Chapter 8

1081 Words
“SAAN ka pupuntang bata ka?!” galit na tawag ni Tiya Monica kay Ikay. Pinagbutihan pa niya ang pagtakbo at hindi niya pinansin ang tawag na iyon ng tiyahin. Kailangan niyang marating ang puno ng caimitong pinagtaguan niya ng kanyang bag, kung hindi ay malalagot siya sa kanyang ina. “Ano ba, Victoria! Magbalik ka nga dito! Victoria!” Alam niya, kapag ganoon na ang tono ng tiyahin ay galit na ito pero hindi niya ito magagawang sundin. Alam niyang masama ito kung magalit ngunit higit na masamang magalit ang mama niya. Masakit mamalo ng tsinelas si Tiya Monica pero higit na masakit sa mga tuhod ang bakas ng mga butil ng monggo. Dali-dali niyang tinahak ang daan papunta sa malaking puno ng caimito. Laking pasalamat niya nang makitang walang ibang tao roon. Marahil, kung panahon ng prutas na iyon ay hindi na niya aabutang naroon ang kanyang bag. Baka nakuha na iyon ng mga batang madalas tumambay doon upang maglaro at umakyat sa puno. Sa bagay, tinakpan naman niya ng dayami iyon kanina kaya kahit paano ay umaasa siyang walang ibang makakakita niyon. Nang makalapit sa puno ay agad siyang yumuko. Inalis niya ang mga dayaming nakapatong sa kanyang bag at saka iyon pinagpagan ng dumi. Napangiti siya ngunit hindi nagtagal sa kanyang mga labi ang ngiting iyon dahil ilang saglit lang ay nakita na niya ang pagdating ng umuusok sa galit na si Tiya Monica. “Napakatigas talaga ng ulo mong bata ka! Hindi ba at sinabi kong bumalik ka? Bakit hindi mo ako pinapansin ha?” “Tiyang!” bulalas niya nang maramdaman ang sakit ng tampal nito sa kanyang braso. Kamay pa lang iyon, paano pa kung makapal na tsinelas na nito ang dumapo sa kanya? “Nakakagigil ka ha! Pinagmumukha mo ‘kong tanga ah!” Hinawakan siya nito sa isang braso at saka hinatak. “Halika, umuwi tayo sa bahay!” “Sandali, Tiyang!” aniya sabay upo. Hinawakan niya ang tiyan at saka siya umarte na animo ay nasasaktan. “Ang sakit ng tiyan ko…” daing niya. “Naku, naku, tumayo ka at hindi mo na ako makukuha sa ganyan ngayon!” “Tiyang, masakit talaga…a…a…aray!” Pinagbuti niya ang pag-arte ngunit sa malas ay hindi na nga yata maniniwala ang tiyahin niya. Kabisado na siya nitong talaga. “Ano ba, Victoria! Tatayo ka ba o tsi-tsinelasin kita?!” Akma nitong huhubarin ang isang tsinelas kaya agad siyang tumayo. “Tiyang naman eh!” “Bakit ba kasi ang kulit mo? Aba’y nahihilo na ang mama mo kahahanap sa’yo ah! At itinago mo pa ang bag mo dito ha!” Sinulyapan nito ang bag niyang may ilang dayami pang hindi niya naalis. “Ayoko po kasing sumama kay Mama—” “Kaya ka nagkunwaring pumasok sa eskuwela? Ano ba ang problema mo sa pagsama sa mama mo sa villa ng mga Agoncillo?” Nagkibit siya ng balikat. “Tiyang, lagi akong kasama ni Mama doon kaya kilalang-kilala ko na lahat ng mga tao sa villa. Lahat sila, matapobre!” “Sobra ka namang makapintas na bata ka!” “Huwag mo na silang pagtakpan, Tiyang! Alam ko namang kilala mo rin ang mga taong iyon kaya hinding-hindi ako paparis sa inyo na titingala sa kanila.” “Aba!” “Totoo iyon, Tiyang! Balang araw, makikita mo, uunlad din ang buhay ng pamilya ko! Hindi na kakailanganin ni Mama na mamasukan sa kanila. Hindi na tayo aapihin ng mga taong iyon.” “At ano naman ang gagawin mo?” Ngumiti muna siya nang makahulugan dito bago nagsalita. “Mag-aaral akong mabuti para makapagtapos. Pagka-graduate ko ay maghahanap agad ako ng trabaho at kapag kumikita na ako ay agad kong iaahon sa hirap sina Mama.” Umismid si Tiya Monica. “Paano kang makakatapos ng pag-aaral kung hindi ka naman madalas pumasok sa klase? Puro pagpapaganda ang inaatupag mo at madalas ka daw mahuli ng teacher mo na nanonood ng teatro.” Napangiti siyang muli. Totoo kasi ang sinabi nito. Hilig niya ang pag-arte at first love naman niya ang pagpapaganda. She had always dreamed of being a beauty queen. Alam niya, abot-kamay lang ang pangarap na iyon. Basta may tiyaga lang ay umaasa siyang hindi magtatagal at darating din ang panahong kikinang ang kanyang bituin, wika nga. “Pumapasok po ako. Tingnan ninyo at papasok ako ngayon . Kaya nga ayokong sumama kay Mama, mag-aaral po ako nang husto—” “—sa araw ng Sabado?” Natahimik siya at bahagyang napaisip. Muntik na siyang mapaubo nang ma-realize ang katangahan. Sabado nga pala at wala ngang pasok sa eskuwela! “Tingnan mo na! Kung makatakbo ka at makadahilang papasok sa eskuwelahan ay ganoon na lang, ni hindi mo naisip na palpak ang alibi mo!” Hinatak siya nitong muli sa braso. “Tiyang naman! Ayoko nga kasing magpunta sa bahay ng mga Agoncillo!” “Bakit nga ba kasi? Kung ang mga matatanda lang ang iniisip mo, gaano man kasungit ang mga iyon ay hindi ka naman mapapansin dahil sa library ka lang naman pinaglilinis ng mama mo!” “Sa library naglalagi ang maarte at masungit na apo ni Don Agoncillo!” Biglang napaisip ang kanyang tiyahin at makalipas ang ilang saglit ay napatingin nang makahulugan sa kanya. “Sinasabi ko na nga ba eh. Hindi mo gusto ang kaisa-isang apong babae ng don, ano?” Pailalim ang pagkakatingin nito sa kanya na animo may lihim siyang kayang-kaya nitong alamin. “Paano ko po siyang magugustuhan kung napakasungit at napakamatapobre niya?” “Bakit, nakausap mo na ba si Precious?” tanong nitong ang tinutukoy ay ang dilag na apo ni Don Macario Agoncillo. “Hindi lang nakausap, Tiyang. Nilait na rin ako ng babaeng iyon kaya kahit ano ang gawin ninyo ni Mama, paluhurin niyo man ako sa monggo ulit ay hindi ako pupunta roon.” Napailing si Tiya Monica. “Ang tigas talaga ng ulo mo, Victoria.” “Ikay, Tiyang…Ikay—” “Oo na! Ikay na kung Ikay! Bahala kang magdahilan sa mama mo, ha ! Hindi ako—” “Salamat, Tiyang! You’re the best!” sigaw niya hindi pa man natatapos magsalita si Tiya Monica. Agad niya itong niyakap at mabilis pa sa alas-kuwatrong nagtatakbo siya palayo rito. Ilang metro pa lang ang kanyang natatakbo ay lumingon siya sa tiyahin at muling sumigaw. “Thanks, Tiyang! I love you!” Napailing na lang ang nakasimangot niyang tiyahin habang habol siya ng tingin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD