"IS she all right?"
"Don't worry, Mr. Sawada. She's going to be fine."
"Bakit hindi pa siya nagigising hanggang ngayon?"
"Hindi naman malala ang pagkakatama ng bola sa ulo niya pero dahil sa lagnat niya, sinamantala iyon ng katawan niya para makapagpahinga."
Dahan-dahang iminulat ni Misha ang kanyang mga mata. Nilingon niya ang direksyon na pinanggagalingan ng mahinang usapan. Halata ang takot sa doktor na biktima ni Seth.
"Seth," saway niya rito.
Seth instantly turned to her. Lumapit ito sa kanya. "You need something?"
Umiling siya. "Just let the doctor leave this room peacefully. Maayos na ang pakiramdam ko."
Kunot-noong binalingan nito ang doktor. "You can leave now, Doctor Chua. Thank you."
"Thank you, Doc," habol niya sa paglabas ng doktor. Tumingin siya sa paligid. Nasa kanyang kuwarto na siya sa Sawada Mansion. "Paanong..."
"Inuwi kita sa bahay matapos mong mawalan ng malay. Nagpatawag ako ng doktor para tingnan ka."
Maang na napatingin siya rito. "Sana sa school clinic mo na lang ako iniwan."
"Wala akong tiwala sa nurse doon."
"Seth, tinamaan lang ako ng bola. Hindi naman malala ang nangyari sa'kin." Napahawak siya sa noo niya at napangiwi nang makapa ang nakaumbok na bukol doon. "Ouch."
Nagulat siya nang sa isang iglap ay nakaupo na si Seth sa gilid ng kama habang hawak ang kamay niya. "Don't touch it." Sinalat nito ang noo niya. "May lagnat ka pa." Ikinulong nito ang mukha niya sa mga palad nito. Then, he kissed her forehead. "Magpahinga ka na lang. Ako na ang susundo sa mga bata sa eskwelahan."
Napatango na lang siya. She couldn't blame herself for acting so stupid in front of him. He just kissed her! Damang-dama niya sa halik na iyon ang pag-aalala nito. His almond-shaped eyes were radiating warmth which made her heart swell. He was so... gentle.
"Salamat sa pag-aalala," nakangiting sabi niya nang makabawi.
Marahang itinulak lang siya nito pahiga sa kama at hinila ang comforter hanggang sa kanyang dibdib. "Ayoko lang may masabi sina Tita at Tito kapag nalaman nilang naaksidente ka habang nasa poder kita."
Kahit ano pa ang sabihin nito, hindi na nito mapagtatakpan ang pag-aalalang ipinakita at ipinaramdam nito sa kanya. At hindi na rin mabubura ang ngiti sa kanyang puso.
Napasinghap siya nang may maalala. "'Yong match! Ano'ng nangyari sa laro niyo ni Sean?"
"Natalo ako."
"Ano?" bulalas niya.
"I left in the middle of the game. It's the same as forfeit," paliwanag nito.
"Forfeit?" hindi makapaniwalang tanong niya.
Kilala niya si Seth. Ayaw na ayaw nitong natatalo kaya imposibleng isuko nito ang match nang walang mabigat na dahilan.
Mabigat na dahilan?
"Umalis ka sa kalagitnaan ng game dahil nawalan ako ng malay... Pagkatapos ay dinala mo ko rito..." Napasinghap siya. "Kasalanan ko pala!"
"Oo nga."
Ouch. Inamin talaga?
"I'm sorry..." nakasimangot na sabi niya.
"Hindi ka ba masaya na hindi na magsusuot ng dog costume 'yong aso mo?" nagtatakang tanong naman ni Seth.
Nag-angat siya ng tingin dito. "Siyempre natutuwa ako na hindi na kailangang gawin ni Sean 'yon pero..." Bumuntong-hininga siya. "Pero hindi ko rin matanggap na natalo ka sa isang laro ng walang kalaban-laban. Should I request for a rematch tutal ay kasalanan ko naman kung bakit nahinto ang laban?"
"Pumusta ka ba sa'kin?"
Nag-angat muli siya ng tingin dito. "Ha?"
"Kung magsalita ka kasi, parang ang laki ng natalo mo sa pustahan dahil sa pagkakapanalo ng asong 'yon laban sa'kin."
Binato niya ito ng unan nang maunawaan kung ano ang sinasabi nito. Naiwasan nito iyon. "Hindi 'no! Nag-aalala lang naman ako sa'yo!"
"Bakit ka naman nag-aalala?" tanong nito habang dinadampot ang unan. Imbis na ibato iyon pabalik sa kanya ay marahan lang nito iyong ipinatong sa kama.
"Alam ko kung gaano katayog ang pride mo, Seth. Sigurado rin akong nabugbog ng husto ang ego mo dahil natalo ka ni Sean," malungkot na sabi niya.
"Don't stress yourself over something as insignificant as that."
"Pero –"
"You are more important than the stupid match."
Then, he went out. Leaving her dumbfounded.
Alam niyang mahalaga lang siya kay Seth dahil anak siya ng isa sa pinakamalaking investors ng kompanya nito pero kahit aware siya do'n, kahit pa'no ay nakaramdam pa rin siya ng munting tuwa at kilig na lumabas sa bibig nito na mga salitang iyon.
Napangiti tuloy siya.