Chapter 20

1222 Words
HALOS isang oras na si Victoria sa ilalim ng matandang puno pero kahit anino ni Vincent ay hindi pa rin niya nakikita. Nagsisimula na siyang mag-aalala para dito. Mula nang magkakilala sila ay iyon ang unang pagkakataong siya ang nauna rito sa tagpuan nila at iyon din siguro ang magiging unang pagkakataon na hindi ito darating. Nayakap niya ang sarili nang nagsimulang bumuhos ang ulan. Nagsiksik siya sa bahagi ng puno na makapal ang mga nakalaylay na dahon. Hindi niya alam na naiiyak na pala siya sa lungkot kundi pa siya nagsimulang mapahikbi. Humalo na marahil ang mga luha niya sa tubig-ulan na ngayon ay malayang bumubuhos sa kanyang mukha at katawan. “VINCENT, bakit ba ang layo ng tingin mo? Halika nga rito!” Kakamot-kamot ng ulong lumapit siya sa kapatid na si Sussie. “Ano ba? Ganyan ka ba talagang magtrabaho? Nasaan ba ang utak mo?” Nahaplos niya ang batok. Paano nga siyang makakapag-concentrate sa ginagawa gayong na kay Ikay ang isip niya. Alam niyang hihintayin siya ng dalagita. Lalo pa niyang ipinag-aalala ay ang pag-ulan. Kung dati-rati ay saya ang hatid ng ulan sa kanya, ngayon ay nag-aalala siya. Natitiyak niyang hindi aalis si Precious sa tagpuan nila hangga’t hindi siya dumarating pero paano niya ito mapupuntahan kung heto at nakabantay ang kapatid sa kanya? “Alam mo, inis na inis na ako diyan sa kapatid mo! Nuknukan sa kabagalan!” ani Ate Sussie na ang tinutukoy ay si Aiden. “Tingnan mo at hanggang ngayon ay wala gayong kaninang alas-onse ko pa nang umaga iyon inutusan!” “Ate, kung ako na lang ang bumili ng mga kailangan mo…” “At paano ang binili ni Aiden? Sasayangin ko, ganoon ba?” “Malapit nang maubos ang gaas mo, Ate, gayon din ang uling…baka kailangan mong—” “Mas kailangan kita dito! Kaya nga hindi kita pinapunta ng bayan para magtinda roon, dahil mas kailangan kita dito. Hala, bilisan mo ang paypay diyan! Baka masupok ang mga barbecue ha!” Pinagbuti niya ang pagpaypay habang ang isip ay na kay Precious. Baka hanggang sa mga sandaling iyon ay naroon pa ito at matiyagang naghihintay sa kanya sa kabila ng ulan. Napatiim ang kanyang bagang sa isiping iyon. Sinulyapan niya ang kapatid at muling binalikan ng tingin ang barbecue. Pinaypayan niyang muli ang mga karneng nakasalang sa grill pero kahit anong pilit ay ginugulo siya ng mga isipin tungkol kay Ikay. Matapos ang isang malalim na paghinga ay ibinaba niya sa isang tabi ang pamaypay. Kinuha niya sa sulok ang maliit na bentilador at matapos iyong i-plug ay itinutok niya iyon sa grill. Nang makitang abala ang kapatid sa ginagawa ay dagli siyang tumakbo palayo. Kailangan niyang abutan ang naghihintay na si Ikay sa tagpuan nila. “IKAY! Ikay!” sigaw ni Vincent nang makalapit sa punong tagpuan nila ng dalagita pero wala siyang Ikay na inabutan doon. Malakas pa rin ang ulan kaya nagsisimula na siyang mangaligkig sa ginaw. Kung bakit tatlong araw na rin siyang inuubo at ngayon ay tila masikip na masikip ang dibdib niya. Kung may kinalaman si Ikay sa kondisyon niyang iyon ay hindi niya tiyak. Ang alam lang niya, naiinis siya sa kapatid na si Sussie. Kung hindi dahil dito ay nagkita sana sila ni Ikay. Kung hindi siya pinangunahan at diniktahan nito ay tahimik marahil ang loob niya at kasama niya ngayon ang dalagita. Inihit na naman siya ng ubo. Nakakatawa dahil maging ang bagay na iyon ay nagpapaalala kay Ikay. Ang sabi kasi nito, humihina raw ang baga niya dahil sa paninigarilyo. Pinagbabawalan na rin siya nitong manigarilyo pero matigas ang ulo niya. Sinusunod naman niyang lahat ang bilin nito liban sa isang bagay na iyon. Oo nga at bata pa siya para sa bisyong iyon pero paano niya iyon tatalikuran kung iyon mismo ang nagpapaaral sa kanya? Doon siya kumukuha ng pambaon nila ni Ruth araw-araw kaya imposibleng masunod niya ang gusto ng dalagita. Natatandaan niyang sinabi niya ritong humingi na ng kahit ano huwag lang ang bagay na iyon. Patingkayad siyang naghanap ng puwesto sa ilalim ng puno kung saan hindi siya masyadong mababasa ng ulan. Pagkatapos ay dumukot siya sa bulsa ng suot na jacket at mula roon ay kinuha ang pakete ng sigarilyo na may laman pang dalawang stick. Kinuha niya ang isa at ibinalik iyon sa kanyang bulsa, pagkuwa’y lighter naman mula sa pocket ng pantalon niya ang sunod niyang kinuha. Sinindihan niya ang sigarilyo at saka hinithit. Sa unang dalawang hithit ay dinalahit siya ng ubo. Saglit niyang itinigil ang ginagawa at nang makaramdam ng kaginhawahan ay itinuloy ang paghithit sa hawak na stick. Naiinis siya sa sarili. Saan niya ngayon hahanapin si Ikay? Hindi naman niya ito maaaring puntahan sa mansiyon dahil na rin sa mahigpit nitong bilin. Napalingon siya sa direksiyong papunta sa bakuran ng mga Agoncillo. Malayo iyon sa kinaroroonan niya kung tutuusin pero dahil malawak ang lupain na kinatitirikan ng bahay ay tanaw niya iyon mula sa kinalulugaran. Gusto niyang makita si Ikay pero hindi niya ito maaaring puntahan. Ano ba ang gagawin niya? Muli siyang dinalahit ng ubo. “IKAY…ano ba? Kanina pa ako sumisigaw dito pero hindi mo naman yata ako naririnig!” Tila nahulog sa kung anong balon ang pakiramdam niya nang maramdaman ang tapik ng tiyahin niyang si Monica. “Sorry, Tiyang…” “Ano ba ang iniisip mo?” “Wala po. Tutuloy na po ba tayo?” “Ako na lang muna. Dumito ka muna at magpahinga.” “Ayos na po ako. Gusto kong sumama na sa inyo at—” “Hindi na nga. Tinatawag kita dahil ibibilin ko sa’yo ang sinaing kong nakasalang sa kalan. Baka masunog iyon ay makakagalitan ka ng mama mo!” Hindi siya nakakibo pero dagli siyang nakadama ang pamilyar na lungkot na sa loob ng halos tatlong linggo ay hindi na humiwalay sa kanya. Nagkasakit kasi siya nang araw na maulan siya sa paghihintay kay Vincent. Halos limang araw din siya sa higaan dahil sa trangkaso niya. Hindi siya nakapasok sa eskuwela at hindi rin niya nagawang magpuntang muli sa tagpuan nila ni Vince nang sumunod na araw ng Sabado. Nakatanggap kasi siya ng tawag mula kay Ma’am Ramona na huwag na munang sumama sa mansiyon at magpahinga na lang daw. Mahirap daw ang mabinat at magagalit daw ito kung susuway siya. Ngayong ikatlong Sabado na, dapat ay magkita na sila ni Vince pero heto at ayaw pa rin siyang payagang umalis ng kanyang tiyahin at ina. Hindi daw kasi biro ang naging pagkakasakit niya. Nataranta ang mga ito at talagang natakot na baka daw kung mapaano siya. Kinumbulsiyon kasi siya dahil sa taas ng kanyang lagnat at hindi nakatulog ang mama niya at Tiya Monica dahil sa pagbabantay sa kanya. Napahugot siya ng malalim na paghinga. Isang buwan nang hindi niya nakikita si Vincent, ano na kaya ang iniisip nito? Baka nagtatampo na ito sa kanya. Dahil doon ay awtomatikong tumulo ang mga luha mula sa kanyang mga mata. Miss na miss na niya ang kaibigan. Hindi iyon ang unang beses na nagkaroon siya ng kaibigang lalaki pero iyon ang unang pagkakataon na nagkaroon siya ng kaibigan sa ganoong klaseng lebel. Napatingin siya sa bintana at tila may kung anong kumudlit sa isip niya nang mahagip ng kanyang paningin ang isang matandang puno.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD