"Good morning, pinsan, nais mo bang sumama sa aking mamasyal sa bayan?" Bungad sa akin ng pinsan kong si Fritzy. Napatango naman ako upang mawala ang kalungkutan na aking nararamdaman. Halos isang linggo na rin kasi magmula nang huli kong makita si Kyru. At ewan ko ba kung bakit nakakadama ako ng kakulangan kapag hindi ko siya nakikita.
Nag-almusal na muna kami bago nagpaalam kina Amang at Inang na mamamasyal kami sa bayan.
Pagkarating namin doon ay parang ngayon lang ako nakapunta dahil sobrang namamangha ako sa mga nakikita ko, ang mga tricycle at jeep na roon ko lang makikita dahil ang bayan ay nasa kapatagan. Ang mga naggagandahang mga damit at tsinelas na talaga namang nakakaakit sa paningin.
"Gusto mo ba 'yan, pinsan?" Napalingon ako sa kaniya, napansin niya kasi akong nakatitig sa isang tsinelas na iyon.
Napangiti siya at nanlaki ang mata ko sa sumunod na sinabi niya, "Ale, bibilihin po namin ito. Magkano po?"
"Ay singkwenta lang, ineng," sagot ng ale. Inabot ng pinsan ko ang buong singkwenta pesos sa ale na para sa akin ay napakalaking halaga na.
"Salamat, pinsan, pero nakakahiya naman, dahil ang mahal nito," sabi ko habang hawak-hawak ang tsinelas.
"Alam mo, pinsan, mas mura nga iyan kumpara sa mga bilihin sa Maynila," aniya. Napaisip naman ako sa sinabi niya kaya hindi ko naiwasang magtanong.
"Ah, pinsan, maganda ba sa Maynila?" Nagpatuloy kami sa paglalakad habang nagku-kwento siya.
"Kung sa pagnenegosyo, oo.. Pero mas maganda ang lugar dito sa probinsiya.." Napapatingin ako sa kaniya habang nagku-kwento. "Maraming krimen sa Maynila, magulo at laganap ang polusyon. Dahil sa tingin ko ay mas maayos ang pagpapalaki rito ng mga magulang sa kani-kanilang anak, kagaya mo." Napatingin ako sa kaniya na ngayon ay nakangiti habang nakatingin sa akin.
Nang makarating kami sa aming tahanan ay doon ko lang naramdaman ang pagod. Samantala'y nadatnan namin si Inang na nagluluto sa palayok at agad na kumalam ang tiyan ko dahil sa kaakit-akit na amoy ng kaniyang niluluto.
"Mano po, inang."
"Mano po, tiyang."
"Pagpalain nawa kayo ng Poong Maykapal."
"Ano pong niluluto mo, tiyang?" tanong ni Fritzy.
"Ginataang alimango, Pritzy." At parang napamangha naman ang pinsan ko sa pagkain dito sa probinsya na ngayon niya lang siguro matitikman.
Doo'y sandaling nabaling ang tingin ni Inang sa mga dala namin.
"Ano iyang mga dala ninyo?"
"Ah, binilhan po ako ng magandang tsinelas ni Fritzy, inang!" masayang sabi ko.
"At kayo rin po ay binilihan ko ng magandang damit, tiyang." Napangiti naman si Inang at nasa ganoong sitwasyon kami nang dumating si Amang na hinihingal.
Agad siyang nilapitan ni Inang at pinunasan ang mga pawis nito. Kapagkuwa'y hinalikan siya ni Amang sa noo tanda ng kanilang pagmamahalan.
Salu-salo kaming kumain at talaga namang namangha si Fritzy sa ginataang alimango na inihain ni Inang sa amin. "Ang sarap naman nito! Hindi nagluluto ng ganito ang katulong namin, e," wika ni Fritzy.
"Gano'n ba, Pritzy, hayaan mo't ipaglulut ulit kita niyan bagl ka bumalik sa Maynila," masayang wika ni Inang.
"Talaga po? Sige po, tiyang!"
Pagkatapos namin kumain ay pinakain ko na rin si Mikee at ako na ang naghugas ng aming mga pinagkainan.
Alas dos na ng hapon at kasalukuyang nagpapahinga sina Amang, Inang at ang pinsan kong si Fritzy habang ako ay hindi dinadalaw ng antok. Kaya naman dahan-dahan akong naglakad papalabas upang hindi magdulot ng kahit na anong ingay. Isinama ko na rin si Mikee dahil siya lang ang nakakapagtanggal ng takot ko sa baboy ramo na minsan nang umatake sa akin.
Ilang minuto lang ang lumipas nang makarating ako sa aking paboritong lugar. Animo'y nilalasap ang sariwang hangin maging ang nagtutunugang mga kuliglig, pati na rin ang pagdaloy ng tubig mula sa ilog. Mahaba ang ilog kung kaya't abot iyon hanggang sa likuran ng aming tahanan.
Sa aking pagmumuni-muni sa lugar na ito, kung saan ay binabalik-balikan ang unang beses na nakilala ko si Kyru ay hindi ko namalayan na namamasa na ang mata ko.
Umiiyak ako?
Maya-maya pa'y nakaamoy ako ng bulaklak ng sampaguita na talagang humahalimuyak sa taglay nitong amoy.
"Kung kailangan kong punasan ang iyong kamay ay gagawin ko, tanggapin mo muna ito." Halos lumundag ang puso ko sa tuwa nang makilala ang pamilyar na boses na iyon. Animo'y naghatid iyon ng buhay sa aking matamlay na kabuuan.
At nang magtama ang mga mata namin ay tinanggap ko ang hawak niyang kumpol ng sampaguita na kanina lang ay aking naaamoy.
"Meow." Narinig kong huni ni Mikee.
"Oo, Mikee, nandito nga si Kuya Kyru mo," nakangiti kong sabi. Pagkasabi ko no'n ay nabigla ako nang punasan niya ang luha ko sa mata.
"Kung ano man ang dahilan ng iyong luha ay isipin mo na lang na nandito ako para punasan 'yan, magandang binibini." Hindi ko alam pero ang mga salitang iyon ay nagdulot ng kapayapaan sa puso ko. Sana palagi na lang siyang nandito. Sana normal lang na makita siya nina Amang at Inang gayong bukod-tangi ang kaniyang katangian. Ang kaniyang kasuotan kasi ay sadyang kakaiba, na parang palagi siyang makikipaglaban at mas nakadagdag pa ng kag'wapuhan sa kaniya ay ang kaniyang mahabang buhok.
"Ilang araw akong nagbakasakali na muli kitang makikita, Kyru.." Napangiti siya sinabi ko at agad na kinuha ang nakatagong gitara sa ilalim ng malaking bato na inuupuan namin.
"Na-miss mo ba ang isang tulad ko?" Animo'y nagpa-cute pa siya sa harapan ko gamit ang pagpikit-pikit ng kaniyang mata.
"Ha? Hindi ah.. Ah-- maaaring tama ka pero ang tanging na-miss ko ay ang pangyayaring ganito." Napangiti siya lalo at umusog mula sa pagkakaupo papalapit sa akin.
Nagsimula na naman niyang laruin ang kurdon ng gitara at naghatid na naman iyon ng isang magandang musika.
?
"Gusto kita
Sa puso ko'y ikaw lang ang mahalaga..
Pilitin mang limutin ka ay hindi ko magagawa..
Parang alipin mo ang isip at damdamin ko..
Gusto kita
Pagkat ang kilos mo'y sadyang ibang-iba
Mahinhin at malambing pa, katangiang 'di mo sadya
Kahit sa-bihin na mali ako
Alipin mo o bihag mo, ako'y iyong-iyo
Kung pag-ibig ang pag-uusapan
Di ko na ililihim pa
Ang damdamin ko sa 'yo
Sa akin ay gusto kita
Kahit sa-bihin na mali ako
Alipin mo o bihag mo, ako'y iyong-iyo
Kung pag-ibig ang pag-uusapan
Di ko na ililihim pa
Ang damdamin mo sa 'yo
Sa akin ay gusto kita." Napakurap ang mata ko sa huling salita sa kanta na tila binigkas niya habang nakatingin siya sa mga mata ko.
Lalong bumilis ang t***k ng puso ko..
"Gusto kita, Fyane." Parang lalong nagkarerahan sa pagtibok itong puso ko..
At habang dinadama ko ang simoy ng hangin ay hindi ko nalamayan na naluluha na ako.
Hindi ko akalain na sa maikling panahon na makikilala namin ang isa't isa ay magugustuhan niya ako.
Kasabay nang pag-agos ng tubig sa ilog, ang malakas na simoy ng hangin, ang mga huni ng ibat-ibang uri ng hayop at insekto ay ang malakas na pagpintig ng puso ko na walag ibang sinisigaw kundi..
"Gusto rin kita, Kyru."
Para akong nabuhusan ng malamig na tubig nang sambitin ko iyon. Natulala kami sa isa't isa. Parehong hindi nakapagsalita habang nakatitig sa isa't isa.
At sa hindi inaasahang pagkakataon ay maririnig ko ang pangalan ko na tinatawag ng pinsan kong si Fritzy. Napalinga ako roon at patakbo siyang lumapit sa akin habang ako ay hindi mawala ang kaba sa dibdib dahil tiyak na nakita niya na si--
At natigilan ako nang makitang wala na si Kyru sa tabi ko.