"CRAYON, are you sure about this?"
Nakangiting umikot si Crayon sa harap ni Riley. Pagkatapos ng mahabang panahon, ngayon niya lang uli nasuot ang uniform ng high school division ng Empire University. Simpleng long-sleeved white blouse iyon na may pulang ribbon at chequered brown skirt na hanggang sa ibabaw ng mga tuhod niya. Knee-length black socks naman ang gamit niya.
Bahagyang natigilan si Riley habang nakatitig sa kanya. Napabuntong-hininga ito. "You look so cute, Crayon. I think I just fell in love with you more."
Tumikhim siya para ikubli ang sayang nararamdaman niya. "Bagay din sa'yo 'yang suot mo."
Pinasadahan niya ng tingin ang suot ni Riley. He was wearing white polo with red necktie, plaid brown pants and black leather shoes. Nakapamulsa pa ang mokong kaya ang cool nitong tingnan ng mga sandaling iyon.
Napangiti si Riley. "Masaya ako dahil ngayon ko lang naranasan ang magsuot ng high school uniform."
"Na-miss mo ang high school life mo. Nakakalungkot 'yon."
Iyon ang dahilan kung bakit nagpatahi siya ng gaya ng uniform ng high school division ng Empire U para sa kanila ni Riley. Gusto niyang maranasan nito kung paano maging high school student kahit isang araw lang. Sa dami ng nagawa ni Riley para sa kanya, gusto niyang bumawi dito kahit sa maliit na paraan lang.
"Ginagawa mo 'to para sa'kin?" nakangiting tanong ni Riley.
Inirapan niya ito saka siya napatiuna na sa paglalakad. "Na-miss ko lang magsuot ng uniform 'no."
Pabirong binunggo ni Riley ang balikat niya nang umagapay ito ng lakad sa kanya. "Thank you for doing this for me, Crayon. Kaya mahal kita, eh."
Natawa lang siya dahil kinilig siya. "Mag-tour na lang tayo sa high school division ng Empire."
Walang permiso ang "tour" nila ni Riley. Taga-Empire sila at may ID sila kaya madali silang nakapasok sa high school division. Ngayon niya lang nagawang sumuway sa batas ng unibersidad nila, pero himbis na matakot at kabahan ay na-e-excite pa siya.
Pasimple silang naki-sit in sa klase ng may klase. Impit na napapatili ang mga dalagita habang nakatitig kay Riley. Hanggang pala sa high school division ay sikat ang binata. Sinenyasan niyang tumahimik ang mga bata para hindi sila mapansin ng teacher na abala sa pagsusulat sa blackboard.
Riley chuckled. "Natakot sa'yo 'yong mga bata," bulong nito.
Tinapunan niya ng masamang tingin si Riley, pero natigilan siya nang makita kung ano ang ginagawa nito. Nakatingin si Riley sa blackboard habang sinusulat sa composition notebook nito ang lecture. He looked cute doing that.
Nilingon siya ni Riley. "Hindi ko naranasang magsulat ng lecture sa notebook dahil computer lang ang kaharap ko habang nagho-home study ako. Iba pa rin pala kapag blackboard ang nasa harap mo."
Napangiti lang siya. Para itong bata, cute at inosente.
Sa susunod na klase na pinasukan nila ay pinilit niyang ngumiti ng madalas habang nakikipag-usap sa mga bata para hindi "matakot" ang mga ito sa kanya. Napansin niyang bigla na lang siyang napaligiran ng mga binatilyo na gustong makipagkilala sa kanya.
Hinampas ni Riley ang kamay nito sa mesa, pagkatapos ay hinawakan siya sa kamay at hinila palabas ng classroom. Natawa lang siya. Malamang ay nagselos ito dahil sa mga binatilyong ayaw siyang lubayan.
Sunod nilang in-invade ang laboratory room kung saan gumagawa ng experiment ang mga estudyante. Sinuotan siya ng laboratory coat ni Riley, at gano'n din ito. Naka-face mask sila kaya madali silang naka-blend sa klase ng walang nakakakilala sa kanila.
Napangiti siya habang pinapanood si Riley na naghahalo ng chemical sa cylinder. Nangingislap kasi ang mga mata nito. Malamang ay ngayon lang nito naranasan iyon dahil kahit genius ito, iba pa rin 'yong paggawa ng chemical kaysa sa pagsagot lang ng problem sa textbooks.
Masyado siyang nalibang sa pagtitig kay Riley kaya nakalimutan na niya ang tungkol sa experiment niya. Umapaw ang pinapakulo niyang chemical sa test tube. Nang mapaso siya ay nabitawan niya ang test tube holder na sanhi ng pagkabasag ng bote.
"Crayon! Are you okay?" nag-aalalang tanong ni Riley. Tinanggal nito ang face mask nito at ang gloves nito, bago hinubad ang gloves niya para inspeksyunan ang kamay niya.
"Okay lang ako, Riley," sagot niya habang tinatanggal ang face mask niya.
"Who are you? Hindi ko kayo estudyante!" tila galit na sigaw ng professor.
Nagkatinginan sila ni Riley. Hinawakan ni Riley ang kamay niya at mabilis siyang hinila palabas ng lab. Natawa sila habang tumatakbo dahil hinahabol pa rin sila ng galit na galit na professor. Nagtawag pa ito ng guwardiya. Pero dahil matanda na ang guro, mabilis nila itong naiwan.
Pumasok sila sa music room at ni-lock iyon para do'n pansamantalang magtago. Bakante ang music room.
Tinukod ni Riley ang mga kamay nito sa mga binti nito. Habol nito ang hininga nito. "Ngayon lang uli ako tumakbo ng ganito."
Sumandal naman siya sa pader. Habol din niya ang hininga niya. "Ako rin. Nakakapagod."
Tumayo ng diretso si Riley at namaywang. Pinitik nito ang noo niya. "Kasalanan mo 'to."
Hinimas niya ang nasaktan niyang noo. "Hey! Ikaw ang nagturo sa'kin nito. It's healthy to do crazy things once in a while."
Tumaas ang kilay nito. "Crazy thing such as sneaking in other classes without permission?"
Humalukipkip siya. "Admit it, it's fun."
Matagal siyang tinitigan ni Riley. Mayamaya ay tumawa ito. Buhay na buhay ang tawa nito. "Ngayon lang uli ako naging ganito kasaya, Crayon." Pinunasan nito ang pawis sa noo niya gamit ang mga daliri nito. "Thank you."
Simula pa noon ay si Riley na ang nagpapasaya sa kanya. Iba pa rin pala ang pakiramdam ngayong siya naman ang nagpapasaya rito. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niya pero sigurado siyang mas masaya siya ngayong nakikita at naririnig niya ang buhay na buhay na pagtawa nito. Lalo yatang nahulog ang loob niya sa binata.
Umungol si Riley. "Crayon, 'wag mo kong titigan ng ganyan. Baka..."
"Baka mahalikan mo ko?"
Umiling-iling ito. "Lumabas na nga tayo."
"Kiss me, Riley."
Ngumiti si Riley, pero bahagyang nakakunot ang noo nito. "Don't tease me, Crayon. Papatulan ko talaga 'yang hamon mo."
"Kiss me," ulit niya, mas mariin.
Naging seryoso bigla si Riley. Tumingin ito sa mukha niya, pagkatapos ay sa mga labi niya. Napalunok ito. Muli, tiningnan siya nito sa mga mata. Tumango siya na para bang inuudyok ito na halikan siya.
Lumapit sa kanya si Riley. Ikinulong nito ang mukha niya sa mga kamay nito. Pinaglandas nito ang tungki ng ilong nito sa noo niya hanggang sa pisngi niya bago ito bumulong sa kanya. "Bakit gusto mong halikan kita, Crayon?"
Naglakas-loob na siyang tumingin sa mga mata ni Riley. "Riley, mahal na kita."
Instead of being surprised, he looked relieved instead. "Akala ko, wala ka nang balak sabihin ang mga salitang 'yan, Crayon. What will I not give to hear you say those three sweet words?" Bumaba ang tingin nito sa mga labi niya. "I won't holdback now."
Ipinikit niya ang mga mata niya nang unti-unting bumaba ang mukha ni Riley sa kanya. Nang lumapit ang mga labi nito sa mga labi niya, pakiramdam niya ay nakalimutan niya ang lahat-lahat, kasama na ang nakaraan niya. Ang tanging nararamdaman niya lang ay si Riley – ang mga halik nito, ang amoy nito, ang kamay nito sa pisngi at baywang niya at ang tunog ng t***k ng puso nito.
"Akin ka na, ha?" Riley whispered after their kiss.
Nakangiting tumango siya. "Sa'yo na ko, Riley. Sa'yo lang."
***
NAKAUPO si Crayon sa bumper ng kotse ni Riley habang hinihintay ang binata. Kinuha lang nito ang mga gamit nito sa Art Room.
Napangiti siya habang inaalala ang nangyari sa kanila ni Riley sa buong maghapon. Sa wakas, nagawa rin niyang sabihin kay Riley ang nararamdaman niya para rito. Naroon pa rin ang takot sa puso niya. Pero sa ngayon, ang gusto niya munang isipin ay ang kaligayahan nilang dalawa.
"Hoy! Bakit may eshtudyante pa rito?"
Napapiksi siya nang marinig ang nagsalitang iyon. Nalingunan niya ang isang lalaking teacher. Sa tantiya niya ay nasa edad fourty mahigit na ito. Kung tama ang pagkakatanda niya, PE teacher ito ng high school division, pero hindi niya ito naging guro noon. Babae ang PE teacher niya noon.
Hinawakan niya ang braso niya nang maramdaman niya ang panginginig ng buong katawan niya dala ng takot. Humakbang na rin siya paatras. "P-pasensiya na. P-paalis na kami."
Naglakad pa rin ang lasing na guro papunta sa kanya. "Hindi na dapat tumatambay ang mga bata sa ganitong orash! Hala! Anong pangalan at shection mo?"
Napagkamalan yata siya nito bilang isang high school student. Dala ng takot ay basta na lang niyang tinalikuran ang guro pero dahil nanginginig ang mga kamay niya, hindi niya mabuksan ang pinto ng passenger side.
"Kinakaushap pa kita!"
Napasigaw siya nang hinawakan siya ng guro sa balikat niya. Lalong lumakas ang panginginig ng buo niyang katawan. Napaupo siya sa kalsada at niyakap ang sarili niya. Isa-isa nang nanumbalik sa kanya ang masasakit na ala-ala niya noong bata pa siya...
Muli niyang nakita ang PE teacher niya noong nasa huling taon siya ng elementarya. Nasa gym sila noon, silang dalawa lang. Naglalakad ito palapit sa kanya habang paatras naman siya ng paatras hanggang sa bumunggo ang likod niya sa pader.
"Huwag... please..." Naramdaman niya ang pagpatak ng mga luha niya. Nang tangkain uli ng lasing na guro na lapitan siya ay napapikit siya at napasigaw ng malakas. Tinakpan niya ng mga kamay niya ang mga tainga niya. "Huwag!"
"Crayon!"
May narinig siyang malakas na kalabog. Nang imulat niya ang mga mata niya, nakita niyang nakabagsak na sa sahig ang guro, duguan ang bibig. Pagkatapos ay lumuhod si Riley sa harap niya, at kinulong ang mukha niya sa pagitan ng mga kamay nito. Kahit alam niyang si Riley ang nasa harapan niya, tila ba nagkaroon ng sariling buhay ang katawan niya at iniwas niya ang mukha niya rito at umusad siya palayo rito. Hindi pa rin kasi nawawala ang masasamang imahe sa isipan niya.
"Crayon! I'm here. This is Riley!"
Niyakap niya ang sarili niya para makontrol niya ang panginginig ng katawan niya. Wala pa ring tigil sa pagpatak ang mga luha niya. "L-Logan. C-call Logan. P-please."