HINDI MAITATANGGING hindi mawala sa isipan ko si Kyru nang makarating kami ng Maynila. Ang dalangin ko lang sa Maykapal na sana ay hintayin niya ang aking pagbabalik-- na walang kasiguraduhan kung kailan.
Balak ko kasi ay kapag nakaipon na ay mag-e-enroll na rin ako sa isang University sa Maynila. Hindi ko alam pero kahit nakaluwas na ako ng Maynila ay dala ko pa rin ang alaalang bakas ng kabundukan ng Floresca. At umaasa ako na roon ulit kami muling magtatagpo ni Kyru pagdating ng tamang panahon.
Samantala ay mabilis akong nakahanap ng trabaho bilang isang katulong sa isang mayamang pamilya. At makalipas lang ang ilang araw ay magsisimula na akong mangamuhan sa kanila. Habang si Fritzy naman ay bumalik na sa eskwela at kasalukuyan akong nakikitira sa bahay nila habang hindi ko pa nakikilala ang magiging amo ko. "O, Fyane, papasok na ako sa school. Ikaw na ang bahalang magpaliwanag kila mommy at daddy na hahapunin ako ng uwi, a?" pagpapaalam ni Fritzy sa akin.
"Sige, Fritzy, makakaasa ka. Maglilinis na rin ako ng bahay para matanggal ang pagod nila tita pag-uwi." At nagkangitian pa kami bago pa siya tuluyang umalis. Ako lang ang naiwang mag-isa sa bahay kung kaya't nang matapos akong maglinis ay hindi ko inaasahang makakatulog ako.
-
Mabilis na tumakbo ang mga araw at hindi ko namalayang ngayon na ang umpisa ng pasok ko sa trabaho. At ngayon na rin ang huling sandali para manirahan kila Fritzy dahil kailangan kong mag stay-in sa bahay na pagtatrabahuhan ko.
Nang makarating ako ro'n ay hindi ko maiwasang mamangha sa laki at ganda ng bahay ng pamilya Fabian, ang magiging amo ko. Dala-dala ko pa ang maleta na pinahiram sa akin ni Fritzy.
"Magandang umaga, ikaw ba si Fyane?" Napatango ako sa ibinungad sa akin ng matandang babae na sa tingin ko ay nasa middle thirty's na.
"Opo," tipid kong sagot.
"Mabuti naman at dumating ka na, kanina ka pa hinihintay ni madam. Nga pala ako si Aleng Gina, isang katiwala rito sa mansyon."
"Ikinagagalak ko po na makilala kayo, Aleng Gina." At isang tipid na ngiti ang iginanti niya sa akin.
Inilibot pa ako ni Aleng Gina at idinala niya ako sa aking magiging kuwarto. "Ito ang magiging room mo, Fyane." Napahanga ako sa ganda ng k'wartong iyon, at para sa akin ay mukhang pangprinsesa ang k'wartong iyon at hindi halatang pangkatulong.
"Salamat po."
At mula sa aking silid ay natanaw ko ang isang silid na halos katapat lamang ng akin. Nakaawang kasi ang pinto kung kaya't hindi sinasadyang mababaling doon ang aking mata lalo na nang mapuna ko na nakaawang din ang pinto niyon. At ewan ko ba kung bakit tila nagkaroon ako ng interes sa k'wartong iyon.
"Ah-- Aleng Gina?" pagtawag ko kay Aleng Gina.
"Oh bakit, hija?"
"Maaari ko po bang malaman kung kaninong silid iyon?" Itinuro ko pa iyon kung kaya't napalingon din doon si Aleng Gina.
"Ah! Naku, hija, pasensya ka na pero hindi maaaring ipagpaalam ang tungkol sa k'wartong iyan." Agad na kumunot ang noo ko at nagkaroon ng sari-saring katanungan sa aking isipan.
"O, sige, maiiwan na muna kita, babalikan na lang kita kapag may ipag-uutos na si madam." Napatango ako sa sinabi niya at inilapag ko na ang aking mga dalang gamit. Saka masayang pinakiramdaman ang malambot na kama na ngayon ko lang naranasan sa buong buhay ko.
Pero hindi ko na nagawang hintayin pa si Aleng Gina at kusa na akong nagdesisyon para bumaba. Pero hindi ko naiwasang sumulyap muna sa silid na halos katapat lamang ng aking silid kung saan ay parang may kakaiba akong naramdaman.
Unti-unti akong lumapit sa pinto noon at doo'y hindi sinasadyang matatanaw ko ang bulto ng isang babae na nakaupo habang napapahikbi sa taong nakahiga sa kama. Hindi ko na nakita pa ang kanilang itsura dahil baka matunugan nila akong nakasilip.
Nagmadali na akong bumaba at nadatnan ko si Aleng Gina sa may hardin habang nagdidilig.
"Ah, Aleng Gina." Napahawak siya sa dibdib nang dahil sa presensya ko.
"Hay naku, diyos ko, ginulat mo naman ako, hija. O, siya, mabuti at bumaba ka na dahil marami pa akong ituturo sa'yo." Napangiti ako at nang matapos siyang magdilig ay dali-dali akong napasunod sa kaniya.
Inilibot pa ako ni Aleng Gina sa mansyon at doon ko nakilala si Kuya Billy, ang matagal na rin na driver ng Pamilya Fabian, at si Kuya Loloy na kanilang hardinero.
At nasa ganoong sitwasyon kami nang marinig namin ang sunud-sunod na busina.
"Sandali at baka si Sir Rio na 'yan," wika ni Aleng Gina. Kaya nagkaroon ako ng dahilan para mabaling ang atensyon ko sa gate na siyang binuksan ni Aleng Gina. Doo'y bumungad ang isang magandang sasakyan at hindi natinag ang pagkakatingin ko rito hanggang sa maiparada ito. Mula sa kotse ay lumabas ang isang binata na ngayon ko lang nakita. Subalit halos matutop ko ang sariling bibig nang may mapansin dito.
"Billy, kuhanin mo ang maleta sa kotse." Narinig ko pang sabi nito.
"Magandang umaga, Sir Rio," pagbati sa kaniya nina Loloy, Billy at Aleng Gina habang ako naman ay nanatiling nakatitig sa kaniya.
At nang madako ang tingin niya sa akin ay doon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob para batiin siya, "Magandang umaga, Sir R-rio," nauutal kong sabi.
At binigyan naman siya nito ng malapad na ngiti na nagbigay ng kaginhawaan sa kaniyang kalooban.
Ilang saglit pa ay nagbalik siya ng tingin kay Aleng Gina. "Siya ang sinasabi ni mom na bagong katulong, right?" tanong niya kay Aleng Gina.
"Oo, hijo, siya nga."
Nang pumasok na si Sir Rio sa bahay ay saka lamang kami tumulong kay Kuya Billy sa pagkuha ng mga gamit mula sa kotse.
At doon pa lang ay nagsimula nang magkuwento si Aleng Gina tungkol kay Sir Rio. "Siya ang panganay na anak ng Pamilya Fabian, kakauwi niya lang galing sa America dahil nag-mastery siya sa medisina,"
masayang k'wento ni Aleng Gina.
Bagama't nagtataka pa rin ako sa kabuuan ni Sir Rio.
"Panganay siya, ibig sabihin ay may kapatid pa siya," bulong ng aking isipan. Pero kahit gano'n ay minabuti ko na lang na sarilinin ang aking napansin.
Samantala ay nadatnan naming sinalubong naman si Sir Rio ng yakap ng kaniyang Mommy sa kaniyang pagdating.
"My, son!"
"Na-miss kita, mom!" nakangiting sabi ni Sir Rio. Pero kaagad na napawi ang ngiti niya nang parang may hinahanap ang kaniyang mata. "How's my brother, mom?" umaasang tanong niya kung kaya't nawala naman ang ngiti sa labi ni Mrs. Fabian, dahilan para kumunot ang ni Sir Rio.
Napayuko pa ito at inalis ang tingin kay Sir Rio. "I'm so sorry, R-rio," nauutal-utal nitong sabi.
"Anong klaseng doktor ka," wala sa sariling sambit ni Sir Rio. Doon namilog ang mga ko.
Maya-maya pa'y hinila ako ni Aleng Gina patungo sa may kusina at doon nagsimulang magkuwento, "Tama ang narinig mo, hija. Isa ring doktor si Mrs. Kylein Fabian pero wala siyang nagawa para sa anak niyang mahigit isang taon nang naka-comatose.
At ilang saglit pa ay narinig namin ang malakas na sigaw ni Sir Rio, "No! Hindi tayo p'wedeng sumuko mom!" Kaya naman hindi ko maiwasang mapadungaw mula sa may kusina. At doo'y malinaw kong muling narinig ang sunod na sinabi niya, "Mabubuhay pa siya, mom. Natutulog lang siya!" labis na paninindigan niya sa sarili.
"Rio please.. please palayain mo na ang kapatid mo.." naiiyak namang sabi ni Mrs. Fabian.
At hindi ko inaasahan ang mga maririnig ko, "Hindi ko yata magagawa 'yun, mom. Kung kinakailangan na dagdagan pa natin ang makina na nagpapabuhay sa katawan niya ay gagawin ko. Gagawin ko ang lahat, dahil hindi ko kayang mawala siya, napakabata pa niya! Kung kayo ni dad kaya niyo, p'wes ako hindi!" matapos niyang sabihin iyon ay tinalikuran na niya si Mrs. Fabian.
"Rio! My son!" sigaw nito pero hindi na niya nagawang lumingon pa sa halip ay umakyat na ito ng kuwarto.
Doon ako muling tinawag ni Aleng Gina. "Pasensya ka na sa mga narinig mo, sadyang na-disappoint lamang si Sir Rio."
Napabuntong hininga ako at pilit na pinag-uugnay-ugnay ang mga pangyayari. "A-ano po ba talagang nangyari sa kapatid ni Sir Rio?"
"Mahabang kuwento, hija, pero two years na ang nakakalipas pero hindi pa rin siya nagigising." Ang mga katagang iyon ay labis na nag-iwan sa akin ng matinding kuryosidad.
Samantala, lumipas ang tanghalian at hapunan at doon lang ako nakadama ng pagod. Lumalalim na rin ang gabi at oras na ng pahinga, patay na rin ang ilang ilaw na nagmumula sa may kusina at salas. At doo'y hindi sinasadyang maririnig ko ang usapan nina Mrs. Fabian at Sir Rio sa may salas.
"See, mom. Kung si Jerica ay hindi pa sumusuko na magigising ang kapatid ko ay sana ganoon ka rin." Jerica? Siya kaya ang babaeng nakita ko kanina sa silid?
Dahil sa kuryosidad ay umakyat na ako ng aking silid at hindi sinasadyang madadako na naman ang aking tngin sa silid na 'yon. Ewan ko kung bakit parang may sariling isip ang aking mga paa dahil naglalakad na ito papalapit doon. Bawat hakbang ko ay sinisiguro kong walang maidudulot na kahit na anong ingay. At bawat paghakbang ko ay ang mabilis na pagpintig ng aking puso. Animo'y may nag-uudyok sa akin na pasukin ang silid na iyon. Hanggang sa nakita ko na lang ang aking sarili na dahan-dahan nang kinakalabit ang door knob. Umalingawngaw ang tunog ng pinto.
Kamukat-mukat ay agad kong natanaw ang isang bulto ng tao na nakahiga sa may kama. Maraming mga nakakabit na makina sa katawan niya at sa tingin ko ay doon lang ito nabubuhay. Subalit halos matutop ko ang sariling bibig nang sandaling lapitan ko siya at makilala ang bulto ng tao na nasa aking harapan.
Animo'y nakaramdam ako nang pagtaas ng aking balahibo at sa sandaling iyon ay hindi ko maiwasang pumatak ang aking luha.
Dahil ang bultong nakita ko ay walang iba kundi si Kyru..
"Hindi, namamalikmata lang ako," tanging sigaw ng isip ko habang nakatingin sa katawan niya.
Lalapit pa sana ako rito subalit nakarinig ako ng mga yabag ng paa na paparating at huli na dahil tuluyan na itong nakapasok ng silid.
"Anong ginagawa mo rito?" Napalingon ako sa boses na iyon at hindi ko na napigilan pa ang patuloy na pagbagsak ng luha mula sa aking mga mata, at maging ang aking nais sabihin ay awtomatikong lumabas sa aking bibig, "P'wede bang sabihin mo sa akin na namamalikmata lang ako, hindi siya si Kyru, 'di ba?" umaasang sabi ko.
Subalit mas naiyak pa ako nang sandaling umiling si Sir Rio habang mukhang gulat na gulat siya sa aking sinabi.
At halos mapapikit ako sa realidad sa isinagot niya, "Siya si Kyru, ang kapatid ko."