo kay Billy ang morgue upang kuhanin ang katawan ni--"
"No, mom! Ayokong kuhanin ang lamang loob ng kapatid ko tapos ano? Ibebenta lang nila sa kahit na sino?"
"Pero kailangan malinis ang katawan ng kapatid mo, Rio.." Hindi na nagawang sumagot ni Sir Rio, at sa halip ay bigla na lang itong umalis habang napapailing.
-
"Ipapa-cremate natin ang katawan ni Kyru, mom dahil gusto ko habang buhay kong makakasama ang kaniyang katawan kahit abo na lang." Narinig kong sabi ni Sir Rio habang nag-uusap sila ni Madam Kylein. Habang ako ay naghahain ng makakain nila para sa hapunan.
"Pabor po ako sa gusto ni Rio, tita," pagsang-ayon ni Jerica rito.
At bahagyang napangiti si Madam Kylein. "Naiintindihan kita, anak at suportado ako roon. Bukas ng umaga pala ay ihahatid na rito ang katawan niya."
Halos nanghina ako sa aking narinig kaya hindi sinasadyang mahuhulog ko ang hinuhugasan kong baso dahilan para sa akin mabaling ang atensyon nila.
"Fyane!" Halos manginig ang buong sistema ko nang bumungad ang boses ni Sir Rio. Habang nagmamadali naman akong pinulot ang mga bubog dulot nang pagkabagsak ng baso. "Hindi ka kasi nag-iingat!"
"How idiot!" napapairap na sabi pa ni Jerica.
Doon pa lang ay gusto nang pumatak ng luha ko, hindi dahil sa sugat at hindi dahil sa sinabi ni Jerica-- kundi dahil sa katotohanang wala na talaga si Kyru. Ilang segundo pa ang lumipas at nagsalita si Madam Kylein, "Rio, hayaan mo na si Fyane, hindi niya naman yata sinasadya." Tila nagkaroon ako ng pag-asa nang marinig iyon.
At hindi ko inaasahang tutulungan akong maglinis ng mga kumalat na bubog ni Sir Rio. At nang tatayo na sana ako ay tinawag niya ako, "Sandali." Napatingin siya sa kamay ko at muling nagsalita, "May sugat ka, kailangan na agad 'yang malapatan ng first aid." Nagmamadali siyang umakyat habang napapangiti namang lumapit sa akin si Madam Kylein. Habang nagpaalam naman nang umuwi si Jerica.
Nang kami na lamang dalawa ni Madam Kylein sa may kusina ay hindi ko inaasahan ang sasabihin niya, "Ano bang nangyari sa'yo, Fyane? Nagtataka lang ako dahil kagabi pa lang no'ng nakita kita sa kuwarto ni Kyru ay nakita ko ang lungkot sa mga mata mo. May hindi ba ako nalalaman?" Napaawang ang bibig ko.
Hinawakan niya ang braso ko at tiningnan ang kamay kong may sugat. Oo nga pala at doktor din siya. "Mabuti at mababaw lang ang sugat mo. Sa susunod mag-iingat ka, hah?" Napabuntong-hininga ako dahil mabilis niyang iniba ang usapan. Pero hindi pa rin talaga ako pinapatulog ng konsensya ko.
Lalo na nang may isang alaala ang pumasok sa isip ko.
"Ingatan mo sana ang magiging anak natin." Nagtaka talaga ako nang sandaling sabihin niya iyon. Ibig sabihin, nagbunga ang pagmamahalan namin?
'Yung ngiti niyang nagbibigay sigla sa akin..
"Ipinangako niya sa akin na pagkakalooban niya tayo ng anak kahit wala na ako. Dahil magbubunga ang pagiging isa natin, Fyane." Natameme ako sa mga narinig. Hindi ko lubos akalain na p'wede pa lang mangyari 'yon. "At may pakiusap pa sana ako sa'yo." Napatingin akong muli sa kaniya nang walang anong sinasabi pero nagsalita pa rin siya, "Pakisabi kina mommy at kuya na mahal na mahal ko sila. Fyane, Mahal na mahal ko kayo maging ang magiging anak natin."
Hindi ko alam pero agad na pumatak ang luha ko. Ang sakit-sakit sobra. Masakit tanggapin ang pamamaalam niya na panghabang buhay na.
"Fyane?" Nabalik ako sa realidad nang may tumawag sa pangalan ko. Nakita ko na lang ang sarili ko na may nakalagay na kulay puti sa kamay ko upang tumigil sa pagdurugo ang aking sugat at nakita ko ang isang nilalang na hindi malayo sa mukha ng taong mahal ko.
"Salamat, Sir Rio."
"Your welcome, sa susunod mag-iingat ka na. I'm sorry kung napagtaasan kita ng boses kanina."
"Ayos lang, Sir Rio, kasalanan ko naman po talaga."
Kinabukasan, katulad nang nabalitaan ko kagabi ay dinala na ang katawan ni Kyru sa mansyon. Napansin kong may nagbago sa katawan niya, lumubog ang kaniyang pisngi at pumayat siya. Ganoon siguro talaga kapag patay na.
Ilang oras lang ang lumipas, matapos basbasan ang kaniyang katawan at maging ang kaniyang kaluluwa ay taimtim kaming nanalangin lahat na nawa'y maging panatag ang kaluluwa niya sa langit.
Mula sa mansyon ng mga Fabian ay wala kang ibang maririnig kundi hikbi at iyakan. Narito rin ang kanilang ilang mga mahal sa buhay na naging saksi sa pag-cremate sa katawan niya.
Muli akong nagpaalam kay Kyru katulad nang luluwas pa lamang ako patungong Maynila. Ang pinagkaiba lang ngayon ay alam kong patay na siya at alam kong wala na akong babalikan pa.
Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang makikita ng dalawang mata ko si Kyru..
Nakangiti pero makikita mo sa mga mata niya ang kalungkutan.
Nakikita ko siya pero kailanma'y hindi ko na siya p'wedeng mahawakan. At iyon na yata ang pinakamasakit na parte ng pagpapaalam.
Paalam Kyru, mahal na mahal kita.
Makalipas ang isang linggo ay nagising na lang ako dahil sa matinding paghilab ng tiyan ko, labis na pagkahilo at pagsusuka.
Nanghingi ako ng tulong kay Aleng Gina at sinabi niyang baka dulot lang iyon nang nakain ko kagabi. Pero ang naaalala ko ay kumain ako ng paborito kong gulay kagabi!
Sinubukan niya akong pagpahingain pero talagang ayaw mawala ng pagkahilo ko. Doon ay agad kong naalala ang sinabi sa akin ni Kyru. At namuo ang katanungan sa aking isipan na, "Hindi kaya.. Buntis ako?"