Chapter 38

1855 Words
“VINCE! A-ano’ng ginagawa mo rito?!” gulat na sabi ni Ikay. Lumabas siya ng bahay para kunin ang librong naiwan niya sa bench hindi kalayuan sa gate ng bakuran pero laking gulat niya nang may humaltak sa kanya sa dilim. “Hindi kita malapitan, Ikay. Palagi nang sinasabi ni Victoria na wala ka sa umaga ‘pag pinupuntahan kita rito, iniiwasan mo na naman ba ‘ko?” “Ha?” Nagtaka siya sa sinabi nito. Tatlong araw na mula nang magkausap sila ni Precious pero sa isang linggo pa ang usapan nilang sisimulan ang kanilang napagkasunduan. Ni hindi niya alam na nagpupunta pala doon si Vince. “Hindi…” mahinang sabi niya habang napapailing. “Hindi ko maintindihan, Ikay. Bakit sa tuwing nagiging maayos tayo ay dumarating ang ganitong problema? Bakit mo ba ako iniiwasan? Dahil ba mahirap ako? Nagagalit ba ang parents mong makipagkaibigan ako sa’yo?” Hindi niya magawang sumagot. Panay lang ang ginawa niyang pag-iling. “Nangangako ako, pagbubutihin ko ang pag-aaral ko para sa’yo. Magtatapos ako ng kolehiyo, Special…hindi mo na ako ikakahiya sa pamilya mo…” “Hindi kita—” “Tandaan mo ang pangako ko, Ikay, huwag mo ‘yang iaalis sa isip mo…” Ano man ang balak niyang sabihin ay nakulong na lang sa kanyang lalamunan nang kabigin siya ni Vince. Naramdaman din niyang hinagkan nito ang ibabaw ng kanyang ulo. Nang hawakan siya nito sa magkabilang balikat ay tumingala siya rito. Sa gitna ng dilim ay kumikislap ang mga mata ni Vince. Puno iyon ng kalungkutan ngunit may nasilip siyang isa pang klaseng emosyon doon na hindi niya kayang pangalanan. Dumulas ang mga kamay nito mula sa balikat niya pababa hanggang humantong iyon sa kanyang mga kamay. Ikinulong nito sa mga palad ang dalawa niyang kamay at saka iyon dinala sa mga labi. “Ikaw ang inspirasyon ko, Special. Alam kong bata ka pa. Alam ko rin naman na hindi mo pa siguro naiintindihan ang sinasabi ko pero sa abot ng paliwanag na kaya kong ibigay, gusto kong malaman mong ikaw ang pinakamahalaga sa akin. Ikaw ang dahilan kung bakit nagsisikap ako. Ikaw ang sentro ng buhay ko ngayon, Ikay…” “Vince, may kailangan kang malaman…” Hindi niya nagawang ituloy ang sinasabi nang sansalain iyon ni Vince. “Kung makasasakit lang sa akin ay huwag mo nang sabihin, Special. Hindi ko kayang masaktan na naman sa ikalawang pagkakataon. Ang gusto ko lang marinig ay kung mahalaga rin ako sa’yo…” “Alam mo naman iyon, ‘di ba? Hindi ako magpapakababa sa iyo tulad nang ginawa ko kung hindi…” Sa gitna ng dilim ay nakita niya ang pagsilay ng tuwa sa mga mata ni Vince. Paano niyang magagawang sabihin dito ang bagay na dapat ay noon pa nito nalaman? “Sapat na iyon sa akin, Special…Okay na ako.” Kumalas ito at muling hinagkan ang ibabaw ng kanyang mga kamay. “Ano’ng ibig sabihin noon?” Pinisil muna nito ang ilong niya bago nagsalita.”Ang ibig sabihin niyon ay sa akin ka lang. Ako lang at ikaw, Ikay…walang ibang kasali.” Lalo niyang hindi naintindihan ang sinabi nito. Magtatanong pa sana siya ng bitiwan ni Vince ang kanyang mga kamay. “Kailangan ko nang umalis. Basta tandaan mo ang mga sinabi ko…” Tumango siya nang ilang ulit. Isang haplos sa pisngi niya ang ginawa ni Vince bago ito tuluyang tumalikod. Kumaway pa ito sa kanya bago nito pinanhik ang bakod na mahigit anim na talampakan din ang taas. Malapit nang makatawid si Vince sa kabila ng bakod nang magulantang siya ng isang malakas na putok. Napasigaw siya sa pagkagulat. Nang lumingon siya sa likuran ay nakita niya si Mang Fred na may hawak na b***l. Nanlaki ang kanyang mga mata at mabilis na binalikan ng tingin ang kinaroroonan ni Vince. Pakiramdam niya ay nanigas ang katawan niya nang hindi makita ang lalaki. “MAMA, kumusta na po si Vince?” paos na tanong ni Victoria kay Ramona. Galing ito sa silid na pinagdalhan kay Vince at kagagaling lang doon ng doktor na tumingin sa lalaki. “Maayos na siya. Mabuti na lang at daplis lang ang tama ng bala sa kanyang balikat,” matabang nitong tugon. Napaiyak siya. “Mama, sorry po…hindi ko po sinasadya ang nangyari…” “Bakit, Ikay? Nagtiwala ako sa’yo. Ibinigay ko ang lahat ng pangangailangan mo, tapos ay ganito pa ang igaganti mo sa akin?” Lalong nanikip ang dibdib niya sa tinuran ng ina-inahan. Nang takbuhin niya at daluhan si Vincent ay kasunod niya ang galit na galit na si Mang Fred. Inakala nitong magnanakaw si Vince at handa na sana siyang ipagtanggol ito nang dumating si Precious. Nagulat ito nang makita ang duguang si Vince. Pinukol siya nito ng matalim na sulyap bago nag-aalalang yumuko at niyakap si Vince. Sa harap ng mga magulang nito ay sinabi nitong kaibigan nito ang lalaki. Na ito at hindi siya ang totoong sadya ni Vince doon ngunit hindi siya tinawag nito kaya diumano nagawang tumawid ng bakod ni Vince. Hindi niya magawang kontrahin ang sinasabi ni Precious dahil sa tingin niya ay naglubag kahit paano ang emosyon ni Mang Fred. Nang sulyapan niya ang ina-inahan ay nasilip niya ang disappointment sa anyo nito. “Hindi ba kayo naniniwala sa akin, Mama? Ako ang totoong sadya ni Vincent at hindi si Ikay!” “Pero…hindi ba at siya iyong lalaking nagpunta sa graduation ninyo? Siya rin ‘yung nakita namin sa mall noong araw na namili kami ng sapatos…” “Siya nga, Mama, pero hindi pa alam ni Vince ang totoo. Ang pakilala ni Ikay ay siya ako. Ginamit niya ang pangalan ko para makuha ang atensiyon ni Vince. Nagkunwari siyang mayaman at noon pa sa probinsiya at ipinangangalandakan na niyang ikaw ang kanyang ina at hindi si Aling Maria. Nakuha rin niyang papasukin sa mansiyon noon si Vince na lingid sa ating lahat.” Pinukol siya ng masamang tingin ni Precious at daig pa niya ang inurungan ng dila dahil hindi niya magawang magsalita nang mga sandaling iyon. “Nang mahuli ko silang magkausap sa library ng mansiyon ay agad kong sinita si Ikay. Ang sabi ko ay isusumbong ko siya kay Lolo pero tinakot niya ‘ko, Mama. Ang sabi niya, sisiraan niya ako sa inyo kung magsusumbong ako. Lalo daw mapapalayo ang loob ninyo sa akin kapag ginawa niya iyon dahil ang totoo naman daw ay hindi ninyo ako mahal…” Napaiyak ito at nanggilalas naman ang hindi makapaniwalang si Ramona. “Dahil natakot ako sa banta niya ay pumayag akong ilihim ang sekreto niya. Nakisali ako at pinagtakpan ko pa siya kay Vince pero sobra na si Ikay, Mama. Nainis siya nang makita niyang napapalapit na rin ako sa kaibigan niya kaya naman gumawa siya ng paraan para sirain na naman ako sa mga mata ninyo…” “Ang garden ninyo, Mama…iyon ang dahilan kung bakit niya iyon winasak. Gusto niyang palabasing ako ang gumawa niyon pero nahuli siya ni Lola. Galit na galit si Lola at ikinulong siya sa attic. Hindi totoong pinalitan lang ni Lola ang mga halaman ninyo dahil alam niyo namang walang hilig sa paghahalaman ang Lola Margaret. Ginawa niya iyon sa pakiusap kong huwag na siyang makialam para hindi na lumala ang alitan namin ni Ikay. Alam ko kasing buo na ang pasya ninyong isama siya dito sa Maynila kaya ang sabi ko kay Lola ay kalimutan na lang namin iyon.” “Naguguluhan ako…ni hindi nakarating sa akin ang mga pangyayaring iyan.” “Dahil pinili naming hindi niyo na malaman, Mama.” “Pero bakit si Ikay at hindi ikaw ang hinahanap ng lalaking ito noong graduation?” litong tanong ni Ramona. “Dahil hindi pa alam ni Vince ang lahat noon…” “Kaya ba ganoon na lang ang reaksiyon niya nang makita ka niya sa mall, hija?” baling nito sa kanya. Hindi rin pala nakaligtas dito ang pag-aalinlangan sa anyo ni Vince noon sa mall. Hinabol pa nga niya ito nang bigla na lang itong tumalikod. “Yes, Mama,” sagot ni Precious sa tanong na para sa kanya. “Ang plano ko sana ay sabihin na kay Vince ang totoo ngayon kaya ang sabi ko ay puntahan niya ako dito sa bahay pero siguro ay hindi siya pinagbuksan ni Ikay. Hindi niya gugustuhing mabuko ni Vince ang sekreto niya kaya hindi niya ito pinapasok. Nagawa tuloy umakyat ni Vince ng bakod dahil sa kanya!” “Totoo ba ang lahat ng ito, Ikay?” Napayuko siya kasabay ng pamamalisbis ng mga luha sa kanyang pisngi. “Inaako ko po ang lahat ng pagkakamali, Mama Ramona, Mang Fred. Patawarin niyo po ako…pero hindi po ba mas dapat na unahin natin ang kalagayan ni Vince? Sa tingin ko po ay wala siyang malay…” Napahagulgol siya ngunit hindi naman ito magawang hawakan. Naroon ang mapagbantang mga tingin ni Precious sa kanya. Nang iangat niya ang paningin ay lalo na siyang nanlumo sa mga tinging isinukli ng mag-asawa sa kanya. “Alam ko pong marami akong nagawang pagkakamali. Siguro po, ang kasalanan ko lang ay ang takot na ipakilala ang aking sarili bilang ang katulong ninyong si Victoria.” “Hindi kita kahit kailang itinuring na katulong, Ikay. Ang gusto ko lang ay matuto kang tumayo sa sarili mong mga paa, tulad ng kagustuhan ko ring matutunan ni Precious kung hindi lang siya napalaki sa layaw ni Mama.” “Alam ko po kaya humihingi ako ng tawad sa inyo.” Nagpakayuku-yuko siya. “Hindi ko alam ang dapat kong sabihin sa iyo, anak. Napakabata niyo pa ni Precious para magkagalit sa ganitong bagay. Hindi dapat pag-awayan ang isang lalaki…” “Hindi po ako nakikipag-away sa kanya sa paraang inaakala ninyo, Mama.” Paano ba niya ipaliliwanag sa ina-inahan ang uri ng samahang nabuo nila ni Vince? At kung sakali, maintindihan naman kaya siya nito? “Ang sabi ng doctor ay maayos na ang lagay ni Vince. May malay na rin siya kanina at kausap na niya si Precious. Gusto mo bang pumasok para—” “Hindi po muna, Mama. Okay na po sa aking malamang ayos na siya.” Ilang sandaling hindi nagsalita si Mama Ramona at hindi niya inaasahan nang yakapin siya nito. “Anak…” Nagtaka siya nang marinig ang mahina nitong pag-iyak. “Kilala kita…bata ka pa lang ay kilala na kita…ganoon din naman si Precious. Alam ko ang itinatakbo ng mga isip ninyo kaya hindi niyo magagawang maglihim sa akin…” “Ano po ang ibig niyong sabihin, Mama?” Inilayo siya nito at hinawakan sa mga balikat. Inayos nito ang buhok niya na lalo na niyang ipinagtaka. “Posibleng may mga bagay na totoo sa mga sinabi ni Ikay pero alam kong malaking bahagi niyon ay kasinungalingan, anak…” “Mama…” Napailing siya. Hindi niya maitago ang pagkalito. “Hindi mo kailangang magpaliwanag kung hindi ka pa handang pag-usapan ang tungkol diyan, anak. Ang gusto ko lang malaman mo ay narito ako para sa’yo. Mahal kita…” Muli siya nitong niyakap. “Salamat po, Mama.” Noon siya tuluyang napaiyak sa dibdib nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD