“NAGKITA kayo ni Precious?” nanlalaki ang mga matang bulalas ni Caroline nang ikuwento rito ni Vince ang pangyayari kanina sa mall. Noon ay nakauwi na sila ng bahay at nakakain na ng hapunan. Sina Ted at Joe ay sumama sa papa nila at kay Mr. Guanzon para kunin ang iba pa nilang natitirang gamit doon.
“Hindi ko rin inaasahan, Caroline. Nagulat din ako nang makita siya…”
“Hindi kaya…nakatadhana talaga kayong maging magkaibigan o kaya ay higit pa doon, Kuya?”
“Caroline—”
“Tingnan mo, Kuya, hindi na ito Sta. Barbara! Maynila na ito pero nagkita pa rin kayo ng kaibigan mo? Sa dinami-rami ng lugar sa Maynila ay doon rin niya naisipang magpunta at sa laki ng mall ay naroon din siya sa mismong lugar na kinaroroonan natin! That’s amazing!” hindi pa rin makapaniwalang bulalas nito.
Tama ang kapatid. Maging siya ay nagtataka sa pangyayaring iyon. Nang sabihin ng mga kapatid na luluwas na sila ng Maynila ay si Ikay agad ang pumasok sa isip niya pero madali niya iyong inalis sa isip. Katwiran niya ay lubhang malaki ang siyudad at imposibleng magsanga pa ang landas nilang dalawa. Ngunit sadyang mapagbiro ang tadhana. Dinala siya ng kanyang mga paa kung saan naroon ang dalagita, ngayon ay gulung-g**o siya kung pupuntahan ito o hindi sa araw ng pagtatapos nito.
“Bakit naman hindi ka pupunta? Hindi ba at pagkakataon na iyon para magkalapit ulit kayo?” takang tanong ni Caroline nang sabihin niya rito ang tungkol sa naging pag-uusap nila ni Ikay.
“Ayoko nang magmukhang tanga, Caroline. Ganoon ang ginawa at pinaramdam niya sa akin kaya hindi na ako magpapauto sa kanya.”
“Ano ka ba, Kuya! Matagal na iyon kaya kalimutan mo na. Kasama niya ang mama niya hindi ba? For sure, hindi ka na lolokohin noon.”
Nagkibit sita ng balikat. “Ewan ko. Basta ang alam ko, nalilito ako sa pabago-bagong takbo ng isip niya.”
“Ewan ko rin sa’yo, Kuya. Basta ang alam ko, sobra-sobra na ang ginawa ni Ikay para patawarin mo siya. Nagpakababa siya nang puntahan ka sa palengke, umiyak sa harap mo…ano pa ba ang gusto mo? Isa pa, kung ako iyon ay hindi ko itatago ang mga bagay na tulad nang ipinakita niya sa’yo kung hindi ka mahalaga sa kanya. Ang corny nga niya para itago ang lahat ng iyon tapos ay hindi mo man lang na-appreciate.”
Saglit siyang natigilan. Tama si Caroline. Ibang klase rin namang effort ang ginawa ni Precious para makipagbati sa kanya pero ni hindi niya iyon pinansin. Mali ba siya nang hindi tanggapin ang pakikipagkasundo nito? Nang gabing iyon ay hindi siya nakatulog. Laman ng isip niya si Ikay at ang mga pinagsamahan nila nito.
HINDI maubus-ubos ang mga ngiti ni Victoria. Kaagapay niya sa pagpanhik sa stage si Ramona at ang inang si Maria na tulad niya ay masayang-masaya rin. Nang malingunan niya mula sa puwesto ng mga graduates si Precious ay madali niyang inalis ang paningin dito. Paano’y napakatalim ng paraan ng pagkakatingin nito sa kanya.
“Thank you, Sir, Ma’am,” aniya sa adviser niya at principal ng school nang isabit ng mga ito sa kanya ang apat na medalya ng karangalan. Hinagkan naman siya ni Ramona, gayundin ng inang lumuwas pa ng Maynila buhat sa Sta. Barbara.
Ngunit sa kabila ng kasiyahan ay naroon ang munting lungkot na nagpipilit pumasok sa murang puso ni Ikay. Inilibot niyang muli ang paningin sa karamihan ng mga tao sa bulwagan na pinagdarausan ng pagtitipong iyon pero bigo pa rin siyang makita ang hinihintay niya. Wala si Vincent. Hindi ito dumating. Nangangahulugan lang iyon na tuluyan na nitong tinapos ang ano mang ugnayan nila.
Sa bagay, nang puntahan niya ito sa palengke nang umuwi siya ng probinsiya ay hindi naman siya nito binigyan ng kahit kapirasong pag-asang magkakaayos sila. Siguro ay talagang ganoon kalaki ang tampo nito sa kanya. Kung sana ay alam lang nito ang totoong mga pangyayari, kung sana ay kaya ng loob niyang sabihin rito ng walang pag-aalinlangan ang buong katotohanan, sana ay wala siyang problema ngayon. Pero imposible iyon.
Naramdaman na lang niyang inaaalalayan na siya ng ina sa pagbaba.
Isang matalim na irap ang ibinigay ni Precious nang mapadaan siya sa gawi nito. Alam naman niya ang kahulugan niyon. Kaninang bago umalis ay nilapitan siya nito at sinabihan ng kung anu-ano.
“Masaya ka na bang nakuha mo na ang buong atensiyon ni Mama?”
“Ano ba’ng mga sinasabi mo, Precious? Wala akong ginagawa—”
“Sinungaling! Alam ko namang sinasadya mo lahat eh. Pinagbubuti mo ang pag-aaral para mapalapit lalo kay Mama at maipamukha sa akin na higit kang magaling! Ngayong nagtagumpay ka na sa lahat ng gusto mo, masaya ka ba? Ha, Victoria, masaya ka ba?”
Kung bakit may pait ang tinig ni Precious ay hindi niya maintindihan. Hindi rin niya maunawaan kung bakit ganoon na lang ang pagseselos nito sa kanya gayong nakikita naman niyang mahal din ito ni Ramona. Iyon nga lang, dahil sa maraming kapalpakan nito ay mas madalas kung bibilangin ang pangaral at galit kaysa papuri ng ina rito.
“Hindi ako masaya dahil ganyan ang iniisip mo sa akin. Alam ng Diyos, wala akong masamang ginagawa. Gusto ko lang namang makatapos para maiahon ang pamilya ko—”
“Isa pa ‘yan, kung makaarte ka ay akala mo ka kung sino! Puro ganyan ang mga sinasabi mo! Kesyo gusto mong makapagtapos, gusto mong makapagtrabaho balang araw para sa pamilya mo ek-ek! Pagod na akong marinig ang mga kaartehan mo!”
“Precious…”
“Ang yabang-yabang mo, Victoria! Wala ka nang ibang ginusto kundi ang kumuha ng atensiyon ng iba! Gusto mo ay lagi kang napupuri, lagi kang pinag-uusapan! Attention sucker!”
Nagbalik ang sakit sa dibdib ni Ikay pagkaalala sa mga salitang iyon. Hindi niya kailanman ginustong kumuha ng atensiyon ng kahit sinong tao. Ang totoo’y mahiyain siya. Hindi niya ibig maging center of attention nino man. Hindi niya gustong pinag-uusapan maganda man o hindi ang pag-uusap na iyon tungkol sa kanya. Sapat na sa kanya ang nasa isang sulok. Kuntento na siyang gawin ang mga gusto niya nang hindi napapansin ng iba. Kung nangyayari mang napupuri siya ni Ramona ay wala na siyang magagawa roon. Marahil ay kasalanan na rin iyon ni Precious dahil sa dami ng sakit ng ulong hatid nito sa ina.
Hanggang matapos ang pagtitipon ay magulo ang isip niya. Natanaw niya ang nakangiting ina at masaya itong umakbay sa kanya.
“Proud na proud ako sa’yo, anak. Napakahusay mo talaga,” anitong nakangiti. Bilang tugon ay niyakap naman niya ito. Lumapit din si Ramona at tulad ng ina ay yumakap din siya rito at nagpasalamat.
“Mas magiging lubos ang kasiyahan namin ng mama mo kung sa iisang school ulit kayo papasok ni Precious sa susunod na pasukan.”
“Ano ang ibig mong sabihin, Ma’am Ramona? Bakit?” Kunot ang noo ng mama niya. Siya man ay natahimik at nabigla sa sinabi nito.
“Ang sabi ni Precious ay gusto mo raw lumipat ng paaralan sa pasukan. Huwag mong ikagalit anak, kung nabanggit niya sa akin ang bagay na iyon. Ang sabi niya ay secret niyo daw iyon pero nalulungkot daw siya kaya nabanggit na niya sa akin.”
Muntik na siyang mapailing sa narinig. Malaking kasinungalingan na naman ang niluto ni Precious at siya na naman ang biktima nito. Bakit niya gugustuhing lumipat ng paaralang nagbigay ng recognition sa kanyang kakayahan? Sa school na iyon niya naranasan ang magpahayag ng kanyang nalalaman. Doon din niya natutunan ang mag-isa at umasa sa sarili niyang abilidad, bakit siya aalis doon?
“Ah, Mama Ramona, matagal pa naman po iyon. Puwede po bang saka na lang natin iyon pag-usapan at sa halip ay mag-celebrate muna tayo? Naghihintay po si Precious sa inyo—”
“Special…”
Nagtaka na naman siya sa isang boses na biglang sumingit sa hangin. Nasa isip niya kasi si Vincent kaya marahil ay inaakala niyang naririnig din niya ang boses nito.
“Ikay…”
Sa ikalawang beses ay hindi na siya nakagalaw.