“HUWAG kayong mahiya. Pumili na kayo ng kung ano mang gusto ninyo.” Si Mr. Guazon habang masayang nakamasid sa kanilang magkakapatid. Nasa mall na sila at kasalukuyang namimili ng sapatos.
Naghiwa-hiwalay sila ng direksiyon sa pamimili habang ang magkaibigan ay tila nasiyahan na sa pagmamasid sa kanila. Natanaw niya ang section ng sapatos na panlalaki kung saan patungo rin sina Joe at Ted. Susunod na lang siya sa mga ito nang hatakin siya ni Caroline.
“Kuya, samahan mo naman ako doon.” Itinuro nito ang section ng mga pambabae. “Ayaw nina Aida ng shoes eh. Sandals daw ang hahanapin nila.”
Tumango siya at umagapay dito sa paglalakad. Hindi nagtagal ay narating na nila ang tinuturo nito.
“Grabe, Kuya! Ang gaganda ng shoes oh!”
Nakangiti niya itong pinagmasdan habang hindi naman magkasya ang tuwa sa dibdid nito. Isa-isa nitong kinukuha ang naiibigang sapatos at saka iyon isinusukat.
“You can ask for sizes Ma’am if you like.” Sabay silang napatingin sa nagsalitang saleslady. Matamis ang pagkakangiti nito.
“Ano kaya ang size ko, Kuya?” tanong ni Caroline.
Kumuha ng isang sapatos ang saleslady sa display at bumaling sa kanyang kapatid. “Isukat niyo po,” anito. Nang maisukat ang sapatos ay saglit iyong sinipat, sinalat ang dulo at sakong niyon. “Medyo maluwag po, size seven po iyan.” Muli itong kumuha ng isa pa at saka ulit ipinasuot kay Caroline. “Try this one, Ma’am, six na po iyan.” Napangiti ito nang masuri ang sapatos sa paa ng kapatid. “Sakto na po. Six po ang paa niyo, Ma’am.”
“Thank you. Pero hindi iyan ang style na gusto ko,” ani Caroline habang nakatingin sa sapatos na hawak ng saleslady, pagkuwa’y kinuha ang isnag sapatos sa display rack at saka iyon ipinakita sa babae. “Meron bang six nito?”
“Of course, Ma’am. Saglit lang po at kukuha ako sa rack.” Tumalikod na ito dala ang sapatos na iniabot ni Caroline.
“KUYA, ang tagal naman ng saleslady na iyon. Kanina pa tayo dito ah.”
“Darating din iyon, huwag kang mainip.” Hindi pa man nagtatagal nang sabihin iyon ay natanaw na ni Vincent ang saleslady na kausap kanina, palapit na iyon sa kanila pero lumiko ito sa kaliwang panig kaya nagtaka siya.
“Hindi ba siya iyon, Kuya?” tanong ni Caroline na nakita rin pala ang babae.
Humakbang siyang palapit sa saleslady matapos magbilin kay Caroline na maghintay doon. Nang makalapit ay pumuwesto siya sa likod nito. Kasalukuyan itong nakikipag-usap sa customer na nasa harap nito. Kukunin na lang niya ang atensiyon ng babae nang bigla siyang matigilan.
“Sure na po kayo, Ma’am?”
“Opo. Kasya na sa akin ito…okay na po ito, Mama…”
Nagtaka siya nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon. Tumayo ang customer at humarap sa salamin ngunit nanlaki ang mga mata nito nang makita ang kanyang repleksiyon sa life sized mirror na kaharap nito. Bigla ang paglingon nito sa kanya.
“V-Vincent!” nanlalaki ang mga matang bulalas nito.
Naghinang ang mga paningin nila at kung ilang saglit ding hindi siya nakakilos habang nakamasid lang dito. Humakbang palapit sa kanya si Ikay.
“A-ako nga. Kumusta?” Kusang lumabas ang mga salitang iyon sa bibig niya na hindi na niya napag-isipan. Isa pa ay kasama nito ang mama nito. Agad siyang nagyukod ng ulo at bumati rito. “Magandang umaga po.”
Ngumiti naman ang babae at inakbayan si Precious habang nakatingin sa kanya. “Kaibigan mo ba siya, anak?” tanong nito.
“O-opo, Mama…”
May kung anong kirot siyang nadama sa pag-aalinlangang iyon ni Ikay. Bakit pakiwari niya ay namutla ito nang makita siya sa halip na maging masaya? Dahil ba kasama nito ang ina at alam nitong kagagalitan ito oras na malamang nakikipagkaibigan sa isang tulad niya? Nakadama siya ng habag sa sarili.
“Tagasaan ka, hijo?” tanong ulit ng babae, marahil ay sinisigurong kauri siya ng mga ito.
“Taga…rito lang din po, sa Malate.”
Hindi nakaligtas sa kanya ang pagkakakunot ng noo ni Ikay pero hindi na niya pinagtuunan ng pansin iyon. Magalang na siyang nagpaalam habang alam niyang nakasunod ang tingin sa kanya ng dalagita. Paliko na siya ng pasilyo kung saan naroon si Caroline nang may pumigil sa kanyang kamay.
“Vince…”
Mangiyak-ngiyak na anyo ng dalagita ang nalingunan niya. Sinikap niyang hindi iyon pansinin.
“May kailangan ka?”
“Nandito ka na rin pala sa Maynila?”
“Oo,” malamig niyang tugon habang ang mga mata ay hindi inabala niya sa paglinga, kunwa’y walang interes sa sinasabi ng kausap.
“Ga-graduate na ko, Vince…”
Noon niya ito niyuko at nasalubong niya ang malungkot nitong mga mata. “Mabuti naman kung gayon.”
“Tinutupad ko na ang pangako ko noon na magtatapos ng pag-aaral para sa’yo at—”
“Magtapos ka para sa sarili mo at hindi para kung kanino, Ikay…”
Napayuko ito. “Huwag kang magalit dahil…isa ka sa mga inspirasyon ko para mag-aral na mabuti…”
Hindi siya nakakibo sa puntong iyon at napatingin lang dito.
“Sana…makarating ka sa graduation ko…”
“Hindi ako sigurado—”
“Please, Vince…gusto kong ialay sa’yo ang kung ano mang karangalang makakamit ko sa araw na iyon…”
“Hindi ko pa kabisado ang Maynila. Lubha itong malaki kaysa Sta. Barbara…”
Natigilan si Ikay, pagkuwa’y mabilis na naghalungkat sa mga gamit na nasa loob ng bag na nakasukbit dito, saglit na gumawa ng paraang makapasulat at saka iniabot sa kanya ang kapirasong papel na kulay puti.
“Nariyan ang address ng school namin. Isinulat ko rin ang petsa at oras ng program. Sana…sana’y dumating ka…alang-alang sa pagkakaibigan natin, Special…” Matapos sabihin iyon ay napayakap sa kanya si Ikay at huli na para ilayo niya ito. Mahigpit na itong nakayakap sa kanya na kung susundin lang din niya ang ibinubulong ng kanyang puso ay tutugunin niya ng ganoon ding klase ng yakap. Pero inosente si Ikay at wala pa itong kamuwang-muwang sa mga bagay na tumatakbo sa isip niya. Hindi niya iyon dapat samantalahin.
“Susubukan ko pero hindi ako nangangako…” tugon niya. Marahan niyang inalis sa pagkakayapos sa kanya ang mga kamay nito at saka siya tumalikod baon ang bigat sa dibdib.