“ANO ang ginagawa mo rito?” masungit na tanong ni Precious kay Victoria. Pinuntahan niya ito sa silid nito pagkaalis na pagkaalis ni Vince. Mabuti na lamang at hindi nagpilit ang mama niyang pumasok sa library kanina kaya nang matapos niya itong kausapin at iwan siya nito ay may pagmamadaling pinauwi na niya ang kaibigan.
“Gusto sana kitang makausap…” aniya kay Precious.
“Alam ko!” Lumingon ito sa kanya at nakataas ang mga kilay na nagsalita. “May atraso ka sa akin at gusto mong pag-usapan natin iyon, hindi ba?”
Napayuko siya. “Inaamin kong mali ako. Sorry kung nagamit ko ang pangalan mo…gusto lang namang—”
“Anong sorry? Ganoon na lang ba iyon? Manggagamit ka ng pangalan nang may pangalan at pagkatapos ay magsasabi ka ng sorry? Malay ko ba kung ano ang mga pinaggagawa mo habang ang lalaking iyon ay kilala ka sa pangalan ko!”
“Alam mong hindi ako ganoon, Precious!”
“Wala akong pakialam! Basta ang alam ko, manloloko ka! Ang sabi ng Vincent na iyon ay kaibigan mo siya, bakit mo siya niloloko?”
“May plano naman akong sabihin sa kanya ang lahat.”
“Tanga ka ba?! Kung gagawin mo iyon ay tiyak na magagalit siya. Hindi mo ba naisip iyon?”
Napalapit ito sa kanya at nabigla siya nang hawakan nito ang kanyang braso.
“Mas magagalit siya kung patuloy ko siyang lolokohin…”
“—kung malalaman niya! Kung hindi naman niya malalaman, wala siyang ikagagalit, hindi ba?”
Saglit siyang napaisip sa sinabi nito.
“Isipin mo, Victoria, ilang linggo na lang at magtatapos na ang school year. Sa susunod na pasukan ay sa Maynila ka na mag-aaral, hindi ba? Magkakahiwalay na kayo ng kaibigan mo.”
Napatitig siya dito.
“Ang ibig kong sabihin, kung magkakahiwalay rin lang kayo ay mabuting magkaibigan na kayo at walang samaan ng loob. Gets mo?” Umangat ang kilay nito.
“Bakit mo sinasabi sa’kin iyan? Bakit mo ako tinutulungan?” tanong niya rito.
Pagak itong tumawa at saka tumayo. Tinungo nito ang harap ng salamin at saka nito sinuklay ang mahaba nitong buhok.
“Hindi ako plastic kaya sasabihin ko sa’yong may kapalit ang hinihingi ko. Papayagan kitang gamitin ang pangalan ko sa isang kondisyon…”
Nabitin sa ere ang kanyang paghinga. Pakiwari niya ay dapat siyang kabahan sa bagay na hihilingin nito.
“Tulungan mo akong mapalapit sa mama ko, Ikay…Hindi kami close at alam mo iyan.” Ngumiti ito nang mapait. “Puro na lang ikaw ang bukambibig niya. Puro siya Victoria, Victoria, Victoria! Nakakatawa, hindi ba? Ako itong anak pero puro ikaw ang binabanggit niya!”
“May nakita lang siguro sa akin si Ma’am Ramona kaya ganoon—”
“Ano naman iyon na wala sa akin, aber?”
Umiling siya. “Hindi ko rin alam. Basta ang alam ko, mabait ang mama mo. Noon ay hindi rin niya ako masyadong pinapansin pero last month, kinausap niya ako at in-interview. Ano daw ba ang gusto kong kuning kurso pagtuntong ko ng kolehiyo.”
Lumarawan ang hinanakit sa mukha nito. “Ang galing naman, ikaw na hindi kaanu-ano ay natanong na niya nang ganoon. Ako, kahit minsan ay ni hindi niya kinumusta kung mayroon akong assignment. Hay, life!” Sumimangot ito pagkatapos maglitanya.
Lumapit siya rito at hinawakan niya ito sa kamay. “Precious, huwag kang maghinanakit sa mama mo. Huwag ka rin sanang magtanim ng sama ng loob sa akin dahil hindi naman ako kaaway—”
“Sandali!” anito sabay palis sa kamay niya. “Huwag ka ngang ganyan! Kung makatingin ka ay tila ba awang-awa ka sa’kin!” Pinagsalikop nito ang mga braso sa dibdib at saka nagpatuloy. “Uulitin kong hindi ako plastic, Victoria. Mainam nang sa simula pa lang ay alam mo na ang hinihintay ko sa’yo. We’re not friends so don’t act that way. Don’t be nice to me because I’m not good at making friends! Wala rin akong balak makipagkaibigan sa’yo. May kinuha ka sa ‘kin kaya dapat lang na ibalik mo ang kapalit niyon!”
Nabigla siya sa pagiging prangka ng kaharap.
“Maliwanag ba?”
Napilitan siyag tumango.
“Mabuti naman. Sa tuwing magkakausap kayo ni Mama, gumawa ka ng paraan na mapag-usapan ako, kailangang i-build up mo ako para maging maganda naman ang pagtingin niya sa akin.”
Sa kaibuturan ng puso ni Ikay ay nakadama siya ng bahagyang awa para kay Precious. Siya na nagmula sa isang simpleng pamilya lang ay walang ganoong klaseng problema sa kanyang mga magulang. Ang papa niya na lingguhan kung umuwi mula sa pagtatrabaho sa malayong probinsiya ay malapit sa kanya. Ang kanya rin namang apat na babae at dalawang lalaking kapatid ay pawang mga mababait din. Marahil nga ay malungkot ang buhay ng nag-iisang anak na tulad ni Precious. Bigla ay nakadama siya ng pagsisisi para sa mga pakakataong pinapatulan niya ang kaaningan nito.
“Maliwanag ba sa’yo ang gusto kong mangyari, Victoria?”
Napakislot siya. “O-oo. Naiintindihan ko.”
“Baka sa halip na i-build up mo ako ay siraan mo pa ako kay Mama, malilintikan ka sa’kin! Isusumbong ko pati kay Lolo ang ginagawa mong pagpapapasok ng kung sinu-sino dito sa mansiyon and of all places ay sa library pa niya!”
“Huwag, Precious! Naiintindihan ko naman ang kapalit at handa akong gawin iyon!” nabigla niyang sabi.
“Alam ko.” Umingos ito. “Hulog na hulog na ang loob mo sa lalaking iyon, ano?”
“Huh?”
“Huwag ka na ngang magmaang-maangan diyan! Ganyan din ang mga kaklase ko sa Maynila. Sa tingin ko nga ay hindi ka mahihirapang mag-adjust doon dahil flirt ka din.”
“Flirt?” Parang narinig na niya ang salitang iyon pero hindi niya agad mahagilap sa isip ang ibig sabihin niyon. Hula niya ay hindi niya iyon sa teacher narinig, malamang ay sa mga kaibigan din niya kung hindi man sa TV.
“Flirt lang, hindi mo alam? At akala ko ba ay matalino ka?” Pagak itong tumawa. “Kapag sinabing flirt, mabait iyon…maunawain at matiyaga, ganoon.” Ngumiti ito.
Kung ganoon, positive naman pala ang sinasabi nito. Ayon dito ay marami din daw flirt sa Maynila at flirt din daw siya, positibo ba talaga ang kahulugan ng salitang iyon? Bakit tila may mali?
“Ayos lang naman ang mag-flirt sa mga boys eh. Alangan namang sungitan natin sila, ‘di ba?” dugtong pa nito habang naka-plaster sa mga labi ang isang matamis na ngiti.
“Hindi ka ba pinagbabawalan ng parents mong makipagkaibigan sa mga lalaki?”
“Bakit naman nila iyon gagawin? Graduating na ako at malapit nang tumuntong ng high school. Malapit na akong magdalaga kaya hindi na nila ako pinanghihimasukan sa bagay na iyon.”
Napatango na lang siya.
“Yang Vincent na iyan, parang…parang gusto ko ring kaibiganin.”
Mula sa kawalan ay mabilis niyang naibalik ang mga mata rito. “Ha?”
“Bakit, masama bang makipagkaibigan sa kanya?”
“H-hindi naman. Wala naman akong sinabing ganoon.”
“Good! Anong araw ba kayo kung magkita? Baka puwede niyo akong isama minsan sa mga lakad niyo?”
May kung anong kabang bumundol sa dibdib ng musmos na si Ikay. “Hindi naman kami lumalakad. Bawal ako sa ganoon. Kahit nga si Caloy at Virgie ay hindi ako maisama sa bayan.”
Nanulis ang nguso nito. “Boring naman! Anyway, puwede na rin. Kahit diyan sa library sa tuwing wala si Lolo o kaya ay sa farm niya ay puwede tayong magkita-kita.”
Bigla siyang na-excite sa isiping iyon pero kasabay niyon ay talagang may kabang bumabagabag sa kanya. “Maganda iyan. Sige, kapag nagkita kami ay babanggitin ko sa kanya ang tungkol diyan.”
“Sige. ‘Yung pinag-usapan natin ha. Your secret is safe with me but make sure not to traitor me, Ikay. Masama akong magalit.”
Hindi na naman siya nakakibo sa tinurang iyon ni Precious.
“Sige, okay na. Makakalabas ka na.”
“Ah…Precious…kung sakaling maipagtapat ko na ang lahat kay Vince—”
“Ako ang magsasabi sa’yo kung kailan mo ‘yan gagawin, okay? Alam ko ang mga tungkol sa ganyan kaya magtiwala ka sa akin. Huwag mo munang sabihin ngayon kung ayaw mong mawala si Vincent. Sayang naman ang friendship ninyo, hindi ba?”
Napilitan siyang tumango. Hindi rin naman niya nanaising mawala ang isang mabuting kaibigang gaya ni Vince sa buhay niya. Ang pangarap niya ay makasama ito sa lahat ng oras, sa lahat ng kasiyahan at kabiguan sa buhay niya.
“Sige na, lumabas ka na,” untag ni Precious sa pananahimik niya.
“Sige,” tugon naman niya sabay pihit papunta sa pinto ng silid ng señorita.