KABANATA 1

1823 Words
"ARE you really sure that you want her as your replacement?" Nababahid ang paninigurado sa boses na tanong ni Gerode kay Manang Julie na kasalukuyang nakaratay ito sa isang hospital bed matapos madulas ito at nasaktan ang sariling balakang. Tumango naman si Manang Julie. "Yes po, Sir. Huwag po kayong mag-alala, mabait at masipag na bata si Ianah," desididong sagot ni Manang. Bumuntong hininga si Gerode at tipid na tumango. "Well, if that's you really want. Then, I'll respect your decision." Pagpapayag niya mula sa sinabi nito. Matagal nang nagtatrabaho sa kanya si Manang Julie bilang Nanny sa mga anak niya. Mula nang mamatay ang asawa niya dahil hindi nakayanan ang panganganak sa bunsong kambal nila, nasa tabi na niya ang Ginang para tulungan siyang alagaan at bantayan ang mga bata, lalo na't nagiging abala siya sa trabaho. Aminado rin siyang hindi niya kayang alagaan nang mag-isa ang mga bata. Ngunit sinisikap niya nang mabuti na mabigyan ito ng mga magandang buhay at kinabukasan. Kaya malaking pasasalamat niya na lamang nang dumating sa buhay nila si Manang Julie dahil nagagawa niyang mag-trabaho na hindi mag-aalala kung nasa mabuting pangangalaga ang mga anak niya. Sa tagal na rin nitong pagtatrabaho sa kaniya ay labis na tiwala ang meron siya para rito. Kaya nang ma-aksidenti ito at kailangan ng papalit sa trabaho nito, pumayag siya sa inirekomendang tao nito kahit hindi niya pa nakikita ito sa personal. "Unfortunately, I can't meet her today. So just send her to the mansion tomorrow. I also won't stay here long because I still have a meeting to attend." Aniya saka bahagyang inayos ang suot na corporate coat. Masyadong hectic ang araw niya na iyon, ngunit nang mabalitaan niya ang nangyari sa Ginang ay pinili niyang isingit ito sa schedule niya para bisitahin, lalo pa't kailangan niyang pakalmahin ang tatlong mga bata na labis na nag-alala para sa Nanny nila. "Okay po, Sir. Ingat po kayo sa byahe at maraming salamat sa pagbisita." Tumango siya at saka lumabas na sa silid nito. Pagkalabas niya ay nakita niya ang kaisa-isang apo ng Ginang. May kasama at kausap na itong babae. Akmang lilingon sa gawi niya ang babaeng kausap nito nang makuha ang atensyon niya sa nag-va-vibrate na cellphone na nasa suot niyang coat. Kinuha niya ito at sinagot ang tawag habang naglalakad palapit sa elevator. "Sir, nakahanda na po ang lahat." Bungad sa kanya ng sekretarya. Pagkalapit niya sa elevator ay agad niyang pinindot ang button. "Okay." Tipid niyang sagot saka pinatay na ang tawag. Tamang-tama dahil bumukas na rin ang elevator. Inisang hakbang niya lang ang pagpasok dito at pagkatapos muling pinindot ang tamang button pa-groundfloor. *** "KUMUSTA si Manang Julie?" Nagaalalang tanong agad ni Ianah kay Marie, pagkarating niya sa hospital. "Thank you po sa pagpunta, ate." Yinakap siya ni Marie. Si Marie ay isa sa mga umuukupa sa katabing unit na inuupahan niya. Mas bata ito sa kanya ng anim na taon, at itinuturing na rin siyang parang ate nito at maging si Manang Julie—na siyang lola nito ay parang naging lola niya na rin. Bahagya siyang tumango at saka magaan na tinapik-tapik ang likuran nito nang yakapin niya ito ng pabalik. "Nasa loob pala si Lola, naghihintay sa'yo." Anito at kusa ring bumitaw sa yakap. "Kumusta naman siya?" "Ayos lang naman daw po sabi ng doctor. Kaso kailangan niyang huminto sa pagtatrabaho at magpahinga lalo na't nasaktan yung balakang niya sanhi sa pagkadulas niya po." Sagot ni Marie, ngunit napansin niya na nasa iba nakatuon ang mga paningin nito. Agaran na sinundan niya naman kung saan ito nakatingin. Nakita niya ang isang pigura ng lalaki. Nakatalikod ito at naglalakad palayo mula sa kinaroroonan nila. Sa pormahan nito ay halatang mayaman at mukhang negosyante dahil sa suot nitong corporate suit. May suot din itong mamahaling relo sa may pulsuhan, na bahagyang nakita nang itinaas nito ang kamay na may hawak na cellphone at itinapat sa kaliwang tainga. Nang tuluyang nawala sa paningin nila ang lalaki, doon niya lang muli hinarap si Marie. "Sino iyon? Kilala mo ba iyon?" Tanong niya. "Ah, iyon po ba? Boss po iyon ni Lola. Ang gwapo po non ni Sir Gerode," pagsasagot nito na tila animo'y kinikilig pa sa huling sinabi. "Talaga? Mabango rin siya ano?" Pagtutukoy niya sa naiwang amoy ng lalaki. "Sinabi mo pa Ate Aya. Amoy mayaman din." Pabirong sagot ni Marie. Mahina naman siyang napatawa at napailing-iling dahil sa pagiging kwela nito. "Tama na muna ang tungkol do'n sa lalaki. Hindi ba natutulog ngayon si Manang Julie?" Agaran na umiling si Marie. "Hindi naman po. Sa totoo nga lang, kanina pa po siya naghihintay sa pagdating mo." Tipid siyang tumango. "Sige. Nga pala, wala ka bang pasok ngayon? Pwedeng ako muna ang magbabantay kay Manang." Nakita niyang napatampal sa noo si Marie nang tila may naalala. "Oh shoot! Oo nga pala! May exam ako ngayon sa isang subject. Nag-excuse lang talaga ako sa isa kong klase nang makatanggap ako ng message tungkol sa kalagayan ni Lola. Ayos lang ba talaga sa'yo kung iiwan ko muna sa'yo si Lola, ate Aya? Importante rin po kasi yung exam na iyon at terror pa yung prof. Don't worry, dadating rin po si Mama maya-maya po." Nakita niya ang pagiging balisa nito. Halatang nalilito sa kung ano ang mas pipiliin at uunahin. Kasalukuyang nasa ikalawang taon na ito sa kolehiyo at ang kursong kinuha nito ay major in English. Ngumiti siya upang panatagin ang loob nito. "Oo naman. Kaya sige na, bumalik ka muna sa school. Mag-ingat ka roon, at huwag kang mag-alala dahil ako na muna ang bahala kay Manang Julie." "Thank you po, Ate Aya! Ingat po kayo dito. Text niyo lang po ako kung kailangan niyo po ng tulong, ate. Alis na po muna ako." Malaki ang ngiting sabi nito at nagmamadaling umalis. Tiniyak niya munang nakaalis na ito, saka niyang napagdesisyonang pumasok sa silid ni Manang Julie. "Buti nakapunta ka ngayon, hija." Nakangiting bungad sa kaniya ni Manang Julie nang makapasok siya at makita siya nito. Hindi siya agad nakapagsalita nang bahagya siyang na-distract sa pamilyar na amoy galing sa lalaking dumaan sa kanila ni Marie sa labas. "Galing po ba dito sa loob yung boss niyo, Manang Julie?" Wala sa sarili niyang tanong. Nang mapagtanto ang sinabi ay agad siyang tinubuan ng hiya. Nakita niyang natigilan si Manang Julie, ngunit agad ding nakabawi at ngumiti. "Oo. Nagkita ba kayo ni Sir sa labas?" Tanong nito sa kaniya. Nahihiyang umiling naman siya. "Hindi po." "Sayang naman. Oo nga pala, umupo ka muna dito at may sasabihin ako sa'yo na magandang balita." Bakas sa boses nito ang pagiging excited. Nagtataka niya naman itong sinunod. "Ano po iyon? At kumusta nga po pala ang pakiramdam niyo?" Tanong niya nang tuluyan siyang maka-upo sa isang stool na katabi lang sa kama nito. "Ayos lang naman, maliban ngalang sa nabugbog kong balakang. Pero sa awa ng Diyos ay walang fractured sa buto ko. Pero ayon ngalang ay hindi na ako makakapagtrabaho ulit." Natigilan siya sa narinig. "Po? Bakit? Akala ko ba ay walang nabaling buto po sa'yo?" Nag-aalalang tanong niya. "Wala naman talaga, hija. Pero pinagbabawalan na ako ng doktor dahil may katandaan na rin ako. At kaya nga pala kita pinatawag at pinapunta dito dahil gusto ko sana na ikaw ang pumalit sa'kin," sagot ni Manang Julie habang tila hinihintay ang magiging reaksyon niya sa huling sinabi nito. "Po? Papalit? Diyan po ba sa hospital bed? Gusto mong ako ang magkukunwari bilang ikaw para makapagtrabaho ka pa rin?" Hindi makapaniwala at sunod-sunod niyang usal. Napailing si Manang Julie sa inasal niya. "Diyos ko! Hindi gano'n, hija. Sa trabaho yung pinupunto ko. Ikaw na bata talaga, oo, minsan hindi ko maintindihan iyang takbo ng isip mo." Bahagya pa itong napakamot sa ulo. "Ay pasensya na po, Manang Julie. Lutang lang po ako ngayon," nahihiyang usal niya. Bumuntong hininga si Manang Julie. "So, papayag ka ba, hija?" Kumibot ang labi niya. Nangangati ang bibig para itanong ang nabuong katanungan sa isip niya. Bumuntong hininga siya. "Matanong ko lang po, Manang Julie. Bakit po ako ang napili niyo na gustong pumalit?" Lakas loob niyang tanong. Ngumiti naman ito. "Gusto ko lang bayaran yung pagligtas mo sa apo ko noong araw na wala kami sa tabi niya para matignan ang kalagayan niya at maalagaan siya nang magkasakit siya." Pag-aamin nito ng totoo. Hindi niya maiwasan na matigilan dahil sa sinabi nito. Hindi niya inaasahan na dala-dala parin ni Manang Julie ang tila konsensyang naramdaman nang hindi nito agad nalaman ang kalagayan ni Marie nang minsan na itong magkasakit at isinugod sa ospital. Kauuwi niya lang galing sa trabaho nang gabi na iyon. Nakita niya ang walang malay na si Marie sa labas ng room unit nito. Magkatabi lang sila ng unit, kaya siya agad ang unang nakakita at mabilis na tumawag ng ambulansya para maitakbo ito sa malapit na hospital. Doon niya rin mismo unang nakilala si Manang Julie nang kontakin ito sa hospital at naka-usap niya ito para tanungin sa nangyari at walang tigil sa pagpasasalamat sa kanya. Huminga siya ng malalim. "Manang, alam niyo naman po na sapat na yung pagsasalamat niyo sa'kin sa araw na iyon. At isa pa, wala po kayong kasalanan kung bakit nangyari iyon. Kaya, sana'y mapatawad mo na ang sarili mo. Hindi matutuwa at masasaktan lang si Marie kapag nalaman niya na hanggang ngayon ay sinisisi niyo pa rin po ang sarili niyo," mahinahon niyang sabi. Nakita niya ang pag-ngiti ni Manang Julie, ngunit kapansin-pansin pa rin ang lungkot at sakit sa mga mata nito. Tila may lumukot naman sa puso niya lalo na't nakita niya na parang iiyak na ito. "Salamat, hija. Pero sana'y huwag mong tanggihan ang alok ko. Malaking tulong na rin kasi para sa'yo yung sasahurin mo kapag tinanggap mo ang trabaho. Hindi mo man ipakita sa iba o sa'kin na nahihirapan ka, alam ko at ramdam ko pa rin yung mabigat na dinadala mo. Hindi ko pinupunto dito yung dibdib mo tungkol sa mabigat na dinadala, hija, ah?" paglilinaw agad nito sa sinabi. Agaran naman siyang pinag-initan ng pisnge nang agad niyang makuha ang pinupunto nito. "Alam ko naman po, Manang Julie. At sige po, tinatanggap ko po yung trabaho. Kinakailangan ko rin talaga ng pera pambayad sa renta at tamang-tama dahil kakasibak ko lang po sa huli kong trabaho. Totoo nga pala talaga na kapag may sumiradong pinto sa'yo, tiyak may bubukas na panibagong pinto para sa'yo." Nakangiti niyang ani. "Talaga, hija? Walang bawian na iyan, lalo na't pinaalam ko na rin kay Sir Gerode na ikaw yung papalit sa'kin." Mahihimigan ang kasiyahan sa boses nito. Hinawakan pa ang kamay niya. "Thank you talaga, hija. Huwag kang mag-alala, mabait iyon si Sir. Hindi ka magsisisi kapag sa kaniya ka magta-trabaho. Dahil hindi lang siya mabait, kundi gwapo at malaki rin ang pasahod." Bahaw siyang napangiti dahil sa huling sinabi nito. At napa-sabi sa isip, 'Mag-apo nga talaga sila ni Marie.'
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD