Chapter 35

1095 Words
SAGLIT na nanigas ang leeg niya sa pagkakatingin kay Mama Ramona habang ang huli ay nakatutok naman ang paningin sa likuran niya. Unti-unti ang ginawa niyang paglingon upang mamilog lamang ang mga mata sa pagkabigla. “V-Vince!” Sa pagkagulat ng mga katabi ay kagyat niyang tinalon ng yakap ang lalaki. Hindi magkamayaw ang katuwaan sa puso niya. Ang akala niya ay hindi na ito darating. “I-Ikay…sino siya?” Nilinga niya ang ina at saglit siyang nalito kung paanong ipapakilala rito si Vince. Laking pasalamat niyang hanggang sa mga sandaling iyon ay walang tumatawag sa kanya sa totoo niyang pangalan. “Ah…Ma, si Vince po…kaibigan ko na taga-Sta. Barbara din.” “Sta. Barbara? Doon ka pa galing niyan, hijo?” tanong naman ni Ramona. “Hindi po. Dito na po kami sa Malate nakatira.” Napatango ito. “Tama. Ikaw nga ‘yung nakita namin noong isang araw ni Ikay sa mall, kaya pala pamilyar ka.” “Ako nga po. Binabati ko po kayong lahat sa pagtatapos ni Ikay.” Ngumiti ang dalawang babae at gayundin sana ang gagawin niya kung hindi niya nakita ang papalapit na si Precious. Bigla ay tila dinamba ng kung ano ang puso niya sa matinding kaba. Ano ang gagawin niya oras na mabuko ni Vince ang mga kalokohan niya? Ngayon pa ba nito malalaman ang tungkol sa matagal na niyang sekreto? Ngayon pang heto at abot-kamay na niya ang pakikipagkasundo rito? “Ah…Ma, lahat ng magulang ay ipinapatawag sa session hall. May kaunting salo-salo yata doon at blowout ng valedictorian ng klase.” anitong hindi niya matiyak kung kay Ramona o kay Maria nakatingin. Malikot ang mga mata nito na tila sinasadyang hindi mahulaan ang nasa loob nito. Inalalayan nito ang dalawang babae at iginiya sa direksiyon ng hugos ng mga tao, pagkatpos ay nagbalik sa kanila. “Hello, Vince! I’m glad you came!” nakangiti nitong sabi. “Tinupad mo rin pala ang sinabi mo noon, Victoria. Masaya rin akong nakita kita.” Ngumiti rin ito. “Tungkol ba sa pangarap kong makapagtapos para makatulong sa mga magulang ko?” Pinukol siya nito ng makahulugang tingin bago muling bumaling kay Vince na noon ay walang kaalam-alam sa mga nangyayari. “Oo, tumutupad ako sa mga salita ko, Vince. Ikaw, kumusta na? Parang ang laki ng itinaas mo sa nakalipas na sampung buwan ah.” Hinaplos nito ang batok at ang mga mata ay dumako sa kanya. “Siguro ay banat sa trabaho kaya ganoon.” “Baka nga…nag-iisa ka lang?” Tumango si Vince. “Oo. Sinadya ko talaga ng lugar na ito, mabuti naman at kahit paano ay natutunan kong puntahan ang lugar.” “Paano mong nalaman ang…ang tungkol sa graduation namin?” Nagsalubong ang tingin nilang dalawa, tila kapwa nananantiya kung sino ang unang magkukuwento ng pangyayari. Sa huli ay pinili niyang sa kanya na manggaling ang ibig marinig ni Precious. “Naaalala mo noong niyayaya ka ni Mama Ramona…ni Mama na mamili tayo ng shoes? Hindi sinasadyang nagkita kami noon ni Vince sa mall.” Napatango si Precious. “Nice. Sasama ka ba sa amin sa bahay?” Mabilis niyang inagaw ang pagkakataon na dapat sana ay si Vince ang sumagot sa tanong na iyon. “H-hindi na siguro. Nagmamadali din kasi si Vince…pero mag-uusap muna kami bago siya umuwi.” Papayagan naman siguro siya ng dalawang ‘ina’ na saglit na makipag-usap sa lalaki. Nang muli niyang sulyapan si Vince ay tila may munting galit na sa mga mata nito habang pilit mang itago ay tila nasisiyahan naman si Precious. “Saglit lang, Vince ha. Kakausapin ko lamg sandali si Ikay.” Hinawakan siya nito sa isang kamay at saka iginiya sa isang tabi kung saan hindi na maririnig ni Vince ang mga sasabihin nito. “Ang lakas ng loob mong imbitahan si Vince dito! Alam na ba niya ang tungkol sa pagpapanggap mo?” Kung pagmamasdan sa malayo ay tila nakangiti si Precious kaya hindi iisipin ng sino mang makakakita na matatalim ang mga salitang lumalabas sa bibig nito. “Hindi pa niya alam kaya kung maaari ay ituloy muna natin ang nasimulan natin noon, Precious…” “At pagkatapos ay ano?” Ngumiti itong muli at nang lumingon sa kinaroroonan ni Vince ay nagawa pang kumaway rito. “Tinawag kanina sa stage ang pangalan mo, hindi ba? Hindi ba niya narinig iyon?” “Sa tingin ko ay hindi dahil wala naman siyang tinatanong. Baka late na rin siyang dumating.” Napatango itong tila nasisiyahan. “So itutuloy natin ang nasimulan natin?” “Kung…puwede sana, Precious.” Nang hawakan siya nito sa braso ay may kung anong kilabot siyang nadama na hindi niya maipaliwanag, tila kabang hindi niya basta-basta kayang payapain. “Madali naman akong kausap, Victoria…kayang-kaya nating iligaw ang isang inosenteng tulad ni Vince…pero siyempre, tulad ng dati ay may kapalit iyon.” “A-anong kapalit?” “Saka na iyon. Hindi pa iyon mahalaga sa ngayon.” Tila nakakautong pinagdaop pa nito ang mga palad kung saan ipinaloob ang kanyang mga kamay. Kung susundin lang niya ang nilalaman ng isip ay pagsasalitaan niya ito ng hindi maganda. Napakahusay talaga nitong manlinlang kahit kailan! “Ngumiti ka at baka makalahata ang boyfriend mo…” humahagikgik pang sabi nito. “Ikaw din, tiyak na abot-langit ang galit niyan sa’yo kapag nabuking ka niyan.” Hindi siya nagbigay ng komento roon dahil maging siya ay dudang mananatili niyang kaibigan si Vince oras na malaman nito ang tungkol sa lihim niya. “Hindi ko boyfriend si Vince, Precious…magkaibigan lang kami.” “Alam mo, ang bata mong sinungaling…” “At ang bata mo namang tsismosa…” aniya sabay ngiti. Noon nawala ang ngiti sa mga labi ng kaharap. “Kinakalaban mo na ba ‘ko, Ikay? Baka gusto mong ngayon pa lang ay malaman na ni Vince—” “Nagbibiro lang ako, ano ka ba!” Nabigla ito nang gawin niya ang kanina ay ginagawa rin nito. Itinaas niya ang mga kamay niyang nakapaloob pa rin sa mga kamay nito. Sino ang magsasabing sa hitsura nilang iyon ay hindi sila malapit sa isa’t-isa? Larawan sila ng totoong mag-bestfriend, hindi man magkapatid. “Sige na, balikan mo na si Vince at susundan ko na sina Mama. Mahirap nang may tumawag sa akin dito at mabuking tayo agad ng boyfriend mo.” Hindi na niya nagawang sagutin ang sinabing iyon ni Precious dahil mabilis na itong tumalikod upang pumunta sa session hall. Siya naman ay humakbang palapit kay Vince, abot-tainga ang ngiti at tila may nag-aawitang anghel sa paligid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD