Chapter 2

1198 Words
ISANG LINGGO ang lumipas subalit hindi ko na nga muling nakita pa si Kyru matapos ang pag-uusap na 'yon. Araw-araw akong palihim na nagtutungo sa kagubatan kasama si Mikee na aking alagang pusa. Hindi ko akalain na iyon na pala ang huling beses na makakausap ko siya. Pero bakit ba bigla siyang nawala? Kung kailan pumayag na ako na maging kaibigan siya ay saka naman siya naglaho na parang bula. Sa isang linggo na iyon ay wala akong ibang ginawa kundi ang tumulong kay Inang na maglako ng kakanin sa mga karatig-bayan, pero hindi naman ako naiinip sa tuwing hindi ako sumasama sa kaniya dahil kasa-kasama ko ang aking pinsan magdarang ng dahon ng saging, kakarating lang niya galing Maynila. Siya si Fritzy, kagaya ko ay nag-iisang anak lang din siya at nagpasyang magbakasyon dito sa probinsya. Subalit malayo ang agwat ng aming buhay sa kanila, sapagkat galing siya sa mayamang pamilya. Kasalukuyang namimili ngayon si Inang sa bayan, kung saan ay halos ilang kilometro ang layo sa amin, kasama niya ang aking pinsan na si Fritzy, habang si Amang naman ay nagsasaka sa may sakahan kung kaya't kaming dalawa lang ni Mikee ang naiwan dito sa bahay. Walang anu-ano'y tinahak ko ang kagubatan. Maririnig ang mga huni ng mga ibon na masayang nagliliparan, maging ang ilang insekto. Napakaganda pagmasdan ng mga bulaklak na namumukadkad, ang agos ng tubig na nagmumula sa ilog ay sadyang agaw atensyon din sa akin. Sa bawat pag-apak ko ay maririnig ang pagtunog ng mga dahon na nalaglag mula sa puno kung kaya't kahit sinong magpunta roon ay matutunugan ko ang pagdating. Mabilis akong nakarating ng kagubatan kasama si Mikee at nang matanaw ko na ang aming tambayan ay biglang napahuni si Mikee sa bandang likuran namin kung kaya't napalingon ako. At halos manlaki ang mata ko nang makita ang galit na galit na mukha ng isang baboy ramo. Ngayon lang ako nakakita ng isang baboy ramo sa buong buhay ko dahil naririnig ko lamang sila sa mga kuwento-kuwento. Hindi ko magawang tumitig ng matagal sa baboy ramo kahit na medyo malayo ang distansya namin sa kaniya pero nararamdaman ko na ang takot sa aking sarili. Kaya hindi maiwasang manginig ng mga kamay ko at ma-istatwa mula sa pagkakatayo. Doo'y napahigpit ako nang pagkakahawak kay Mikee. "H-huwag mo kaming sasaktan. P-pakiusap." Subalit lalo akong kinabahan nang umamba siyang palapit sa amin. Inilapag ko na muna si Mikee sa lupa at binulungan, "Pagbilang kong tatlo, tumakbo ka na. Isa.. dalawa.. tat-- Ahhhhhhh!" Kumaripas ako ng takbo at maging si Mikee. Mabilis ang pagtakbo ng baboy ramo at mabilis din ang pagtakbo ko. Nang wala na akong makitang lagusan ay naisipan kong umakyat sa may puno subalit-- napatid ako ng bato. Pinilit kong makatayo habang kitang-kita ko ang mabilis na pag-atake sa akin ng baboy ramo. Hindi ko alam kung bakit galit siya sa magandang katulad ko. Napapikit na lang ako at dumalangin na sana ay walang mangyaring masama sa akin. "Ahhhh! Tulong!" Halos tawagin ko na ang lahat ng Santo dahil sa pag-atake niya sa akin. Naramdaman ko ang pagdagan niya sa katawan ko subalit natigilan ako nang biglang umungol siya sa sakit. Napabangon ako mula sa pagkakahiga nang masilayan ang lalaking may hawak na pana na siyang tumama sa baboy ramo. Sa sandaling iyon ay agad ko siyang nakilala nang tanggalin niya ang panyo na nakatakip sa kaniyang mukha. Nagbalik siya. "Kyru?" Napatakbo ako sa kaniya dahil sa sobrang saya. Hindi ko alam kung paano ako magpapasalamat sa pagliligtas niya sa buhay ko. "Ayos ka lang ba, binibini?" Halos mapatulala ako nang bumuka ang kaniyang bibig dahil sadyang nakadadagdag iyon sa kaniyang kag'wapuhan at kaniyang katapangan. "Ayos lang ako. S-salamat." "Karapatan kong iligtas ang isang dilag na tulad mo." Napalunok ako sa sinabi niya. Napaiwas siya ng tingin nang hindi ako makapagsalita at napatingin ako sa kaniyang kamay nang ilahad niya ito sa aking harapan. "Humawak ka sa akin, binibini. Doon tayo maupo at gagamutin ko ang sugat na natamo mo." At kahit hindi pa rin ako makapaniwala na nandito siya sa harapan ko ngayon ay humawak na rin ako sa kaniyang kamay at nabigla ako nang hilahin niya ako at magawang buhatin. "Masama para sa'yo ang maglakad ng malayo lalo pa't pagod ka sa kakatakbo," seryosong aniya kaya napatingin na lang ako sa kaniya. Amoy na amoy ko ang kaniyang mabangong hininga habang nagsasalita. Tumambay kami sa kung saan kami unang nagkakilala, sa kuwadradong bato na paborito kong tambayan dito sa kagubatan. "Bakit kasi naggagala ka ng ganitong oras?" Oo nga pala at tanghaling tapat ngayon. Para siyang boy scout na palaging handa dahil may dala siyang dahon ng bayabas at iyon ang ipinahid niya sa sugat kong natamo dulot nang pagkakadapa kanina. "Naiinip kasi ako sa bahay, wala akong ibang kausap kundi si Mikee, hala-- teka! Nasaan na ba 'yun si Mikee." Lumingon ako sa paligid subalit wala akong nakitang anino ni Mikee. Maya-maya pa ay medyo humupa na ang sakit kung kaya't hindi ko na iyon masyadong ininda. Tahimik lang kaming nakaupo at tanging maririnig lang ay ang mga huni ng mga ibon at mga insekto. "Bakit pala matagal kang nawala?" pagsisimula ko ng usapan dahilan para mapalingon siya sa akin. "May inasikaso lang," matipid niyang sabi. "Nga pala, bakit pala wala kang naaalala? Naaksidente ka ba?" Napahinga siya ng malalim bago nagsalita, "Ang totoo niyan ay hindi ko talaga alam at kung saan ko natamo ang aking peklat sa noo." Sandali akong napaisip sa sinabi niya. Totoo ba kaya ang sinasabi niya? Magtatanong pa sana ako ang kaso ay inunahan niya na ako na magsalita, "Ah, nga pala may ipaparinig ako sayong kanta." May kung ano siyang kinuha sa ibaba ng malaking bato na inuupuan namin at nanlaki ang mata ko nang makita ang isang napakagandang gitara. "Sa'yo 'yan?" Napangiti siya at tumango. "Dito ko ito iniiwan dahil madalas naman ako rito." Madalas? Pero bakit ngayon ko lang siya nakilala? Napatulala ako sa kaniya nang simulan niyang laruin ang kordon ng gitara at marinig ang magandang tono na ibinuga nito. At dahan-dahan na napasunod ako sa liriko ng kanta. ? Magkalayong agwat, gagawin ang lahat, Mapasayo lang ang pag-ibig na alay sa'yo, Ang awit kong ito, ay alay ko sa'yo Kahit nandiyan ka pa, kahit marami diyang iba.. Kahit na'san ka man, 'di ka papalitan, Nag-iisa ka lang kahit langit ka at lupa ko ang bituin ay asking dadamhin, Pag naiisip ka, sabay tayong mag-niningning.. Bawat pagbuka ng bibig niya ay nakatingin lang siya sa mga mata ko. Kasabay ng tono ng kanta na sadyang napakagandang pakinggan. Ang bawat liriko sa kanta ay tila may kahulugan sa bawat pagtitig niya sa aking mata. Isa ba itong panaginip? Hanggang sa matapos ang kanta ay napalunok ako ng paulit-ulit dahil hindi nawala ang pagtitig niya sa mga mata ko. Medyo nakakailang pero parang nagugustuhan ko. At unti-unti kong naintindihan kung bakit pinagtagpo kami sa lugar na ito. Isa siyang mabuting tao na hindi sinasadyang nahusgahan ko noon. At doo'y napatulala ako sa sumunod na sinabi niya, "Masaya ako dahil pinayagan mo akong maging parte ng buhay mo, Fyane." Pakiusap, ayoko na siyang mawala ulit, dahil masaya na ako sa kaniyang pagbabalik.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD