“HUWAG mong kalilimutan ang mga bilin ko sa’yo,Victoria,” panlimang paalala ng mama niya. Kung hindi nga lang niya kilalang pikon ang ina ay malamang na kanina pa niya ito biniro. “Sige, lalabas na ako. Bahala ka na rito ha,” dugtong pa nito sabay libot ng paningin sa kabuuan ng silid.
Hindi pa man niya naririnig ang pagpinid ng pinto ay tumalikod na siya. Hawak ang basahan ay humakbang na lang siya palapit sa isa sa mga nagtatayugang book shelf doon. Huminto siya sa malapit sa hagdan at saka iyon kinuha. Inilagay niya iyon pasandal sa matibay na bahagi ng shelf at maingat iyong inakyat.
Nang maabot niya ang pinakamataas na bahagi ng book shelf ay hindi muna agad siya naglinis tulad ng bilin ng kanyang ina. Sa halip ay nagbuklat-buklat muna siya ng mga libro. Isa-isa niyang tiningnan ang mga iyon at kasabay ng ginagawa ay napapangiti siya.
Matagal na niyang gusto ang pagbabasa, dangan nga lamang at limitado ang reading materials niya. Kung hindi kapirasong pahina ng diyaryong pinagbalutan ng tinapa na ulam nila ay mga lumang librong nagkakalasug-lasog na ang mga nahahawakan niya. Ano nga ba ang aasahan mo sa isang maliit na paaralan sa liblib na lugar nilang iyon? Suwerte na nga sila at kahit paano ay may mga libro pa silang pinagpapasa-pasahang magkakaklase.
Isang malaki at makapal na libro ang nagpaubo sa kanya. Marahil ay maraming taon nang hindi nabubuklat iyon kaya ganoon. Napailing muna siya sa sarili bago nagsimulang maglinis. Dahil niyakap niya ang pangarap na makapag-aral at magkaroon ng isang matagumpay na buhay, kailangan din niyang yakapin ang mga gawaing tulad nito.
Napabuntong-hininga siya at siguro ay napalakas iyon dahil bahagyang umuga ang tinutuntungan niyang hagdan. Napakapit siya sa makapal na book shelf at noon lang unti-unting naging normal ang kanyang paghinga. Hindi niya lubos-maisip ang posible niyang kahantungan kung nagtuloy-tuloy siya sa pagkahulog. Mataas pa naman ang bahaging kinalalagyan.
“Hoy! Bumaba ka diyan!”
Nagulat siya sa tinig na iyon at agad na napayuko. Naroon at nakatingala naman sa kanya ang nag-iisang kontrabida sa kanyang buhay, si Precious.
“Ano? Bakit nakatanga ka diyan? Ang sabi ko, bumaba ka dito!”
“B-bakit?” kinakabahan niyang tanong. Kung gayon ay ang luka-lukang ito ang may kagagawan ng lahat. Baka ginalaw nito ang hagdan kaya bahagya siyang nawalan ng balance kanina. Sa sobrang focus kasi sa tinitingnang libro ay hindi niya namalayang nakalapit na pala ito.
Paanong nangyaring nabuksan nito ang pinto ng silid nang hindi niya naririnig? Ah, marahil ay hindi iyon naisara ng mama niya kanina. Natatandaan niyang hindi nga niya narinig na isinarado iyon.
“Basta bumaba ka dito saka tayo mag-usap! Bilis!” tila naaasar na sigaw nito sa kaniya.
Agad naman siyang tumalima. Mahirap na at baka muli nitong yugyugin ang hagdan ay hindi na siya suwertehing makaligtas. Nang makababa ay taas ang noong hinarap niya ito.
“Ano ang kailangan mo?”
Mapakla munang ngumiti si Precious at saka tila parrot na inulit ang sinabi niya. “Ano naman sa tingin mo ang kakailanganin ko sa isang katulong na paris mo?”
“Bakit mo ako pinag-aaksayahan ng oras kung ganoon?”
Hindi agad ito sumagot pero ang paraan ng pagtingin nito ay nang-uuri. Daig pa nito ang sinusukat ang kanyang height at timbang.
“Kung wala kang sasabihin ay magsisimula na akong—”
“Huwag mo nga akong tatalikuran kapag kinakausap kita!” anito nang akma siyang tatalikod. Hinagip pa nito ang isa niyang braso.
Marahan niyang inalis ang kamay nito sa pagkakahawak sa kanya. “Alam kong naiinis ka sa akin, Precious. Hindi ka komportableg makita ako at alam ko rin iyon. Kung pwede sana, huwag mo na lang akong lalapitan. Huwag mo na rin akong kakausapin para hindi na tayo nagkakainisan.”
“Ah, ganoon? Ang yabang mo naman para pagsabihan ako nang ganyan gayong katulong ka lang ng lolo ko dito!”
“Wala naman akong pinagmamalaki sa’yo! Kaya nga ayoko sanang magpunta dito ay dahil sa’yo pero pinilit ako ni Mama—”
“Dahil tulad mo ay manggagamit din ang mama mo! Kunwari pa kayong mababait pero ano, may motibo kayo sa pakikipaglapit sa amin! Gusto ng mama mong pag-aralin ka kaya pilit kang pinaaampon sa mommy ko at gusto mo naman ang gayon kaya nagmamagaling ka dito! Sa bagay, kapag nga naman napansin ka ni Lolo Mac, napakalaking kayamanan ang puwede mong mapala!”
“Precious!”
Kapwa sila napalingon sa pinto. Naroon at nakatayo si Sir Fred, ang daddy nito. Lalo na siyang kinabahan. Ni minsan ay hindi pa niya nakakaharap sa isang kahit maliit na pag-uusap ang lalaking ito. Puro tingin lang ang isinusukli nito sa tuwing bumabati siya.
“Magandang umaga po, Sir Fred,” aniyang nakayuko. Bahagya siyang nagulat nang tinugon ng lalaki ang kanyang pagbati. Bahagya pa nitong hinawakan ang siko niya.
“What’s going on here?” tanong nito ang mga mata ay sa kanya nakapako. Sasagot na sana siya nang maunahan siya ni Precious.
“Inaaway niya ko, Dad. Ang sabi ko lang naman, kung gusto niyang mag-aral ay magbasa na siya ng mga libro dito sa library ni Lolo sa halip na naglilinis siya. Nagulat na lang ako nang sigawan niya ako at sabihan nang wala raw akong pakialam.”
Nagulat siya sa isinagot ni Precious at dahil doon ay hindi agad siya nakapagsalita. Marahil ay itinuring ng daddy nito na kompirmasyon mula sa kanya ang hindi niya pagkibo kaya nang magsalita ito ay tila may inis na sa tinig.
“Kinausap ako ng asawa ko tungkol sa’yo. Your name is Victoria, right?” Nang tumango siya at saka muling nagyuko ng ulo ay nagpatuloy ito. “Kung gusto mong mag-aral at seryoso kang magtapos, pag-igihan mo.”
“Opo,” kimi niyang tugon.
“Kasabay niyon, pag-aralan mong makibagay dito sa unica hija ko…dahil magiging magkasama kayo sa iisang school pagdating natin ng Manila.”
Kasabay ng marahas niyang paglingon dito ay ang pagtaas ng boses ni Precious. Hindi na nito nagawang itago ang totoong niloloob.
“Daddy!” bulalas ng dalagita.
“You heard it right, hija. Your mom wants both of you to go to the same school.”
“Pero hindi niya kaya ang turo sa school na pinapasukan ko. Pang-matatalino lang iyon! Besides—”
“Talk to your mom, baby. For now, tama ka sa pagkumbinsi dito kay Ikay na mag-aral na mabuti. Sana ay higit pa kayong magkasundo.”
“Thanks, Sir Fred. Umasa po kayong hindi ko kayo bibiguin.” Binalingan niya ng tingin si Precious at saka ito nginitian. “Sorry, sis. Alam ko namang kaya ka nagagalit sa akin ay dahil ayaw mong magpaturo ng assignment. Hindi iyon puwede dahil kailangan mo ring mag-aral, hindi ba, Tito?” Ngumiti siya sa lalaki at saka muling bumaling sa hindi maipintang mukha ni Precious. “Tuturuan ulit kita ng lesson mamaya oras na matapos ako sa paglilinis.”
Nanlaki ang mga mata ng dalagita sa konotasyon ng ‘leksiyon’ na sinasabi niya. Halinhinan sa paglaki ang mga mata at ilong nito. Siya naman ay abot-abot ang pagpipigil na matawa. Naisahan niya ang mayabang na apo ni Don Macario Agoncillo.