“KUMAIN na ba kayo?” tanong ni Bia sa mga kapatid. Inilagay niya sa ibabaw ng mesa ang supot niyang dala. Laman niyon ang dalawang tinapang bangus na bigay ni Andeng, ang bestfriend at kapitbahay niyang siya niyang pinatitingin sa mga kapatid sa tuwing siya ay wala. May maliit na sari-sari store si Andeng kaya madalas sa hindi ay nasa bahay lang ito.
“Hindi pa, Ate. Hinihintay ka namin,” sagot ni Ruth.
“Isa pa, hindi na kasya sa amin ang dinalang ulam ni Ate Andie,” ayon naman ni Cory na ang tinutukoy ay si Andeng. Sanay na ang mga ito na palaging nasa paligid lang ang kaibigan niya. Halos ay para na ring kapatid nila kung ituring si Andeng, dangan nga lamang at hindi ito kasundo ng pangalawa niyang kapatid na si Sussie. Sadyang maikli ang pasensiya ni Sussie para sa pagiging clumsy ng bestfriend niya. Sa halip na matawa, tiyak na irap at simangot ang isusukli nito sa mga mumunting kapalpakan ng kanyang kaibigan.
Napabuntong-hininga siya pagkaisip kay Sussie. Kumusta na kaya ito? Sina Vincent at Aiden, kumusta na rin kaya?
Mula nang ‘bumukod’ ang tatlo ay hindi na niya nakita ang mga ito. Alam niya, sa loob ng dalawang linggong nagdaan ay minsan nang bumisita si Vincent. Gayon man, nasisiguro niyang itinapat nitong wala siya sa bahay. Marahil ay iniisip pa rin nito ang galit niya.
His younger brother perfectly knew her. Alam nitong hindi siya madalas magalit. Ni hindi nga siya magagalitin kaya sa tuwing makakaramdam siya ng emosyon na iyon, palagi nang hindi niya alam kung paano iyon pakikitunguhan. Hindi niya alam kung paano niya pakikibagayan ang galit na sumisibol sa dibdib niya, lalo pa at iyon ay patungkol sa mga kapatid niyang tinanggap na niyang maluwag sa dibdib na habampanahon niyang paglilingkuran.
“Ano ba ang dala ng Ate Andie niyo?” matipid niyang tanong. Siguro, kung nagagawa mang hubugin ang ugali ay masasabi niyang iyon ang talent niya. Dati naman siyang makuwento at masayahin pero mula nang balikatin niya ang responsibilidad ng pagiging ama at ina sa kanyang walo pang kapatid, ipinangako niya sa sarili ang mga ito na lang ang priority niya at ang kasiyahan niya ang magiging panghuli.
Sa simula lang naman pala iyon mahirap gawin. Sa huli, nakasanayan na rin niya ang maging tahimik at focused sa mga bagay-bagay na kailangan ng kaniyang atensiyon. Kung noong una ay pinipilit pa niya ang sarili, nang lumaon ay naging natural na iyon hanggang tuluyan nang maging bahagi ng personalidad niya. Mula sa pagiging makuwento at masayahin ay naging tahimik siya at seryoso. Kailangan niya iyong gawin dahil kailangan niyang imulat ang mga kapatid sa totoong kalagayan ng buhay nila. Sa gayon, maiisip ng mga itong wala na silang panahon sa mga walang kuwentang bagay. Lahat ng oras ay mahalaga. Na ang bawat desisyon at hakbang na gagawin nila sa buhay ay makaaapekto sa kung magiging ano ang katayuan nila sa hinaharap.
“Nagdala siya ng manggang hinog at talbos, Ate.”
Napatingin siya sa nagsalitang si Zenaida. “Bakit ganyan ang tono mo? Hindi ba at dati ka namang mahilig sa talbos?”
“Ate naman…” Bahagya itong sumimangot. “Paborito nga, pero kung araw-araw namang iyon ang ulam ay isusumpa mo na ang pagkaing iyon. Baka bukas o sa makalawa ay tunog-kambing na tayong lahat.”
Sinupil niya ang isang ngiti. Sadyang prangka ang bunsong si Aida. Handa itong masigawan at mapalo kahit noong maliliit pa sila, masabi lang nito ang nasasaloob-lalo pa at iyon ay may kinalaman sa pagkain.
“Aida, matuto kang magpasalamat,” sa halip ay kalmado niyang sabi. Pinanatili niya ang kaseryosohan ng kanyang anyo. “Walang bayad ang tulong na iyon ng Ate Andeng ninyo. Mabuti nga at may tumitingin sa inyo sa tuwing wala ako. Ang Ate Sussie ninyo, ang Kuya Aiden at Kuya Vincent ninyo, wala na rito. Umalis na at sukat. Nilimot na tayo nang ganoon lang.”
“Hindi iyan totoo, Ate,” sagot ni Caroline. “Hindi nila tayo kinalilimutan. Hindi ba at bumisita pa si Kuya Vince noong isang araw?”
“Bisita? Ano tayo, magkakaibigan? Malalayong magkakamag-anak? Bakit kailangang bumisita? Ang sabihin ninyo, pagod na sila. Ayaw na nila nang ganitong buhay.”
“Hindi totoo ang iniisip mo, Ate,” naiiyak na muling kontra ni Caroline. “Mahal nila tayo. Natatakot lang silang baka hanggang ngayon ay galit ka pa rin—”
“Hindi ako naniniwala. Tumatakas sila sa responsibilidad. Siguro, pagod na silang maglingkod sa buong pamilya. Kung tatlo na nga lang naman sila ay magiging madali, hindi ba. Simple ang lahat. Napakadaling mabuhay.” Napapailing pa siya sa pagsasalita.
Ang totoo, kumokontra din ang loob niya sa mga pinagsasasabi pero hindi tamang maging emosyonal silang lahat dahil lang bumukod ng tirahan ang tatlo nilang kapatid. Kung matatalo sila ng lungkot at emosyon ay walang mangyayari. Sa huli, talunan silang lahat.
“Wala kaming magagawa kung iyan ang iniisip mo, Ate.” Nagsimulang humikbi si Caroline na agad namang nilapitan ni Aida.
“Ate Caroline…” alo nito sabay hagod sa likod ng kapatid. Tila naiiyak na rin ito.
“Tumigil nga kayo!” asik niya. “Bawasan ninyo ang kaartehan ninyo kung gusto ninyong mabuhay nang matagal sa mundo!” Nang sulyapan niya si Aida ay normal na ang hitsura nito pero hindi si Caroline. Talagang masama ang loob nito sa takbo ng mga pangyayari at hindi halos maipinta ang mukha nito.
Of course, she knew her. Alam din niya kung ano ang ipinagkakaganoon nito. She was sure it was because of Vincent. Sa kanilang magkakapatid, maituturing niyang ibang klase talaga ang turingan ng dalawa. Palibhasa ay si Vince na halos ang nag-aruga kay Caroline noon pa mang maliit ito. Sa eskuwelahan ay ang dalawa rin ang magkasama. Ang nakapagtataka ay magkaiba ng ugali ang mga ito. Caroline was jolly and talkative. Madali nitong nasasabi at naipapakita ang lahat ng emosyon nito samantalang tahimik at seryosong tingnan si Vincent. Sa kabila niyon, magkasundong-magkasundo pa rin ang dalawa.
“Ate, hindi mo ba pa sila kakausapin? Kawawa naman sila. Ang sabi ni Kuya Vince, patuloy daw siya sa pagtatrabaho pero hindi siya nakakapasok sa school. Baka kasi—”
“Tumahimik ka nga, Caroline! Hindi ko gustong marinig ang mga sasabihin mo tungkol sa kanilang tatlo!” Humakbang siya at tumigil sa harap ng mga ito at saka nameywang. “Ito ang tatandaan ninyo ha. Wala nang magbabanggit tungkol sa kanila mula ngayon. Kung gusto nilang makipagkasundo, matuto silang sumunod sa akin bilang panganay sa ating magkakapatid. Kung hindi, malaya nilang magagawa ang ano mang naisin nila pero kailangang wala sila sa poder ko.”
“Ate—”
“Ikaw, Caroline,” baling niya sabay duro sa kapatid, “tigil-tigilan mo ang ganyang kaaningan, maliwanag ba? Daig mo pa ang pusang hindi mapanganak sa mga ginagawa mo!” Nang hindi ito tumahan ay hinagip niya ang braso nito at pilit itong itinayo mula sa pagkakaupo sa hagdan. “Ano ba! Tumahimik ka nga diyan!”
“Ate!”
Nalingunan niya ang tumawag na si Joe pero sinenyasan niya itong tumahimik. Muli niyang hinarap si Caroline. “Matuto kayong maging matatag! Matuto kayong labanan ang emosyon ninyo kung gusto ninyong manalo sa laban ng buhay! Walang nangyayari sa mga emosyonal na tao, Caroline! Iyan ang itanim mo sa utak mo! Magiging mahina ka lang at sa huli ay palaging masasaktan!”
Nakita niyang natigilan sa pagnguyngoy ang kapatid sa puntong iyon. Hinawakan niya ito sa balikat at saka iniharap sa kanya. Doon na nagsimulang mabasag ang tinig niya. “Hindi ko man madalas sabihin, alam kong alam ninyong mahal ko kayong lahat. Mahal ko kayong lahat…totoo iyan. Nakahanda akong gawin ang kahit ano, para lang sa inyo. Kaya kung puwede, tulungan niyo naman akong umahon. Nahihirapan din ako, akala ninyo ba! Pero kailangan nating magpatuloy. Hindi sa ganyan lang magtatapos ang lahat.”
“Pero paano sila, Ate Bia?” naluluha pa ring tanong ni Caroline.
“Oo nga, Ate. Mga kapatid din natin sila.”
“Ano ba kayo! Sa tingin niyo ba ay hindi iyon naiisip ni Ate? Magkakapatid tayo kaya hindi puwedeng lagyan ng tuldok ang relasyon natin sa isa’t-isa!”
Napasulyap siya kay Cory at nabagbag ang loob niya sa anyo nito. She was a silent type of person but when she talked, she always made sure it would always be sensible.
“Nahihirapan din si Ate sa mga nangyayari pero kailangan nila ni Ate Sussie ng sapat na panahon. Huwag nating madaliin ang lahat, Caroline…Aida. Maayos din iyan sa tamang panahon.”
It was her cue to extend her hand to Cory. Kasunod niyon ay tinanguan niya ang dalawa pa at parang mga batang yumakap ang mga ito sa kanya.
“Ang mahalaga, sa ngayon ay ligtas na si Papa, okay. Hindi man tayo magkakasama sa ngayon, alam kong darating din ang araw na maaayos kung ano man ang alitan sa pagitan namin ng Ate Sussie ninyo. May tampuhan kami, oo, pero hindi maaaring doon magtapos ang lahat. Tama si Cory, magkakapatid tayo at ang relasyong iyon ay walang katapusan. Ang kailangan namin ng Ate Sussie ninyo ay sapat na panahon lang.”
“Sorry, Ate…sorry,” bulong ni Caroline.
Hinagkan niya sa ulo si Caroline, gayon din ang dalawa pa at saka sila nagyakap. Hindi niya ikakaila sa sariling sana ay naroon din si Sussie at kayakap niya sa mga sandaling iyon. Kung sana nga ay ganoon lang din kadaling kausapin ang kapatid nilang iyon.