“HINDI mo dapat kinukunsinti ang anak ko, Ate. Alam mo namang kailangan ko siya sa mansiyon.”
Nakapameywang si Tiya Monica habang kausap ang mama ni Vicrtoria. Ang dalagita naman ay nagkunwaring abala sa pag-iisis ng kaldero, ngunit ang totoo ay nakikinig naman sa usapan ng mga ito. Paano bang hindi, sa liit ba naman ng bahay nilang iyon?
Kanina ay sinadya niyang magpahapon ng uwi. Nagpunta siya sa bahay ng mga kaklase at nagpalipas ng oras doon kaya naman hindi maipinta ang galit sa anyo ng mama niya papasok pa lang siya ng bahay. Agad siyang sinita nito pero namagitan ang tiyahin niya, na ang totoo ay bibihira namang mangyari. Kadalasan kasi, mas ito kaysa sa kanyang ina ang nagagalit sa kanya.
“Hindi ko kinukunsinti ang anak mo, Maria. Ang sa akin lang, hindi mo rin lang alam ang kuwento niya, pabayaan mo na muna siyang—”
“Kinukunsinti mo nga, Ate! Alam mo namang kanda-kuba na ako sa kalilinis ng buong villa tapos, papayagan mo siyang maglakwatsa!”
“Tumigil ka nga muna kasi! Subukan mong kausapin ang anak mo nang malaman mo ang dahilan!” Humakbang itong palapit sa mama niya. “Noong maliliit pa tayo ay nakararanas din tayo ng pandidikta sa ating mga yumao nating mga magulang. Kadalasan, labag sa loob natin ang mga pinagagawa nila at madalas kang magsumbong sa akin, hindi ba? Tila inuulit mo yata ang pangyayari sa anak mo, Maria.”
Saglit na natahimik ang mama niya. Dalangin niyang sana ay magising ang puso nito at tuluyan na siyang pabayaan sa nais niyang gawin.
“Ate, iba ang panahon natin at iba ang panahon ni Victoria. Noon, sobrang higpit ng Tatang pero hindi naman natin alam kung para saan. Simula pa lang ay sinabi na niyang wala siyang balak na pagtapusin tayo…babae lang daw tayo at dapat lang na ilaan sa bahay ang ating oras, pero iba si Ikay, Ate…iba ang anak ko.”
“Ano ang pinagkaiba? At ano ang pinagkaiba mo sa Tatang?”
“Mahal ko si Victoria! Iyon ang malaking pagkakaiba, Ate! Gusto ko siyang makapagtapos ng pag-aaral. Gusto kong mabago ang buhay niya, at hindi matulad sa akin.”
“Sa pamamagitan ng pagsama at pagtulong sa iyong maglinis sa bahay ng mga Agoncillo? Ipaintindi mo nga sa akin!”
“Kinausap ako ng panganay na anak ng don na si Ramona noong nakaraang linggo. Ang sabi niya, ipasok kong katulong sa bahay niya sa Maynila ang bunso nating si Yollie. Ora mismo ay tumanggi ako, dahil alam kong hindi gustong mag-Maynila ni Yollie. Sakto namang tumawag mula sa itaas ng kabahayan si Victoria, nagtatanong ng susunod niyang lilinisin. Iyon ang unang pagkakataong nakita siya ni Ramona…”
“Tapos?”
“Nagandahan siya sa anak ko. Ang sabi niya, sayang kung mabuburo lang dito sa probinsiya ang bata.”
“Parang nahihinuha ko na ang kasunod. Gusto ba niyang ampunin si Victoria?”
Mabilis siyang napatingin sa reaksiyon ng ina at tila pinagtiyap na napalingon din ito sa kanya. Puno ng lungkot ang mga mata nito at hindi niya iyon nagawang tagalan.
“Ina ako, Ate. Alam mo ang kagustuhan kong magtapos at hindi ko kahit kailan itinago sa’yo ang damdamin ko sa pagpapahinto ni Tatang sa atin sa pag-aaral. Marami akong pangarap sa buhay na hindi naabot at ayokong sapitin iyon ng mga anak ko.”
“Kung gayon ay gusto nga niyang ampunin ang anak mo at pumayag ka naman?”
“Ang sabi niya ay isama ko lang ang bata sa mansiyon at sanayin sa mga gawaing bahay. Sa pagtatapos daw ng klase ay kukunin niya ito upang pag-aralin sa Maynila.”
“Tinanong mo na ba si Alfred tungkol sa bagay na ‘yan?” Ang tinutukoy nito ay ang kanyang ama.
Nakita niyang tumango ang mama niya, kasunod niyon ay ang tila pagpapahid nito ng mga luha sa pisngi. May nakapa siyang pagrerebelde sa pinakasulok ng puso niya. Bakit ganoon? May mga tao talaga marahil na isinilang nang masusuwerte. Walang kabuluhan sa mga ito ang mga mahahalagang bagay na minimithi ng mga mahihirap na tulad nila.
“Hindi papayag ang asawa ko, Ate. Kilala mo naman iyon at hindi iyon basta makukumbinsi na patirahin sa ibang bahay ang paborito niyang anak…lalo pa at Maynila iyon.”
May kung anong pumintig sa pulso niya sa narinig. Excitement ba ang tawag doon? Agad niyang na-imagine ang sarili habang naglalakad sa isang magandang paaralan at nakasuot ng isang maayos at maganda ring uniform. Ang iba pa niyang gamit ay pawang magaganda din. Napabuntong-hininga siya sa ideyang iyon na kumapit sa isip niya.
Nang muli niyang balikan ng tingin ang ina ay hinahagod na ni Tiya Monica ang likod nito.
“Hindi kita masisisi kung agad kang pumayag sa gusto ng Ramona na iyan pero pag-isipan mo ring mabuti ang lahat, Maria. Hindi ba at siya ang ina ng nag-iisang apong babae ng don? Ang dalawa pang Agoncillo na kapatid niyan ay nasa ibang bansa at mga hindi pa nagsisipag-asawa, tama ba?”
Tumango ang mama niya. “Siya nga ang ina ni Precious. Nag-iisa, pagkat hindi na nabiyayaan pa ng anak si Ramona. Nagkasakit siya at natanggalan ng obaryo kaya hindi na maaaring magkaanak.”
“Natitiyak kong dahil doon ay gusto pang magkaroon ng pangalawang anak ng senyorita. Tiyak na hindi niya ituturing na iba si Victoria kung ganoon.”
Bahagya siyang napangiti pero agad din iyong napalis nang maalala ang sinabi ng ina kanina. Kung ituturing siyang hindi iba ng Ramona na iyon at kung ang layon nito ay magkaroon ng isa pang anak sa katauhan niya, bakit kailangan siyang sanayin sa mga gawaing bahay? Si Precious kaya ay gumagawa rin sa bahay ng mga ito sa Maynila?
Siya na rin ang sumagot sa sarili niyang tanong. Imposible iyon. Sa hitsurang iyon ni Precious, malamang kahit alikabok ng basahan ay hindi nito kayang ipagpag sa hangin.
“Sana nga, Ate, dahil buo na ang desisyon ko. Sa darating na Sabado ay isasama kong muli si Victoria at sana naman ay magkaisa na tayo sa bagay na iyan. Kailangan ko siyang sanayin sa mga gawaing bahay para hindi naman kahiya-hiya sa pamilyang pakikitunguhan niya roon.”
Nang tumango si Tiya Monica bilang pagsang-ayon ay hindi niya alam kung bakit bigla siyang kinabahan. Isa lang ang alam niya, hindi na siya mag-iimbento ng pasok sa eskuwela sa susunod na Sabado.