MABILIS AKONG naligo at nagbihis. Magkikita kami ni Anika sa mismong basketball court na malapit sa bahay nila upang mag-fill up ng form. Malaking bagay ang makapasa sa financial assistance na ibibigay ng mga taong may mabubuting puso. Kapag nangyari na makapasa ako ay tiyak na magiging maayos na ang pagpasok ko sa kolehiyo. Matutupad ko ang pangarap kong maging isang guro.
Pinagmasdan ko ang sarili ko sa harap ng malabong salamin. Kahit na anong gawin kong punas ay hindi na luminaw. Sadyang matagal na kaya siguro ganoon. Bata pa lang si Lola ay gamit na niya ito. Hindi naman niya kailangan ang bagong salamin. Makita niya lang ang sarili niyang nakasuot ng maayos ay sapat na.
Nakunot ang noo ko nang mapansin na luma na pala ang tsinelas kong kulay pula. Isang taon ko na rin yatang gamit iyon kaya mukhang malapit ng masira. Hindi bale, tutulong na lang ako sa pagtatanim ng palay sa taniman ng tatay ni Anika para may pambili ako. Binalik ko ang tingin sa salamin saka ngumiti. Malabo man iyon ay wala naman kasing linaw ang kinabukasan na naghihintay sa akin. Magiging successful ako, ramdam ko.
“Zoie! Hindi ka pa nakaayos?” Humahangos na naman na pumasok sa loob ng kubo si Anika. “Tara na! Nandoon na ‘yong mga pogi na sinasabi ko sa iyo!”
“Aanhin ko naman ang pogi? Mas kailangan ko ng anda.”
“Anong anda?”
“Pera, kwarta, money. Iyon ang anda na sinasabi ko.”
“May pa-anda anda ka pa riyan. Pera lang naman pala. Kung anu-ano ang mga pinagsasabi mo. Alam mo naman na mababaw lang ang katalinuhan ko.” Bahagyang nakataas ang isang gilid ng labi ni Anika.
“Nabasa ko lang iyon. Siyempre, kailangan natin gamitin para hindi makalimutan.” Inakbayan ko siya saka lumabas na kami.
“Hindi mo ba ila-lock ang pinto ng kubo mo?”
“Bakit koi la-lock? Wala naman magtatangkang pumasok sa loob.”
“Paano mo nasabi? Marami kayang magnanakaw rito sa atin.”
“Wala naman silang mananakaw dito.” Mahina akong tumawa. “Hindi ako takot sa kanila. Pero isa lang ang sigurado ako, tiyak na matatakot sila kapag pumasok sila rito.”
“Walang kinatatakutan ang magnanakaw, no?”
“Subukan nila. Tatakutin sila ni Lola at Lola. Kasama ko kaya sila rito.”
“Uy, Zoie. Huwag ka ngang magbiro ng ganyan. Kinikilabutan ako, e.” Bigla siyang sumiksik sa kilikili ko. “Hindi pa ako nakakakita ng kaluluwa at ayaw kong maranasan ang ganoon. Huwag ka naman manakot.”
Tumawa lang ako ng malakas. “See? Ikaw nga natakot e. Sila pa kaya?”
“Okay, okay na! Naniniwala na ako sa iyo. Tara na, Zoie! Baka di natin maabutan ang form. Kapag naubusan tayo, lagot ka talaga sa akin.”
Nilingon ko ng isang beses ang kubo bago humakbang. Nai-imagine ko na darating ang panahon at magkakaroon ako ng isang malaking bahay. Lalagyan ko ng maraming gamit hindi katulad ng gamit na mayroon ang kubo na tinitirhan ko. Hindi ko na kailangan pang matulog sa papag dahil malambot na kama ang bibilhin ko. Magiging komportable ang buhay ko, iyon ang pinangako ko sa Lolo at Lola ko bago sila nalagutan ng hininga. Tutuparin ko ang pangako ko, Lolo at Lola. Aahon ako sa kahirapan sa tulong ng inyong gabay.
“Hoy, tulala ka na naman,” untag ni Anika. “Kung nasa kalsada tayo, malamang nasagasaan na tayo. Wala ka na naman sa sarili mo e.”
“May naalala lang ako.” Pinahid ko ang isang luha na lumabas sa mata ko.
“Huwag ka na umiyak, baka malasin tayo. Sige ka, magiging taga-bukid na lang talaga tayo forever kapag napalampas natin ang pagkakataon na makakuha ng financial assistance para sa pag-aaral natin.”
“Hindi ako papayag. Tara na!” Mahigpit kong hinawakan ang braso niya saka hinila. “May pustahan pa tayo at hindi ako papatalo sa iyo.”
“Tingnan na lang natin. Ako ang mananalo sa iyo ngayon.”
“In your dreams, Anika.”
Sabay pa kaming humalakhak ng malakas.
KUMPULAN NG mga kasing-edad naming kabataan ang buong basketball court. Maliit lang iyon kaya naman halos magsiksikan na ang iba pa para lang makakuha ng form.
“Nasaan ang Tatay mo?” tanong ko habang nakapila kami.
Inismiran ako ni Anika. “Bakit mo hinahanap?”
“Akala ko kasi kakilala niya ang mga taong magbibigay ng financial assistance sa mga katulad natin dito.”
“Nabalitaan niya lang ‘yon. Kahit naman kilala ni Tatay ang mga bisita rito ay hindi niya rin naman sasabihin. Alam mo naman si Tatay parang laging may lihim.”
“Para na ring sinabi mong masamang tao ang Tatay mo?”
“Sinabi ko ba iyon?”
“I read between the lines. Sa tingin mo, magnanakaw kaya ang Tatay mo?”
“Grabe ka naman, Zoie. Pero sa tingin ko, tama ka. Magnanakaw ng puso ni Nanay.”
Humalakhak silang dalawa kahit na maraming taong nakapalibot sa kanila. Kung sa biruan lang naman ay talagang magkasundo kaming dalawa ni Anika.
“Magnanakaw kamo ng pagmamahal,” dagdad ko pa na lalo ikinatawa ng malakas ng kaibigan kong mababaw rin lang ang kaligayahan.
“Mas ko ‘yang sinabi mo.”
“Ano ba ang dapat nating gawin? Sulatan lang ‘yong form na ibibigay nila?” turo ko sa bahaging may mesa kung saan kukunin ang mga papel.
“Oo. Sabi nga ni Tatay, mabilis lang daw ang process basta ilagay daw natin sa purpose ‘yong pag-aaral natin ng kolehiyo.”
“Sige, sige. Mabuti na lang sinabi mo baka kasi makalimutan ko.”
Sa wakas ay malapit na sila sa form. Sulit din talaga maghintay ng ilang minuto kahit pa mainit kung kapalit naman niyon ay ang makamit ang inaasam kong pangarap. Kapag nangyari iyon ay hahanapin ko ang lahat ng mga taong tumulong sa akin upang magpasalamat at kung papalarin, ibabalik ko ang tulong nila sa pamamagitan din ng pagtulong sa iba.
“Zoie, ikaw na.”
Bigla akong nataranta nang marinig ang boses ni Anika. Nang tingnan ko siya ay may hawak na itong papel habang maluwang na nakangiti sa akin.
“Next!” Binalingan ko ang lalaking nasa harap ko ngayon. Siya ang may hawak ng mga papel. “Pumila ka ba para sa makapag-fill up ng form?” tanong nito na tila naiinip na.
“O-opo!”
“Seryoso ka ba sa pagpunta rito?”
“Oo naman po.”
“Bakit parang wala ka sa sarili mo?”
“H-ha? A-ano po?” Kumurap-kurap ako saka ko lang napagmasdan ang mukha ng lalaking kausap ko. Naniningkit ang mga mata nitong nakatingin sa akin na tila ba naiinis.
“Marami ang nakapila kaya kung sa tingin mo ay biro lang ito para sa iyo ay huwag ka na lang mag-fill up.” Sa tono nito ay mukhang galit na. “Binibigyan lang namin ng pagkakataon ang mga deserving ng bata.”
Umakyat yata ang dugo ko sa ulo. Hindi na maganda ang tabas ng bibig ng lalaking nasa harap ko na akala mo ay Presidente ng Pilipinas. Mabigat na inilapat ko ang dalawa kong kamay sa mesa saka inilapit ang mukha sa lalaki. Namilog ang mata nito bagama’t nakataas ang dalawang kilay.
“Sir, sinabi ko naman po sa inyo na seryoso ako. Huwag na kayo makulit. Huwag kayong mag-alala, deserving ako sa form na hawak mo.” Kinindatan ko siya saka marahang kinuha ang form na nasa kamay nito. “May advice lang po ako sa inyo. Huwag kayong masungit kasi hindi naman kayo nagkakaroon ng regla.”
Lalong namilog ang mga mata nito nang titigan ko. Lihim akong nagbunyi. Pangiti-ngiti akong umalis roon at tinungo ang pwesto ni Anika na matamang naghihintay sa akin.
“Bakit ang tagal mo?”
“Wala.”
“Ikaw ha? Na-starstruck ka sa nagbigay sa iyo ng form no?”
“Ako? Na-starstruck? Hindi kaya!”
“Bakit may pabulong kanina?”
“Wala lang iyon.”
“Asus. I-deny pa raw. Pogi no?”
“Oo,” wala sa loob na sagot ko. Kinukuha ko ang ballpen sa bulsa ko.
“Yes!”
“Anong yes?”
“Inamin mo na may pogi rito kaya panalo ako sa deal natin.”
“Sinabi ko iyon?”
“Oo, sinabi mo na. Panalo ako. Yehey!” sigaw pa ni Anika. Pinagtinginan tuloy kami ng iba pang tao roon kabilang na ang mga bisitang nasa mahabang mesa kung saan naming kinuha ang form.
“Huwag ka nan gang maingay. Mag-fill up ka na lang,” bulong ko sa kanya nang bigla na lang mahagip ng paningin ko ang dalawang pares ng mga matang tutok na tutok sa akin. Pakiramdam ko ay tumagos ang paninitig nito hanggang sa mga ugat kong namamahinga. Kay Anika ko na lang ipapasabay ang form na hawak ko.”