Chapter 5

1040 Words
“ANO pa ba ang itinatanga ninyong dalawa diyan? Magsipag-ayos na kayo ng mga gamit niyo!” mataas ang boses na wika ni Sussie sa dalawang lalaking kapatid. Gabi na nang sapitin nilang tatlo ang apartment na pinagdalhan sa kanila ng pangalawang kapatid na si Sussie. Habang daan ay tahimik lang sila at naisin mang magtanong ay sinarili na lamang ang mga iyon. Alam nilang punong-puno ng isipin ang kanilang Ate Susie sa mga sandaling iyon, at hindi na nila nanaising dumagdag pa. Kung hindi ito magtatanong ay wala ni isa sa kanila ni Aiden ang maglalakas-loob na magsalita. “O, ano na? Bakit para kayong tuod diyan? Kilos na!” untag na naman nito sa kanila. “S-saan ba namin ilalagay ang mga gamit namin, Ate?” napapakamot sa ulong tanong ni Aiden. Luminga muna si Ate Sussie sa paligid at saka itinuro ang isang maliit na pinto. “Iyan ang kuwarto ninyong dalawa. Maliit pero higit na komportable kaysa dati ninyong silid. Sige na, mag-ayos na kayo ng mga gamit at matulog na kayong dalawa. Maaga tayong mag-uusap bukas bago ako umalis.” “Ate—” “Tandaan niyo ang nangyari sa gabing ito sa pamilya natin. Mula diyan ay humugot kayo ng lakas ng loob, sa halip na malungkot at matakot sa mga darating na araw.” Saglit itong tumalikod upang siguraduhing sarado ang mga bintana at pinto ng bahay, saka muling nagbalik sa harap nila habang ang kaliwang kamay ay nasa beywang at ang kanang kamay ay kumukumpas habang nagsasalita. “Tatagan niyo ang mga dibdib niyo. Gumawa kayo ng para sa sarili ninyo. Hindi ako katulad ng Ate Bia ninyo na isusubo na lang lahat sa mga bibig ninyo. Kung gusto ninyong kumain, maghanap kayo sa kusina. Kung wala kayong makita, gumawa kayo ng paraan sa labas dahil magugutom kayo kapag nagkataon. Maliwanag ba?” Hindi nila nagawang sumagot agad ni Aiden kaya nang muli itong magsalita sa mataas nang tinig ay kapwa sila nagulat. “Nakikinig ba kayong dalawa? Nagkakaintindihan ba tayo?!” tila high blood nitong tanong. “O-oo, Ate,” magkapanabay naman nilang tugon sabay pukol ng tingin sa isa’t-isa. Nang senyasan sila ni Sussie na maaari na silang magpahinga sa kanilang silid ay madali na nilang tinawid ang makitid na sala patungo sa silid na laan para sa kanila. Agad silang napalinga pagpasok pa lamang sa munting kuwarto. Tama naman si Ate Sussie; higit iyong komportable kaysa dati nilang silid. May double deck na tamang-tama para sa kanilang dalawa. May mga unan at kumot na rin na maayos na nakasalansan doon. May isang maliit na radio sa sulok na agad nilapitan ni Aiden upang tiyakin kung gumagana. “Puwede pa,” saad nitong nakangiti nang gumana ang radio. Napangiti rin siya. Sadyang music lover ang kapatid niyang si Aiden. Hindi man makasabay sa tono ay sige pa rin ito oras na maisipang kumanta. Sa dati nilang tinutuluyan ay ito lang din ang mahilig makinig ng radio at manood ng kung anu-anong singing performances ng mga TV artist na paborito nito. Tinalikuran niya si Aiden at nilapitan ang built in closet na nasa isang panig ng makipot na silid. Pandalawahan din ang hitsura niyon. Bigla ay ibig niyang mapaisip, magkano kaya ang ibabayad ni Ate Sussie kung sakali sa apartment na iyon? May kaliitan man ang lugar ay nakasisiguro siyang higit iyong mataas kaysa sa dati nilang tinutuluyan. Nakaipon kaya si Ate Sussie sa mga nagdaang araw kung kaya malakas ang loob nitong bumukod? Wala sa loob na napailing siya. Kahit ganoon ang kapatid, hindi niya ito dapat pagdudahan. Hindi niya ito dapat pag-isipan ng masama lalo pa ngayon na ito ang magtataguyod sa kanila ni Aiden. “Mabuti pa ay matulog na nga tayo. Masyadong mahaba ang araw na ito para sa ating lahat.” Bumuntong-hininga si Aiden at saka inayos ang mga sariling gamit. “Hindi ka ba nagugutom?” tanong niya rito. “Pareho lang kumakalam ang sikmura natin, pero alam naman nating wala tayong pagkain ngayong gabi. Alangan namang lumabas pa tayo para maghanap ng iluluto.” Hindi na lang siya kumibo, kahit ang totoo ay talagang nagugutom at nauuhaw siya. Pero tama si Aiden, wala naman silang groceries doon. Baka kahit bigas ay wala, paano silang maghahanda ng pagkain? “Itulog mo na lang iyan. Mag-isip ka ng masasarap na pagkain para mapasarap din ang tulog mo. Bukas ay magsisimula tayong tuparin isa-isa ang mga iyon.” Napangiti siya. “Kung gayon, kailangang ‘yung mga simpleng pagkain lang ang mapanaginipan ko, para sa gayon ay hindi tayo mahirapang gawing totoo iyon.” Napatawa na rin si Aiden, pagkuwa’y tila saglit itong natigilan. Napasulyap siya rito. Nakayuko ang kapatid sa isang sulok ng silid na tila may tinitingnan. “Ano ‘yan, Kuya?” “Tingnan mo ‘to, Vince,” anang kapatid na agad niyang ikinalingon. Nang mapakunot ang kanyang noo ay sinenyasan siya nitong lumapit. “Ano ‘yan?” muli niyang tanong sa bagay na itinuturo nito. May isang malapad pero maliit na cabinet sa sulok ng pader at nang galawin nito iyon ay may sumiwang na bahagyang liwanag sa loob ng silid. “Huwag mong alisin. Baka sadyang inilagay iyan diyan.” “May butas,” sabi nito sabay lingon sa kanya. “Ibig sabihin, may tumakas dito noon. Giniba ang pader para makalabas sa silid na ito.” “Tumigil ka nga, Kuya. Hayan ka na naman—” “Tingnan mong mabuti.” Muli nitong itinuro ang pader. “Kasya ang isang tao sa siwang. Bakit sinira iyan kung hindi para sa pagtakas? Huwag mong sabihing iyan ang ginawang pinto ng mga tumira dito noon? Ang liliit naman nila, kung hindi man mga wirdo,” anitong may sarkasmo sa tinig. “Basta huwag mo na lang alisin ang cabinet. Pabayaan na lang nating nariyan at baka pasukin pa tayo ng ahas.” Nagkibit ng balikat si Aiden at saka muling ibinalik ang cabinet na bahagyang naalis sa dati nitong kinalalagyan. Siya naman, bagaman may naiwang pagtataka sa isip sa kung ano ang sadyang dahilan ng siwang na iyon sa sulok ng silid ay mas pinili niyang manahimik na lang. Saka na niya aalamin kung ano ang dahilan sa likod niyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD