“NITONG mga huling araw ay may napapansin ako sa’yo, Victoria.”
Napatigil sa pagtitiklop ng labada si Ikay. Lumingon siya sa inang namamalantsa ng kanyang uniporme. Nagtatanong ang kanyang mga mata habang nakatanaw dito.
“Hindi ba at dati-rati ay ayaw na ayaw mong tumuntong sa mansiyon ng mga Agoncillo? Bakit ngayon ay nag-iba na yata ang ihip ng hangin? Gabi pa lang ay excited ka nang pumaroon?”
“Mama naman…hindi naman po sa ganoon.”
“Hindi sa ganoon eh bakit tanong ka nang tanong sa Tiya Monica mo?”
“Gusto ko lang naman pong malaman kung anong oras kami pupunta roon bukas.”
“Iyon na nga. Hindi ba dati ay tumatakas ka pa? Bakit ngayon, nag-iba na yata ang isip mo?”
“Eh kasi ‘Ma…ano po eh…kasi po…” Nagkandautal siya sa kawalan nang maisasagot dito.
“Alam ko naman, anak…”
“Ha? Alam niyo po?” Namilog ang mga mata niya sa pagkagulat. Alam ng mama niya ang tungkol kay Vincent? Alam na ba nito bago siya magpunta sa mansiyon ay nagkikita sila ng lalaki?
“Oo.” Inilagay muna ng mama niya sa isang itim na hanger ang pleated skirt niya saka ito muling sumulyap sa kanya. “Alam ko naman na gustong-gusto mong makapagtapos ng pag-aaral kaya ginagawa mo ang lahat para matupad iyon.” Ngumiti ito sa kanya at noon lang niya naunawaan ang ibig nitong sabihin.
Iniisip pala ng mama niya na kaya siya sinisipag sa pagpunta sa mansiyon ay para sa pangarap niyang makapagtapos ng pag-aaral. Bilin nga kasi ni Ma’am Ramona na turuan siya ng mga gawaing-bahay ng mama niya bago sumama sa mga ito sa susunod na pasukan. Sa isang banda ay totoo naman iyon. Madalas nga niyang pangarapin na nasa Maynila na siya, nakasuot ng uniporme at pumapasok sa isang maganda at prestihiyosong paaralan. Pero higit doon, mas madalas niyang pangarapin na kasama niya si Vincent.
Ewan ba niya kung bakit. Hindi nga rin niya maintindihan ang sarili kung bakit palagi niyang gustong makita ang lalaki. Kung nasa edad na marahil siya ay iisipin niyang may gusto siya kay Vince pero dahil bata pa siya, musmos pa, wika nga ni Tiya Monica, palagi niyang kinokontra ang isip kapag ganoon na ang tema ng mga imahinasyon niya.
Kaibigan niya si Vincent at mabait ito sa kanya. Siguro, kung may namamagitan man sa kanila ay ‘yung ‘special friendship’ lang kung tawagin. Katwiran niya sa sarili, hindi naman mahalaga kung anong klase pa ang damdamin niya para dito. Ang importante ay nagkakaunawaan sila nito…na iingatan nila ang kanya-kanyang sarili para sa isa’t-isa. Special nga ang tawag nila sa isa’t-isa, hindi ba?
Pero bakit nga ba niya kailangang ingatan ang sarili para kay Vincent at bakit ito nangakong iingatan din ang sarili nito para naman sa kanya?
Of course, hindi naman siya ganoon kainosente. Natural ay naiintindihan naman niya ang ibig sabihin niyon pero kailangan niyang magkunwaring hindi iyon nauunawaan dahil nalilito rin siya sa takbo ng mga pangyayari. Hindi niya mapigil ang sariling makadama ng excitement sa tuwing malapit na ang araw ng Sabado. Iyon kasi ang araw na muli na naman silang magkikita ni Vincent at sa tuwing mangyayari iyon ay walang paglagyan ang kasiyahan niya.
Pero dahil bata pa siya, alam naman niya kung paanong kokontrolin ang sarili. Madalas man niyang pangarapin si Vincent ay alam niyang hanggang doon lamang iyon. Marami siyang pangarap sa buhay at nangako siya sa kanyang ina na magtatapos siya ng pag-aaral para makapaghanap ng magandang trabaho upang sa gayon ay maiahon na sa hirap ang kanyang buong pamilya.
“Salamat anak at sa wakas ay naunawaan mo na rin kung bakit kita laging pinipilit na isama noon sa mansiyon ng mga Agoncillo.”
Nagbalik sa kasalukuyan ang isip niya sa sinabing iyon ng ina. Sinulyapan niya ito at sinuklian ng ngiti ang sinabi nito. “Wala po iyon, ‘Ma. Promise po, magtatapos ako ng pag-aaral. Pagbubutihan ko rin ang paglilinis ng mansiyon para matuwa naman sa akin ang mga Agoncillo…lalong-lalo na si…Precious.”
Sandaling tumigil sa ginagawa ang ina at lumapit sa kanya. “Alam mo, mabait namang bata si Precious. Sadyang spoiled lang dahil nga mayaman at nag-iisang anak. Pero alam mo Ikay, nasisiguro kong magkakasundo naman kayo.” Humaplos sa kanyang likuran ang isang kamay nito. Hinagod nito at sinuklay ang buhok niya gamit ang sarili nitong mga kamay.
“Talaga, ‘Ma?” aniya. ‘Parang hindi rin…,’ bulong ng isip niya na hindi na niya isinatinig. “Kapag nakatira na ako sa bahay nila, hinding-hindi ako gagawa ng bagay na ikagagalit nina Sir Fred at Ma’am Ramona. Sisikapin ko ding hatiin ang oras ko sa pag-aaral at pagsisinop ng bahay nila para matuwa naman sila sa akin.”
“Tama iyan, anak. Pero alam mo, duda akong paninindigan ni Ramona na ikaw ang gagawa ng mga gawaing bahay sa bahay nila sa Maynila. Aba ay dalawa ang katulong niya roon, sa pagkakatanda ko. Pero ano’t-ano man, mainam na ring pinalaki kitang mahusay sa mga trabahong bahay para hindi ka mahirapan kung sakaling mawalay ka sa akin, anak.” Namasa ang mga mata ng mama niya nang mangilid ang mga luha roon.
“Mama naman…napakaiyakin mo talaga…” Inabot niya ang isang butil ng luhang bumagsak sa pisngi nito at saka iyon tinuyo. “Huwag ka nang mag-moment, Mama. Basta kaunting tiis lang tayo at darating din ang panahon na tayo naman ang nasa ibabaw ng gulong.”
“Ha? Anong gulong?” taka nitong tanong.
Pilya siyang ngumiti at saka ito tinugon. “Ang sabi ng marami ay parang gulong daw ang buhay. Minsan ay nasa ibabaw at minsan naman ay nasa ilalim…pero feeling ko lang, Mama ha, lagi naman yata tayong nasa ilalim…”
“Ikaw talaga…”
“Ayos lang naman na nasa ilalim tayo, basta ba hindi tayo makakagulong ng ‘poo-chi.’ Tinakpan niya ang bibig nang mapatawa nang malakas at kasabay naman niyon ay ang mahinang hampas ng ina sa kanyang likuran.
“Puro ka talaga kalokohang bata ka!”
“Joke lang, ‘Ma! Ayoko lang kasi nang iiyak kayo…” Iniyakap niya ang mga braso sa katawan nito at saka isinandig ang ulo sa dibdib ng ina. “I love you, Mama…” aniya makalipas ang ilang sandaling katahimikan sa pagitan nila.
“Salamat, anak. Iyan ang gusto ko sa’yo. Kahit makulit ka, kahit lagi mo akong tinatakbuhang bata ka, hindi mo nalilimutang sabihin na mahal mo ako…at mahal na mahal din kita, anak. Mag-iingat ka at huwag makakalimot tumawag sa Diyos pagdating ng Maynila ha.”
Hinagkan muna niya ito sa pisngi bago siya tumango kasabay ng isang malapad na ngiti.