EXCITED si Victoria kaya binilisan na niya ang mga hakbang. Ganap nang ikalawa ng hapon at tiyak na gaya nang dati ay naroon na sa tagpuan nila si Vincent. Nami-miss na niya ito at natitiyak niyang ganoon din ito sa kanya.
Habang lumilipas ang mga araw ay lalo niyang nadarama ang pagkakaroon ng isang totoo at tapat na kaibigan sa katauhan ni Vincent. Napakabait at napakamaalalahanin nito.
Lalong tumindi ang excitement niya nang marating ang bahagi ng kalsadang hindi na sementado. Malapit na ang tagpuan nila pagdating sa gawing iyon at lumapad ang kanyang pagkakangiti nang makita ang bulto ng katawan ni Vince na nakasandig sa katawan ng puno. Tinawag niya ito at kinawayan. Lumingon naman ang lalaki at gumanti rin ng kaway sa kanya, ngunit nagtaka siya nang may isang pang bulto ng katawan na nakita sa tabi nito. Si Precious…
“BAKIT ang tagal mo?” tanong ni Precious nang makita siya.
Bahagya siyang nailang dahil doon. Alam naman nito ang totoo at marahil kaya ito napapangiti ay dahil alam nitong nagkunwari siyang galing sa mansiyon gayong ang totoo ay mamaya pa siyang alas-kuwatro hinihintay doon. Magtataka kasi si Vincent kung makikita siya nito sa kabilang direksiyon kaya sinanay na niya ito sa ganoon. Lingid dito ay sinasadya niyang agahan ang pag-alis sa kanilang bahay at dumadaan siya sa isang lihim na daan para makarating sa kabilang ibayo na ang duluhan ay humahangga sa isang maliit at madawag na kalyeng patungo sa mansiyon. Doon siya dumadaan at saka pa bumabalik patungo sa tagpuan nila ni Vince.
“May…may inasikaso pa kasi ako kaya ngayon lang ako naparito.”
“Ah, alam ko na,” ani Precious sabay ngiti nang makahulugan sa kanya, “narinig kong inutusan ka ng lolo mo kanina na mag-sort ng files niya ‘di ba? Nagawa mo ba iyon, Precious?” Mariin ang pagkakabigkas nito sa sarili nitong pangalan kaya batid niyang may pangungutya roon. Nang sulyapan niya si Vince ay tila wala naman itong napapansin sa nangyayari.
“Oo…Nagawa ko na kaya nandito na ako. Mabuti at napunta ka?” Hindi niya ito matukoy sa pangalan dahil nangangahulugan iyon ng pagbigkas sa sarili rin niyang pangalan. Kung si Precious ay nagagawang magkunwari, bakit siya ay hirap na hirap na gawin iyon? Sa bagay, siya itong guilty at siya naman ang puno at dulo ng lahat ng iyon.
“Wala namang magagawa sa bahay at sawa na akong mag-mall kaya ipinasya kong maglakad-lakad sa taniman. Mula sa bahagi ng tumana ni Mang Kanor na malapit dito ay natanawan ko si Vince, kaya nilapitan ko siya.”
“Sandali…” awat ni Vince.
Nagkatinginan silang tatlo.
“Hindi ko maintindihan…magkaibigan kayong dalawa pero ang pamilya mo, Victoria, ay katiwala sa mansiyon, tama ba?”
Saglit silang nagpalitan ng makahulugang tingin ni Precious. Ang sabi nito nang huli silang magkausap ay ito na raw ang bahalang magpaliwanag kay Vince ng mga bagay-bagay kung biglang dumating ang ganitong mga pangyayari kaya hinayaan na niya ito sa pagsasalita.
“Tama ka. Sa mansiyon nagtatrabaho ang buo kong pamilya liban sa papa ko na mas piniling makipagsapalaran sa ibang probinsiya. Bakit?”
“Kasasabi mo lang na ayaw mong mag-mall dahil—”
“Ah, iyon ba?” Tumawa si Precious. “Joke lang iyon. Bakit, masaba bang mag-ilusyon?”
Ilang sandali ang lumipas bago napangiti si Vince na nauwi sa pagtawa. “Mabiro ka rin pala, Victoria.” Yumugyog ang mga balikat nito, pagkuwa’y bumaling sa kanya. “Halika, Special, maupo ka sa tabi ko.” Inilahad nito ang kamay sa kanya at inalalayan siyang maupo. Si Precious naman ay nagbalik sa puwesto nito kanina. Dahil doon ay napagitan si Vincent sa kanilang dalawa.
“Nakakatuwa naman na dito pala kayo madalas magkitang dalawa, Vince. Nakakainggit ha…” tudyo ni Precious.
Napahiya siya sa kahulugan ng pasaring na iyon. Pakiwari niya ay may crush ito kay Vincent.
“Huh? Bakit naman nakakainggit? Magkaibigan lang naman kami ni Ikay…”
“Magkaibigan? Meron ba noon? As in magkaibigan lang talaga?”
Sila naman ni Vince ang nagpalitan ng tingin.
“Magkaibigan talaga kami ni Vince at special ang friendship naming dalawa. Kung iniisip mong—”
“Ay, hindi, ano! Wala akong iniisip na ganyan, ano ka ba, Precious! Natutuwa nga ako na may kaibigan ka bukod sa mga tauhan ng mansiyon.”
“Nakakatuwa rin naman na magkasundo pala kayo. Halos ay pareho kayo ng edad kaya tama lang na maging magkaibigan kayo.” Si Vincent.
“At ngayon, tatlo na tayong magkakaibigan, hindi ba!” Nagniningning ang mga mata ni Precious pero sa paningin ni Ikay ay may ibang kahulugan iyon. “Kung sakali, welcome naman ako, hindi ba, Vincent? Sa susunod na Sabado ay sasama ulit ako sa inyo, kung pwede…”
“Oo ba. Bakit naman hindi?” tugon naman ni Vince. Nang sulyapan siya nito ay ngumiti siya. Sana ay walang pinaplanong hindi maganda si Precious dahil natatakot siya sa kakaibang uri ng pagkakangiti nito.
“TAWAG ka ni Lola.”
Napatingin si Victoria kay Precious na noon ay nakatayo sa pinto ng silid na nililinis niya.
“Bakit daw?”
“Malay ko! Basta tawag ka. Nandoon siya sa hardin ni Mama.”
Bahagya siyang nagtaka. Ni minsan ay hindi pa niya nakakausap si Doña Margaret at sa buong panahon ng pagsama-sama niya sa ina sa paninilbihan sa mga Agoncillo ay noon lang siya pinatawag nito para kausapin.
“Ano pa ang itinatanga mo diyan? Bilisan mo na!”
Napaisip siya. Kanina ay nagtaka siya nang sabihin ni Tiya Monica na pumasok siya nang maaga sa mansiyon dahil kailangan daw siya ni Precious. Nang makausap naman niya ito ay wala naman itong iniutos na hindi kayang gawin ng kahit sinong kawaksi sa mansiyon. Tuloy ay naiisip niyang sinasadya lang siyang pahirapan nito.
Pinaayos lang nito ang ilang photo albums ng pamilya nito na nang agad niyang matapos ay ipinabalik na sa kanya sa library ng lolo nito. Pinalis din nito ang tatlong silid sa attic na halos ay wala rin namang alikabok. Ngayong matatapos na niya iyon ay pinapupunta naman siya nito sa lola nitong diumano ay nasa hardin daw at gusto siyang kausapin. Ibig na niyang mainis lalo pa at ilang sandali na lang ay kailangan na niyang umalis para puntahan si Vincent sa kanilang tagpuan.
“Malapit nang mag-ala-una, Precious. Alam mong may usapan kami ni Vince…”
“Naku, oo nga pala ‘no! Hindi bale, saglit lang naman siguro ang sasabihin ni Lola sa’yo. Sige na, puntahan mo na siya para hindi ka na magtagal.”
Napilitan siyang sumunod dito sa kagustuhan na agad mapuntahan si Vince. Ngayong halos ay isang buwan na lang at magtatapos na ang school year, madalas na nitong banggitin ang tungkol sa pag-aaral niya sa Maynila. Hindi man nito aminin at paulit-ulit man nitong sabihing natutuwa ito para sa kanya, alam niyang nalulungkot din ito. Ilang beses na nitong sinabi sa kanya na mahalaga siya para dito at dama naman niyang nagsasabi ito ng totoo kaya sa tuwing magbabanggit ito ng tungkol doon ay sinasadya niyang ibahin ang topic.
Nang matanaw ni Ikay ang hardin ay dagli niyang inayos ang sarili. Ipinagpag niya ang apron na suot at sinigurong maayos ang kanyang hitsura.
Nagpalinga-linga siya nang makalapit sa bungad ng hardin. Wala roon si Mrs. Agoncillo. Tumingkayad siya subalit ni anino nito ay hindi niya natatanaw. Lumakad pa siya hanggang loob ng green house nito at namangha siya nang makita ang sira-sira nitong pananim.
‘Diyos ko, ano’ng nangyari dito?!’ bulong niya sa sarili.
Isang panig ng halamanan ang winasak ng kung ano o sino. Tila tinapak-tapakan ang mga halaman at ang iba ay hinugot pa mula sa pagkakatanim. Ang bahaging iyon na dati ay kaakit-akit at mabulaklak na hardin ay nagmistulang inatake ng delubyo ngayon.
Yumuko siya at hinawakan ang ilang pananim na nasa lupa. Iniangat niya iyon at pinakatitigang mabuti kung may solusyon pang magagawa. Sinuri niya kung may ugat pa ang mga iyon pero napailing siya nang makitang wala nang pakikinabangan sa mga sinirang halaman.
“Santisima! Ano ang ginawa mo sa hardin ng aking anak?!”
Nalingunan niya ang sindak na anyo ni Mrs. Agoncillo. Gimbal itong nakatingin sa kamay niya at nang yumuko siya at makita ang halamang hawak na siyang tinitingnan nito ay bigla niya iyong nabitiwan.
“Doña Margaret, wala po akong kinalaman sa mga—” Hindi niya nagawang ituloy ang sinasabi nang mabiis siya nitong lapitan at isalya sa isang tabi.
“Ano’ng karapatan mong sirain ang pananim ni Ramona?! Ikaw ba ang nagtanim ng mga iyan?”
“Ma’am, hindi po…wala po akong ginagawa!”
“Dahil lang galit ka sa aking apo ay nagawa mo ang bagay na ito? Tama si Precious, mahirap magtiwala sa isang mahirap na gaya mo!”
Natulala siya sa narinig. Ano ang sinabi ni Precious na umaayon sa iniisip ng matanda?
“Ang sabi po ni Precious at magpunta ako dito dahil pinatatawag niyo ako—”
“Ang lakas ng loob mong gumawa ng ganito! Kayo na nga ang tinanggap nang maayos dito sa mansiyon, binigyan ng trabaho at lahat na, ganito ba ang isusukli mo?”
“Pero wala po akong ginaga—”
“Tumahimik ka! Kitang-kita ko kung paano mo binunot ang mga pananim!”
Nanlaki ang kanyang mga mata pero lalo na siyang namutla nang makita ang pagdating ng humahangos na si Ma’am Ramona. Daig pa nito ang namatayan nang makita ang nangyari sa pinakamamahal nitong hardin. Napasinghap ito at nangilid ang luha dahil doon.
“Victoria, hija, ito ang bahagi ng hardin na pinakamamahal ko…ang mga binhi nito ay nanggaling pa sa England at ang lupang itinambak pati ang mga pataba ay inangkat lahat doon. Bakit mo ito nagawa sa akin?” Puno ng hinanakit ang mga mata nito habang ang isang kamay ay nasa dibdib nito.
“Doña Margaret, Ma’am Ramona, wala po akong alam sa ibinibintang ninyo sa akin. Hindi ko po magagawang…”
“Nakita ko nang binunot niya ang isang halaman, Ramona…”
Napailing siya at kasabay niyon ay ang pamamasa ng mga mata sanhi ng luha. Bakit ganoon ang sinabi ng matanda gayong hindi naman siya nito nakita sa aktong ginagawa ang ibinibintang nito? Wala siyang kasalanan at alam iyon ng Diyos.
“Hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa’yo sa mga sandaling ito, Victoria…”
“Anak, anong hindi alam? Parusahan mo siya sa kanyang ginawa! Hindi maaaring ganoon na lang iyon. Kaya ka inaabuso ng mga tauhan natin ay dahil sa pagiging masyado mong mabait!”
“Mama…”
“Kung hindi mo siya magagawang parusahan ay ako ang gagawa niyon sa kanya. Sumunod ka sa akin, Victoria…”
“Ma’am, wala po akong ginagawang masama…” daing niya kay Ma’am Ramona na animo nagsusumbong. Natatakot siya sa posibleng gawin ni Doña Margaret sa kanya. Kilala niya ito bilang matigas ang loob at nagpaparusa sa mga tauhan nito sa asyenda. Naikuwento na iyon ni Tiya Monica sa kanya noon kaya kabilin-bilinan nitong mag-iingat siyang magsanga ang landas nila ng donya.
Nagpahid ng luha si Ramona subalit hindi na siya nito nagawang lingunin. Maging nang tawagin niya ito ay nagpakayuku-yuko ito na tila ayaw man lang siyang tapunan kahit isang pansin. Ganoon ba kaimportante para rito ang mga halamang iyon at gayon na lang ang naging pag-iyak nito?
Hindi na niya ito nagawang lingunin nang mahigpit siyang hawakan ni Doña Margaret sa palapulsuhan at saka hinatak papasok sa mansiyon.