HINDI mapakali si Riley dala ng sobrang pag-aalala kay Crayon. Nang makarinig siya ng sigaw kanina, dali-dali siyang bumalik sa parking lot. Nakita niyang nakaupo sa kalsada ang dalaga habang nakasandal sa kotse niya. Nanginginig ang buong katawan nito no'n at kitang-kita niya ang matinding takot sa mga mata nito kahit nakatayo lang sa harapan nito ang guro. Still, he punched the teacher, knowing that he did something that frightened her.
Nang damputin ng mga guwardiya ang lasing na guro at dalhin sa pulisya, no'n niya nalaman na kakasibak lang sa walanghiyang 'yon sa trabaho dahil madalas ay nahuhuli itong umiinom ng alak sa loob mismo ng unibersidad.
Hindi pa rin niya alam kung anong eksaktong nangyari kay Crayon dahil hindi na siya nito kinausap. Si Logan lang ang pinapakinggan nito. At iyon ang mas masakit para sa kanya. Bumalik ang dating Crayon na kay Logan lamang umiikot ang mundo.
Agad siyang napatayo ng bumukas ang pinto ng pribadong kuwarto ni Crayon sa ospital na iyon at iluwa niyon si Tita Catelia, ang ina ng dalaga.
"Tita Catelia, kumusta na ho si Crayon?" nag-aalalang tanong niya.
Bumuntong-hininga si Tita Catelia. "Hijo, mabuti na ang pakiramdam ng anak ko. Hinahanap ka niya. Puwede ka nang pumasok sa loob."
Nilakasan na niya ang loob niya para magtanong. "Tita, pasensiya na ho sa itatanong ko pero ano ho ba talaga ang nangyari kay Crayon? Kakaiba kasi ang ikinilos niya kanina."
Dumaan ang sakit sa mga mata ng ginang. "Riley, hayaan mong ang anak ko ang sumagot niyan. Sa tingin ko, handa na siyang magtapat sa'yo." Hinawakan siya nito sa balikat. "Anuman ang malaman mo, tandaan mong siya pa rin ang Crayon na minahal nating lahat."
With one last sad smile, she started to walk away. Lalo siyang kinabahan dahil sa mga sinabi nito. Kumatok muna siya at nang marinig niya ang boses ni Crayon, saka siya pumasok sa kuwarto. Nasaktan agad siya sa sumalubong sa kanya: magkayakap sa kama sina Crayon at Logan.
Tumikhim siya. Itinago niya muna sa kasuluksulukan ng puso niya ang pagseselos niya. "Crayon, mabuti na ba ang pakiramdam mo?"
Tumingin si Crayon kay Logan.
"Nasa labas lang ako. Call me if you need me," masuyong sabi ni Logan, saka hinalikan sa noo si Crayon.
Pakiramdam ni Riley ay naglahong parang bula ang lahat ng ginawa niya para mapalapit kay Crayon. Tila ba bumalik ang malaking distansya sa pagitan nila ng dalaga ngayong nakikita niya kung gaano talaga ito kalapit kay Logan.
Tinapik siya ni Logan sa balikat pagdaan nito sa kanya. Tumango lang siya. Paglabas nito ng kuwarto ay umupo siya sa gilid ng kama, sa tabi ni Crayon.
Crayon sighed and wrapped her arms around his waist. "Riley."
Awtomatikong niyakap niya ito at hinalikan sa tuktok ng ulo nito. "What's wrong, baby? Sinaktan ka ba ng gagong teacher na 'yon?"
Umiling ito. Napansin niyang mas humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. "Wala siyang ginawang masama sa'kin. May naalala lang ako kaya ako nagkagano'n kanina."
Napansin niya ang tensiyon ng dalaga na lalong nagpakaba sa kanya. "Anong naalala mo, Crayon?"
"Riley, mahal mo ba ko?"
Kunot-noong sinalubong niya ang tingin nito. Nagtaka siya sa matinding takot na nababasa niya sa mga mata nito ng mga sandaling iyon. "Oo naman, Crayon. Mahal kita."
"Matatanggap mo ba ang lahat-lahat sa'kin?"
Tumango siya. "Oo, matatanggap ko."
Malungkot na ngumiti ito. "Huwag mo munang sabihin 'yan. Riley, masama ang trato ko sa'yo noon dahil gusto kong lumayo ka sa'kin. Alam mo kung bakit?"
Umiling na lang siya. Lalo na siyang kinakabahan sa mga nangyayari.
"Pilit kitang tinataboy noon dahil alam kong posible akong mahulog sa'yo. Takot pa ko no'n na magkagusto sa'yo dahil naniniwala ako na hindi mo ko matatanggap. Buong buhay ko, naniwala akong si Logan lang ang makakatanggap sa'kin at sa nakaraan ko. But your love changed me. Dahil sa'yo, unti-unting bumalik ang tiwala ko sa sarili ko. Nagpapasalamat ako at minahal mo ko, at sana mahalin mo pa rin ako matapos mong malaman ang sekreto ko." Bigla na lang pumatak ang mga luha ni Crayon. "Riley, I was molested by my PE teacher when I was twelve."
Nanlamig ang buong katawan ni Riley sa mga sinabi ni Crayon. Para siyang pinasabugan ng bomba sa magkabilang tainga. Pakiramdam niya, tumigil sa pagtibok ang puso niya.
Yumugyog ang katawan ni Crayon. Umiiyak na ito habang ipinagpapatuloy nito ang pagkukuwento. "He was a pedophile and he was drunk when he... when he..." Umiling-iling ito. "He was our adviser then. Mabait siya kaya hindi ko inakalang magagawa niya 'yon sa'kin. Dinala niya ko sa gym. Walang ibang tao do'n at do'n niya ginawa sa'kin 'yon. H-he touched me... P-pinaglaruan niya ko ng parang isang manika..."
Naramdaman ni Riley ang pagpatak ng mga luha niya. Bukod sa masyado siyang nasasaktan sa mga ikinukuwento ni Crayon, bumabalik din sa isipan niya ang sarili niyang multo ng nakaraan. Mariing pumikit siya at nakita niya sa isipan niya ang maaaring kadugtong ng kuwento ni Crayon.
Nanginginig ang buong katawan ng labindalawang taong gulang na si Riley habang pinapanood ang nangyayari sa loob ng gym. Nagpunta siya ro'n para sana mag-practice ng basketball pero nagimbal siya sa nakita niya.
Isang lalaking teacher, hinuhubadan ang isang batang babae na sa tantiya niya ay kasing edad niya lang. The little girl was shaking in fear. Narinig niyang nagsasalita pa ang guro na animo'y nakikipag-usap sa manika habang binibihisan nito ang bata. Gusto niya itong tulungan. Gusto niya talaga. Pero hindi siya makagalaw, hindi siya makatakbo para humingi ng tulong. He was scared.
Dumako ang tingin ng bata sa kanya. Kumislap ang munting pag-asa sa mga mata nito.
"Help me... please..." pagmamakaawa ng batang babae sa kanya.
Lumingon sa kanya ang guro. Kilala niya ito dahil PE teacher ito ng klase nila. Lumapit sa kanya ang matanda at hinawakan siya sa kuwelyo.
"Hoy, Domingo! Kapag nagsumbong ka, papatayin ko ang nakababatang kapatid mong si Connor! Papatayin ko rin ang mommy at daddy mo!" pagbabanta nito bago siya nito hinagis.
Nagkandakumahog siya sa pagtayo at tumakbo ng mabilis. Muli siyang lumingon sa loob ng gym. Kasalukuyan nang sinasara iyon ng guro. Nakita niya pa ang mukha ng batang babae na umiiyak bago tuluyang sumara ang pinto. Narinig niya ang pag-lock niyon.
"He undressed me, pagkatapos ay binihisan niya ko ng kung anu-anong damit. He's a pervert. I-I was so scared then. If Logan didn't came with the school guards, that perverted teacher could have taken it further and he could have raped me. Logan's our class president then. Ang sabi niya no'n, may bata daw siyang nakita at sinabing may nangangailangan ng tulong sa gym kaya nagpasama siya sa mga guwardiya. He saved me."
Muling bumuhos ang mga luha ni Riley. Kung gano'n, si Logan pala ang batang iyon na unang nakakita sa kanya no'ng nagtago siya sa pagitan ng dalawang vending machine sa labas na takot.
"Bata, anong ginagawa mo d'yan?" tanong ng isang batang lalaki.
"G-gym... h-help her..."
"Ha?"
"Just go to the gym and help her!" sigaw niya. Pagkatapos niyon ay niyukyok niya ang ulo niya sa mga tuhod niya. When his parents found him later that afternoon, he was already in shock.
"I was in shock after what happened. I became a shut in. Hindi na ko pumasok sa school dala ng matinding takot," pagpapatuloy ni Crayon. Umiiyak pa rin ito. "Isang buong taon akong hindi lumabas ng bahay. Sa mga panahong iyon, bukod kay Antenna ay araw-araw din akong binibisita ni Logan no'n. Kahit hindi ko siya kinakausap, parati pa rin siyang nariyan. Dahil sa kanya, unti-unti kong nalagpasan ang trauma ko. Gayunman, inabot ako ng isa pang taon bago nila ako nakumbinsi na muling pumasok sa eskwelahan. May takot pa ko no'n, lalo na sa mga lalaking teacher. Pero dahil araw-araw ay hatid-sundo ako ni Logan, unti-unting bumalik sa normal ang buhay ko."
Hindi alam ni Riley kung anong mas masakit. Ang mga nalaman ba niya sa nakaraan ni Crayon, o ang pagkakadiskubre niya kung gaano kalalim ang pagkakaibigan nina Crayon at Logan. Naiinggit siya kay Logan. Nagawa nito ang bagay na tinakasan niya noon – ang pagliligtas kay Crayon.
Namayani ang katahimikan sa pagitan nila ni Crayon. Mukhang tapos na itong magkuwento.
Niyakap niya si Crayon ng mas mahigpit. "Crayon, saan ka pumasok ng elementary?"
"St. Francis."
Mariing pumikit siya. They went to the same elementary school. Nakumpirma niya ang kinatatakutan niya: si Crayon nga ang batang babae na iyon na hindi niya natulungan noon.