Hindi maitago ni Charie ang labis niyang pagkamangha nang makita ang munting islang animo hiyas na kumikislap sa gitna ng payapang dagat. Dahil sa mga nakabukas na ilaw sa mga poste o marahil ay mga gusali sa isla, animo iyon kumikinang na higanteng gintong umahon mula sa pusod ng dagat. Lalo pa at sa buong paligid niyon ay wala siyang makitang ibang liwanag. Hindi na niya namalayan kung gaano sila katagal naglalakbay mula Manila lulan ng helicopter ni Hisoka. Naging masyado kasi siyang abala sa pagmamasid sa mga tanawing nadaraanan nila. Naaaliw pa siya sa matiyagang pagsagot ni Hisoka sa bawat tanong niya patungkol sa mga tanawing nakikita nila. Iyon na ang panglimang date nila. Mula nang unang yayain siya nitong kumain nang makita niya ito sa labas ng Tawamoto Bar, halos g

