“MALAYO na naman ang tingin mo. Naiisip mo pa rin ba siya, Kuya?”
Isang malalim na paghinga ang naging tugon ni Vince kay Caroline. Ni hindi niya ito nilingon at patuloy lang na tinitigan ang mamula-mulang araw na halos ay tuktok na lang ang nakikita at nakalubog na sa dako pa roon. Naroon siya ngayon, kasama ang kapatid sa dating tagpuan nila ni Precious.
“Kuya, lagi ka na lang malungkot. Kung si Precious na naman ang iniisip mo—”
“Bakit ko siya iisipin? Wala na siyang halaga para sa akin, Caroline. Hindi naman niya ako itinuring na kaibigan kahit kailan.”
Nagbuntong-hininga ang kapatid. “Yung Victoria, balita ko ay maganda rin siya, bakit hindi mo siya makagaanan ng loob at gawing kaibigan tulad ni Precious?”
Umiling siya. “Ewan ko ba. Ibang-iba pa rin si Ikay para sa akin. Ang gandang tinutukoy mo na narinig mo lang sa kung sinu-sino diyan ay hihigitan ng ganda ni Precious. Sayang at hindi pala siya naging totoo sa akin. Winalang halaga niya ang kanyang ganda. Winalang halaga niya ang lahat ng pinagsamahan namin.”
“Huwag mong sabihin iyan, Kuya. Ni hindi mo nga alam ang totoong pangyayari.”
“Anong pangyayari pa ba ang sinasabi mo? Hindi siya tumupad sa usapan namin. Tatlong beses niya akong pinapunta dito sa tagpuan namin at tatlong beses din niya akong hindi sinipot. Sa mga pagkakataong iyon ay tanging si Victoria lang ang nagtitiyagang puntahan at sabihan ako.”
“Sinubukan mo bang puntahan siya sa mansiyon?”
“Hindi iilang beses, Caroline, pero bigo akong makita siya. Ni minsan sa maraming beses kong pagtatangka ay hindi na kami nagkita. Lagi siyang wala roon at nagpupunta ng bayan kasama raw ng Timothy na iyon. Nang minsan namang datnan ko roon, ang sabi ni Victoria ay ayaw na raw akong harapin.” Napailing siya pagkaalala sa mga iyon.
Halos ay walong buwan na buhat nang mangyari ang lahat pero sariwa pa rin ang mga iyon sa kanyang isip. Nasa Maynila na si Precious pero ang sakit na idinulot nito sa kanya ay hindi pa rin niya magawang limutin. Napakasakit na ang unang babaeng lubos niyang pinahalagahan nang higit pa sa kanyang sarili ay nagawang tumalikod sa kanya nang ganoon lang.
Isang araw ng Sabado na naisipan niyang muling dumaan sa matandang punong iyon ay dumating si Victoria. Nagpaalam ito sa kanya at sinabing sasama raw ito sa Maynila para mangatulong sa pamilya ni Precious doon. Gusto raw kasi nitong magtapos ng pag-aaral para sa pamilya nito. Humanga siya sa dalagita. Marahil ay ito ang naging kaibigan niya kung una niya itong nakilala kay Precious. Tulad ng huli ay maganda rin naman ito. Hindi rin naglalayo ang tindig ng dalawa, dangan nga lamang at higit na maganda si Precious kaysa rito. Higit ring matimbang ang damdamin niya para rito.
Nang itanong ni Victoria kung ibig niyang kausapin si Precious ay hindi na siya kumibo. Pagod na kasi siyang sumubok dahil sa tuwing tatangkain niya iyon ay nasasaktan lang siya. Hanggang sa maghiwalay sila nang araw na iyon ay hindi na niya naibalik ang dating sigla. Nahihiya man sa bagong kaibigan ay hindi niya magawang lokohin ang sarili. Laking pasasalamat lang niya na naunawaan siya nito.
“Marami ka pang puwedeng maging kaibigan, Kuya. Huwag mo nang masyadong isipin si Precious.”
Sinulyapan niya ang kapatid. Kahit noong una pang nagkukuwento siya rito tungkol kay Precious ay hindi niya ito nakitaan ng interes na makinig. Lagi nang tila abala ito sa kung anong ginagawa. Hindi na niya iyon pinansin dahil sanay naman na siya sa mga reaksiyon ng mga taong nakakaalam ng tungkol sa apo ni Don Igme. Kung noong una ay hindi siya komportable, nang lumaon ay natanggap na niya iyon.
“Tama ka, Caroline. Marami pa nga akong magiging kaibigan. Siguro ay hindi ko lang agad maialis si Precious sa isip ko dahil sa mga pinagsamahan namin. Huwag kang mag-alala, mula ngayon ay sisikapin ko na siyang kalimutan.” Sinikap niyang ngumiti ngunit bahagya pa rin siyang nasaktan nang makitang kumislap ang mga mata ng kapatid pagkarinig sa sinabi niya.
“Talaga, Kuya?” Niyakap siya ni Caroline nang mahigpit. “Natutuwa ako para sa’yo!” dagdag nito.
“KUMUSTA, anak? Dalaga ka na at lalo kang gumaganda.” Matamis ang pagkakangiti ni Maria. Tuwang-tuwa ito sa pagbisita ng anak na si Victoria.
Sinuklian niya ng matamis ding ngiti ang ina. Miss na miss na niya ito kaya nagpaalam siya sa mag-asawang Fred at Ramona na kung maaari ay payagan siyang umuwi sa probinsiya isang araw ng Sabado. “Salamat, Mama. Kumusta na po kayo?” Hinagkan niya ito sa pisngi.
“Ano bang kumusta? Lagi kaming maayos rito, anak. Ikaw nga ang kumusta na. Kung titingnan ka ay tila hindi ikaw ang Victoria na umalis dito sa Sta. Barbara halos isang taon pa lang ang nakararaan!”
“Mabuti naman po ang lagay ko. Napakabuti ni Mama Ramona sa akin.”
Tila nabawasan ang kislap sa mga mata ng ina nang muling sumagot pero hindi na niya iyon pinagtuunan ng pansin. “Natutuwa akong nagkakasundo kayo ng pamilya ni Ramona. Mama na rin pala ang tawag mo sa kanya.”
Hinawakan niya ang isang kamay ng ina at saka ito iginiya palapit sa upuang nasa sulok ng kanilang terasa. “Tama kayo, ‘Ma, hindi ako itinuring na iba ni Mama Ramona. Para sa kanila ay karagdagan akong miyembro ng kanilang pamilya. Tanging paglilinis lang ng bahay ang ipinapagawa sa akin at iyon ay kapag tapos na ako sa mga assignment ko. Napakabuti nila, Mama.”
“Mabuti kung gayon. Mababawasan ang mga alalahanin ko kung alam kong maayos ang lagay mo doon.”
“Oo nga po. Sandali, Mama,” aniya sabay linga sa paligid, “kanina pa ako rito pero hindi ko man lang natatanaw si Tiya Monica. Nasaan po siya?”
“Ah, ang tiya mo ba? Nagpunta lang saglit sa bayan. Namili ng mga pataba na kakailanganin sa mansiyon.”
Kumunot ang noo niya. “Hindi ba at imported ang mga halaman ni Mama Ramona? May mga pataba na sa bayan na puwedeng gamitin sa mga iyon?”
“Naku, oo, anak! Ewan ko ba diyan kay Ramona, dati-rati namang umuuwi rito nang lingguhan. Bakit kaya ngayon ay hindi na niya iyon magawa? Tuloy ay hindi na niya nabibisita ang garden niya.”
“Hindi ko rin po alam. Busy po yata sa mga sinalihan niyang grupo.” Narinig niya minsan na abala sa mga aktibidades ng organisasyong sinalihan si Ramona at iyon daw ang dahilan kung bakit hindi sila madalas na mauwi ng probinsiya.
Sa loob ng siyam na buwan ay dadalawang beses pa lamang siyang nadadalaw sa kanyang pamilya at sa tuwina ay limitado iyon. Madalas ay natutukso rin siyang pumunta sa dati nilang tagpuan ni Vincent pero ni minsan ay hindi na niya iyon nagawa. Lagi kasi siyang sinasamahan ni Precious, sa kung anong dahilan ay hindi niya alam kung bakit. Basta lagi na lang itong sumasama sa kanya pag-uwi sa kanila, kaya naman inakala na rin ng kanyang mama at Tiya Monica na maayos ang samahan silang dalawa. Hindi naman niya magawang magsumbong sa mga ito dahil ayaw niya ring mag-alala pa ang ina at tiyahin sa kanya.
Ang totoo, kahit kailan ay hindi naging maayos ang samahan nila ni Precious. Mula nang sumama siya sa mga ito pa-Maynila ay nagsimula na ang kalbaryo niya. Ang sabi ni Ramona ay hindi niya kailangang gawin ang mga gawaing bahay na ginagampanan na ng dalawang kawaksi ng mga ito. Mag-aral na lang daw siyang mabuti para gumanda ang mga grado niya. Matutuwa raw ang pamilya niya kung may karangalan siyang makakamit sa pagtatapos ng taon, pero paano niya iyon gagawin kung maging ang oras niya para sa pag-aaral ay limitado?
Mula nang sumali sa kung saan-saang organisasyon si Ramona ay natuon na ang buong panahon nito sa mga iyon. Kapag umuuwi ito ng bahay ay tulog na siya at pagigising naman niya sa umaga para maghanda sa pagpasok ay wala na ito. Tuloy, hindi nito alam ang ginagawang pang-aabuso ng anak nito sa kanya.
Oo, sang-ayon naman siya na kailangan niyang makisama sa anak ni Ma’am Ramona hangga’t kaya niya dahil malaki ang utang na loob niya sa mga ito pero sa tingin niya ay sumosobra na si Precious. Lahat ng assignment nito ay siya ang pinagagawa. Maging ang mga projects nito ay iniaatang din sa kanya at hindi biro ang labing-anim na subjects para sa isang tulad niya.
Hindi lang iyon. Pagdating niya sa bahay galing sa eskuwela ay pinag-iinitan din siya nito. Sa halip na masimulan na niya nang maaga ang mga assignments nilang dalawa ay siya pa rin ang inaatasan nitong gumawa ng ilang trabaho sa bahay. Ang dalawa namang kawaksi ay sunud-sunuran dito kaya hindi na niya kahit kailan tinangkang pumiyok. Dalangin na lang niya sa araw-araw na maagang dumating si Ramona upang sa gayon ay makaligtas siya sa sandamakmak na trabahong-bahay na pilit pinababalikat nito sa kanya.
Gayon pa man ay wala siyang planong ipaalam iyon sa mga magulang. Maliit pa siyang bata ay iyon na ang itinuro sa kanya ni Tiya Monica-ang magtiis. Hindi daw tamang kaunting hirap ay nakaangal siya, na kaunting sakit ay sumusuko na siya. Huwag din daw niyang bigyan ng sakit ng ulo ang mama niya dahil makakasama raw para dito ang mag-alala. Tumanim iyon sa isip niya kaya ni minsan ay hindi niya tinangkang magsabi ng problema sa mga ito.
“Alam mo, kung minsan ay iniisip kong hindi ka mabait, Victoria…hindi ka mabait kundi sadyang tanga,” ani Precious sa kanya isang hapong nagpadala ito ng juice sa kuwarto nito.
“Puwede ba, huwag ka nang magsimula ng g**o at hindi naman kita papatulan.”
Pagak itong tumawa. “Talaga? At kung papatulan mo ‘ko, ano naman sa tingin mo ang mangyayari? Wala naman, ‘di ba!”
Tama ito. Wala naman ngang mangyayari kung papatulan niya ito dahil sa huli, tiyak na siya ang talo. Ito ang anak kaya ito ang tiyak na kakampihan ng mag-asawang Fred at Ramona. Alangan naman siya na kung tutuusin ay panggulo lang? Na paaral lang ng mga ito?
Idagdag pang napaka-protective ni Sir Fred kay Precious. Ilang ulit na niyang nasaksihan na mahal na mahal nito ang anak. Minsang umuwi si Precious nang may sugat sa kamay dahil sa isang maliit na insindente sa science experiment nito ay agad itong nagpunta sa eskuwelahan upang kausapin si Mrs. Dampalit, ang Science teacher at adviser ng klase nila. Kahit nang ipaliwanag ng teacher na si Precious ang may kasalanan sa nangyari ay hindi ito nakinig at nagbanta pang ililipat ng paaralan ang anak oras na maulit iyon. Walang nagawa ang teacher kundi ang humingi ng pasensiya sa magulang sa takot na ma-reprimand ng school principal.
Si Ramona naman, kahit hindi masyadong close kay Precious ay natural na concern din sa anak. Nang makita nito ang sugat ng dalagita ay nag-alala ito at narinig niya kinabukasan na tumawag ito sa isang kaibigan para ipagbigay-alam na hindi ito darating sa isang kompromiso nito. Kailangan daw nitong bantayan ang anak lalo pa at sininat si Precious dahil sa sugat nito. Mahina kasi ang loob nito sa sakit kaya kaunting galos lang ay apektado ang buo nitong sistema.
“Teka, bakit ganito ang kamay mo? Ang akala ko ba ay hindi ka gumagawa sa bahay?”
Napaangat ang mukha ng nagulat na si Victoria sa tanong na iyon ng kaniyang ina.