NANGANGALAY na sa pagkakatayo si Vincent mula sa pinagkukublihan pero pilit pa rin niyang isinisiksik ang sarili sa takot na may makakita sa kanya roon. Oo nga at nangako siya kay Precious na hindi na siya pupunta doon hangga’t hindi ito nagbibigay ng permiso pero nami-miss na niya ito. Halos ay mag-i-isang buwan na buhat nang huli silang magkita at nag-aalala na siya para dito.
“Manang, nakita niyo ba ‘yung mini skirt kong red?”
Napadiretso siya sa pagkakasandal sa tagong bahagi ng kusina nang marinig ang tinig ng kung sino mang bagong dating na iyon.
“Naku, hindi ah…saan mo ba inilagay?”
“Hindi bale na nga lang! Sige!”
Narinig niyang tumalikod na ang may-ari ng tinig na iyon. Hindi nagtagal ay si Manang Isidra naman ang lumabas ng kusina.
Maingat siyang lumabas mula sa pinagkukublihan at walang kilatis na tinungo ang kahabaan ng sala. Mula doon ay patingkayad niyang tinawid ang daan papunta sa library. Laking pasasalamat niya nang marating ang pasilyo patungo sa silid-aklatan nang walang nakakakita sa kanya. Pipihitin na lang niya ang seradura ng pinto nang biglang may humawak sa kanyang palapulsuhan. Muntik na siyang mapatalon sa gulat dahil doon.
“VINCE!”
Agad na bumadha ang tuwa sa puso ni Vincent pagkakita kay Precious. Hindi na siya nakapag-isip at bigla niya itong nayakap.
“Sandali…” anito sabay layo sa kanya. Naglikot ang mga mata nito at kasunod niyon ay madali nitong binuksan ang pinto ng library. “Tara sa loob, dali!”
Sumunod naman siya rito at nang maipinid na ang pinto ay nabigla siya nang ito naman ang yumakap sa kanya.
“Vince!” wika nito na ang boses ay tila basag na sa kanyang pandinig. “Kumusta ka na?” Tuluyan na itong napanguyngoy ng iyak.
“Ayos naman…ikaw, kumusta ka na?”
Sa halip na sumagot ito ay kumawala ito sa kanya at hinampas siya sa dibdib. “Hindi ba sinabi ko na sa’yo na huwag kang pupunta dito? Ang kulit mo talaga!”
Nahaplos niya ang batok, gesture na niya iyon sa tuwing nasusukol siya sa paggawa ng isang bagay na alam niyang hindi dapat.
“Pasensiya na…ang tagal na kasi…hindi ka ba natutuwang nagkita tayo ulit?” Pinahid niya ang luha sa mga mata ni Ikay.
“Natutuwa siyempre…pero natatakot ako sa mangyayari oras na mahuli ka nila.”
Bumaba ang tingin niya sa mga kamay ng dalagita na nasa magkabila nitong tagiliran. Inabot niya ang mga iyon. “Ang tagal nating hindi nagkita…ano ba ang nangyari?”
“Hindi ka dumating sa tagpuan natin noong unang Sabado…naulan ako, akala mo ba…tapos—”
“Dumating ako…late nga lang…at wala ka na.”
Saglit itong hindi nakakibo nang mapatingin sa mga kamay nitong hawak niya. Hindi niya alam kung ano ang naglalaro sa isip nito kaya daglit niya rin itong binitiwan. Pinindot niya ang tungki ng ilong nito gaya nang nakasanayan niya.
“Sorry ha…hindi ko na kasi kaya ang ginaw…”
“Ha?” Napamulagat siya. “Nagpaulan ka doon?”
“Oo, inabutan eh. Kumusta ka na nga pala?”
“Sandali lang, kung naulan ka noon, ano ang nangyari nang sumunod na araw?”
“Huh? W-wala naman…”
“Ikay, nagsisinungaling ka na naman sa’kin…”
Nanulis ang nguso nito. “Nagkasakit ako kinabukasan…”
“Tingnan mo na—”
“Kasalanan mo! Hindi ka kasi dumating!”
Tinalikuran siya ni Ikay at mabilis naman niya itong sinundan.
“Pasensiya ka na…may importante lang kasing bagay na hindi maaaring ipagpaliban kaya hindi tayo nag-abot…pero nagpunta ako! Kaya lang, wala ka na noon…”
Napalingon ito. “Dumating ka? Promise?”
Tumango siya at lumabi ito, anyong hindi naniniwala.
“Dumating ako, Ikay…umuulan pa nga nang magpunta ako sa tagpuan natin.”
“Oo. Natatandaan kong hanggang sumapit ang gabi ay maulan pa rin. Ano ang ginawa mo roon?”
“Umaasa akong aabutan pa kita pero kahit paano, nagpasalamat na rin ako nang hindi kita makita roon…malakas pa rin nga kasi ang ulan.”
“Teka…may dala ka bang payong nang magpunta doon?”
Hindi niya magawang magsinungaling dahil kilala siya nito. Alam nitong ni minsan ay hindi siya nagdala ng payong kahit pa kasagsagan ng bagyo. Nakukuntento na siya sa pakikisilong sa kung saan-saan kung aabutan siya ng ulan sa kalye. Hindi ba at ganoon rin ang situwasyon nang una silang magkakilala nito?
“Wala, ano?” Nang hindi pa rin siya sumagot at ngumiti lang ay hinampas na siya nito. “Hindi ka ba nagkasakit?”
Umiling siya pero hindi pa rin nagsasalita. Nakatingin lang siya rito.
“Nagkasakit ka, aminin mo!” Hinampas na naman siya nito sa isang braso.
“Hindi nga…”
“Bakit hindi ka nagpunta sa tagpuan natin nang sumunod na Sabado?”
“Bakit, nagpunta ka ba?”
“Tingnan mo na! Bakit hindi mo alam na hindi ako nakarating? Hindi ka nga nagpunta kung gayon.”
Guilty siya. Hindi rin nga kasi siya nakarating nang sumunod na Sabado dahil mahigpit siyang binawalan ng Ate Sussie niya na huwag umalis ng bahay. Inihabilin pa siya nito kay Aiden dahil baka daw tumakas siya. Parusa niya iyon dahil sa pagtakas dito nang araw na pinuntahan niya si Ikay. Nang umalis ang nakatatandang kapatid ay binola-bola niya si Aiden pero walang nangyari. Hindi rin siya nito pinayagang umalis ng bahay kaya inis na inis man ay wala rin siyang nagawa para makita si Ikay.
Nang mga sumunod na araw ay ilang ulit niyang tinangkang pasukin ang mansiyon para lang makita si Ikay pero sa tuwing naiisip niya ang sinabi nito na posible itong mapahamak ay umuuwi na lang siyang bigo. Pero nang araw na iyon ay hindi na talaga siya makatiis kaya nagdesisyon na siyang muling pasukin ang bahay at hindi naman niya iyon pagsisisihan dahil heto at kaharap na niya ngayon ang dalagita.
“Hindi ka rin nakarating, ‘di ba? Naku, aminin mo nang hindi ka talaga nagpunta!” Kagat-labi itong napailing at saka nameywang sa harap niya. Lumitaw ang totoong edad nito sa ayos nitong iyon.
“Sorry na…”
“Siguro, abalang-abala ka sa kung anu-anong bagay at hindi mo man lang naalalang may kaibigan kang naghihintay sa’yo—”
“Teka, unfair naman yata ‘yan…hindi ka rin naman dumating, ‘di ba?”
“Paano kung dumating ako? Eh ‘di dalawang beses mo na akong hindi sinipot doon?”
“Huwag na nating pag-usapan iyon dahil hindi ka naman nga dumating…”
“Ah basta! Hindi na ako mahalaga sa’yo kaya hindi mo man lang ako naisipang puntahan!”
Siya naman ang napailing. Inakbayan niya ito pagkatapos ng isang malalim na paghinga. “Sige na nga, aamin na ako. Nagkasakit din kasi ako nang unang araw na hindi tayo nagkita. Humabol ako at umasang aabutan kita sa tagpuan natin pero hindi ko agad nagawang umalis doon dahil kasagsagan ng ulan. Nang gabing iyon ay inubo ako na nagtuloy sa lagnat. Apat na araw na singkad akong nagkasakit, Ikay.”
Lumamlam ang mga mata ni Ikay pagkarinig sa sinabi niya kaya dagli niya iyong dinugtungan. “Huwag kang mag-alala sa akin. Ayos na ako. Ang macho ko kaya!”
Anyo niyang ipakikita rito ang muscles nang pigilan siya nito.
“Itago mo na ‘yan dahil mas malaki pa ang mga braso ko kaysa diyan.” Natawa ito.
Kapwa sila natigilan nang biglang bumukas ang pinto at iluwa niyon ang isang babaeng marahil ay matanda lang nang bahagya kay Ikay.
“Hoy! Ano ang ginagawa niyo rito?” galit nitong sabi.
Saglit silang hindi nakahuma at natulala na lang habang nakatingin dito. Si Ikay ang unang nakabawi sa pagkabigla.
“Ah…ano eh…si V-Vincent nga pala, kaibigan ko…” pautal-utal nitong sabi.
Sinulyapan siya ng dalagitang bagong dating at ang paraan ng pagkakatitig nito ay tila nanunuri. Mayamaya ay napangiti ito nang tila makahulugan.
“Kaibigan mo?”
Tumango si Ikay na tila namumutla na at hindi pa rin alam ang gagawin kaya tumikhim siyang saglit at saka nagsalita.
“Pinsan ka ba ni Precious? Ako si Vincent…” aniya sabay abot ng kamay.
Inabot naman ng dalagita ang kamay niya pero tila natigilan ito at napatingin sa kanya.
“Ano ‘kamo?” tanong nito.
“Vincent…Vincent ang pangalan ko…”
“Ano’ng itinawag mo sa kanya?” Sumulyap ito sa namumutla pa ring si Ikay.
“Precious…” Tumingin siya rito at hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang paraan nito ng pagkakayuko.
Ilang saglit na tinitigan lang nito nang makahulugan si Ikay at saka ito nagsalita sa masiglang tinig. “Ah, oo!” anito. “Si Precious! Pasensiya ka na at hindi ako sanay na tawagin siya sa pangalang iyon—”
“Oo nga daw,” ayon naman niya. “Ako man ay Ikay din ang tawag sa kanya. Ang cute nga ng palayaw niya.”
Matamis na ngiti ang isinukli nito. “Oo naman, sobrang cute. So, ikaw pala ang friend niya na madalas niyang ikuwento sa akin…”
“Talaga? Magpinsan ba kayo?”
Hindi ito agad kumibo at inulit lang ang pagngiti nito kanina. “Ops, I almost forgot. Ako nga pala si…”
Sumikdo ang dibdib niya nang makita ang makahulugang pagpapalitan ng tingin nito at ni Ikay. Hindi niya maunawaan pero parang may mali.
“Victoria…ako si Victoria.”
Saglit siyang natigilan. Pamilyar sa kanya ang pangalang iyon. “Victoria…”
“Yes. Nice meeting you, Vince. Maiwan ko muna kayo ni…Precious. See you around…” Iyon lang at tumalikod na ito. Isinara na rin nito ang pinto ng library kaya’t muli silang napag-isa ni Ikay.
“Ayos ka lang ba?” tanong niya rito.
“Vince…” anas nito.
Hinaplos niya ang mukha nito at leeg. “Wala ka namang sakit ah. Bakit namumutla ka?”
“Kasi…kasi…”
“Si Victoria ba? Huwag mo na siyang intindihin. Mukha namang hindi siya nagalit, ‘di ba?”
“May kailangan kang malaman, Vince…” Hindi nito natapos ang sinasabi nang makarinig sila nang mahihinang katok.
“Ikay…Ikay…Nariyan ka ba sa loob, anak?”
Namutla ang mukha ng dalagita at sa pagkakataong iyon ay hindi na nito malaman ang gagawin. Nang magtagpo ang mga mata nila ay nakita niya ang hindi matatawarang takot na nakarehistro sa mga matang iyon.