"KUYA Sean, ano'ng gagawin natin dito?" hinihingal na tanong ni Misha sa kanyang Features Editor nang makalagpas na sila sa gymnasium at narating na nila ang main building ng Marusen University.
Biglang huminto sa paglalakad si Sean dahilan para mabunggo siya sa likuran nito.
Napaatras siya habang pinisil-pisil niya ang ilong nasaktan. Nilingon siya ni Sean na magkasalubong ang kilay. Napatingin din ito sa kamay nitong nakahawak pa rin sa kamay niya at bigla itong binitawan.
"Sino ka nga pala uli?"
Napakunot ang noo niya. Ang tagal na niya sa publikasyon nila pero hindi pa rin siya nito kilala. "Ako po si Misha, new staff sa FearlessMan. Literary writer. Kanina po bigla niyo 'kong hinila pagkatapos i-announce ni Ate Kia na ako ang naka-assign sa Marusen Wolves."
Tumango-tango ito. "Ah, naalala ko na na. Pasensya ka na sa inasta ko. Ganito lang talaga ako kapag nakakarinig ako tungkol sa cyborg na 'yon. Kumukulo ang dugo ko."
Nagsimula na itong maglakad muli at sinenyasan siya nitong maglakad sa tabi niya. Tumalima siya.
"Kuya Sean, sino ho ba 'yung "cyborg" na 'yon?" nagtatakang tanong niya.
Ngumisi ito. "Transferee ka nga pala kaya hindi mo siya kilala. Siya ang aroganteng captain ng men's tennis team. Muntik na niyang sirain ang maganda at malinis na reputasyon ng FM."
"Arogante? Ano pong ginawa niya?"
Biglang nalukot ang mukha ni Sean at kung posible nga, mas lalong kumunot ang noo nito. "Nangyari 'yon no'ng isang taon lang. Baguhan pa ko sa FM. Ako ang na-assign na mag-cover sa student government election. I-interview-in ko sana ang cyborg na 'yon kasama ng mga kaalyansa niya, pero ang mayabang na 'yon, hindi pumayag. Pero dahil trabaho ko 'yon, nagpursige pa rin akong kulitin siya. Hanggang mangyari ang pambabastos niya.
Ang masama pa, sa harap ng buong university at ng ibang student journalists from other campuses niya ginawa 'yon. Sinabi niyang mababa ang kalidad ng pagsusulat ng FM kaya hindi siya magsasalita para sa "mabababang uri ng pahayagan"."
Nalaglag ang panga niya sa mga narinig. Hindi niya inakalang may gano'ng uri ng tao na makakagawa ng gano'ng kasamang bagay sa kapwa niya estudyante. To think na sariling publication ng sarili nitong university ang sinira nito. Napakawalang puso naman ng cyborg na 'yon. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit galit na galit si Sean dito at nakikisimpatya siya sa masamang pangyayaring pinagdaanan ng FM sa mga galamay nito. Bagay nga rito ang tawaging "cyborg"!
Biglang rumehistro sa isipan niya ang mukha ni Seth. Mukhang may makakatapat na ito sa pagiging arogante nito.
Sinulyapan niya si Sean. Kagat-kagat nito ang ibabang labi na parang pinipigil ang sariling magalit at mukhang malayo ang iniisip.
"Ang sama niya. Dapat ay pinatalsik na siya ng university," komento niya.
"They can't."
Binalingan niya ito. "Bakit naman?"
"Because he's a money-bag. His family belongs to the top ten wealthiest families in the country. Unfortunately, kailangan ng university ang mga "donation" na ibinibigay niya."
"Ah. So he's a millionaire," komento niya.
Hindi na siya nagulat pa dahil katulad ng cyborg na ito, milyonaryo na rin si Seth kahit na twenty-two pa lang ito.
Nagkibit-balikat ito. "It turns out that he's a genius – an evil genius. He's taking up Business Management in our university kahit tapos na siya ng Software Engineering at Video Game Console Designing sa game developing school na pag-aari ng Moon Corporation."
Just like Seth.
"Anyway, siguradong narinig mo na ang sikat na role-playing game na Fancy World , 'di ba?"
Tumango siya. Siyempre naman alam niya ang Fancy World dahil si Seth ang creator no'n. Ang paggawa ng computer games ang patuloy na nagpapayaman sa kompanya ng pamilya nito – ang Moon Corporation.
"Ang cyborg na 'yon ang gumawa ng role-playing game na 'yon when he was eighteen. Apparently, sila ang nagmamay-ari ng Moon Corporation at siya ang presidente. Tsk."
Natigilan siya. Biglang gumapang ang takot sa buong katawan niya na tiyak niyang gumuhit din sa mukha niya. Mukhang napansin iyon ni Sean dahil tinapik siya nito sa balikat. She released the breath she didn't even realize she was holding until now.
"Alam kong nakakagulat, pero totoo 'yon. That's the very reason why I stopped playing that stupid game. Pati 'yung sikat na online game ngayon na Reborn siya ang creator. Tsk." Umiling-iling ito. "That Seth Sawada really annoys the hell out of me."
Tuluyan nang bumigay ang mga tuhod niya at napasandal siya sa haligi ng gusali. Nag-aalalang hinawakan naman siya ni Sean sa magkabilang balikat bilang alalay.
"Teka, ayos ka lang? Nakaka-shock ba 'yong nalaman mo?" nakangising biro nito.
Napangiti na lang siya nang alanganin habang pinupunasan ng likod ng kamay niya ang pawis na namuo sa noo niya.
Hindi nila puwedeng malaman ang connection ko kay Seth!