"Happy one weeksary, Brittany!" Sabay-sabay na sigaw nina Gabrielle at Elisa.
"Hoy, grabe sa pa-cake. Birthday ko ba?" tanong ko nang buksan ni Elisa ang isang maliit na box.
Nandito kami sa dining hall ng mga staffs. Katatapos lang ng shifting namin at nag-aya itong si Elisa ng meryenda.
"Ang bait mo kasi sa amin kaya parang thank you na rin ito na naging kaibigan ka namin." Si Gabrielle.
"Yung dati naming kasamahan na pinalitan mo, sobrang sama ng ugali, puro pakitang-tao lang. Bina-backstab kami. Nakailang warning na nga kami noon dahil isinusumbong niya lahat ng mga kunting pagkakamali namin. Kaya, salamat na lang at hindi ka kagaya niya," mahabang litanya ni Elisa na may pairap pa. Natawa na lang ako.
"Wow. Nakakataba naman ng puso 'to. Thank you and you're welcome. One week pa lang naman, malay nyo bukas bina-backstab ko na rin kayo."
Tawanan kami. Ang iingay namin at ang likot-likot pa.
"Mga bata isip," rinig pa naming sabi ng isa sa mga staff. Pero deadma lang din kami sa sasabihin nila. Basta masaya kami.
Nasa kalagitnaan kami ng harutan nang maisipan kong kumuha ng tubig sa despenser. Pagtayo ko ay siya namang biglang tapik sa akin ni Elisa habang tumatawa kaya na-out of balance ako sa paghakbang ko. Muntik na akong sumubsob sa sahig, kung hindi lang ako nasalo ng dalawang malalaking kamay.
Naghari saglit ang katahimikan at nang makabawi ang lahat ay halos sabay-sabay na bumati ang mga ito.
"Good afternoon, sir!"
"Good afternoon, Mr. Mahmoud."
Nanlaki ang mga mata ko sabay tingin sa kamay na nakahawak sa beywang ko. Bumungad sa akin ang mamahaling relo sa palapulsuhan nito. Tumingala ako at sumalubong naman sa akin ang nakakakunot-noong si Mr. Mahmoud.
"S-sir!" gulat ko.
Ilang araw ding hindi nag-krus ang landas namin. Bigla kong naalala yung huling encounter namin. s**t. Hindi pa nga pala ako bayad dun sa kasalanan ko sa kaniya. Nandito ba siya para singilin ako?
Inilapit niya bigla ang mukha sa akin kaya nanlaki lalo ang mga mata ko. Hahalikan niya ba ako?! Naku, mag-hunos-dili siya, ang daming tao!
"Your foot," mariin niyang bulong.
"H-ho?"
"You're stepping on my foot!"
Eh?
Nagbaba ako ng tingin at nakita ko ang heel ng sapatos ko na nakatusok sa sapatos niya. Agad akong napaatras. Bumitiw naman siya sa akin at inayos ang kaniyang suit. Huminga siya nang malalim bago tumingin ulit sa akin nang masama.
"Why do I always seem to get into trouble when you're around? May balat ka ba sa pwet?"
"Ay, huwag niyo 'kong pagbintangan, Sir! Kayo ho tong minamalas, ibig sabihin, yung pwet nyo ang may balat."
"What?!"
"Gusto niyo, i-check ko?"
Narinig namin ang mahinang tawa ni Elisa kaya napaiwas ng tingin si Mr. Mahmoud. Kumuyom ang panga niya bago tumikhim at lumapit sa dulong table kung saan nakapwesto ang isang HR personnel na nagmemeryenda rin ng oras na iyon.
"Gagi ka talaga!" tawa ni Elisa sabay hatak sa akin paupo.
Dahil sa nangyari, nakalimutan ko na tuloy ang sadya ko. Nahiya na rin akong tumayo, lalo na't nasa paligid pa si Mr. Mahmoud, kausap ang taga-HR.
Nang tumayo si Gabrielle ay nagpasuyo na lang din ako ng tubig.
"Day off mo bukas, saan ang gala?" tanong niya nang makabalik, bitbit ang isang basong tubig.
"Wala. Matutulog ako buong araw," sagot ko at lumagok ng tubig.
"Bar tayo mamaya, sagot ko!" nakangising sabi ni Elisa. Nagkatinginan kami ni Gabrielle. "Ano? Game?"
"Kayong bahala," sagot ko sabay subo ng cake.
Hindi naman sinasadyang mapatingin ako sa table ng taga-HR. Nakanganga pa ako nang magsalubong ang mga mata namin ni Mr. Mahmoud.
Ano'ng tiningin-tingin niya? Mamaya masamid siya ng laway, ako na naman sisihin!
Plastic akong ngumiti sa kaniya saka ko itinuloy ang pagsubo, nang biglang... Umirap siya! Gagi! Muntik ko na tuloy malunok ang kutsara.
***
Mabilisang snack lang ang ginawa namin. Uuwi pa kasi sina Gabrielle at Elisa para mag-ayos. Hinatid ko na rin muna sila palabas. Habang naglalakad kami sa hallway ay pinagkukwentuhan namin yung isa naming guard na panay pa-cute sa isa sa aming housekeeping. Kinikilig kami sa dalawa, eh, luma-lovelife.
"Si ma'am Cheska!" Kinalabit ako bigla ni Elisa at pasimpleng ininguso ang babaeng mag-isang nag-aabang ng elevator.
Nakasuot ito ng classy dress na princess pink, naka-round hat at shades. Sobrang puti nito, sobrang kinis, parang ipinaglihi sa gatas. Mapupula ang mga labi kahit na walang lipstick. Hindi nga lang ganoon katangkad pero may kurba ang katawan.
"Iyan si ma'am Cheska, ang may-ari nitong hotel," sabi naman ni Gabrielle na halos pabulong.
Siya pala ang nag-iisang anak ni Mr. Mahmoud. First time na ma meet ko siya in person. Bata pa pala siya. Mas bata sa akin ng dalawang taon yata, pero may-ari na ng isang luxury hotel. Iba talaga kapag anak-mayaman.
"Kararating lang yata galing bakasyon. Bakit hindi niya kasama si sir? Diba magkasama silang nagbakasyon?"
"Baka nasa taas na, sa opisina."
Pahina nang pahina ang boses nila dahil papalapit na kami sa kinaruruonan ni ma'am Cheska. Kaya nakikigaya na rin ako.
"Sinong Sir? Si sir Razlin ba? Eh, nandito si Sir buong linggo, diba?" pabulong ko ring tanong.
"Si Sir Raven."
Kumabog ang dibdib ko nang marinig ang pangalan ng boyfriend ko. Shems. Nakabalik na pala siya! Parang nagtatatalon sa tuwa ang puso ko. Magkikita na rin kami sa wakas! Tatawag ako sa kaniya mamaya. Kunwari itatanong ko ang address niya tapos isu-surprise ko siya.
"Magandang hapon po, ma'am Cheska!" sabay-sabay na bati nina Elisa at Gabrielle nang madaanan namin ito.
Lumingon ito sa amin at matamis na ngumiti. "Magandang hapon din sa inyo. Uwian na?"
"Opo, ma'am."
Tumango ito. Sosyal siyang kumilos pero mukhang down-to-earth naman. Palangiti pa.
"Okay, ingat kayo."
"Thank you, ma'am! Kayo rin po!"
"Salamat," nakangiti pa rin nitong sagot. Natuon ang paningin nito sa akin at bigla na lamang nagbago ang expression ng mukha nito.
"Hi, ma'am!" nakangiti kong bati. Inaasahan kong ngingitian niya rin ako kagaya ng ginawa niya sa dalawa kong kasama pero nabigo ako. Parang gulat pa nga ito sa mukha ko.
Nakalampas na kami ay nakatitig pa rin sa akin ang may-ari ng hotel.
"May problima ba sa mukha ko?" tanong ko sa dalawa.
"Wala naman."
"Bakit gano'n makatitig si ma'am?"
"Baka nagandahan lang sa 'yo!"
"Tama. Bihira lang ito ang may katulad ng beauty mo."
Nagkibit-balikat na lang din ako.
Sa isang high-end bar club kami nagpunta. Tamang inom lang ng beer pero kalaunan ay parami na nang parami ang ino-order ni Elisa. Sagot niya kasi lahat, galante raw siya ngayon.
"Mm, dahan-dahan baka hindi ka na makapagtrabaho niyan bukas," saway ko kay Elisa na halos walang preno sa pagtungga ng bote ng alak.
"Alam niyo yang mga lalaki? Mga peste talaga iyan sa buhay nating mga babae. Nilaspag na nga ang katawan natin, sinasaktan pa ang damdamin!"
Nagkatinginan kami ni Gabrielle. Kaya pala nagyaya ng inuman si Elisa, mukhang may matinding pinagdadaanan.
"Okay ka lang, El? May problima ba kayo ng jowa mo?" nag-aalalang tanong ko.
Nagsimula na siyang humagulhol. Tinawag pa ang waiter para um-order ng hard drinks at dagda pulutan. Ayos lang naman sa akin, hindi pa naman ako lasing kaya pwede pa akong makisabay sa kanila. Mas lamang kasi ang tira ko sa pulutan kaya halos hindi ako tinatablan. Sa Isla namin, sanay na ako sa gala, sa inuman at bar-hopping, lalo na kapag summer, siksikan dahil sa mga turista mula sa iba-ibang bansa. Hindi na bago sa akin ang ganito.
"Ipinagpalit niya ako sa mas bata! Bwisit siya! Porket ba malapit na akong lumampas sa kalendaryo kaya naghanap na siya ng pechay na kaka-deseotso lang?! Potangina niya, ha! Siya lang naman ang lumaspag sa akin! Tapos ngayon, iiwan niya ako kasi maluwang na!"
Napangiwi ako. Sa sinabi niya ay si Raven agad ang naisip ko. Kanina sinubukan ko siyang tawagan pero hindi niya sinasagot. Ring lang nang ring. Paano kung nagluko na rin pala siya? Kahit siguro hindi niya pa ako nakuha ay baka higit pa sa pag-iyak ang gagawin ko 'pag sinaktan niya ako. Baka nga maglaklak ako ng alak at magsasayaw sa bar nang nakahubad. Pero sobra naman yata iyon.
Bumuntong-hininga ako. Bigla na lang kasing sumikip ang dibdib ko. Hindi ko yata matanggap na malaman na pinagpalit niya rin ako sa mas bata.
"Hooh! Sumayaw tayo! Isayaw natin ang problima!" lasing na sigaw ni Elisa.
Yung inipon niya pala sa pangkasal sana nila ng jowa niya ang ipinanggasta niya. Hinayaan na lang din muna siya namin na magwala sa gitna. Nakaupo lang kami sa isang mesa ni Gabrielle, umiinom ng alak habang binabantayan siya sa dance floor. Sumasayaw siya, nakikigiling sa mga lalaking lumalapit sa kaniya na nakakaamoy ng kaniyang kalasingan. Gusto rin yatang samantalahin ng mga ito ang pagiging tipsy niya.
Napailing na lang ako. "Kawawa talaga ang babae kapag naiwan ng lalaki, noh? Sirang-sira, hindi lang physically kundi pati na rin mentally at emotionally. Sana magiging ok siya pagkatapos nito."
Lumagok ng alak si Gabrielle sa kaniyang baso pagkatapos ay hinarap ako. "Pustahan tayo, malayo pa ang isang linggo, may bago na yan."
"Sana nga," sabi ko saka kami nag-toss.
Pagkaubos ko ng alak sa aking baso ay nagpaalam ako na mag-restroom. Hindi pa ako nakalalayo sa table namin ay napatigil ako nang makita ko si Raven sa isang vip table, kasama ang mga bigating tao tulad nina Mr. Mahmoud.
Bumundol ang malakas na kabog sa dibdib ko. Hindi ko alam kung dahil ba nakita ako ni Mr. Mahmoud na nakatingin sa kanila, o dahil nakita kong sobrang sweet nina Raven at ng katabing babae... Si ma'am Cheska!