Chapter 25

1312 Words
LAKING panlulumo ni Vincent nang makitang nag-iisa si Victoria. Atrasado na ng isang oras si Precious; pasado alas-tres na at wala pa ito. Nang matanaw niya ang isang bulto ng tao na naglalakad palapit sa direksiyon niya ay nabuhayan siya ng loob subalit hindi pa nagtatagal ay napuna niyang hindi iyon si Precious kundi si Victoria. “Bakit ikaw lang? Nasaan si Precious?” Alanganin ang ngiting ibinigay ni Victoria. “Wala siya, Vince. Nagpasabi siya na hindi makakarating ngayon kaya…ako na lang ang pinapunta niya.” “Bakit daw? May problema ba sa mansiyon?” Nagyuko ito ng ulo at nang tumingin sa kanya ay tila may simpatya sa mga mata nito patungkol sa kanya. “I’m sorry, Vince. Hindi ko kaya ang pinagagawa ni Precious kaya kailangan mong malaman ang totoo…” “Ha? Hindi ko maintindihan…” “Ang sabi niya ay gumawa ako ng kahit anong alibi sa’yo pero huwag na huwag ko daw sabihin ang totoo.” “Anong totoo?” Bumuntong-hininga ito at saka nagpatuloy sa paglalahad. “May kausap siyang lalaki sa telepono kanina. Timothy ang narinig kong pangalan. Boyfriend yata iyon ni Precious?” “Boyfriend? Wala pang boyfriend si Precious…lubha pa siyang bata para doon.” “Iyon ang alam mo…dahil iyon ang gusto niyang palabasin sa’yo. Akala ko’y nagbago na siya nang makilala ka. Natuwa pa naman ako pero...hindi pa rin pala.” “Puwede mo bang diretsahin kung ano ang ibig mong sabihin, Victoria?” “Hindi mo pa kilala ang totoong Precious, Vince. Hindi mo pa siya lubusang kilala. Kahit ipagtanong mo pa, ang nag-iisang apo ng mag-asawang Agoncillo ay may kakaibang pag-uugali.” Tila tumalim ang mga mata nito pero nagpatuloy ito sa pagsasalita kaya natuon ang isip niya sa sinasabi nito. “Kung iniisip mong simple siya at may mababang kalooban, nagkakamali ka. Ginagawa lang niya iyon para papaniwalain ka. Ikaw lang kasi ang kaibigan niya dito sa probinsiya.” “Hindi ko mapaniwalaan ang sinasabi mo. Halos kakikilala lang natin…” “Pero isa akong kaibigan at hindi ako sinungaling, Vince. Kahit ipagtanong mo pa ang pangalan ko, kilala ako ng lahat ng tagarito. Maging ang mga simpleng magsasaka o mga trabahador sa asyenda ng mga Agoncillo ay kilala ako bilang anak ni Maria. Natitiyak kong wala silang sasabihing laban sa akin…” Muli ay ang pagtalim ng mga mata nito. Bigla siyang naguluhan sa takbo ng mga pangyayari. Kanina sa daan ay pasipol-sipol pa siya. Kahit kasi alam niyang nalalapit na ang pagluwas ni Ikay sa probinsiya ay hindi niya ibig malungkot. Ang mas tama ay matuwa siya para dito dahil magsisimula na ito sa pagtupad ng mga pangarap nito. Bilang isang totoong kaibigan ay tungkulin niya iyon sa dalagita. Ilang beses na rin niyang itinanim sa isip na hindi siya magpapakita ng kahit kaunting lungkot sa harap ni Ikay. Hindi niya gustong magulo ang murang isip nito. Siya ang mas matanda kaya siya ang higit na dapat na malawak ang pag-unawa sa mga ganoong situwasyon. Ang tanging konsolasyon niya sa sarili ay ang posibilidad ng sinabi ni Aiden na may kausap na ang Ate Sussie niya sa Maynila at nagbabalak na rin daw itong makipagsapalaran doon. Ibig sabihin, maaari pa rin silang magkita ni Ikay ‘pag nagkataon. Ang kailangan lang ay huwag silang bumitiw sa nasimulan nilang ‘special friendship’ ng dalagita. Pero ngayon ay nalilito siya sa itinatakbo ng mga pangyayari. Heto si Victoria, isang bagong kakilala, anak ng katiwala sa mansiyon ng mga Agoncillo at nagsasabi ng ‘katotohanan’ diumano tungkol sa kaibigan niyang si Precious. Paniniwalaan ba niya ito? Bigla ay sumalit sa isip niya ang araw na nagkasagutan sila ng kapatid na si Aiden. Tandang-tanda niya kung paano ito nagalit nang marinig na nakikipagkaibigan siya sa apo ni Don Agoncillo. “Gumising ka nga! Ang babaeng gusto mo ay paslit pa! Ni hindi nga noon naiintindihan kung bakit ka nakikipagkita sa kanya! At kung tama ako na siya ang babaeng anak ng panganay ng don, aba’y malaking g**o! Masama ang ugali ng batang iyan! Kasunod niyon ay naalala rin niya ang usapan ng mga katiwala ng mansiyon. May kung anong pumitik sa kanyang sintido, sanhi para masalo niya ang ulo. “Huwag mo na siyang pag-aksayahan ng panahon, Vince. Ako, sisimulan ko na ring pag-aralang kalimutan siya bilang kaibigan. Hindi ko na kayang sikmurain ang mga pinaggagagawa niya.” “Tama na, Victoria. Naniniwala na ako sa’yo,” malungkot niyang sabi. Bahagya siyang nagtaka nang kumislap sa liwanag ng panghapong araw ang mga mata ng dalagitang kaharap. “Huwag kang mag-alala. Narito naman ako para sa’yo. Kaibigan mo rin ako at handa kong palitan si Precious sa puso mo.” Hindi siya nakakibo sa tinuran nito. Napatitig siya sa mukha nitong punung-puno ng kaseryosohan. Hindi yata at ang tinutukoy na mabait, masayahin at inosenteng si Victoria ay nagawang magsalita nang gayon sa kanya? “SAAN ka na naman pupunta?” Si Sussie. Nilingon ito ni Vincent. “Sa labasan lang, Ate.” “Bakit? Gabi na ah…” “Maninigarilyo lang.” Naglakad na siya palapit sa pinto. “Nadadalas ang paninigarilyo mong bata ka. Baka mamaya niyan ay magkasakit ka. At ni hindi ka pa man lang naghahapunan…” anang kapatid na sumunod sa kanya. Hindi siya kumibo at binuksan lang ang seradura nang makalapit sa pinto. “Vince! Umuwi ka nang maaga!” Noon niya ito tiningnan. “Ate, pupunta ako kay Papa…” Tumiim ang anyo ng kapatid nang marinig ang sinabi niya. “Sinasabi ko na nga ba…” “Ate naman…hanggang kailan ba natin siya titikisin? Hanggang kailan ba natin kalilimutan na hindi lang tayong tatlo ang magkakapatid sa mundo? Na may tatay pa tayo na nangangailangan sa atin?” Hindi na siya nagulat nang ibato nito sa isang tabi ang hawak nitong sandok. “Kahit kailan ay napakahina ng dibdib ninyo, Vince! Kung may pagkakatulad ka man kay Ate Bia ay ang pagiging sentimental mo at pagkakaroon ng mahinang kalooban!” “Hindi pagiging sentimental at mahina ang pag-alala sa pamilya, Ate! Iyan ba ang katapangang ipinagmamalaki mo? Ang iwan ang mga kapatid natin? Kalimutan silang tuluyan at mamuhay nang tayo lang? Hindi ko iyon kaya, Ate!” “Dahil nga mahina ka!” “Dahil hindi ako ipokrito tulad mo!” “Bawiin mo ang sinabi mo, Vincent…” “Hindi ko iyon babawiin dahil iyon ang totoo. Nagagalit ka? At ano ang gagawin mo? Sasaktan mo ‘ko? Ikukulong mo ‘ko dito sa bahay mo? Kahit itali mo pa ‘ko, Ate, kakawala at kakawala ako sa’yo. Kahit rendahan mo pa ‘ko, hindi ko magagawang pikit-matang sumunod sa’yo dahil mali ka!” “Bawiin mo ang sinabi mo, Vincent…bawiin mo hangga’t hindi kita itinatakwil bilang kapatid…” Napailing siya at nagtangkang manubig ang kanyang mga mata. Sinikap niya iyong pinigilan at lumuhod sa harap ng kapatid. “Ate, umuwi na tayo sa mga kapatid natin! Nakakalungkot ang buhay natin dito—” “Tumahimik ka nga! Tumayo ka diyan, kundi ay ipapalo ko sa’yo ‘to!” anito at inabot ang walis-tambo na nasa isang sulok. “Wala ka na ba talagang puso, Ate? Hindi mo ba naiisip ang mga kapatid natin?” “Si Ate Bia lang ang mahalaga sa kanila kaya wala na akong pakialam sa kanila! Tumayo ka diyan, Vincent!” “Ate!” Sabay silang napalingon sa labas ng pinto nang sumungaw doon ang humihingal na si Aiden. Nakabadha sa mukha nito ang takot at agad siyang kinabahan sa ano mang ibabalita nito. “Bakit?” halos ay magkapanabay naman nilang tanong ni Sussie. “Si Caroline, Ate, Vince…naaksidente si Caroline!” Marahil ay nawalan siya ng kulay sa narinig na masamang balita. Tumayo siya at walang sabi-sabing tumakbo palabas ng bahay. Dinig niya ang pagtawag ng matandang kapatid pero hindi na niya ito nilingon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD