“MUKHANG mabait ‘yang si Victoria, ano?”
Napakunot ang noo ni Ikay nang marinig ang sariling pangalan mula kay Vincent. Nang hapong iyon ay magkasama silang namamasyal sa gulayan ni Mang Kanor. Kasalukuyan nilang binabagtas ang daan patawid sa taniman ng pechay.
“Bakit mo naman nasabi?” mayamaya ay tanong niya nang maunawaang si Precious ang tinutukoy nito.
“Tingnan mo ha, friendly siya. Nagulat lang siya siguro noong una dahil hindi niya ako kilala kaya mukhang nagalit siya nang makita tayo, pero sa tingin ko, hindi naman niya seryosong ikinagalit ang makita ako roon.”
Napaisip siya, binalikan sa isip ang sinasabi ni Vince.
“Isa pa, narinig kong pinag-uusapan kayo ng mga kasambahay sa mansiyon…mabait daw talaga ‘yang si Victoria, kaya lang...” Napatigil ito at napatingin sa kanya.
“Bakit? May problema ba?” usisa niya rito. Bigla siyang kinutuban.
“Ah, wala…wala naman.”
Napakunot ang kanyang noo. Weird ang reaksiyon nito kaya sigurado siyang may gusto itong sabihin na hindi lang niya matukoy.
“Ano ang narinig mo kina Manang Isidra? Ano ang sabi nila tungkol kay Victoria at...sa akin?”
“Huwag na, Special…baka kasi—”
Lalo na siyang kinabahan. Natitiyak na niyang may alam itong hindi niya alam.
“Ano nga? Sabihin mo, kung hindi ay magtatampo ako sa’yo!” Pinatulis niya ang nguso tulad nang dati niyang ginagawa kapag naglalambing siya kay Vince.
“Ano kasi eh…huwag na lang, okay…”
Sa inis ay tinapakan niya ang isang pechay na nakalawit ang dahon sa daraanan niya. Nabigla si Vince dahil doon.
“Bakit mo iyon ginawa, Ikay?!” paninita nito.
Nabigla rin siya sa reaksiyon nitong iyon. Parang noon lang niya nakitang nagalit si Vince. Nakakunot ang noo nito at hindi maipinta ang hitsura.
“Nakakainis ka kasi!” Pumadyak pa siya para maipakita ang inis dito.
“Bakit ka naiinis? Dahil lang doon? Tinapakan mo ang pananim dahil lang naiinis ka?!”
“Ano ba kasi iyon?” Halos ay maiiyak na siya.
“Sinabi nila na maldita ka! Na pasaway ka at marami pa silang hindi magandang salitang ikinabit sa’yo! Ngayong narinig mo na, masaya ka na?! Masaya ka na ba, Ikay?!”
Hindi siya nakakibo. Pakiwari niya ay namanhid ang kanyang katawan habang nakatulala sa harap ni Vince.
“Parang gusto ko na rin tuloy maniwala sa narinig kong pinag-uusapan nila laban sa’yo.”
Natigilan si Vincent nang magsimula siyang mapahikbi.
“Sorry…” anito nang makabawi sa pagkatigagal.
Pakiwari niya ay may kung anong umaakyat sa mga mata niya na patuloy lang sa pagnanais na lumabas. Noon lang niya nadama ang ganoong klaseng sakit. Kung alam lang ni Vincent ang kahulugan ng pagsisintir niya. Pero gustuhin man niyang ipagtanggol ang sarili ay alam niyang hindi niya maaaring gawin. Magiging mitsa iyon ng galit ni Vince dahil sa pagsisinungaling niya rito.
Isang malalim na paghinga ang nakita niyang pinawalan ni Vincent bago ito humarap sa kanya. Puno ng pang-unawa ang anyo nito habang nakatunghay sa kanya. Siya naman ay patuloy sa pagbalong ang mga luha na hindi na alam kung paano pang itatago dito.
“Special…” anas nito sabay haplos sa kanyang pisngi. Ipinaloob nito ang mukha niya sa mga palad nito at saka siya tinitigan.
Na-touch siya sa ginawa nito at lalo pang napaiyak. Tinabig niya ang mga kamay nito at itinakip ang sariling mga kamay sa kanyang mukha.
“Sorry…sorry na…nabigla kasi ako,” anito.
Lalo lang siya naiyak. Ganoon naman siya kapag inaamo, mas napapaiyak at mas bumibigat ang kanyang sama ng loob. Pakiramdam niya ay mas higit siya kasing kaawa-awa kapag ganoon.
“Hindi na ako maniniwala sa kahit anong sasabihin nila, okay. Ikaw na lang ang magsabi. Sa’yo na lang ako maniniwala mula ngayon.”
Noon siya napahinto sa pagnguyngoy. Ano kaya kung sabihin na niya sa mga sandaling iyon kay Vincent ang tungkol sa lihim niya? Baka sakaling kapag ginawa niya iyon ay maiayos na ang lahat. Pero paano si Precious? Paano ang pinag-usapan nila nito? Nanlumo siya pagkaalala sa dalagita.
“Wala akong ikakaila sa’yo…” panimula niya at inihanda ang sarili sa isang pagsisinungaling, “totoo ang mga sinabi nila tungkol sa akin. Masisisi mo ba ako kung hindi naman ako nasanay nang mayroong kapatid, Vince?”
Lumambot ang anyo nito at napayuko siya. Nagi-guilty siya dahil sa ginagawang pagsisinungaling.
“Nasa iyo iyon kung lalayuan mo ‘ko dahil sa natuklasan mo…”
“No! Hindi ko iyon gagawin, Ikay. Magkaibigan tayo, ‘di ba?”
“Pero nakakahiya sa’yo. Hindi ako tulad nang iniisip mo—”
“Lahat ng tao ay maaaring magbago. Tutulungan kita. Basta isipin mo lang na narito ako lagi para sa’yo…kahit ano ang mangyari.”
“Salamat.”
“Siya nga pala…tungkol kay Victoria…narinig ko din na…na…”
Kinabahan na naman siya nang marinig ang sariling pangalan.
“Magkasundo ba kayo talaga?”
Naisip niyang marahil ay narinig nina Manang Isidra at ng iba pang kawaksi sa mansiyon ang minsan nilang pagtatalo ni Precious at nasaksihan naman ni Vincent nang pag-usapan ng mga ito ang tungkol doon. Siya tuloy ang napapasama ngayon sa mga mata ng kaibigan.
“Bakit mo naitanong?”
“Wala, wala…” Itinuon nito ang paningin sa malayo.
“Hindi kami magkasundo dahil nagseselos ako sa kanya…siya na lang kasi ang laging bukambibig nina Mama at Papa…siya na lang lagi ang paborito.” Napayuko siyang lalo sa panibagong kasinungalingang iyon.
“Kaya din pala ganoon ang reaksiyon niya nang makita niya tayo sa library ng lolo mo. Hindi bale, marami pa namang paraan, Special. Puwede pa kayong magkasundo.”
Ngumiti siya para hindi na mag-isip ng kung ano si Vince. Duda siyang mangyayari ang sinabi nito dahil kilala niya si Precious mula pagkabata pero hindi na niya iyon kokontrahin. Nang muli siyang magsalita ay iniba na niya ang paksa. Hindi naman iyon napuna ng lalaki.
“ILANG panahon na lang at magtatapos na ang school year, Victoria. Kumusta na ang plano niyo ng mama mo?”
Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Ikay. Ipinatawag siya ni Ma’am Ramona kanina habang nililinis niya ang kusina katulong ni Manang Isidra. Ngayon ay nasa hardin sila at nakatunghay sa malaking taniman nito ng ornamental plants.
“Ang sabi po ni Mama, magpakabait daw po ako dahil gusto niya akong makatapos. Talaga po bang…tutulungan niyo ako, Ma’am Ramona?”
Tumango ito. “Bakit naman hindi kung seryoso ka sa pangarap mong makapagtapos?”
“Seryoso po ako, Ma’am Ramona. Gusto ko po talagang makapag-aral. Gusto ko pong maiahon sa kahirapan ang pamilya ko…”
“Nakakatuwang sa edad mong iyan ay naiisip mo nang paluguran ang iyong pamilya, Ikay.”
“Mahal na mahal ko po ang mama ko at nakahanda akong gawin ang lahat para mapasaya siya.”
Napansin niyang nagbago ang ekspresyon ng pagkakangiti ni Ma’am Ramona. Tila naging mapait na iyon hindi tulad kanina.
“Mabuti pa si Maria, napakabuti ng kalooban ng kanyang mga anak, samantalang ako—”
“Naku, huwag niyo pong sabihin iyan! Alam niyo bang nakausap ko noong isang araw si Precious at masaya niyang ikinuwento ang mga pangarap niya para sa inyo?”
Bahagya lang nabago ang ekspresyon ni Ma’am Ramona. Ni hindi nabuhay ang kislap sa mga mata nito. “Talaga ba?” Lumakad ito at lumapit sa isang mataas at hitik sa mga bulaklak na halaman, kinuha ang ilang tuyot na talulot noon at saka iyon nakangiting pinagmasdan.
“Opo,” aniya sabay sunod dito. Iyon na ang pagkakataon niya para ibigay ang kahilingan ni Precious. Tiyak na matutuwa ito kung ibi-build up niya ito sa ina.
“Ano naman ang sinabi niya sa’yo?” Pumitas ito ng isang bulaklak na kulay dilaw at nakangiti iyong inilagay sa tainga nito, pagkuwa’y kumuha pa ng isa at inilagay naman sa kanyang tainga.
Napangiti siya nang pagkatamis-tamis. Siguro ay nadagdagan ang ganda niya dahil sa bulaklak na iyon.
“Ang sabi po ng anak ninyo, napakabuti niyo daw pong ina…at kahit lagi daw kayong abala at hindi kayo madalas na makapag-usap, mahal na mahal daw po niya kayo.”
Saglit itong natigilan. “Sinabi iyon ni Precious sa’yo?”
“Opo!” nagniningning ang mata niyang tugon rito.
“Parang ibig kong magduda…”
Hindi niya masisisi si Ma’am Ramona. Higit kanino man ay kilala nito ang anak. Siguro ay mahihirapan siyang gawin ang ibig ni Precious dahil doon.
“Ma’am, totoo pong mahal kayo ni Precious. Hindi niya iyon nasasabi sa inyo dahil tulad nga nang nabanggit niya, hindi raw po kayo malapit sa isa’t-isa, pero naniniwala po akong mahal kayo ng inyong anak.
“Mabuti naman kung ganoon. Alam mo, tularan lang niya ang hilig mo sa pag-aaral ay ayos na sa akin. Ikasisiya ko nang husto kung mangyayari iyon.” Ikinawit nito sa isa niyang tainga ang ilang hibla ng kanyang buhok na inililipad ng hangin.
“Ma’am, puwede po bang mag-request?”
“Ano iyon, hija?”
“Puwede po bang…huwag niyo na sana kaming iko-kompara ni Precious mula ngayon?”
“Ha?” Tila napakunot ang noo nito.
“Naku, pasensiya na po kayo, Ma’am. Huwag niyo po sanang masamain. Ang sa akin lang naman, nakakahiya po kay Precious. Baka nagtatampo na rin siya sa inyo dahil doon.” Nagyuko siya ng ulo.
“Wala na akong magagawa para sa batang iyon, Ikay. Matuwa at magalit ay pareho ng ugali. Ni walang disiplina. Hindi ko natatandaang kahit minsan ay hindi ko siya sinawata sa kanyang maling gawa.”
Nalungkot siya sa narinig. Hindi na siya kumibo. Sa susunod na araw naman niya itutuloy ang iniuutos ni Precious at baka makahalata na si Ma’am Ramona.
“Ma’am, tingnan niyo ito! Napakaganda pala ng bulaklak na kulay lila!” masaya niyang sabi. Nakangiti namang lumapit si Ma’am Ramona sa kanya. Ilang sandali pa ay napunta naman sa bulaklak at halaman ang pag-uusap nilang dalawa. Masaya nitong ikinuwento sa kaniya ang mga paraang ginagawa nito upang lumago ang mga tanim nito sa hardin.