Chapter 7

1751 Words
Ilang araw na rin nang huli kong binisita ang puntod ni Lola. Matapos niyang pumanaw noong nakaraang linggo ay 'yon na rin ang huli kong bisita. Naging abala kasi ako sa pag-aalaga kay Mama na hindi na makausap nang matino simula nang araw na 'yon. "Nang, itong apo mo, mukhang nasisiraan na ng bait," sabi ni Gukyo. Napatingin ako sa kaniya. Bumuntong-hinga siya at hinawakan ang lapida. "Mukhang gusto nang sumunod sa 'yo. Pinigilan ko nga. Kausapin mo siya, 'Nang, ha? Baka matauhan," dagdag pa niya. Nangunot ang noo ko. "Ano bang pinaggagawa mo riyan, ha?" Tumingala si Gukyo sa akin at ngumiti. "Kumakausap ng lapida?" Napairap ako. Nakakainis talaga 'pag umaandar ang pagkapilosopo niya. "Tara na nga." "Hindi mo ipagdadasal ang Lola mo?" "Para sa'n pa? Patay na siya. Ang dapat ipagdasal ay buhay." Nauna na akong tumalikod at naglakad palayo. Humabol naman si Gukyo at nag-jog sa tabi ko. "Bakit ba ang sungit mo? Meron ka ba ngayon?" Napaismid ako. "Wala." "Talaga lang, ha? Kapag buwanan ni Fey noon, kinakarate niya ako." Napailing na lang ako. "Sana nga hindi pa ako maratnan. Wala nang tampon sa tindahan." Tumango-tango naman siya. "May punto ka naman. Hirap naman kasi 'pag crisis. Halos nagkakaubusan ng stock." "Hindi naman kasi dapat ganito. Dapat may nagbibigay sa atin. Pero bakit wala? Antahimik. Para bang pinabayaan na tayo ng dapat nagbibigay sa atin." "May sabit kasi. Ano? Labas tayo ng Mantalongon." "Inaaya mo ako, no?" Nakangiti siyang tumango. Napailing na lang ako at binilisan ang lakad. Hindi ko talaga gusto kapag nag-aya si Gukyo. May masamang nangyayari sa tuwing umuuo ako sa offer niya. "Ange -" Napahinto ako. Napansin ko sa peripheral vision ko ang paghinto niya. "Tingnan mo," bulong ko at tinuro ang bagay na nasa maalikabok na kalsada. "Wallet?" Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko alam. Pero mukhang pitaka nga." Pinulit 'yon ni Gukyo at iniksamina. "Mukhang may laman. " Binuksan niya 'yon at sinilip ang loob. "May laman nga." Pinakita niya sa akin 'yon. Natigilan ako nang makita ang maraming asul na perang papel. Napalunok ako. Bigla kong naalala si Mama na gutom na gutom. Naalala ko ang ilang butil ng bigas sa lagayan. Pumasok din sa isip ko ang eksenang nakangiting kumakain si Mama. "Ange?" Napabalik ako sa realidad at napatingala kay Gukyo. "Sinong may-ari?" Kunot ang noo niyang binasa ang pangalan sa isang Police ID. "Tiara Gomez." "Gomez?" Nagkatitigan kami ni Gukyo. Isa ang mga Gomez sa mayayamang angkan sa Mantalongon. Hindi nalalabas ang mga Gomez sa lungga kaya nakapagtatakang nandito ang wallet ni Tiara. "Kahit ano mang dahilan, biyaya 'to." Akmang ipapasok ni Gukyo ang wallet sa bulsa pero pinigilan ko. "Ibalik na lang natin sa lupa. Baka babalikan 'yan ni Tiara. Isa pa, hindi magandang kunin ang hindi atin. Paparusahan tayo ng itaas." Nagkibit-balikat si Gukyo at ibinalik sa lupa ang pitaka. Sabay kaming naglakad ulit pabalik sa bahay. Tahimik lang ang paligid. Nabigla na lang ako nang magmura siya. "Ange, takbo! Bilis!" Taka ko siyang tiningnan pero nakatingin siya sa likuran. Paglingon ko, napako ako sa kinatatayuan nang makita ko ang mga taong may suot-suot na surgical mask sa bibig. Mapuputla at namumula ang mga mata. Naglalakad ang mga ito papasok sa sementeryo habang nasa likuran ng mga ito ang batalyon ng mga sundalo. Nakatutok ang mga baril sa mga taong sa tingin ko ay infected ng Viana virus. Narinig ko na naman ang malulutong na mura ni Gukyo bago ako hinila patago sa isang matabang puno. Mabilis na nagtaas-baba ang balikat niya habang mahigpit akong niyayakap. Gusto ko sanang sumilip pero hindi niya ako hinahayaang gawin iyon. "Delikado. 'Wag kang mag-ingay," bulong niya. Nagpumiglas ako pero natigilan ako nang marinig ko ang sunod-sunod na putok ng baril. Marahas na tiningala ni Gukyo ang mukha ko at nagtama ang paningin namin. Kunot ang noo niya at bahagyang nakaawang ang bibig. Napakurap-kurap ako. Naramdaman ko ang panginginig ng kalamnan ko at sisigaw sana pero mabilis na inilapat ni Gukyo ang mga labi sa akin. Siniil niya ako ng halik habang naririnig ko ang putok ng baril. Naalala ko na naman. Naalala ko pag-alis ni Kuya. Naalala ko ang pag-alis ni Papa. Naalala ko ang pagkabit ng gatilyo sa noo ni Lola. Si Lola. Lola. Humigpit ang hawak ni Gukyo sa batok ko nang hindi sadyang nakagat ko ang ibabang labi niya. Narinig ko ang mahinang daing niya pero hindi niya pa rin pinaghihiwalay ang mga labi namin. Maya-maya pa'y natahimik ulit ang paligid. Narinig ko ang martsa ng mga sundalo palayo hanggang sa tuluyang tumahimik ang sementeryo. Doon lang pinakawalan ni Gukyo ang mga labi ko. Kunot ang noong hinawakan niya ang sariling labi habang nakatitig sa akin. "Baka gusto mong turuan kita kung paano humalik nang tama?" Nagsalubong ang mga kilay ko at kumalas sa yakap niya. Hinayaan naman niya ako. "Gusto ko nang umuwi," bulong ko at naunang maglakad paalis. "Sandali, Ange!" Humabol siya sa akin at nag-jog na naman sa tabi ko. "Galit ka ba sa halik? Pasensya na." "Wag na nating pag-usapan. Hindi 'yon importante." Binilisan ko ang hakbang. Ilang sandali pa ay napansin kong hindi siya sumusunod kaya napalingon ako sa kaniya. Nakatigil siya ilang metro ang layo sa akin at seryoso ang tingin niya sa akin. "Tara na," aya ko. Napansin ko ang pagkuyom ng kamao niya. Hirap siyang humakbang at nagsalita. "Importante 'yon." Napabuga ako ng hangin. "Wag na nga nating pag-usapan, Gukyo." Kumibot ang sulok ng labi niya. "Tawagin mo ako sa pangalan, Angela." Nangunot ang noo ko sa kakulitan niya. Bumuntong-hinga ako bago tumalikod at naunang maglakad pabalik sa kabahayan. "Mahal kita, Angela!" Mas pinili kong hindi tumigil sa paghakbang. Ayoko munang pansinin ang mga ganiyang bagay. Wala pa isip ko at wala rin akong plano. Nangunot lalo ang noo ko nang hindi siya tumigil sa kakasigaw. "Itikom mo nga ang bibig mo, Giovani!" Marahas akong lumingon sa gawi niya. Nahuli ko siyang nakangiti na abot sa tainga. "Mahiya ka naman sa patay. Binubulabog mo!" Mahina siyang natawa at hindi nakatakas sa paningin ko ang paglandas ng luha sa pisngi niya. "Basta tandaan mong mahal kita. Mahal na mahal kita, Angela. Alagaan mo naman ang sarili mo. 'Wag mong ipahamak ang sarili mo." "Ano bang pinagsasabi mo riyan, ha? Naiinis na ako." Kita ko ang pagkagat niya sa ibabang labi at ang mataman niyang pagtitig sa mukha ko na para bang sinasaulo niya. "Ikaw lang, Angela. Mamatay man ako pero ikaw lang." Tinuro niya ang dibdib bago naglakad papunta sa isang masukal na daan sa gilid ng sementeryo. "Gukyo!" tawag ko sa kaniya pero tinaas niya ang kamay bago lumusot sa pader na hangganan ng sementeryo. Saan naman 'yon nagpunta? KINABUKASAN ay parang apoy na kumalat ang tungkol sa mga taong tadtad ng bala sa sementeryo. May ilang nakarinig sa putok kaya pinuntahan nila ang pinaggalingan niyon. Nahintakutan ang mga tao sa mga bangkay na kumpol-kumpol at naliligo sa dugo. Dumagdag sa tensyon ang balitang hindi nakauwi si Gukyo sa bahay nila. Naiiyak na at halos himatayin sa nerbiyos ang Tiya niya. Kahit gusto kong magsalita ay hindi ko rin alam kung saan nagsusuot si Gukyo. Hindi naman siya 'yong klase ng taong hindi nagpapaalam. "Ano bang nangyayari sa Mantalongon, Diyos ko? 'Wag Niyo naman kaming pabayaan," mahinang daing ni Aling Bebang. Napamahal na sa kaniya si Gukyo kaya halos hindi na rin siya nakakakain sa pag-alala. May taong humahangos na pumasok sa bahay. Si Osing. Maliit siyang babae at kulot ang buhok. "Aling Bebang! 'Yong deep well, kulay pula!" Nagkatinginan kaming tatlo. Akmang magsasalita ako nang may pumasok na namang isang lalaki. "Ma, kulay pula ang tubig sa gripo." Napatingin si Aling Roseta kay Aling Bebang. Sabay silang tumayo at humahangos na lumabas ng bahay. Natahimik na naman ang sala. Huminga ako nang malalim at nagpunta sa banyo para i-check ang tubig. Sa una ay hindi ko pansin dahil sa sobrang hina ng agos ng tubig, pero nang marami nang tubig sa balde ay kita kong namumula nga. Napapikit ako at napasandal sa dingding. Ano bang nangyayari, Panginoon? Ano na naman ito? Ilang malalim na hininga ang pinakawalan ko bago nagpasyang umakyat sa itaas at katokin ang pinto ng kuwarto ni Mama. Walang sumagot. Nagdahilan pa ako na tumawag si Papa pero wala pa rin akong naririnig na pagkilos sa loob. Kahit kumakabog na ang dibdib ko ay pinilit ko pa ring maging kalmado at kinuha ang master key sa lagayan. Binuksan ko ang pinto ng kuwarto ni Mama at nilibot ang tingin sa loob. "Ma?" Wala siya sa kama. Tinungo ko ang banyo at kumatok. Walang sagot. Binuksan ko 'yon at wala kahit ang anino ni Mama. Doon lang ako napahinto saglit. "Ma? Ma, nasa'n ka!" Hinanap ko pa siya pero wala. Sa itaas, sa kusina, sa banyo, sa sala, sa hardin. Wala. "Ma! Diyos ko! Nasa'n siya?" Napalabas ako ng bahay at nagtanong-tanong sa kapitbahay. "May lalaking kumuha sa mama mo, Ange." Natigilan ako sa sinabi ni Teresa. "Kumuha? Alam mo po ba ang itsura?" Umiling si Teresa. "Hindi masyado. Pero matangkad siya at kulay mais ang buhok. Mukhang mestizo." "Bakit mo hinayaan?!" Napataas naman ang kilay ni Teresa. "Aba, malay ko bang hindi mo 'yon kilala? Sobrang close ng dalawa. Akala ko malayo mong kamag-anak." Napasabunot ako ng buhok at dali-daling bumalik sa bahay. Hindi pa ako nakakapasok ay narinig ko ang komosyon sa kapitbahay. "Ano ba 'yan, hindi na magagamit ang tubig! Sobrang kati at nunkang iinomin ko 'yan, Andoy? Baka nga dugo 'yang pula na 'yan!" Nanghihina akong pumasok sa bahay at napasalampak sa sahig. Sumisikip ang dibdib ko at halos hindi ako makahinga. Napatingala ako at napasampit sa pangalan Niya. "Hesus..." Ilang minuto lang ay gumaan ang pakiramdam ko. Nawala ang bikig sa lalamunan ko at tumayo ako nang tuwid. Determinado akong umakyat sa itaas para mag-impake. Kinuha ko ang mahahalagang gamit. Nang akmang lalabas na ako ay napalingon ako sa itaas nang may maalala ako. Tumakbo ako pabalik sa kuwarto ni Mama at kinuha ang Bibliya na ibigay ko sa kaniya. "Natatakot ako, Panginoon. Pero alam kong hindi Mo ako pababayaan." Napangiti ako at sinilid ang Bibliya sa backpack. Tiningnan ko muna kung na-off ang gripo pati na ang plangka saka ako lumabas at in-lock ang pinto. Pinasadahan ko pa ng tingin ang buong bahay bago nagpasyang lumakad na papunta sa kung saan. Determinado na ako. Hihingi ako ng tulong sa labas ng Mantalongon at hahanapin ko si Kuya Arnel, si Mama, at si Giovani. He is with me so I won't fear.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD