NAPUNO ng mga estudyante ang paligid ng tennis court; mababakas ang excitement sa mukha ng bawat isa. Maugong din ang bulungan at pustahan tungkol sa magaganap na tennis match.
"This is one epic match!"
"Oo nga. Student council's president laban sa ace player ng tennis team!"
"Pupusta ako kay Sean!"
"Ako rin! Ako rin! Mas gustong manalo si Sean kaysa sa cyborg na Sawada na 'yon!"
Napapailing na lang si Misha sa mga naririnig niyang usapan. Hindi dapat matuloy ang larong iyon. Hinilot niya ang kanyang sentido na kanina pa kumikirot.
"Misha."
Nalingunan niya si Sean. Nagulat siya nang makitang naka-tennis uniform ito. Bumagay ang suot nito rito.
"Bagay sa'yo 'yang uniform mo," komento niya.
Tumikhim ito. "Thanks."
Tinapik niya ito sa balikat. "Masyado ka namang seryoso."
"Misha."
Nagulat siya sa kaseryosohan ng boses nito. "Bakit?"
"Pagkatapos ng match namin ni Seth Sawada, puwede ba tayong mag-usap? May mahalagang bagay lang sana akong sasabihin sa'yo."
Natigilan siya. Masyado kasing seryoso si Sean. Pero siguro ay tungkol lang iyon sa article na gagawin namin. "Okay."
"Sean, parang gusto na kitang galangin sa itsura mo ngayon."
Sabay silang napalingon ni Sean kay Kia. Kasama nito ang halos buong editorial staff ng FearlessMan Publication. Kumaway sa kanya sina Mami na nginitian niya pabalik.
"Kia, bakit nandito ang buong staff ng FM?" gulat na tanong ni Sean.
Umangat ang DSLR camera ni Kia sa mga mata nito. "Siyempre. Hindi mapapalagpas ng isang mamamahayag ang ganito kalaking event."
Sumang-ayon din ang ibang staff ng editorial team nila.
"Nandito na ang student council!"
Biglang nagtilian ng malakas ang mga kababaihan. They all turned to the source of the ruckus.
Parang Red Sea na nahati sa dalawa ang mga estudyante para magbigay-daan ang pagdating ng Marusen Wolves. Muntik nang malaglag ang panga ni Misha habang pinapanood ang paglapit ng grupo sa direksyon nila. She couldn't believe that all the members of Marusen Wolves Executive Committee were good-looking.
Natauhan siya nang huminto ang buong Executive Committee sa harap ng editorial staff nila.
Dahil mas matangkad, Seth looked down at Sean literally. Hindi naman makikitaan ng pagka-intimidate ang huli na matalim ang tingin sa kaharap nito.
"Mukhang gusto mo talagang magsuot ng dog costume," ani Seth sa malamig na boses.
Nakagat niya ang ibabang labi. Hindi pa nagsisimula ang laban, pinag-iinitan na agad ni Seth si Sean.
"Tingnan na lang natin," Sean said through gritted teeth.
"Easy, easy." Pumagitan ang isang lalaking may maamong mukha at nakangiting mga mata kina Seth at Sean. "Hindi ba't nagkasundo na kayong sa tennis match aayusin ang hindi niyo pagkakaunawaan?" awat nito sa kalmadong boses. Nilingon nito si Sean. "Hindi ba?"
Tumango si Sean. "Shiro."
Tinapik ng lalaking nagngangalang 'Shiro' sa balikat si Sean. "Good luck, Sean."
"Let's go," utos ni Seth sa mga kasamahan nito. Nilagpasan siya nito nang hindi tinatapunan ng tingin.
Napahawak si Misha sa dibdib niya. Hindi niya gusto ang lantarang pambabale-wala nito sa kanya. Iyon naman ang gusto niyang mangyari. Ang nakakainis lang, nasasaktan siya ng walang permiso nang dahil do'n.
"Seth Sawada looks good in that uniform, 'di ba?" untag ni Mami sa kanya.
Nagtatakang nilingon niya ito. Kumikislap na naman ang mga mata nito habang nakatingin sa direksyon ni Seth. Lalong bumigat ang pakiramdam niya. "O-oo."
Ilang sandali lang ay inanunsyo na ang simula ng laban sa pagitan nina Sean at Seth kasabay ng hiyawan ng excited na mga manonood.
Si Seth ang unang nag-serve. Nagulat ang lahat nang umikot ang bola sa paanan ni Sean at tumalbog iyon diretso sa mukha nito. Mabuti na lamang at naiiwas ni Sean ang ulo nito sa tamang oras.
"Fifteen-love!" sigaw ng umpire na ang tinutukoy ay ang score na zero.
Seth, bakit parang wala ka sa sarili mo?
Kakaiba kasi ang ikinikilos ni Seth. Hindi ito gano'n kaagresibo kapag naglalaro ng tennis. Imbis tuloy na magalit siya rito sa sunud-sunod na diretsong pag-atake nito kay Sean ay nangibabaw ang pag-aalala niya para sa una. Naging mainit ang laban dahil parehong pang-professional ang level nina Seth at Sean sa paglalaro. Lalo tuloy tumaas ang tensyon maging ng mga manonood.
"Kia! Bawiin mo ang sinulat mo tungkol sa'kin!"
Napalingon siya sa lalaking sumigaw. Nakatayo ito sa harap ni Kia na abala sa pagkuha ng litrato sa nagaganap na tennis match.
"Sinisira mo ang pangalan ko bilang SC vice-president! Nakikinig ka ba, Kia?" sunud-sunod na litanya ng lalaki.
"Hindi masyado," tamad na sagot ni Kia.
"Kia!"
"Tumahimik ka, Gelo," inis na sabi ni Kai sa lalaking nagngangalang 'Gelo' sabay bato ng tennis ball dito.
"Hah!" Pinalo ni 'Gelo' ang tennis ball at 'di sinasadyang lumipad sa direksyon ni Shiro – na mabilis naiwasan ang lumilipad na bola.
Malas lang ni Misha dahil wala siyang reflex na sing bilis ng sa mga miyembro ng Marusen Wolves.
Naramdaman na lang niya ang malakas na impact ng pagtama ng kung anong bagay na iyon sa kanyang noo. Marami siyang boses na narinig sa nanlalabong isip niya pero ang malakas at nag-aalalang boses ni Seth lang ang na-recognize niya bago siya nawalan ng malay.
"Misha!"