WALA NI isa samin ang nais na unang magsalita. Pinapasok ko siya sa loob ng kubo dahil malamig na sa labas. Kasalukuyang kaharap ko siya sa hapag-kainan. Titig na titig ako sa mga mata niyang nakatutok din ng tingin sa akin. Ang malapad niyang katawan ay tila nagyayabang na naman sa mismong mukha ko. Kahit hindi yata ito magsalita ay nag-uumapaw ang kayabangang taglay nito. Ewan ko ba pero naiinis talaga ako sa kanya.
“Hindi mo naman siguro ako kakainin ng buo,” wika niya na bahagyang nakataas ang isang kilay. “I’m telling you the truth, nahiwalay ako sa mga kasama ko – “
Malakas kong hinampas ang mesa dahilan upang gumalaw ang mga gamit na nas ibabaw. “Sa tingin mo maniniwala ako sa iyo? Nakapagtataka naman yatang dito ka pa talaga naligaw sa kubong tinitirhan ko. Talagang bang napakababa ng tingin mo sa akin? Ha?” Nakakitaan ko ng takot ang mga mata niya. Malayung-malayo sa mapagmataas na parang di maarok ang itsura niya ngayon.
“To-too ang sinasabi ko. Mayroon kaming isang salu-salo na dapat pupuntahan. Umihi lang ako saglit tapos wala na ang mga kasama ko. Na-nakita kong may ilaw sa banda rito kaya lumapit ako. H-hindi ako sanay sa lugar na ito kaya ka-kailangan ko ang tulong mo. I promise you hindi ako nagsisinungaling.” Nakataas na ang dalawa niyang kamay hudyat ng pagsuko.
“Promise, promise ka pa riyan.” Inirapan ko siya saka bumalik sa upuan ko. “Siguraduhin mo lang ‘yang sinasabi mo. Kapag nalaman ko na hindi totoo, ipagkakalat kita sa buong baryo namin na isa kang – taong loob!” Bakit ko ba nasabi iyon?
“Hindi ko ugaling manlinlang, Miss Zoie, right?”
“Huwag mo nga akong ingles-inglesin diyan! Marunong ka naman mag-tagalog e!”
Inabot ko ang lata ng sardinas at binuksan saka inilagay sa maliit na mangkok. Nilagyan ko rin ng kaunting asin para mas masarap ang lasa. Nagsandok ako ng kanin, gutom na rin talaga ako. Sinamyo ang mainit na singaw ng kanin. Nakasanayan ko na ‘yon mula ng bata pa ako. Nang matapos ako ay nagsimula na akong kumain. Isusubo ko na sana ang laman ng kutsara na hawak ko nang matigilan ako. Masyado akong nadala sa nakasanayan kong gawin samantalang nasa harap ko lang ang estranghero sa kubo ko.
“Ahm, sorry,” ani ni Marcus nang magtama ang mga mata namin.
“Kumain ka na ba?”
Sabay pa kaming napatingin sa tiyan niya nang bigla na lang itong kumulo.
“Hindi naman siguro obvious.” Ngumiti siya.
Tumayo naman ako at kumuha ng isa pang pinggan at kutsara. “Pagpasensiyahan mo na ang ulam ko. Sardinas lang ‘yan kaya hindi ko alam kung kumakain ka ng ganyan.” Nang bumalik ako sa mesa ay wala pa ring nagbago sa pagkakaupo niya. “Pero malinis naman ang pagkain ko rito. Wala ka dapat na ipag-alala.”
Awtomatiko namang nilagyan niya ng kanin ang pinggan nang mailapag ko. Pinagsaluhan namin ang isang lata ng sardinas at halos maubos namin ang laman na kanin sa kaldero. Tinulungan niya akong magligpit ng pinagkainan namin pagkatapos namin kumain.
“Mag-isa ka lang rito?” tanong niya habang naghuhugas ako.
“Nakita mo naman siguro na wala akong kasama no? Maliban na lamang kung may nakikita kang hindi ko nakikita.” Nginisian ko siya. Ngayong nasa teritoryo kita, tingnan natin ‘yang tapang mo!
“May sinasabi ka?”
“A-ako ba ang kausap mo? May nakikita ka bang kausap ko?” Gusto kong matawa pero pinigil ko. Ang sarap para pag-trip-an ang isang higanteng mayabang na ito!
“Hindi ka dapat nananatili sa ganitong lugar lalo na kung mag-isa ka. Maraming masamang loob ngayon at isa pa babae ka. Bakit ka nga pala nag-iisa lang dito sa kubo?”
Napalis ang ngiti ko. Tinapos ko ang paghuhugas saka binalikan si Marcus sa mesa. “F.Y.I. lang po, Mr. Marcus, safe po sa lugar na ito kahit mag-isa lang ako. Dito na po ako ipinanganak at lumaki kaya masasabi kong walang masasamang loob ang magtatangka na pumasok dito. Akala ba nila kahit babae ako, hindi ako marunong humawak ng itak? Isang gilit lang sa kanila, tsugi na sila!” Seryoso ang mukha ng lalaki na nakatingin lang sa akin. Mayamaya pa ay sinuri ang bawat sulok ng kubo.
“Kaya ba kailangan mo ng financial assistance dahil ikaw ang nagpapaaral sa sarili mo? Where are your parents? Wala ka bang ibang kamag-anak?” Sabay niyang itinukod ang dalawang kamay sa mesa at tila nag-iba ang expression ng mukha niya. Napakaseryoso. “Even this place was your home for a long time, hindi mo masasabing safe rito sa paglipas pa ng mga araw. Isa pa, babae ka. Kahit marunong ka pa mangarate o martial arts, you are defenseless when it comes to a man.”
“EXCUSE ME?”Napatayo ako. “Defenseless ba kamo ang sinabi mo? Kahit sino pang lalaki ‘yan kapag kinanti nila ako, gigilitan ko talaga sila ng itak ko!” Talagang sinusubukan ng kumag na ito ang pasensiya ko!
“Given that you can use the itak you said, paano kapag higit pa siya sa isa? You’re still a girl who needs protection. Ibigay mo sa akin ang mga pangalan ng mga kamag-anak mo. Ipapahanap ko sila para malaman nila ang kalagayan mo.”
Napaawang ang labi ko. Pabagsak akong umupo. Sasakit yata ang ulo ko sa lalaking ito! Kalma, Zoie! “Para sa ikakapanatag mo, mayroon akong Tiyuhin sa bayan. Sila lang ang alam at kilala kong kamag-anak. Wala na rin akong magulang. Ang nakagisnan kong magulang, Lolo at Lola ko ay patay na kaya nag-iisa lang ako ngayon rito. Maayos ang kalagayan ko rito. Nakakapasok ako sa eskwela, patapos na nga ako ng high school, e! Malapit na ako mag-kolehiyo. Iyon naman ang pangarap sa akin ng Lolo at Lola ko, e.” Pinigilan ko ang pumiyok. “Siguro nga, hindi ako kasing-tapang sa paningin mo. Pero…namulat ako sa reyalidad. Sa murang edad, nakita ko kung paano ako pinaghirapang buhayin ng mga Lolo at Lola ko. Alam ko naman na mababa ang tingin ninyo sa mga babae lalo na sa mga katulad ko na nakatira sa baryong ito. Ang tingin ninyo sa amin ay walang pangarap.”
“That’s not what I mean – “
“Patapusin mo ako sa sinasabi ko.” May mainit na likido ang pumatak sa braso ko. “Para sabihin ko sa iyo, mataas ang pangarap ko pati na rin ang ibang mga kabataan dito dahil…gusto namin na umunlad ang pamumuhay namin sa baryong ito. Oo, mahirap lang kami pero hindi kami nawawalan ng pag-asa na mababago namin ang mga buhay namin.” Tumayo na ako bago pa bumuhos ang mga luha ko. “Matutulog na ako. Matulog ka na lang kung saan mo gusto.” Pagtatapos ko ng usapan. “Ayaw ko ng magpaliwanag pa lalo na sa mga taong walang tiwala sa kakayahan ko.”