"Blessed is the man who endures temptation; for when he has been approved, he will receive the crown of life which the Lord has promised to those who love Him.
Let no one say when he is tempted, "I am tempted by God"; for God cannot be tempted by evil, nor does He Himself tempt anyone."
James 1:12-13
~
Naghahalo ang liwanag at dilim sa paligid. Naririnig ko ang ilang panaghoy ng mga insekto sa kakahuyan at halos manginig ang kalamnan ko sa lamig ng hanging humahaplos sa pisngi ko. Bukang-liwayway ng ika-6 ng Abril sa taon ng daga. Isang panibagong araw para sa aming nanghihikahos.
Inilapit ko pa ng husto ang suot na dyaket at tinahak ang daan papunta sa kakahuyan. Patungo ito sa tuktok ng bundok ng Mantalongon na pinaniniwalaang pugad ng mga rebelde at mangangaso. Hindi pinapayagan ng mga nakakatanda ang kabataan sa pag-akyat pero dahil wala nang makain sa ibaba, naghahanap na kami ng pagkain sa itaas.
"Gukyo, itaas mo pa ang ilaw."
Nagkaroon ng liwanag ang daan sa harap. Napatingin ako kay Gukyo, pinsan ni Ate Fey, habang kinakalikot nito ang kinuhang headlight ng kotse.
"Baka maalerto ang iba," babala ko.
Nagkibit-balikat si Gukyo at tinuro si Aling Bebang. "Sabi niya, itaas ko."
Bumaling naman si Aling Bebang sa akin at nagdahilan. Pero hindi pa kami nakakalayo ay napahinto kami nang mula sa dakong silangan, bigla na lang tumambad ang laksa-laksang batalyon. Naging mabilis ang kilos ni Gukyo at itinago kami ni Aling Bebang sa likod niya.
"Check them, boys," utos ng isang lalaki.
"Aye, sir!"
Naging isang linya ang mga labi ko nang limang sundalong balot na balot ang lumapit sa amin. Pinalibutan nila kami. Napahawak sa akin si Aling Bebang.
"Anong kailangan niyo?" matigas na tanong ni Gukyo.
Sinenyasan ng isang sundalo ang isa nilang kasama at napahiyaw ako nang hinigit ako ng isang sundalo palayo sa kasama ko. Pati si Aling Bebang ay hinigit nila. Pinaghiwalay nila kaming tatlo.
Itinaas ng isang sundalo ang sa tingin ko ay isang scanner. Napapikit ako nang maglakbay ang mainit na laser sa buong katawan ko. Nang matapos ay tumunog ang scanner. Negative.
"Negative, Sir!"
"Negative rin 'to, Sir!"
"Negative, Chief!"
Binitiwan ako ng sundalo. Napatingin ako kina Gukyo at Aling Bebang. Pinakawalan na rin sila. Bumaling ang tingin ko sa lalaki na tinawag ng sundalo na chief. Matangkad siya at hindi ko masyadong kita ang mukha dahil natatakpan ng isang tela ang ilong at bibig. Idagdag pa na madilim-dilim pa ang paligid.
"Anong ibig sabihin nito?" lakas-loob kong tanong sa lalaking tinawag na chief. Napatingin ang lahat sa akin at kumuyom ang kamao ko.
"Who let you in?" mahinahon niyang tanong pabalik.
Naningkit ang mga mata ko at nilibot ang tingin sa paligid. "Bakit kayo nandito? Anong ginagawa niyo rito?" matigas kong tanong.
Napailing ang lalaki at sinenyasan ang kasamahan na bitbitin kami palayo sa lugar.
"Raid area C. Shoot suspicious one."
"Aye, sir!"
"Sandali! Ano ba? Bitiwan mo ako!" Nagpumiglas ako pero mahigpit ang hawak ng dalawang lalaki sa magkabila kong braso. Nagtagis ang bagang ko at hirap na lumingon. Nakita ko ang lalaking naglakad na pabalik sa pinanggalingan.
"Hoy!" tawag ko. Pero hindi siya lumingon o huminto man lang. Magkalapat na ang ngipin ko sa inis. "Walang makain sa ibaba! Ba't mo kami pinagbabawalang umakyat, ha?!"
Napaigik ako nang puwersahan akong tinulak ng lalaking nakahawak sa akin palampas sa pinto ng tarangkahan na gawa sa kawayan. Napaluhod ako sa lupa. Masama ko silang nilingon pero napabaling ang tingin ko kay Gukyo at Aling Bebang na akmang itutulak din nila.
"Gawin niyo at makakatikim kayo sa akin!" banta ko.
Mukha namang nakinig ang mga sundalo at marahan lang nilang tinulak ang dalawa. Nakahinga ako nang maluwag at pinuwersa ang sariling tumayo. Pinagpag ko ang tuhod at umikhim.
"Sino kayo?" mahinahon kong tanong. Napatingin si Gukyo sa akin dahil sa biglaang pag-iba ng tono ko.
"Squad C. Hindi kayo puwedeng tumapak papasok sa Area C."
"Area C?" halos magkasabay naming tanong ni Aling Bebang.
Tumango ang sundalo. "Mabuti at hindi kayo nagdala ng armas. Pero mas mabuti kung hindi na kayo babalik. Squad C, tara!"
Akmang tatalikod ang sundalo pero pinigilan ko sila. "Anong ginagawa niyo riyan? Ano bang nangyayari, ha?"
"Wala kami sa posisyon para sagutin ang mga tanong mo. Umalis na kayo at 'wag nang bumalik. Sa susunod na makikita namin kayo ay hindi na kami magdadalawang-isip na paputukan kayo," aniya sabay talikod at nagmartsa pabalik sa loob ng Tañedo private property.
Napapikit ako at napabuntong-hinga.
"Mukhang wala nang pagpipilian. Tara sa dating daan?" ani Gukyo.
Napailing na lang ako at nauna nang tinungo ang daan pabalik sa tamang daan paakyat sa bundok. Ang totoo niyan ay gusto kong dumaan sa shortcut, doon sa private property ng mga Tañedo. Hindi ko lang alam na may mga sundalo roon at mukhang nakaalerto ang lahat.
It could be a good or bad sign. Idagdag pa na wala nang naka-ering chanel ng telebisyon. Para bang sinara lahat ng news, pati ang pahayagan ay walang naligaw sa lugar. Natatakot naman ang mga taong lumabas ng Mantalongon dahil sa VV.
"Sa tingin mo, anong balita?" tanong ni Gukyo. Nagkibit-balikat ako. Hindi ko rin alam kung anong nangyayari.
"Kailan matatapos ang gulong 'to?" wala sa sariling tanong ni Aling Bebang.
Hindi na lang ako nagsalita at binaling ang atensyon sa harap. Unti-unti nang lumiliwanag ang paligid. Nakikita ko na ang nagsasayawang mga sanga ng puno at ilang ligaw na d**o sa gilid ng daan. Pero hindi pa rin lumalabas ang araw sa madilim-dilim pa ring langit.
"Pag nakakuha na tayo ng talbos ng kamote, bababa na tayo ng bundok. Kung pagpapalain ay baka makakita tayo ng ligaw na mani o di kaya'y kapayas," sabi ko at hinawi ang lagpas sa tao na ligaw na cogon. Tumapak ako sa isang bato saka lumundag papasok sa taniman ni Aling Roseta.
Halos lanta na ang lahat ng tanim. Naglakad pa kami at lumiko papunta sa pusod ng kakahuyan kung saan nauna nang sinabi ni Aling Roseta na may talbos na kamote na puwedeng makain ng ilang linggo.
Hindi nga nagkamali ang matanda. May mga talbos ng kamote nga, malalago ang dahon at matataba. Tahimik kaming lumuhod at binunot ang mga iyon saka isinilid sa dala naming mga sako. Pagkatapos ay kinarga ni Gukyo ang mga iyon sa kaniyang likod habang kinuha ko naman ang dalawang malalaking langka na nakita ko habang nagbubunot kami ng talbos.
"Kumusta pala si Tiya?" biglang tanong ni Gukyo.
Napabuga ako ng hangin at napatingin sa malayo. "Nagpakatatag. Matapos mamatay ni Lola, hindi na rin siya naglalabas. Sobrang putla na niya."
"Maging maayos sana si Tiya."
"Oo, magiging maayos din siya."
Huminga ako nang malalim. Alam kong magiging maayos lang si Mama. Sa aming pamilya, siya ang pangalawa sa may pinakamatatag na paniniwala sa Diyos. Alam kong malalampasan niya rin ang pagsubok na 'to.
"Bibisitahin ko si 'Nang mamaya. Sama ka?" aya ni Gukyo.
Marahan akong tumango. "Pagkatapos kong magluto ng talbos."
"Uh, Ange?"
"Ano?"
"May sasabihin ako."
"Ano naman?"
Pero wala naman siyang sinabi. Napailing na lang ako at patakbong humabol kay Aling Bebang na nauna na. Nilingon ko si Gukyo at nakita kong binaba niya ang dalawang sako at ginalaw-galaw ang balikat. Napabuntong-hinga ako at naglakad pabalik sa kaniya.
"Akina 'yang isa," sabi ko.
Napangisi siya. "Baka mas lalo kang..."
"Ano?" tanong ko pero alam ko na ang sasabihin niya.
"Moputot."
Napairap ako. "5'5 height ko."
Pero natawa lang siya at muling nilagay sa likod ang dalawang sako. "Hindi naman kasi mabigat. Dahon lang 'to."
"Okay. Bahala ka."
Nauna akong maglakad pero tinawag niya ako. "Hintay naman diyan," nakangiti niyang saad.
Huminto ako at hinintay siya. Sabay kaming naglakad pababa pero hindi ko na matanaw si Aling Bebang.
"Ange."
"Ano?"
"May sasabihin ako."
"Kanina pa 'yan. Ano nga kasi 'yon?"
Narinig ko siyang napabuntong-hinga. "May alam akong daan palabas ng Mantalongon."
Natahimik ako. Alam ko na may mali sa nangyayari at minsan na ring sumagi sa isip ko na lumabas ng Mantalongon. Hindi lang para hanapin si Kuya Arnel, kung hindi pati makita kung ano nang nangyayari sa buong lalawigan at humingi ng tulong sa awtoridad. Kahit pa nakahanap ng pansamantalang pagkukunan ng pagkain, hindi pa rin sasapat sa rami ng mga bibig na pinapakain ng mga talbos ng kamote.
"Saan naman?" bulong ko na alam kong narinig niya.
"Sa Tañedo."
Napatingin ako sa kaniya. "May daan naman pababa ng Mantalongon."
"Hindi ka makakalabas papunta sa sentro. May batalyon doon."
Dahil hindi ako nakatingin sa daan ay muntik na akong matisod sa isang matulis na bato. Mabuti na lang at mabilis na binitiwan ni Gukyo ang kargang sako at hinuli ang braso ko. Nahigit ko ang hininga.
"Tingin din sa daan minsan," seryosong sambit ni Gukyo.
Napalunok ako at inayos ang sarili. Muli namang kinarga ni Gukyo ang mga sako at tahimik ulit naming tinahak ang daan pababa ng bundok.
TAHIMIK ang bahay nang umuwi ako galing sa bundok. Walang sinaing na bigas at wala ring nakahandang ulam. Malamig ang kusina. Napabuntong-hinga ako at nagbanlaw saglit bago tinungo ang kuwarto ni Mama sa itaas. Kinatok ko ang pinto pero walang sumagot.
"Ma, nagkukulong naman kayo. Lumabas naman kayo paminsan-minsan," nanghihina kong bulong. "Tumawag si Papa."
Ilang segundo ang lumipas at bumukas ang pinto. Mugto na naman ang mga mata niya at buhaghag ang kulot na buhok.
"Anong sabi ng papa mo?"
Napalunok ako. "Babalik din siya. Maghintay tayo. At 'wag kalimutang magdasal."
Napapikit ako nang yakapin ako ni Mama. Naramdaman kong yumugyog ang balikat niya. Umiiyak na naman siya.
"Sige, sige. Tawagin mo ako kapag may nakahain nang pagkain, ha? Wala akong gana para mag-asikaso sa kusina."
Marahan kong tinapik ang balikat niya. "Sige, Ma." Lumunok ako. "Magdasal ka, Ma. Nandiyan pa naman ang Bibliya, hindi ba?"
"Oo, salamat Ange."
Napalunok ulit ako at kumalas bago tumalikod. Hinayaan kong maglandas ang luha sa pisngi ko habang bumababa ng hagdan. Mabuti sana kung tumawag nga si Papa. Mas makakahinga ako nang maluwag kapag narinig ko ang boses niya. Kahit isang segundo lang. Isang segundo at alam kong mababawasan ang bigat sa dibdib ko.
Huminga ako nang malalim at nag-asikaso sa kusina. Makaraan ng ilang minuto ay tinawag ko si Mama para bumaba pero wala na naman siyang tugon.
"Tumawag si Papa, Ma."
Doon lang bumukas ang pinto.
"May sinabi ba ang Papa mo?"
Gusto kong maiyak sa nakikita kong pag-asa sa mga mata niya. Kung alam lang niya... kung alam lang niya kung gaano ko kagustong maibsan ang nararamdaman niyang sakit.
"Babalik din siya. Maghintay tayo. At 'wag kalimutang magdasal."
Nakita ko ang pagngiti niya at naramdaman ko na naman ang yakap niya. Napapikit ako at kinagat nang mariin ang ibabang labi. Ang mga salitang 'yon ang sinabi ni Papa bago siya umalis patungo sa ibang bansa.
Inaya ko si Mama na bumaba at kumain. Nagpatianod siya sa akin. Matapos kumain ay agad siyang umakyat sa itaas at alam kong buong araw na naman siyang magkukulong sa kuwarto niya. Tahimik kong niligpit ang mesa at walang ganang lumabas ng bahay. Nagpunta ako sa hardin kung saan kitang-kita ko ang nanlalantang mga gulay.
Ilang araw nang walang ulan at nagtitipid ng tubig ang mga tao sa Mantalongon. Nasa bundok pa ang batis kaya ilan lang ang nakakapagdilig ng kanilang taniman.
Naupo ako sa lilim ng punong nakatayo sa gilid ng hardin. Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatulala roon. Naramdaman ko nalang ang isang puwersang umagaw sa bagay na hinahawakan ko.
"Tingnan mo ako, Angela."
Dahan-dahan akong napatingala. Si Gukyo. Magkasalubong ang dalawang kilay niya at matalas ang tingin sa akin.
"Sabihin mo sa akin kung anong problema," sabi niya.
Dahan-dahan akong umiling. "Wala."
Napabuga siya ng hangin at inihagis sa tabi ang kutsilyong kinuha niya mula sa kamay ko. Tulala ko 'yong tiningnan.
"Wag ka nang humawak ng kutsilyo, Angela. Baka sa susunod..."
Napayuko ako.