“PRECIOUS, hija, halika nga saglit dito,” tawag ni Ramona sa anak. Napatingin ang dalagita dito at pagkuwa’y lumipad ang tingin na iyon kay Victoria. May talim sa mga mata nito na hindi niya maintindihan.
“Ilang linggo na lang at ga-graduate ka na. Bakit hindi ko yata nakikitang busy ka sa mga school projects samantalang itong si Ikay ay halos hindi na mapahinga sa ginagawa?”
Saglit silang nagpalitan ng tingin nito. Hindi naman kasi nila parehong inaasahan na uuwi nang maaga sa araw na iyon ang mama nito. Ang alam nila, sa tuwing magkakaroon ng gatherings ang group na sinalihan nito ay halos hatinggabi na ito kung mauwi.
Matapos ang hapunan ay sinimulan na niya ang paggawa ng pyramid project na ibinigay ng teacher nila sa Math at dahil kailangan niyang igawa si Precious, dalawang pyramid ang kaharap niya ngayon. Nasa aktong ipa-polish na niya ang ikalawang pyramid nang sumungaw si Ramona sa pinto ng study room at hindi pa nga nagtatagal ay tinawag na nito ang anak na noon ay abala naman sa paglalaro ng computer games.
“Tapos na ‘ko, Mama…” nang makabawi ay sagot ni Precious. Confident ang paraan ng pagkakangiti nito.
“Paanong tapos? Hindi naman kita nakitang gumawa—”
“Binigyan po kami ng time sa school kanina para gawin iyan kaya bago kami umuwi, nakatapos na ‘ko. Hayan po ang pyramid ko at hiniram na nga ni Ikay. Hindi kasi siya nakayari.”
Bigla siyang nainis sa naging tugon nito. Mailigtas lang ang sarili sa ina ay siya naman ang idiniin nito. Tama ang sinabi nitong binigyan nga sila ng sapat na oras para gawin ang pyramid kanina kaya nga nakatapos siya ng sarili niyang project. Kailangan lang niyang i-polish iyon para higit na gumanda na siya niyang ginawa kanina. Nang matapos ang sariling project ay isinunod niya agad ang kay Precious.
“Totoo ba iyon, Ikay? Kay Precious nga ba ang isang ‘yan?” tanong nitong itinuro ang pyramid na nasa isang tabi at tapos na niyang gawin, ang pyramid na dapat ay kanya.
“O-opo…tapos na po siya kanina pa sa school, Mama Ramona…”
Animo nabunutan ng tinik ang anyo ng babae sa narinig. Inakbayan nito si Precious at hinagod ang likuran nito. “Natutuwa ako sa malaking pagbabago mo, hija. Malaking bagay talaga ang pagdating ni Ikay dito sa pamilya natin. Naging masipag ka mula nang dumating siya. Nagtaasan ang grades mo…”
Hindi nakaligtas sa kanya ang palihim na pag-ismid ni Precious sa tinuran ng ina. Dumako rin sa kanya ang matalim nitong mga sulyap. Hindi na lang niya iyon pinansin at ipinagpatuloy na lang niya ang ginagawa.
“Mama, masipag naman talaga ko. Iyon nga lang, wala kasi akong kapatid kaya hindi ako inspired mag-aral sa bahay, pero ngayong narito na si Ikay, inspired na inspired na po ako!”
Inilayo niya ang paningin sa mag-ina nang may kung anong kahungkagang nadama sa dibdib. Bigla niyang na-miss ang mama niya. Sana ay naroon din ito sa tabi niya tulad ng mama ni Ramona.
“O siya, sige, papanhik na ako ha. Huwag na kayong masyadong magpuyat at maaga pa kayo bukas, Ikay. Sa susunod na linggo ay mamimili tayo ng sapatos ninyong gagamitin para sa graduation.”
Namilog ang mga mata niya dala ng excitement. Na-i-imagine na niya ang sarili habang napaliligiran ng naggagandahang mga sapatos.
“Puwede mo nang itikim ang bibig mo at wala na si Mama!” padarag na sabi ni Precious na ikinalingon niya. Tama ito, nakalabas na nga ng study room si Ramona at hindi lang niya namalayan.
“Masaya kasi ako, sa wakas ay magkakaroon na ako ng magandang sapatos!” aniyang hindi pa rin mapigilan ang mapangiti.
“Ang arte mo kasi! Hindi ba at ibinibili ka na nila noong pasukan at tumanggi ka?”
“Nahihiya kasi ako noon. Isa pa, may shoes pa ako na kahit naman luma ay puwede pang gamitin.”
“Maarte ka nga kasi.” Umirap ito. “Alam mo, dapat sinusunggaban mo kapag may grasya!”
Hindi na siya kumibo, yumuko na lang at itinuon ang atensiyon sa ginagawa. Nang magsawa sa kapaparinig at iniwan na rin siya ni Precious.
“MAGANDANG umaga po, Mr. Guanzon,” bati ni Bia sa kaibigan ng amang siyang nagbigay ng tulong sa kanila. Lumuwas sila sa araw na iyon para bisitahin ang bahay at alamin ang mga kailangang ayusin doon pero laking pagkamangha nila nang makita kung gaano iyon kalaki at kaganda.
Tama ang ama nang sabihin nitong luma na ang bahay pero hindi tulad nang inaasahan nila ang anyo niyon. May apat na silid sa ikalawang palapag habang dalawang silid naman ang nasa ibaba, labis-labis pa kung tutuusin para sa kanila. Hindi bagong maituturing kung ang pagbabasehan ay ang bahagya nang natutungkab na pintura ng kabahayan pero maayos na maayos pa rin iyon. Walang interior decors dahil dalawang taon na iyong hindi nagagamit pero gaano na lang ba iyon sa kanila? Ang sabi ni Ate Bia ay uunti-untiin raw nila ang pagsasaayos sa buong kabahayan. Hindi halos sila makapaniwala nang makita ang kabuuan niyon.
“Magandang umaga rin sa’yo, Bia…” anito at saka luminga sa kanila. “Magandang araw sa inyong lahat. Nagustuhan niyo ba ang bahay?”
“Sir, ano pong nagustuhan? Gustung-gusto po namin!” Si Joe. “Kaya lang ay nakakahiya po sa inyo. Baka maluma namin ang bahay sa pagtira dito—”
“Ano bang maluluma? Ayos lang basta may gumagamit kaysa naman ganitong walang tao, hindi ba? Mas madali daw masira ang bahay na walang nakatira.”
“Tama iyon, pare. Makakaasa kang babantayan at aalagaan naming mabuti itong bahay mo.”
“Wala naman akong duda roon, pare. Mukhang mababait at responsable ang mga anak mo.”
“Oo naman. Sayang nga lang at hindi sila kumpleto.” Napatuon ang malulungkot nitong mga mata sa kanya.
“Pa, makukumpleto din po tayo kaya huwag na kayong mag-alala.”
“You mean, may iba ka pa bang anak na wala dito, compadre?” si Mr. Guanzon.
“Meron pa, ang pangalawa kong anak na si Suzzie at si Aiden, kasunod ni Vincent.”
Tinapik ni Mr. Guanzon ang balikat ng papa niya. “Tingin ko’y may mga problema ang mga batang kailangang resolbahin.”
“Naku, huwag mo nang alalahanin iyon, compadre. Itong tulong mo’y sobra-sobra na. Sigurado naman akong maaayos din ang lahat.” Ngumiti ito na tinanguan naman ni Mr. Guanzon.
“Kung papayag kayo, may oras lang din naman ako ngayon, bakit hindi tayo lumabas?”
Nagkaingay ang lahat sa narinig. Hindi araw-araw na makakarinig sila ng ganoong klaseng alok mula sa isang mayaman at mabait na taong tulad ni Mr. Guanzon.
“Nakakahiya naman po sa inyo, Sir,” ani Bia na madaling sinansala ng lalaki.
“Isa pa ‘yan. Baka naman maaaring Tito na lang ang itawag niyo sa akin mula ngayon?” Ngumiti ito na umabot sa maliliit nitong mga mata. “Ang totoo, naaalala ko ang aking anak sa inyo. Nag-iisa lang siya at nasa China, doon na piniling mamirmihan. Marahil ay maedad lang nang bahagya sa’yo, Bia.” Bumadha ang lungkot sa mga mata nito.
“Kaya po pala parang napakabait ninyo sa amin…Tito.” Si Aida.
“Idagdag pang napakalaki ng naitulong ng papa niyo sa akin. Hindi lang isa kundi maraming beses niya akong nailigtas mula sa mga kaaway ng pamilya ko sa negosyo noong mga panahong nasa China pa kami. Sinawing-palad ang aking mga magulang dahil na rin sa dami ng mga nagtatangka sa kanilang buhay pero ako’y nanatiling ligtas at iyan ay sa tulong ng papa niyo.”
“Hindi rin niya tinigilan hangga’t hindi nauubos ang mga taong iyon. Ipinakulong niyang lahat hanggang makalaya ako sa lahat ng pagbabantang saglit ding nagpatigil sa pag-inog ng aking buhay.”
“Pakiwari ko noon, napakaliit ng mundo. Ni hindi makalabas ng bahay. Kahit saan ako magpunta ay kasama ko ang papa niyo na noong una ay lagi ko pang inaaway. Nasasagasaan kasi ang ego ko, bakit magkaedad lang kami pero kailangan pa niya akong bantayan? Minaliit ko ang kanyang kakayahan hanggang mapatunayan niya sa aking karapat-dapat siya para ipagtiwala ko ang aking kaligtasan. And he proved it to me for countless times.” Maiyak-iyak ito habang naglalahad ng saloobin habang ang papa naman niya ay gayon din, bahagya ring nangingislap ang mga mata sa daloy ng mga alalahanin.
“Tungkulin kong iligtas ka sa abot ng aking makakaya, compadre—”
“Na ginawa mo nang higit pa sa iyong kakayahan. Dalawang ulit kang nagbuwis ng sarili mong kaligtasan sa akin at alam ko iyon, pare. Dahil diyan, hayaan mo akong kahit paano ay makapagpakita ng pasasalamat sa iyo sa ganitong paraan.” Luminga ito sa kanila. “O paano, shall we?” nakangiti nitong tanong.
Nag-echo sa paligid ang kanilang iisang sagot.