Chapter 39

1420 Words
PALIKO sa kanang pasilyo ng kabahayan si Victoria nang makita niya si Precious. Abala ito sa hawak nitong cellphone kaya hindi nito alam na masasalubong siya. Ilang metro na lang ang layo niya nang mapatingin ito. Agad na nalukot ang mukha ni Precious pagkakita sa kanya. “Puwede ba tayong mag-usap?” tanong niya. Napilitan itong tumigil sa paglalakad at taas ang noong tumingin sa kanya. “Busy ako eh. Naghihintay pa si Vince sa silid niya.” “Si Vince nga ang gusto ko sanang—” “Tumigil ka na, Ikay. Huwag mo nang guluhin ang isip niya.” “Pero wala akong ginugulo at alam mo ‘yan, Precious. Kaibigan ko rin si Vince.” “Pero niloko mo siya. Anong klaseng kaibigan ang tawag doon?” Sa labis na inis ay hinarap niya ito at dinuro-duro. “Pinlano mong lahat ito. Siguro, sinadya mo ‘kong lokohin para sa huli ay sa’yo na lang silang lahat!” May kung ilang sandaling hindi kumibo si Precious ngunit nang magsalita ay tila maiiyak na. “Ginawa ko ang makakaya ko para pagtakpan ka, Ikay! Hindi ko rin gustong mapalayo ang loob ni Mama sa’yo. Pero ano ang ginawa mo? Ako pa ngayon ang sisirain mo kay Vince? Babaligtarin mo pa ang totoong pangyayari? Bakit ka sa akin magagalit gayong ikaw itong nanloko sa kanya at hindi naman ako?” Nalito siyang saglit sa mga pinagsasasabi nito kaya’t hindi agad niya nagawa ang magsalita. “Hindi ko na matiis ang ginagawa mong panloloko kay Vincent. Kung totoong kaibigan mo siya, sasabihin mo sa kanya ang totoo! Hindi mo ikakailang ikaw ang totoong Victoria at hindi ang Precious na ipinipilit mo. Inagaw mo ang pagkatao ko sa mga mata niya, Ikay. Hindi ko magawang ipakilala ang totoo kong sarili dahil sa mga pinaggagawa mo!” Sa pagkagulat niya ay humagulgol si Precious. “Totoo ba ang lahat nang narinig ko, Ikay?” Singbilis ng kidlat ang ginawa niyang paglingon at muntik na siyang matumba sa pagkabigla nang makitang naroon at nakatayo sa kanyang likuran si Mang Fred na nakaalalay kay Vince. Ang lalaki ay matalim ang pagkakatingin sa kanya habang si Vince ay nalambungan ng kalungkutan ang mga mata. “Totoo bang matagal mo na akong niloloko? Hindi ikaw ang inaakala kong taong kinakaibigan ko?” Basag ang tinig ni Vince at marahil ay kumirot ang sugat nito sa balikat na nakabenda dahil saglit itong napangiwi at napasulyap sa bahaging iyon. “Vince…” “Kung gayon ay totoo nga!” Napayuko siya kasabay nang pag-agos ng masaganang luha. “Pinasakay mo lang pala ako sa kung anu-anong kasinungalingan mo! Ginawa mo akong tanga!” Tiningala niya ito at nasaksihan niya ang galit na nakabadha sa anyo nito. Ilang ulit siyang umiling habang ang mga matang nakatutok dito ay hilam na sa luha. “Hindi ko sinasadya, Vince…hindi ko alam na magiging…magkaibigan tayo…” “Magkaibigan! Kung totoo ang sinabi mo at hindi mo pinlanong lokohin ako, sana’y sinabi mo nang lahat ang totoo, pero ano ang ginawa mo? Pinaikot mo ‘ko, Ikay! Ginawa mong laro ang friendship natin!” “Maniwala ka Vince, hindi iyan totoo! Ilang ulit kong tinangkang sabihin ang totoo sa’yo pero—” “Huwag kang maniwala sa kanya, Vince!” sabad ni Precious na noon ay mabilis nang nakalapit kay Vince at umagapay rito. “Matagal ko na siyang sinasabihan noon na sabihin na ang totoo sa’yo pero ilang ulit niya akong tinakot. Alam niya kung gaano ko kamahal ang Mama ko at inaagaw niya ang atensiyon nito sa akin. Ang sabi niya, gagawa siya ng paraan para tuluyan akong masira sa mga mata ni Mama kung hindi ako makikipagpatulungan sa kanya sa panloloko sa’yo. Patawarin mo rin ako, Vince, kung nagawa ko ring lokohin ka.” Ilang beses na nagpabago-bago ang emosyon sa mga mata ni Vince ngunit sa hli ay nangibabaw ang pagkalito roon. “Kung ikaw si Precious, siya ang totoong Victoria, tama ba?” tanong nito sa katabi. Isang tango kasabay ng matamis na ngiti ang itinugon ni Precious sa tanong na iyon. “Ang pangalang Ikay…” “Totoo kong pangalan ‘yon…palayaw ng Victoria…” sa pagitan ng pagsigok ay sagot niya. Napatango-tango nang tila wala sa loob si Vincent. Kung ano man ang nasa isip nito ay hindi niya masabi. “Vince…gusto kong magpaliwanag. Maaari ba tayong mag-usap nang—” “Kailangan nang magpahinga ni Vincent dahil labis siyang napagod sa kanyang natuklasan!” “Pero Precious—” “Tama si Precious, Victoria!” buo ang tinig na tugon ni Mang Fred. Matigas ang anyo nito na puno ng galit ngunit nang bumaling sa anak ay saglit iyong nawala. “Sige, anak, samahan mo na si Vincent na magpahangin sa verandah. Nagpautos na rin ako ng merienda kay Saning na dadalhin doon. Mag-uusap muna kami ni Victoria.” Isang ngiti ng tagumpay ang iniwan ni Precious sa kanya bago tuluyang tumalikod habang si Vincent naman ay hindi na nagawang lumingon nang mabilis na igiya palayo ng katabi. TUMIKHIM muna si Mang Fred bago nagsimulang magsalita. “Hindi kaila sa’yong hindi kita gusto dito sa tahanan ko, Victoria.” Prangka si Mang Fred. Diretso itong magsalita at walang ligoy tulad din ng anak nito. Totoo ang sinabi nitong alam niyang hindi nito gustong makipanuluyan siya sa bahay nito. Marahil ay pagbibigay lang sa kagustuhan ng asawa nitong si Ramona. Siya ring dahilan kung bakit kahit minsan ay hindi niya tinangkang tawagin itong Papa sa kabila ng ilang beses na pagpapaalala ng kanyang ina-inahan. Pakiramdam niya kasi ay ikagagalit pa nito ang bagay na iyon. Hindi iilang ulit na nahuli niyang nakatingin nang matalim sa kanya si Mang Fred. Kung minsan, kapag wala ang kanyang Mama Ramona ay inuutus-utusan pa siya nito. Lahat iyon ay binalewala niya sa kagustuhan niyang makatapos ng pag-aaral. Para sa kanya, hindi problema si Mang Fred. Madali lang itong iwasan hindi tulad ng anak nitong sadyang lumalapit sa kanya. “Hindi kita gustong makasama sa iisang bubong at hindi rin ako kampante sa paraan ng pagtrato mo kay Precious.” “Mang…Fred, wala po akong ginagawang—” “Hindi pa ako tapos sa pagsasalita kaya huwag mong abalahin ang sinasabi ko!” Napatungo siya. “Simula’t-sapul ay inaagaw mo ang oras ng asawa ko sa aking anak. Totoo ang lahat ng sinasabi ni Precious, sinasadya mong agawin ang atensiyon ng kanyang mama kaya’t wala nang natitira para sa kanya!” “Maraming ulit ko siyang kinausap na kung maaari ay huwag nang ituloy ang planong pagsasama sa’yo dito sa Maynila. Magagawa ka pa rin naman niyang suportahan kahit hindi ka dito tumira pero buo na ang kanyang pasyang kupkupin ka. Wala akong nagawa kahit pa nga nadudurog ang puso ko sa tuwing umiiyak ang aking anak, dumaraing ng pagtatampo sa kanyang mama.” “Pinagbigyan ko si Ramona nang sa tingin ko ay wala naman akong magagawa para kontrahin ang kanyang mga kapasyahan pero ibig ko yatang pagsisihan ngayon ang hindi tuluyang pakikialam sa kanya dahil sa ginawa mong ito.” “Mang Fred…” “Kung may natitira ka pang respeto sa akin bilang puno ng pamilyang ito ay magsisimula ka nang magbalot ng iyong mga gamit at uuwi ka na ng Sta. Barbara ngayon din…” Mabilis siyang napaluhod sa harap nito at humagulgol nang pagmamakaawa. “Huwag niyo po akong palayasin, Mang Fred! Nangangako po akong gagawin ko ang lahat! Hindi po ako makikialam kay Precious at hindi na po ako lalapit kay Mama Ramona, huwag niyo lang akong palayasin!” Kumapit siya sa pantalon nito pero dagli nitong pinalis ang mga kamay niya kaya’t napalupasay siya sa sahig. “Sa pagkakataong ito ay buo na ang aking pasya, Victoria. Magbalik ka sa iyong silid habang wala si Ramona at mabilis kang mag-ayos ng iyong mga gamit. Sasabihin ko kay Ramona na pinagsabihan kita ngunit hindi ka nakinig. Wala kang ano mang gagawin na ikasisira ko sa mga mata ng aking asawa kung ayaw mong pati ang nag-iisa mong kaibigan na niloko mo ay saktan ko rin, hindi ba?” Nanlalaki ang mga matang napatitig siya rito. Hinding-hindi niya matatanggap kung mapapahamak si Vince dahil sa kagagawan niya. “Sige, tumayo ka na diyan. Makalipas ang kalahating oras ay ihahatid na kita sa sakayan ng bus pauwi ng probsinsiya. Magkita tayo sa garahe.” Iyon lang at mabibigat ang mga hakbang na tumalikod na ito sa kanya. Naiwan siyang litong-lito ang isip at hindi alam ang gagawin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD