HINDI mapakali si Misha habang nakatayo sa harap ng classroom. Unang araw niya sa bagong university niya at wala siyang kilala sa mga kaklase niya. Takot din siyang makipag-usap sa ibang tao kaya hindi niya alam ang gagawin niya.
Biglang bumalik sa kanyang isipan ang ala-ala niya noong nasa high school siya.
Nasa pinakasulok siya ng classroom. Walang gustong makipag-usap at lumapit man lang sa kanya. Pero kahit nakayuko siya, nararamdaman niyang nakatutok ang lahat ng mga mata sa kanya. Naririnig din niya ang mga bulungan na halata namang sadyang ipinaparinig sa kanya.
"Siya ang fiancee ni Seth Sawada? Ang pangit naman."
"Mukhang neneng."
"'Oy! Baka isumbong kayo kay Sawada niyan. Lagot kayo."
"Mas makakabuti para sa'tin kung hindi tayo lalapit sa mga bagay o taong may kinalaman kay Sawada. Lalo na sa fiancee niya."
Hindi niya alam kung kailan nagsimulang maging miserable ang buhay niya. Pero alam niyang nangyayari ang lahat ng iyon dahil kay Seth. Hindi siya pinapansin ng mga kaklase o kaeskwela niyang lalaki ng dahil sa takot ng mga ito kay Seth. Ang mga babae naman ay parati siyang pinag-iinitan ng dahil sa inggit at selos; inggit dahil milyonaryo si Seth at selos dahil kahit arogante ang lalaki ay marami pa ring babae ang nagkakagusto dito.
Nagulat siya nang may humawak sa kanyang balikat...
Napasinghap siya nang maramdaman ang mainit na kamay sa kanyang balikat. "Jace?"
"I'm not Jace," nakangiting sabi ng maganda at singkit na babaeng nalingunan niya. "Miss, are you okay? Napansin ko kasi na parang iiyak ka na, eh."
Lumayo siya rito at yumuko. "A-ayos lang ako..."
"Creative Writing student ka? 3-A?"
Tumango lang siya.
"Iisa lang naman ang section sa third year so magkaklase tayo. Let's go."
Nag-angat siya ng tingin dito. "Ha?"
"Transferee ka, 'di ba?" Tumango siya. Ngumiti ito at nilahad ang kamay sa kanya. "I'm Mami nga pala. Ikaw?"
Nag-aalangan man ay tinanggap pa rin niya ang pakikipag-kamay nito. "Misha Villafuente."
"Sa classroom na tayo magkuwentuhan." Hinila siya nito sa kamay. "Bakit ang lamig ng kamay mo? Kinakabahan ka ba?"
"H-hindi lang kasi ako sanay sa maraming... tao."
Tumawa ito. "You're funny. Hindi naman por que aspiring writers tayo eh wala na tayong social life. Ah. I know. Let's be friends!"
Natigilan siya kaya huminto rin ito sa paglalakad. "You want me to be your friend?" hindi makapaniwalang tanong niya.
"Oo," natatawang sagot ni Mami. "Bakit naman hindi? Magkaklase tayo kaya mas okay kung magiging magkaibigan tayo. Ayos lang ba?"
Mabilis siyang tumango. Pakiramdam niya, nasa cloud nine na siya sa sobrang saya. Nakatagpo kaagad siya ng kaibigan sa unang araw pa lang ng klase. "Thank you, Mami."
"Wala 'yon." Kumapit ito sa braso niya. "Kung gusto mo nga, isama pa kita sa organization na kinabibilangan ko."
"A-ano'ng organization 'yon?"
"I'm a staff in FearlessMan Publication – ang pinakamalaking publication sa university natin. Sali ka?"
"Ahm..."
"Sumali ka na. Opportunity na rin para sa'yo 'yon para naman marami kang taong makilala. Isa pa, kasama mo naman ako."
Napangiti siya. Mukhang natapos na ang sumpa sa kanya ni Seth. Ngayong walang nakakaalam ng ugnayan niya sa lalaki, malaya siyang magkakaroon ng kaibigan. Ito na marahil ang simula ng panibagong kabanata ng buhay niya.
Nag-apply siya sa FearlessMan Publication sa tulong na rin ni Mami. Bukas naman ang publikasyon para sa mga bagong miyembro sa semester na iyon. Nakapasa siya. At simula ng mapasok siya sa publikasyon na 'yon, nagkaroon na rin ng pagkakataong makakilala at makipagkaibigan sa mga tao sa paligid niya nang walang takot at pangamba.
Minsan na siyang nagkaroon ng isang best friend. Pero nawala ito sa kanya dahil pa rin kay Seth Sawada. Kaya ipinapangako niyang sa pagkakataong iyon, she would do everything to protect her friends.