“KANINA ka pa ba, Vince?” tanong ni Victoria sa katabi. Noon ay isa-isa nang nag-aalisan ang mga nagsipagtapos. Palinga-linga siya sa direksiyon ng session hall at tinanataw kung paparating na ang mga kasama.
“Halos ay kadarating ko lang. Mabilis yatang natapos ang ceremony, pasensiya ka na kung hindi ako umabot.”
Nakahinga siya nang maluwag. Nang ibigay niya kay Vince ang petsa at oras ng pagtitipon ay nawala sa isip niyang posible nang malantad dito ang sekreto niya. Bakit nga ba hindi niya naisip na tatawagin sa stage ang kanyang pangalan? Ano kaya ang reaksiyon nito kung si Precious mismo ang papanhik sa stage pagtawag sa pangalan nito? At siya bilang totoong Victoria naman?
Mabuti na lamang at binago ang oras ng programa. Ngayon lang niya naisip na kung hindi iyon nangyari ay tapos na ang maliligayang araw niya sa mga sandaling iyon.
“Ayos lang. Ang importante ay dumating ka.” Ngumiti siya nang bukal sa kanyang puso. Pakiwari niya ay nanghahapdi ang kanyang mga matang ibig na yatang pamukalan ng luha. “Ibig bang sabihin niyan, ayos na tayo?”
“Anong ayos?” bahagya nang nakangiting sabi nito.
“Ayos as in okay na tayo. Hindi ka na galit sa akin…”
“Pupunta pa ba naman ako dito kung galit pa ako sa’yo…Special?” Pinindot nito ang kanyang ilong at halos ay magtatalon siya sa tuwa. At ilang ulit pa naman niyang iniyakan ang pagkawala ng isang mabuti at maalalahaning kaibigan sa katauhan ni Vince.
“Salamat, Special…” Muli niya itong niyakap. May kung ilang saglit din sila sa ganoong ayos bago niya kusang inilayo ang sarili dito. “Naku, siya nga pala, pasensiya ka na kung hindi kita maaanyayahang sumama sa amin sa bahay…dangan kasi ay—”
“Ayos lang. Marami pa namang pagkakataon…ngayon pa bang ayos na tayo, hindi ba?”
“Talaga?”
Sa tingin ni Ikay ay lalong tumangkad si Vince. Kung noon ay bahagya lang ang ginagawa niyang anggulo sa pakakatingala rito, ngayon ay tila mangangawit na ang batok niya sa tuwing titingnan niya ito.
“Oo naman. Kapag may panahon ka, sabihan mo lang ako at pupuntahan kita,” ani Vince.
Hindi niya maisatinig ang nararamdaman sa mga sandaling iyon. Totoong masayang-masaya siya. Nang hawakan ni Vince ang kamay niya ay lalo na niyang nadama na hindi siya nag-iisa sa tuwing may problema siya…na kahit may mga pagkakataong gusto na niyang sumuko at umuwi na lang ng probinsiya, iisipin lang niya ito ay ayos na ang lahat. Nakakatuwang isiping may isa pa siyang inspirasyon bukod sa mga magulang.
“ANG lakas ng loob mong papuntahin si Vince dito, sira ka talaga!” Si Precious na nagtutungayaw. Ang akala niya ay kung bakit siya nito hinatak sa guestroom at may sasabihin daw ito sa kanya.
“Si Vince? Narito siya?” Namilog ang mga mata niya sa saya pero dagli din iyong napalitan ng takot.
“Oo, bakit hindi mo alam? Huwag mong sabihin sa akin na hindi mo sinabi ang address natin sa kanya?”
Saglit siyang nag-isip. Wala talaga siyang natatandaang pagkakataon na sinabi niya rito ang lugar na tinutuluyan niya. Napailing siya na tila lalo pang ikinainis ni Precious.
“Ano siya, superhero? Ang galing naman niyang manghula ng bahay!” sarkastiko nitong sabi.
“Pero hindi ko talaga alam. Nasaan siya?”
“Nasa ibaba. Kabilin-bilinan ko kay Liza na huwag siyang kakausapin at kung tatanungin man sila ay huwag silang magsasalita ng kung anu-ano. Mabuti na lang at lumapad na ang papel mo sa bahay na ito, nakikipagpaligsahan ang mga litrato mo sa sala sa mga pictures ko!” Umingos ito.
Totoo ang bagay na iyon. Hindi nga niya inaasahang ipapalagay ng ina-inahang si Ramona sa sala ang mga larawan niya. Kaya pala bilin nito bago sila lumuwas noon ng Maynila na magdala siya ng pictures.
“Ano ang gagawin ko, Precious? Baka dumating na si Mama Ramona—”
“Ano naman? Huwag ka lang niyang tatawagin sa totoo mong pangalan ay walang problema. Hindi naman mahigpit sa iyo ang mama mo!”
Hindi niya pinansin ang pait sa tinig nito. Kahit paano kasi ay nasanay na rin siya mga reaksiyon ng kababata.
“Si Papa Fred?” Doon siya kinakabahan dahil ang ama-amahang simula pa ay hindi naman malapit sa kanya ay hindi siya tinatawag sa palayaw at sa halip ay sa buong-buong ‘Victoria.’
“Wala siya, two days sa Kuwait. Takot ka, ‘no?” Ngumisi si Precious. “Sige na, labasin mo na bago pa iyon mainip.”
Napatingin siya rito at bahagyang may kung anong bumundol na kaba sa dibdib niya. Bakit tila napakabait naman yata ni Precious sa kanya pagdating kay Vince?
“Ano ang kapalit ng mga tulong mo?”
Napaismid ito. “Grabe ka naman. Iniisip mo talagang may kapalit?”
Bahagya niyang naikiling ang ulo, reaksiyon ng isang taong hindi makapaniwala.
“O sige na, may kapalit na kung may kapalit. Pero wala akong plano kaya wala pa rin sa isip ko ang kapalit na sinasabi mo. Saka na siguro, kapag may naisip na ako.”
“Para kasing gusto kong kabahan—”
“Duwag ka talaga,” anito sabay halakhak. “Sige na, bumaba ka na at baka naiinip na ang prince charming mo.”
Napahinuhod na siyang bumaba para harapin si Vincent. Sa isip niya ay naglalaro pa rin ang posibleng kapalit na hihingin ni Precious sa oras na maningil ito.
MADALING natunton ni Vincent ang lugar na tinitirhan ni Precious dahil na rin sa tulong ni Victoria. Nang maghiwalay sila ni Ikay nang mismong araw ng graduation ng mga ito at ay nabigla siya nang sundan siya ni Victoria at sabihin nitong nakahanda siyang tulungang makipaglapit ulit kay Ikay.
“Magkaibigan tayo, ‘di ba, Vince?” malamlam ang mga mata nitong sabi.
Tumango naman siya at hindi na siya nagulat nang hawakan nito ang kanyang mga kamay. Palagi nang ganoon si Victoria.
“Kung ganoon, pabayaan mo akong tumulong sa inyong dalawa ni Ikay. Heto ang address namin pero huwag na huwag mong sasabihin kay Ikay itong ginawa ko. Alam mo na…”
Saglit na nagkalambong ang kanyang mga mata dahil sa ibig nitong ipahiwatig. Naalala tuloy niya ang sinabi ni Ikay na hindi siya nito maaaring imbitahan sa bahay nito. Pero bakit? Ikinakahiya ba nitong maging kaibigan ang isang tulad niya?
“Vince!”
Nalingunan niya si Ikay na noon ay pababa sa marangyang hagdan ng bahay na iyon. Kanina ay halos manliit siya. Oo nga at magara rin ang tinutuluyan nilang bahay ngayon pero hindi sa kanila iyon kundi kay Mr. Guanzon samantalanang si Ikay, sadya pala talagang mayaman. Sa bagay, ano pa ba ang aasahan niya gayong ang lupain at bahay ng lolo nito sa probinsiya ay hindi na abot ng tanaw ang dulong bahagi?
“Kumusta na?” tanong niya habang minamasdan ito.
Sa tingin niya ay lalong gumanda si Ikay. Higit na naging maputi ang kutis nitong bahagyang namula noong nakaraang taon, marahil ay dahil sa sikat ng araw. Ang mga mata nitong tila sa isang batang animo’y nagsusumamo at naghahanap ng pasalubong ay matiim na nakatingin sa kanya. Ang mga labi nitong sadyang mapupula ay nakangiti rin. Ikay was an angel from heavens…and she was his angel.
“Maayos pa rin naman,” tila nag-aalangan nitong sabi. Halata sa boses nito ang pagkabalisa. Ayaw ba siya nitong harapin?
“Mabuti naman…” Pinaupo siya nito at tumabi naman ito sa kanya. “Ah…hindi mo ba ako tatanungin kung kumusta ako?” aniya makaraan ang ilang saglit na tila pagkakailangan sa pagitan nila.
“Kumusta ka pala?”
Sinikap rin niyang ngumiti kahit pa nga nagsisimula na siyang muling magtampo rito. “Okay lang din naman. Nariyan ba si Victoria?”
Hindi siya sigurado pero may nasilip siyang kakaibang reaksiyon sa mga mata nito.
“Nasa itaas. Gusto mo ba siyang makausap?”
“Hindi na,” aniya sabay iling. “Ikaw naman ang ipinunta ko rito.”
Sumilay ang isang matamis na ngiti sa mga labi ng dalagita. “Paano mo pala nalaman na dito ako nakatira?”
“Ah…sinundan kita noong graduation day mo.”
“Huh? Paanong…hindi ba at nauna kang umuwi nang gabing iyon?”
“Hindi ako tumuloy dahil naisipan kong alamin ang lugar na tinutuluyan ninyo ni Victoria. Mabuti na lang at ginawa ko iyon, tingnan mo naman at nakarating ako dito ngayon.”
Isang alanganing ngiti na naman ang nasa labi nito.
“May lakad ka ba ngayon, Ikay? Baka puwede tayong…lumabas?”
Bigla ang pamimilog ng mga mata nito tulad nang dati sa tuwing yayayain niya itong magpunta sa halaman ni Mang Kanor.
“Puwede! Wala akong trabaho—este, ang ibig kong sabihin ay tapos na ang mga gawain sa eskuwela kaya puwede na akong lumabas.”
“Mabuti kung ganoon.” Tumayo siya at inayos ang suot na damit at ganoon din si Ikay. “Tara na?”
“Sama ‘ko!”
Mabilis siyang napaligon sa puno ng hagdan at hindi agad nakakibo nang makita ang bumaba roong si Victoria. May munting pagtutol na umahon sa dibdib niya pagkakita rito.
“Puwede bang sumama sa inyo?” nakangiti nitong tanong. Pinukol niya ng tingin si Ikay na noon ay bahagya nang nakasimangot.