“PAGKATAPOS mong linisin ang sala ay isunod mo na ang library, Victoria!”
Sinulyapan ni Ikay si Precious. Umandar ang isip niya kung paano niya itong mapagtitiisang makasama sa loob ng iisang bahay sa oras na pag-aralin na siya ni Ma’am Ramona sa Maynila.
Sa bagay, lahat naman ay handa niyang tanggapin makapagtapos lang ng pag-aaral. Alam niyang naiinis sa kanya si Precious. Kung bakit ay hindi niya masagot pero nararamdaman niyang may kimkim talagang galit sa kanya ang dalagita. Ilang beses na rin niyang itinanim sa isip na gumagawa lang ito ng paraan para pagalitin siya. Siyempre nga naman, oras na magmaldita siya ay magkaroon na ng dahilan na hindi matuloy ang plano ng mga magulang nitong kupkupin siya.
Puwes, hindi ito magtatagumpay! Kailangan niyang habaan ang pasensiya para walang maipintas sa kanya ang mag-asawang Fred at Ramona. Kailangang makita ng mga ito na matiyaga siya at masipag para hindi magdalawang-isip ang mga itong patirahin at pag-aralin siya sa Maynila. At iyon ang mahirap dahil ang bagay na iyon ay nangangailangan ng mahabang pagtitimpi sa nag-iisang anak ng mga ito.
“Saglit na lang ako dito…isusunod ko na ang library,” aniya.
“Siguraduhin mo lang na malilinis mong mabuti lalo na ‘yung shelf ng books ko!”
Yumuko siya at muling itinuloy ang ginagawa. Timping-timpi siyang sagutin ang bruhildang babae. Twice a week kung tutuusin na nalilinis ang library ng mansiyon. Ni wala na nga siyang kahit kaunting alikabok na makita kapag araw ng Sabado dahil tuwing araw ng Miyerkules ay nililinis naman iyon ng mama niya.
Madalas ay naiisip niya, bakit hindi na lang ipamigay ng mga Agoncillo ang pera ng mga ito kung sobra-sobra na? Isang katerba ang mga tauhan nito sa mansiyon at gayon din ang mga bantay na wala naman halos ginagawa kundi ang maupo, tumayo, kumain at matulog.
“Pagkatapos mo sa library ay isunod mo ang room ko ha. Bilisan mo! Parang walang katulong dito sa bahay at hindi man lang madatnang malinis ang kuwarto ko!”
Noon siya napatingala para tingnan ito. “Hindi naman sa akin nakatoka ang kuwarto mo—”
“Anong toka-toka ang pinagsasasabi mo? Wala akong pakialam sa toka ninyo! Basta linisin mo ang room ko, tapos!”
“Pero may iba pa akong gagawin, Precious. Pinalilinis pa ni Manang Isidra ang—”
“Mayordoma lang si Manang Isidra at ako ang senyorita! Hindi ba mas tamang sundin mo ang utos ko kaysa sa kanya?”
Saglit siyang natahimik at pilit na isiniksik sa isip ang isang senaryo kung saan masaya siya habang naglalakad papasok sa magandang paaralan sa Maynila.
‘Sige lang, Precious…sige lang…araw mo ngayon eh…’
“May sinasabi ka ba diyan?” asik na naman nito.
“Wala po! Ang sabi ko, pupuntahan ko agad para linisin ang room mo oras na matapos kong linisan ang library ng lolo mo…”
Napangisi si Precious sa sinabi niya. “Mabuti kung ganoon. Sige, bilisan mo na diyan!” anito.
Iyon lang at nagmartsa na ito palayo. Naiwan naman siyang nanggigigil habang hindi niya namamalayang napapahigpit na pala ang hawak niya sa duster na ipinanlilinis niya ng mga muwebles.
NAPAKUNOT ang noo ni Vincent. Dinig na dinig niya mula sa pinagkukublihan ang pinag-uusapan ng dalawang katulong ng mansiyon. Naulinigan niya kasi ang pangalan ni Precious mula sa usapan ng mga ito kaya natukso na siyang makinig. Tama ang kanyang hinala, ang dalagita nga ang pinag-uusapan ng dalawa at ayon sa mga ito ay ‘bruha’ at ‘maldita’ ang dalagita.
‘Kahit kailan ay pasaway ang bruhang iyan, Manang! Bakit naman ganoon ang ginawa niya sa anak ni Maria?’
‘Ewan ko nga din ba. Marahil ay naiinggit dahil mabait at masayahing bata ‘yang si Victoria. Maraming kaibigan ‘yan dito sa mansiyon, eh siya? Wala!’
‘Paano naman siyang magkakaroon ng kaibigan kung ganyan ang ugali niya? Napakasama! Malditang bata talaga!’
Hindi niya maintindihan kung paanong ang Precious na kaibigan niya ay magagawang tawagin ng mga ito sa kung anu-anong pangalan. Ganoon ba talagang klaseng tao ang dalagitang halos bawat oras ay laman ng isip niya? Tama nga ba si Aiden sa sinabi nito sa kaniya?
Mabilis niyang itinago ang sarili nang makarinig ng mga yabag na papalapit.
“Manang, nakita niyo ba si Victoria?” anang tinig ng isang babae.
“Naku, ikaw pala, Maria! Nariyan at naglilinis ang anak mo at kani-kanina lang ay kausap ni Precious.”
“Ganoon po ba? Sige po at hahanapin ko lang. Salamat, Manang.”
“Ah, Maria…”
Nang silipin niya ang kinaroroonan ng mga nag-uusap at makita ang anyo ng babaeng nagngangalang Maria ay bahagya siyang nagtaka.
“Ano po iyon, Manang?”
“Mabait na bata ang anak mo…hindi ka ba natatakot na mapahamak siya sa kamay ni Precious?”
Saglit na natigilan si Maria.
“Ang sa amin naman ni Manang, Maria, baka mas makabubuti para kay Victoria na manatili na lang dito sa atin. May mga maaayos din namang paaralan sa bayan.”
Kitang-kita niya kung paanong naging malungkot ang anyo ng babae. Nang ngumiti ito ay halatang pilit iyon.
“Salamat sa payo ninyo. Pag-iisipan po namin iyan.” Iyon lang at tumalikod na ang babae.
Noon niya naalala ang pakay sa mansiyon. Kailangan niyang makita si Precious. Kahit negatibo ang mga naririnig niy tungkol dito ay hindi niya ito basta puwedeng kalimutan. May pinagsamahan sila ng dalagita at kaibigan niya ito.
Maingat niyang binagtas ang sala habang pigil ang kanyang paghinga. Nang sa wakas ay marating ang isang pintong nasisiguro niyang siyang kinaroroonan ng library ay tila siya nabunutan ng tinik. Hindi nag-iisip na pinihit na niya ang seradura ng pinto.
INIS na napasimangot si Victoria nang marinig na bumukas ang pinto ng library. Sigurado siyang si Precious na naman iyon para guluhin siya. Kailan kaya ito magigising sa katotohanang wala naman itong dapat ikainis sa kanya? Lahat ng suwerte ay narito nang lahat, bakit kailangang guluhin pa siya nito?
Naupo siya upang magkubli sa isang mataas na shelf at pinakiramdaman ang paglalakad ni Precious papalapit sa kanya. Nang marinig niyang malapit na malapit na ito ay maingat niyang ginapang ang dulo ng makitid na pasilyong pumapagitan sa dalawang nagtataasang shelf. Kumabila siya pakubli sa sumunod na shelf habang papalapit nang papalapit ang mga yabag ni Precious.
Tinakpan niya ng dalawang kamay ang bibig upang mapigilan ang sarili sa pagtawa. Nai-imagine na niya ang anyo ng ‘bruhang kababata’ habang hinahanap siya nito.
Itinuloy niya ang paggapang at nagpalipat-lipat siya ng kinukublihang shelf hanggang mapatigil sa harap ng isang pares ng mga paa. Natigilan siya at halos magkulay-suka ang kanyang mukha nang makita ang nakatayong si Vincent sa kanyang harapan.
“Hello, Ikay…” anitong nakangiti.