MABILIS na lumipas ang mga araw na hindi halos namamalayan ni Vince. Patuloy ang naging magandang samahan nila ni Precious. Tuwing araw ng Sabado ay nagkikita sila sa matandang puno na nagsilbi nilang tagpuan. Tuwing umuulan ay masaya nilang pinagkukuwentuhan ang unang araw na nagkakilala sila at palagi nang nauuwi sila sa tawanan kapag binanggit niya rito ang tungkol sa payong na pinalipad nito sa hangin at marami pang ibang alaala ng mga araw na pinagsamahan nilang dalawa.
Paminsan-minsan tulad ng ibang pagkakaibigan ay nagkakaroon din sila ng tampuhan ng dalagita pero lagi naman nilang pinag-uusapan iyon. Ang importante, sa bawat araw na nagkakasama sila ay higit nilang nakikilala ang isa’t-isa.
Minsan nga ay naisip niyang ipakilala na ito kay Ruth. Sigurado kasi siyang makakasundo ito ng kanyang kapatid pero isang bagay ang pumipigil sa kanya para gawin iyon.
“Bakit ba hindi ka nakakapag-share ng ipon sa tuwing araw ng Sabado?” minsan ay tanong ni Aiden sa kanya. Napagkasunduan kasi nilang dalawa na sa bawat kikitain nila sa kanya-kanyang trabaho ay maglalaan sila ng para sa savings. Napag-usapan kasi nilang magkapatid na walang mangyayari kung lahat ng pinagpapaguran nila ay ibibigay nila sa nakatatandang kapatid na si Sussie. Marapat lang na kahit paano ay magtabi naman sila para sa kanilang mga sarili.
“Matumal kasi kapag araw ng Sabado,” sagot naman niya habang hindi man lamang ito tinatapunan ng pansin at kunwa’y abala siya noon sa pagkukumpuni ng kanyang lumang bisekleta.
“Matumal o maganda?”
Sukat sa sinabi ni Aiden ay napatingin agad siya rito. “Anong maganda?”
Ngumisi ang kapatid at saka siya nito tinalikuran. Hindi na sana niya papansinin ang sinabi nito pero paulit-ulit iyon sa isip niya. Sinundan niya ito at nang abutan sa labas ng bahay ay madali niyang nilapitan.
“Ano ba ang ibig mong sabihin kanina?”
Sinulyapan siya ni Aiden at saka sinuklian ng ngiti. “Ang kapatid ko…binata na!” tudyo nito habang naiiling.
“Hindi ko alam ang sinasabi mo,” tanggi naman niya.
“Huwag ka nang magkaila dahil sinundan kita kahapon.”
Natahimik siya. Kung totoo ang sinasabi ni Aiden, malamang ay wala na nga siyang maaaring ilihim pa rito. Tiyak na nakita na nito si Precious.
“O, hindi ka na nakakibo diyan? Wala namang problema doon eh…lalaki ka at hindi ka na bata…kaya lang…kaya lang ay parang—”
“Alam ko,” putol niya sa dapat ay sasabihin nito, “bata pa si Precious.”
“Bata? Bata ba iyon?”
“Mataas lang siya sa edad niya pero bata pa siya, Kuya…dose anyos…”
Napapalatak ito pagkarinig sa sinabi niya. “Ginoo!” Tinampal nito ang sariling noo. “At akala ko pa naman ay dalaginding na at halos ay kaedad mo. Huwag mong sabihing nasa elementarya pa iyon?”
Nang hindi siya kumibo at tumitig lang dito ay natampal siya nito sa braso habang natatawa.
“Ano ka ba naman, Vincent? Maghananap ka lang ng mapaglilibangan ay paslit pa?”
Nagpanting ang tainga niya sa narinig. Dagling naiba ang timpla ng mood niya at nahalata naman iyon ng kapatid.
“Ops, sorry…ang ibig kong sabihin—”
“Hindi ko pinaglilibangan si Precious, Kuya. Magkaibigan lang kami pero seryoso ako sa friendship naming dalawa.”
Saglit itong natahimik at pagkuwa’y tinapik siya nito sa likod. “Nagbibinata ka na, Vince, at sa edad mong iyan, dapat ay alam mo nang imposible ‘yang sinasabi mo.”
Nagtatanong ang mga mata niya rito.
“Isang lalaki, mag-uubos ng oras sa isang babae? Liliban sa trabahong importante sa kanya para lang sa sinasabi mong friendship? Kagaguhan!” Napailing ito. “Gusto mo ang batang iyon at hindi mo lang ‘yan maamin sa sarili mo dahil paslit pa ang Precious na ‘yan!”
“May masama ba kung sakali?”
Nagsukatan sila ng tingin at sa hindi na niya mabilang na pagkakataon ay napailing na naman ito. “Wala dahil sa nakikita ko naman ay seryoso ka sa kanya. Ang problema, masyado pa siyang bata. Ano ba ang alam niyan? Maglaro at magsaya…iyon pa lang.”
Sa bagay, tama ang kapatid, marahil nga ay malayo ang pakahulugan ni Precious sa friendship nilang dalawa kompara sa kahulugan niyon para sa kanya.
“Baka mamaya ay magka-crush din sa’yo iyan…kung sakali, pupusta akong ikaw ang una. Mahirap ‘yan, Vince, kung hindi ka seryoso sa bata…”
“Seryoso nga ako…”
“Sa anong paraan? Tatagal ba kayo nang ganyan? Tuwing Sabado ay para kayong mga tulisan na nagtatago sa puno at doon nagtatagpo? Baka mapatay ka ng mga magulang niyan oras na makita kayong dalawa?”
Natahimik na naman siya. “Isa pa nga iyan, Kuya. Si Precious kasi…hindi siya…”
“Hindi ano?”
Humugot muna siya ng malalim na paghinga at saka ipinagpatuloy ang sinasabi.
“Hindi siya tulad natin…isa siyang…isa siyang Agoncillo…”
Laking gulat niya nang bigla siyang pitsarahan ng kapatid. Napaliyad siya sa ginawa nito.
“Gago ka ba! Bakit pipili ka lang din ay Agoncillo pa? Hindi mo ba kilala ang pamilyang iyon?”
Saglit siyang nalito. “Bakit? Ano ba ang problema?”
“Halos pag-aari na nila ang kabuuan ng bayan natin, Vincent! Gusto mo bang mamaalam nang maaga sa mundo?! Paano kung matiktikan ka ng isa sa mga tauhan ng don?”
“Wala naman kaming ginagawang masama…”
“Pero hindi rin tama ang makipagkita ka sa batang iyon sa lansangan!”
Binitiwan siya nito at halos ay mawalan siya ng balanse.
“Tigilan mo na iyan. Huwag ko nang malalaman na nakikipagkita ka pa sa batang iyon.”
“Kuya!” Nakadama siya ng paghihimagsik sa kalooban sa narinig. Dahil ba mayaman ito at mahirap sila ay wala na siyang karapatang makipag-usap man lang dito? Ganoon ba talaga kalupit ang mundo sa mga mahihirap na paris niya?
“Vince…” Saglit itong tumigil sa pagsasalita at hinawakan siya sa magkabilang balikat. “Para sa’yo ito…sumunod ka sa akin bilang nakatatandang kapatid dahil hindi ko matatanggap kung mapapahamak ka dahil sa ganyan…”
“Pero paano kami ni Precious?”
“Anong kayo? Gumising ka nga! Ang babaeng gusto mo ay paslit pa! Ni hindi nga noon naiintindihan kung bakit ka nakikipagkita sa kanya! At kung tama ako na siya ang babaeng anak ng panganay ng don, aba’y malaking g**o! Masama ang ugali ng batang iyan! Hindi niya—”
Sukat sa narinig ay hindi na niya nagawang patapusin ang sinasabi ni Aiden. Bigla niya itong naitulak na ikinagulat naman nito.
“Hindi masama ang ugali ni Precious, Kuya! Gumagawa ka lang ng kuwento para layuan ko siya!”
“Totoo ang sinasabi ko! Kahit itanong mo pa kay Ate Sussie, minsan na ‘yang bumili ng paninda sa kanya at pinagsisigawan daw siya nang magtagal sa pagsusukli.”
“Hindi ganoon si Ikay…”
“Ikay?” Napakunot ang noo ng kapatid. “Ang layo naman ng Ikay sa Precious?”
“Ikay ang tawag sa kanya…basta hindi siya ganoon, Kuya. Mabait siya at masayahin…malayong-malayo sa sinasabi mo.”
“Natural! Kung ano man ang namamagitan sa inyong dalawa, maikli pa iyon para makilala mo siya nang husto. Tuwing Sabado lang kayo nagkikita at pitong araw mayroon sa isang linggo, baka nalilimutan mo.”
Hindi siya nakaimik pero kahit paanong isip ay hindi talaga niya maikonekta ang sinabi ni Aiden tungkol sa pagkatao ni Precious. Ni minsan ay hindi siya pinagtaasan ng boses ng dalagita sa paraang sinasabi ng kapatid. Oo nga at nasungitan siya nito sa unang araw ng kanilang pagkikita pero may dahilan iyon. Hindi siya nito kilala kaya ganoon ang naging reaksiyon nito. Oo nga at inihagis nito sa hangin ang dala nitong payong pero may dahilan pa din si Ikay doon. Sa halip ngang mapikon ay naaliw pa siya sa ginawa nito at hindi niya kahit minsan inisip na masama ang ugali nito dahil doon.
“Tigilan mo na ang batang iyan, Vincent. Magiging hadlang siya sa mga pangarap nating umasenso, tandaan mo iyan.”
Pero hindi niya sinunod si Aiden. Patuloy pa rin siyang nakikipagkita kay Ikay. Alam niyang alam iyon ng kapatid at iyon marahil ang dahilan nang hindi nito pagkibo sa kanya nitong mga huling araw pero wala siyang magagawa. Hindi niya kayang sundin ang sinasabi nito lalo pa at sinabi na ni Ikay na tuloy ang plano nitong makarating ng Maynila upang doon mag-aral ng High School. Iyon ay ilang linggo na lamang buhat sa araw na iyon.
Mula sa kinatatayuan ay muli siyang tumingala upang sakupin ng tingin ang malawak na bakuran ng mansiyon ng mga Agoncillo. Napangiti siya. Masosorpresa si Ikay at tiyak na magagalit sa gagawin niya pero magagawan niya iyon ng paraan. Ang importante ay makita niya ito.
Sa kuwento ni Ikay ay marami daw nagbabantay na guard sa buong bakuran at kabahayan ng mga Agoncillo at hindi ito nagbibiro nang sabihin iyon. Mabuti na lamang at natandaan niya nang minsang mabanggit nito na kapag alas-singko na nang hapon ay walang relyebo ang guard sa main gate. Pumapasok daw kasi iyon sa kabahayan at nagme-merienda habang ang iba namang kasama ay nasa ibang panig ng bakuran. Iyon din kasi ang oras na umuuwi ito ng mansiyon sa tuwing magkikita sila kaya kabisado na nito ang routine ng mga bantay.
Dumukwang siya para sulyapan ang loob ng guard house at nakahinga siya nang maluwag nang makitang walang tao doon. Agad na gumala ang paningin niya sa paligid at nang matiyak na walang tao ay madali siyang umakyat ng bakod at tumawid sa kabila niyon.