J O H N
Isang normal na araw. Napakaganda ng kulay asul na kalangitan, at kasama ko ang magugulo at maingay kong mga kaklase sa classroom.
Nakaupo ako sa gitnang hilera ng klase. Pero kahit ganun ay para pa rin akong nasa dulo dahil minsan lang nila ako mapansin.
“Uy! Nominate ko si John Mark Garcia!” biglaang sigaw ng katabi kong si Louisiana.
Napalingon naman ako sa kanya para pigilan sana siya pero huli na ang lahat nang mapansin na siya ng presidente ng klase namin. Tinitigan ako ni Joy, na para bang inuusisa ang buong pagkatao ko. Sa totoo lang ay nakakailang ang pagtitig niya sa akin kaya hindi ako agad na nakapagsalita para bawiin ang nominasyon ni Louisiana sa akin.
“Hmm, pwede na rin. Sige idagdag natin si John Mark sa list.” Tumalikod si Joy at sinulat ang pangalan ko sa dulo ng listahan.
Dalawa pa lang ang nasa blackboard, pero unang tingin pa lang ay kitang-kita na kung sino sa amin ang naiiba.
“See?” nakangising sambit ni Louisiana na para bang pinapakita niya sa akin na mali ako ng iniisip.
Hindi ko na lang siya pinansin at hinayaan na lang ang pangalan ko na nakasulat sa berdeng pisara sa harap ng klase. Ilang minuto pa ang lumipas at matapos ang halos walang tigil na pamimilit sa mga nominado na pumayag ay nagsimula na rin ang botohan.
“Okay. Okay! Tingin sa akin ang lahat!” pagtawag pansin ni Joy sa mga nagkakagulo naming mga kaklase. “Final na ba ‘to? Is there anybody who wants to nominate somebody?”
Tumahimik ang lahat at luminga-linga para maghanap ng nakataas na kamay.
“Okay! Mukhang ito na lahat silang lima.” Sa pangalawang pagkakataon ay lumingon na naman sa akin si Joy, ganun din sa apat pa na mga lalaking nakalista sa blackboard. “Let's begin the nomination!” pagdeklara niya saka ibinagsak sa tabi ng unang pangalan na nakalista ang chalk na hawak niya. “Who wants Felix to be our representative for this upcoming Mr. and Ms. Daniel Aguinaldo High School? Please raise your hands,” anunsyo niya.
Hindi pa man siya tapos sa pagsasalita ay may ilan na sa mga kaklase namin ang nagtaas ng kamay nila.
“Felix, tumayo ka nga,” sabi ni Joy.
Tumayo rin naman ang lalaking tinawag niya.
Moreno, matangkad, at may kumpyansa sa sarili. Hindi na ako magtataka kung marami ang pipili kay Felix na maging representative ng section namin.
“Okay, pakibaba na,” utos ni Joy tapos ay sinulat ang numerong 1 at 2 sa tabi ng pangalan ni Felix. “Kay Christoph naman tayo. Sige nga Christoph, tumayo ka.”
Tumayo ang lalaking maputi sa dulo ng klase. Kagaya ng nauna ay matangkad din siya. Tisoy at may Amerikanong awra na madalas ay kinababaliwan ng mga kababaihan.
“Who wants Christoph to be our representative for this upcoming Mr. and Ms. Daniel Aguinaldo High School?” Katulad ng kay Felix ay ura-urada na nagsitaas ng mga kamay nila ang mga kababaihan sa klase. Isa-isang binilang ni Joy ang mga kamay sa ere bago sinulat sa blackboard ang resulta.
1 at 3. Isang boto lang ang lamang niya kay Felix. Hindi na nakapagtataka na magkakaroon ng matinding botohan sa pagitan ng dalawang ito.
“John. Ikaw naman,” tawag sa akin ni Joy. Kaagad akong napatingin sa pangalan ko.
Oo nga pala, kasali nga pala ako sa mga pinagpipilian.
Tumayo ako… pero nakayuko at baluktot ang likod.
“John, ‘yung ulo mo. Iangat mo ang ulo mo,” ani sa akin ng katabi kong si Louisiana, pero hindi ko siya pinansin.
Nahagilap ko ang pagbagsak ng mga balikat ni Joy bago tinanong ang klase sa pangatlong pagkakataon ng, “Who wants John to be our representative for this upcoming Mr. and Ms. Daniel Aguinaldo High School?”
Nakayuko lang ako. Hindi ko na muna tiningnan kung sino ang bumoto sa akin. Wala naman sigurong nagkamali na bumoto sa akin. May narinig akong buntong-hininga, bahagya kong inangat ang ulo ko at nakita si Louisiana na nakataas ang kamay.
Siyempre iboboto niya ako dahil siya ang nag-nominate sa akin.
Kung ihahambing ako sa dalawang nauna, isang hamak na supporting character lang ako kumpara sa kanilang pang leading man ang dating at itsura.
“Okay. Thank you, John,” sabi ni Joy para pabalikin na ako sa pag-upo.
Kasabay ng paglapat ng puwet ko sa bangko ay ang pag-alis ni Joy sa blackboard matapos niyang isulat ang dami ng bumoto sa akin.
Kambal na uno. 1 at 1. Iyan ang dami ng boto na mayroon ako. Napaangat ako ng dalawang kilay sa gulat tapos ay nagpalinga-linga sa paligid para tingnan ang mga nagtaas ng kamay para iboto ako. Pero wala na akong nakitang mga kamay sa ere.
“Tsk! Sayang,” mutawi ni Louisiana nang makita ang number 11 sa tabi ng pangalan ko.
“Bakit may 11 diyan?” tanong ko sa kanya.
“Hm? That's the number of votes you got,” aniya.
Napakunot ako ng noo. Wala naman sigurong masama, at least may naniniwala na pwede ako sa pageant na ito.
“What? Nagulat ka sa 11 votes?”
“H-Ha?” sambit ko tapos ay tumango.
“Ano ka ba dagdagan mo naman iyang kumpyansa mo sa sarili. Believe it or not, may itsura ka, no. Sadyang tahimik ka lang at unsociable.”
Ah. Hindi ko alam kung dapat ba akong magalak o mainsulto sa sinabi niya.
Sa lahat ng mga kaklase kong babae si Louisiana lang ata ang may lakas ng loob na kausapin ako. Siya lang din naman kasi ang babae sa hilera namin.
“Sayang ka, John. Oras mo na sana,” sabi naman ni Clifford na katabi ko sa kaliwa. Kauupo niya lang ulit. Kagaya ko ay napagtripan din kasi siya ni Louisiana.
“Sa totoo lang, wala akong oras para sa extracurricular na ‘yan,” tugon ko. Isa pa wala naman akong kikitain sa pageant na ito. Kung meron man na mabibigay sa akin ang mga ganitong contest, siguro ay sandamakmak na gastos lang. Madalas na sumasali lang sa mga ganitong patimpalak ay ‘yung mga gusto talaga at ‘yung mga may budget pambili ng mga damit na gagamitin. O kaya ‘yung mga gustong madagdagan ang kasikatan nila.
“Tapos na si Leonard,” pagpapaalam sa amin ni Louisiana.
Sabay kaming napatingin ni Clifford sa pisara kung saan nakasulat ang final results ng botohan.
Felix – 12
Christoph – 13
John – 11
Clifford – 8
Leonard - 6
“‘Diba, not bad kayong dalawa?” dagdag pa ni Louisiana.
“Pero talo pa rin kami kay Christoph. Ibang klase din naman kasi ang dating ng lalaking ‘yan, hindi ba John?” Siko sa akin ni Clifford.
Tumango ako at ngumiti ng bahagya bilang pagsang-ayon saka hinimas ang braso ko na siniko niya.
“Psh. Kulay ng balat lang naman ang lamang ng isang iyan sa inyo. Kung makapagsalita ka Clifford parang hindi ka suki sa mga pageant, ah.”
Napakamot ng ulo niya si Clifford.
Fan kasi ng mga pageant ang nanay ni Clifford, tapos may itsura rin itong kaibigan kong ito kaya naman madalas na iniimbitahan sa mga pageant ng eskwelahan.
“Pang-ilan mo na nga sana?” tanong ko sa kanya.
“Pang-apat pa naman,” nahihiya niyang sagot.
Narinig ko naman ang pagsinghal ni Louisiana sa tabi ko. Hindi ko rin naman siya masisisi, ang dami na rin naman talaga ng apat na pageant.
Pagkatapos ng botohan ay pinauwi na kami ng presidente namin. Kasabay ko sa daan si Clifford na maagang umuuwi para maglaro ng online games.
“Dito na ako, John,” paalam niya sa akin bago siya lumiko ng daan.
Magkaibang direksyon kasi ang sakayan namin.
“Ge, pre,” maikli kong sagot.
Dumiretso lang ako. Nasa unahan pa kasi ang tawiran.
Habang naglalakad ay sumagi tuloy sa isipan ko kung ano na naman ang uulamin ko mamayang gabi at kung sakto pa ba ang pera na nasa bulsa ko para rito.
Bumuntong-hininga ako.
Kung hindi man masagot ang huling tanong, at least sana man lang ay bigyan ako ni Tiya Susan ng natira nilang ulam.
“H-Hijo, pula na ang ilaw,” rinig kong wika ng kung sinuman na nasa tabi ko. Paglingon ko ay isang matandang babae pala ito na kuba ang likod at may bitbit na malaking puting plastik na hula ko ay mga tela o damit ang laman. Habang sa balikat naman niya ay nakasabit ang bayong na puno ng mga gulay.
Lumipat-lipat ang tingin ko sa kanya at sa traffic light na kulay pula.
Sinasabi niya ba na tulungan ko siya?
Nginitian ko lang si nanay. Hindi naman ganun kahirap ang pabor niya.
“Akin na po,” sabi ko sabay abot ng bitbit niyang plastik.
“Naku! Salamat, hijo,” aniya.
Natigilan ako nang halos mamudmod ako sa pagkuha ko ng plastik kay nanay, ang bigat pala nito. Kaya pala nakuba na siya.
Ilang segundo na lang ang natitira para tumawid. Pero binagalan ko pa rin ang paglalakad para makasabay ang matanda.
“Ito po,” sabi ko sabay abot ng platik ni nanay sa kanya.
“Salamat, hij– ah! Naku, ‘yung gulay ko!” bulalas niya nang makita ang gumulong na mga patatas sa kalsada. May butas pala ang ilalim ng kanyang bayong.
Hindi ko rin alam kung ano ang pumasok sa isip ko at gumalaw lang ng kusa ang katawan ko. Alam kong malapit nang maging berde ang pulang ilaw. Pero sumugod pa rin ako sa gitna ng kalsada para kunin ang tatlong patatas.
Sinong may akala na tatlong patatas lang pala ang katumbas ng buhay ko. Sa saglit na pangyayaring iyon ay sumagi ang mga alaala ko kasama si Mama noong nabubuhay pa siya.
Ah. Sinusundo na ba ako ni Mama?
Umalingawngaw ang busina ng humaharurot na trak. Maliwanag pa sa labas pero nakataas na ang ilaw ng sasakyan.
“Bam!” Ito ang mahinang tunog ng pagkabangga ko sa sasakyan. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nagmistulang malayo sa pandinig ko ang tunog.
Saglit na tumahimik ang paligid. Tapos sunod ko na lang na narinig ang matinis na ingay ng Vital Signs Monitor.
Matuwid na ba ang linya?
I wonder kung sinubukan man lang ba akong iligtas ng doktor.
Pero… bakit. Bakit may kakayahan pa rin akong mag-isip kagaya nito? Hindi kaya ay inilibing nila ako ng buhay?
Sinubukan kong ibukas ang aking mga mata. Hindi pa man ako tapos na mag-isip ng mga posibilidad ay naibuka ko na ang mga ito.
“Sh*t,” mura ko nang sa pagmulat ng mga mata ko ay puro bato at rehas ang tumambad sa akin. “Nasaan ako?”
Tatayo na sana ako nang may narinig ako na kalabog. Mahina lang ito, singhina ng tunog nung nabangga ako ng trak kani-kanina lang… nabangga ako ng trak?
Kaagad akong lumingon sa pinagmulan ng tunog. Napaatras ako ng wala sa oras nang sa paglingon ko ay isang lumulutang na maliwanag na bagay na tila salamin ang nakita ko.
“W-Wah! Waaah!” bulyaw ko habang gumagapang sa lubak-lubak na sahig ng silid. “A-Anong nangyayari? Nasaan ako?”
Napakapit ako sa rehas. Patuloy pa rin kasi sa paggalaw ang mga imahe na nasa loob ng lumulutang na salamin. Nasaksihan ko ang pagbangga sa akin ng sasakyan, ganoon rin ang sandali na nalagutan ako ng hininga sa ospital.
“Aah!” sigaw ko ulit. Naglaho kasi bigla ang lumulutang na salamin.
Nanginginig ang buo kong katawan. Napayakap ako sa kumakatog kong mga tuhod. Mayamaya pa, hindi pa man ako tapos na matakot sa misteryosong salamin kanina ay muli na naman akong nakaramdam ng kababalaghan. Narinig ko ang lagitlit ng tunog ng hindi nalalangisan na tarangkahan.
“Ah! Sino ‘yan?” depensa kong tanong sabay usog papasok ng kuweba. Isiniksik ko ang sarili ko sa sulok at baka lumitaw bigla ang mahiwagang salamin.
Nagtunog naipit na maliit na hayop ang pinto ng selda. Madilim ang paligid kaya hindi ko gaanong maaninag ang mukha ng dumating.
“Zap!” ang tunog ng biglaang paglitaw ng apoy sa ere.
“S-S-Santelmo!?” bulalas ko, “AAAHH– hmm!”
Hindi na ako nakasigaw pa nang itinuro ng dumating ang bibig ko.
Nahinto naman ako nang may maramdaman akong mali. Kinapa ko ang labi ko at napatalon nang wala akong nahawakan na labi sa lugar kung saan ay dapat naroroon ito. “Hhmm! Hmmm! Hm!” patuloy kong protesta.
“Shh. Huwag kang masyadong maingay. Gabi na at oras na ng tulog ng mga halimaw na nakakulong dito,” sabi ng dumating sa pabulong na boses ng lalaki.
Hindi ko pa rin nakikita ang mukha niya, sa pagkakataon na ito ay sanhi naman ‘to ng nakakasilaw na liwanag ng santelmo.
Bumuntong-hininga ang lalaki, tinakpan niya ng bahagya ang kanyang bibig sabay bigkas ng mga katagang, “Naku! Sa maling lugar pa kita na teleport. Ito kasing si Sebastian panay ang panggugulo sa akin.” Napakamot siya sa kanyang ulo.
Doon ko pa lang napansin, may dalawang pares pala siya ng itim, mahaba, at matabang mga sungay sa magkabilang gilid ng kanyang ulo.