NAGMAMADALING lumapit sina Inang, Fritzy at si Sir Rio. Hindi ko alam pero nakikita kong si Sir Rio ang sagot sa problemang kinakaharap namin ngayon, hindi ko alam kung sinasadya ng panahon dahil siya'y isang magaling na doktor.
Tila nagkaroon ako ng pag-asa sa isiping iyon at nabalik ako sa realidad nang narinig ko ang pag-iyak nina Inang at Fritzy habang inaalam pa ni Sir Rio ang kondisyon ni Amang. Mabuti na lang at dinala niya ang kaniyang mga medical tools.
"May pulso pa siya at sa tingin ko ay pilit siyang nagiging matapang." Narinig naming wika niya.
"Naku salamat naman at ganoon, gawin mo ang lahat ng iyong makakaya, hijo," tugon ni Inang gayong hindi inaalis ang tingin kay Amang, kitang-kita sa mga mata niya ang sobrang pagmamahal para kay Amang.
"Opo, makakaasa po kayo," sagot ni Sir Rio. Hindi ko alam kung anong mga ikinabit ni Sir Rio na mga aparato pero sa tingin ko ay makakatulong iyon para kay Amang.
"Nagre-response ang katawan niya sa ikinabit ko. At umaasa akong susunod na titibok ang puso niya," nakangiti pa niyang sabi.
Ilang sandali pa ay halos mapaluha ako nang dahan-dahang dumilat si Amang.
"Amang!" pasigaw kong sabi habang
naluluha rin naman na napayakap si Inang kay Amang.
Isang himala!
Alam kong sa mga sandaling ito ay malaki ang utang na loob namin kay Sir Rio. At hindi ko inaasahan ang isang tulad niya ang magsasalba sa buhay ng aking ama.
"Maraming salamat, hijo.." naluluha pa rin na sabi ni Inang.
Salu-salo kaming naghapunan nang makita namin na medyo maayos na ang kalagayan ni Amang. Tila bumalik ang sigla ng mukha niya kahit na hindi siya masyadong nakakangiti. Dala raw ng katandaan kaya inatake nang paghina ng buto si Amang at ang pagtigil ng paghinga niya ay ang ilang araw na niyang pag-iinda sa sakit, ang sabi ni Sir Rio nang magkausap kami kanina.
Medyo malalim na ang gabi pero hindi pa rin ako pinapatulog ng konsensya ko, maraming mga katanungang sumasagi sa isipan ko.
Paano nga kung naghihintay sa akin si Kyru dito sa Floresca?
Mayayakap at makakausap ko ba siyang muli?
Pero paano kung hindi 'yon totoo?
Naagaw ang atensyon ko nang may marinig akong kaluskos, mula sa inuupuan kong upuan na gawa sa narra na kung saan ay natatanaw ko ang kalangitan. Ilang saglit pa ay may biglang humawak sa balikat ko.
"Sir Rio?"
"Lumalalim na ang gabi, bakit hindi ka pa nagpapahinga?"
"Mamaya na, marami pa akong iniisip. E, ikaw, bakit gising ka pa?" wika ko. Napabuntong-hininga siya at kapagkuwa'y umupo sa tabi ko. Kakaunti lang ang distansya namin sa isa't isa at sapat na 'yon para magkaintindihan kami.
"Nandito lang ako at handang makinig sa'yo," tugon niya bagama't hindi siya nakatingin sa akin. Sandali siyang lumingon at nagtama kami ng paningin. Saka siya muling nagsalita habang hindi inaalis ang tingin sa aking mga mata. "Fyane."
"Sir Rio." Sandali pa kaming natigilan nang malamang sabay pa kaming nagsalita.
"Huwag mo nang isipin ang sinabi ko sa'yo noong nakaraang araw," panimula niya. Naintindihan ko naman ang kaniyang nais sabihin.
"Sir Rio, kasi.. a-alam mo naman na siya lang." Napangiti siya at nakita ko ang sandaling paglunok niya.
"Alam ko, pero hindi ba kita p'wedeng mahalin? Kahit ako na lang, kahit hindi mo pantayan 'yon, Fyane, kaya sana huwag mo akong pigilan." Napaawang ang labi ko sa sinabi niya at sa pagkakataong iyon ay agad na lumakas ang ihip ng hangin. Dahilan para mapatingin ako sa paligid dahil alam kong sa mga oras na ito ay nandito siya.
"Nandito siya," sambit ko habang dinadama ang malakas na simoy ng hangin na bumabalot sa amin. "Alam mo bang kahit wala na ang isang tao ay nananatili ang presensya nila rito sa lupa, kasabay ng malakas na hangin ay mararamdaman mong nandito sila." Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang mga sinasabi ko. Sandali pa akong lumingon kay Sir Rio at tahimik pa rin siya pero napakunot ang noo ko nang makita kong may kaunting luha na pumatak mula sa mata niya.
"Sobrang mahal na mahal ko ang kapatid ko kaya kung kanino man siya napapalapit ay ako ang unang humuhusga," wika niya. Napabuntong hininga siya at muling nagpatuloy sa pagsasalita, "Nang magustuhan kita, hindi ko inasahan na may minamahal ka na pala at ang masakit pa ay kapatid ko pa. Kaya kung sakaling mabigyan ako ng pagkakataon na makausap siya kahit sa panaginip ay may gusto akong hilingin sa kaniya.. at iyon ay ang alagaan at mahalin ka." Napayuko ako at hindi na nakapagsalita.
Pero maya-maya ay ngumiti siya habang pinupunasan ang namuong luha sa kaniyang mga mata. "Tayo na sa loob, mukhang pagod ka na," pag-iiba niya sa usapan kaya napatango na lang din ako. Batid kong nasasaktan siya pero kailangan kong gawin ang tama. Ayokong maging unfair sa kaniya sa usaping pagmamahal. Ayokong dayain ang nararamdaman ko.
Patawad, Sir Rio kung si Kyru pa rin ang nilalaman ng puso ko.
Kinabukasan ay tila bago ang agos ng tubig na nagmumula sa ilog habang pinagmamasdan ko ang mga nagliliparang mga paru-paro sa mga bulaklak. Parang bago sa akin na makita ang ganda ng kalikasan dito sa Floresca dahil habang tinatanaw ko ito ay hindi ko maiwasan na mapatulala. Dahil parang sariwa pa rin sa akin ang mga alaala ni Kyru.
Mula sa kinatatayuan ko ay unti-unti akong humakbang papunta sa kagubatan, habang abala sila Amang na makipag-usap sa aking pinsan at kay Sir Rio. Agad na bumuntot sa likuran ko si Mikee na agad kong binuhat at ilang saglit pa ay narating ko na ang kagubatan. Inaasahan kong may isang baboy ramo o leon man na bubungad sa akin dahil inaasahan kong may magliligtas muli sa akin, subalit ang isiping iyon ay biglang nakapagpabago agad ng isipin na hindi iyon mangyayari. Dahil hindi ko na lang gugustuhin na mangyari 'yon kung hindi rin naman kami magkikita.
Dahan-dahan akong humahakbang habang bitbit si Mikee. Hindi ko maiwasan na mapakinggan ang mga huni ng mga kuliglig at ilang mga hayop at insekto na nagbibigay-buhay sa kagubatan.
At sandali akong natigilan sa paglalakad nang makarinig na isang boses. "Sino ka?" Natigilan ako sa boses na iyon. Para akong tanga na umaasa na sana ay siya iyon na matagal ko nang nais makita-- kagaya ng pangako niyang maghihintay siya akin dito sa Floresca. Pinakiramdaman ko siya kung lalapit siya sa akin bago pa man ako tuluyang humarap. Subalit tila nawala ang pagkasabik ko nang makita kung sino iyon. Isang matanda na may dalang mga punung-kahoy na sa tingin ko ay pinagkakabuhayan niya. "Delikado sa lugar na ito, ineng, bakit ka nandito at mag-isa ka pa?"
"Mawalang-galang na lang ho pero ilang beses na ho akong nagpunta rito pero wala naman masamang nangyari sa akin," pagsisinungaling ko.
"Aba'y bahala ka, ineng, basta binabalaan lang kita." Hindi na ako nakasagot pa at pinagmasdan ko lamang siya bago pa man ito tuluyang mawala sa paningin ko. At saka ako muling nagpatuloy sa paglalakad subalit muntikan na akong mapaatras nang may isang leon na matalim ang tingin sa akin.
Pinilit kong maging kalmado kahit nangingibabaw na sa akin ang kaba. Kaya naman bumulong ako kay Mikee ng, "Pagbilang kong tatlo, tumakbo ka na pabalik, hah? Isa.. dalawa.. tatlo!" Napakaripas ako sa pagtakbo habang mabilis naman umakyat si Mikee ng puno. Hindi ko iyon inaasahan. Halos mapagod na ako sa pagtakbo at iniisip ko ang dinadala ko bago pa man naisipan na umakyat ng puno.
"Pakiusap, huwag mo 'kong sasaktan," hinihingal kong sabi.
Ang matatalas niyang ngipin ang labis na nakakabahala sa akin, at napapikit na lang ako habang nagdadasal. Ilang saglit pa, nang matunugan kong wala na ang leon na umatake sa akin ay agad akong bumaba ng puno. Habang mabilis din naman na kumaripas ng takbo si Mikee papalapit sa akin.
Pero nakapagtataka dahil kanina ko pa hinahanap ang batong paborito kong tambayan. Ang lugar kung saan kaming dalawa ay naging isa. Pero hindi ko iyon makita.
Napatulala ako sa kawalan hanggang sa makarinig ako ng kaluskos ng mga dahon, hudyat na may paparating.