Chapter 19

1424 Words
“ANO’NG ginagawa mo rito?” mabilis na tanong ni Ikay matapos alalayan ni Vincent na makatayo. “Ikaw, ano ang ginagawa mo sa sahig?” Napipi siyang saglit sa kawalan ng masasabi. Ano ba ang puwede niyang isagot dito? Ikukuwento ba niya ritong pinagtataguan niya Precious gayong ang alam nito ay siya mismo ang taong iyon? “Hoy, natahimik ka na riyan…ano ‘kako ang ginagawa mo diyan?” “Nag…naglalaro, bakit?” Itinaas niya ang mukha upang i-compose ang sarili. “Ano naman ang masama kung maglaro ako dito sa library ng lolo ko? Eh ikaw? Ano ang ginagawa mo dito? Paano ka bang nakapasok? Pinalusot ka ng bantay?” sunud-sunod niyang tanong. “Isa-isa lang,” ani Vince na nakangiti. “Palulusutin ba naman ako ng guard? Tumakas ako, siyempre. Gusto kasi kitang makita…ang tagal pa kasi ng Sabado…” Hindi niya maunawaan kung anong klaseng damdamin ang idinulot ng sinabing iyon ni Vince sa kanyang sistema. Para kasing may naramdaman siyang kung anong kuryente sa loob ng kanyang dibdib. Parang hawig iyon ng nararamdaman niya sa tuwing makikita niyang magpe-perform sa TV ang paborito niyang singer na si Daniel Padilla o maging ng international singer na si Charlie Puth. Kung ganoon, iyon na kaya ‘yung kilig na madalas sabihin ng kaibigan niyang si Virgie? “Oo nga…ang tagal pa nga ng Sabado…” Itinaas niya ang kamay para hipuin ang mukha niyang alam niyang nagpapawis na. Dati ay hindi siya conscious sa kanyang hitsura. Madalas nga ay humaharap siya sa mga amo sa mansiyon na ni hindi na tumitingin sa salamin, bakit ngayon ay bigla niyang naitanong sa sarili kung ano ang hitsura niya? “O, napuno na ng alikabok ang ilong mo,” puna ni Vince sabay pindot sa ilong niya. Lalo na siyang na-conscious dahil doon. “Sandali…halika nga,” aniya rito sabay hatak sa isa nitong braso. “Hindi ka dapat basta-basta nagpupunta dito sa mansiyon, Vince…” "B-bakit?” litong tanong ng lalaki. Nakakunot nang malalim ang mga kilay nito at may lumitaw na bahagyang linya sa ibabaw ng mga iyon. Samantala ay hindi pa rin nawawala ang kanyang kaba habang nakatingin dito. Paano na lang kung wala siya roon? Naisipan lang niyang magbalik ng mansiyon dahil wala naman silang pasok sa eskuwela. Holiday sa araw na iyon at walang klase kaya lang niya sumama sa mama niya pero hindi siya dapat naroon. Ano ang posibleng nangyari kung hindi siya nakita ni Vincent? Mabubuking na ba ang kasinungalingan niya? “Bakit? Hindi ka ba natutuwang nagkita tayo ulit?” Tila bahagya itong nalungkot. “Natutuwa siyempre pero…mahigpit kasi ang lolo ko, Vince. Hindi ka dapat pumarito…” “O sige, uuwi na ako…” Pumihit na ito patalikod pero madali niya itong pinigilan. “Hindi naman sa ganoon kaya lang…” “Sorry, Ikay…gusto lang talaga kitang makita. “Ako na rin naman. Gusto rin kitang makita kaya lang…” “Okay, naiintindihan ko.” Itinaas ni Vincent ang mga mata na tila isang piratang nakahandang sumuko. “Hindi na ako pupunta dito nang hindi mo alam. Okay na ba iyon?” Nasiyahan siya kahit pa nga hindi naman niya masasabi ritong wala na talagang susunod na pagkakataong tutuntong pa ito sa bahay na iyon dahil sa kanya. Wala siyang planong mabuking nito. Mamaya ay pag-iisipan na niya kung paanong ipagtatapat dito ang lahat. “Okay na iyon, pero dahil nandito ka na, isulit mo na.” Mabilis itong napatingin sa kanya. “Ang ibig mong sabihin—” “Alam ko namang bukod sa akin ay ito talagang aklat ang ipinunta mo dito…” “Hoy, hindi ha…” Tinapik siya nito sa braso. “Alam mo, special ka talaga sa akin kaya lagi kitang gustong makita…” “Pero…?” “Pero mahilig din akong magbasa kaya mas masaya kung papayagan mo akong mag-ikot dito sa aklatan ng lolo mo.” Lumuwang ang pagkakangiti niya habang nakatingin dito. “Iyon na nga ang ibig kong sabihin.” Humagikgik siya. “Teka sandali!” Mabilis niyang tinakbo ang pinto ng library upang siguruhing nakakandado iyon. Mahirap nang may makakita kay Vince. Baka kung mapaano ito. Hindi lang iyon; bukod sa galit ni Vince oras na magkabukingan, ay haharapin din niya ang tsinelas ng Tiya Monica niya at maghapong sermon ng kanyang ina kapag nagkataon. “Game na?” tanong nito na sinuklian niya ng isang matamis na ngiti. Hindi nag-aksaya ng panahon si Vincent at may pagmamadali sa kilos na nilibot ang kabuuan ng library. Humihinto ito sa bawat shelf at masayang nagbubuklat ng mga libro. Hindi magkasya ang tuwa sa anyo nito at hatid niyon ay kasiyahan din sa kanya. “Mahilig ka talagang magbasa, ano?” Nilingon siya nitong saglit at saka muling itinuon ang mga mata sa binabasang libro. Tungkol sa radio engineering ang librong hawak nito. “Oo. Sabi ng mama ko noong nabubuhay pa siya, nasa tiyan pa lang daw kasi ako ay binabasahan na niya ako ng libro. Iyon siguro ang dahilan kung bakit napakahilig kong magbasa.” Muli itong sumulyap sa kanya ang ngumiti ang mga maliliit nitong mata. “Kaya pala…” “Ikaw? Nagbabasa ka ba kaya ka naririto?” Noon bumaba ang tingin nito sa kabuuan niya. Alam niyang marungis siya kaya inunahan na niya sa pagsasalita si Vince. “Naglilinis ako dito nang dumating ka…” “Ha?” Kumunot ang noo nito kaya agad niyang sinundan ang sinasabi. “Holiday ‘di ba? Alam mo na…kapag walang pasok, tumutulong ako dito sa bahay…” Nakakunot pa din ang noo ni Vince pero hindi naman ito nagkomento. “Alam mo kasi, gustong-gusto kong paluluguran ‘yang si Lolo kaya ginagawa ko ‘to. Ayoko kasing uubuhin siya kapag nakalanghap siya ng alikabok kaya…” “Hindi ka ba nagbabasa?” “Ha? Ah eh…” Dagli niyang namataan ang isang librong minsan na niyang nakitang hawak ni Ma’am Ramona. “Nagbabasa ‘no! Mahilig akong magbasa at katunayan, nasa page 37 na ako nito eh…” Lumapit ito sa kanya at saka inabot ang libro niyang hawak. “Female Diseases? Gusto mo bang mag-aral ng medisina?” “Ha?” Napamaang siya, pagkuwa’y napakamot ng ulo. “O-oo…ay, hindi pala…ano kasi—” “Liars go to hell, Ikay…” Ngumiti ito at nanunudyo ang mga matang nakapako sa kanya. Kung bakit tila aliw na aliw pa ito sa tuwing naipapahiya siya. “Hindi nga!” aniya sabay talikod dito. Pahiyang-pahiya siya sa sarili at lalo na dito. Naramdaman niya ang pagdantay ng isang kamay ni Vincent sa kanyang likuran. “Alam mo, Ikay, hindi mo kailangang magkunwari…” Dagli siyang napatingin dito. “Hindi mo kailangang magpanggap na ibang tao sa harap ko. Hindi ba at nagkaunawaan na tayo sa bagay na ‘yan?” Napipi siya, may kung ilang sandaling hindi alam ang isasagot dito. “Magkunwari ka na sa ibang tao kung sa tingin mo ay makatutulong iyon, pero hindi sa akin. Kilala kita at alam ko kung kailan ka nagsisinungaling.” “Ha?” Pinindot ni Vincent ang tungki ng kanyang ilong at saka ito nagpatuloy. “Huwag ka nang magsisinungaling ulit sa akin ha. Kahit nakakainis ang totoo, kahit pangit pa ang maging kahulugan niyon, ang importante ay totoo ang bagay na iyon.” Napayuko na siya at lalo nang inatake ng hiya sa mga sinasabi nito. “Ako kasi, alam mo lahat-lahat sa akin kaya ganoon din naman ako. Heto, nag-e-effort akong mapalapit sa’yo kahit imposible pero don’t worry, darating din ang araw na hindi na tayo magtatago…maipagmamalaki na natin sa kahit sino ang ‘special friendship’ natin.” “Okay…” tangi niyang nasabi. Nang tumingala siya ay natagpuan niyang titig na titig sa kanya si Vincent. Dagli na naman siyang kinabahan sa kakaibang pakiramdam na iyon. Upang maibsan ang pagkapahiya ay inilahad niya ang kanyang nakakuyom na kamao dito na ang hinliliit ay nakausli. Tinugon nito ang ginawa niya at nagpingkian sila ng mga hinliliit. “Sige na nga. Sorry ha. Madalas akong magkunwari sa’yo. Gusto ko lang naman na ibagay ang sarili ko sa mga ugali mo.” Ginulo nito ang buhok niya at yumugyog ang mga balikat nito sa pagtawa. “Hindi mo iyon kailangang gawin dahil special ka na noon pa sa akin.” Nahiya siyang tugunin ang sinabing iyon ni Vince kaya ngumiti na lang siya rito. Maya-maya pa ay naging abala na sila sa kanya-kanya nilang ginagawa. Naglinis siya ng shelves habang ito naman ay seryosong nagbasa ng mga libro.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD