J O H N
“S-Sino po kayo? A-Ano po ang g-ginagawa ko rito?” tanong ko sa sandaling naramdaman ko na ulit ang mga labi ko.
Huminto siya sa pagkakamot, nang tumingin siya sa akin ng diretso ay napansin ko kaagad ang pulang linyang nakapalibot sa kanyang iris.
“Ah, muntik ko nang makalimutan. Ako si Alastor, ang bago mong pamilya!” bati niya sa malaki at umaalingawngaw na boses. Sa sobrang lakas ay dumagundong ito sa loob ng kulungan na parang kulog. Hindi ko maiwasan na mapatakip ng tenga at mas manginig pa sa takot.
Unti-unti kong inangat ang ulo ko. “N-Nasa… n-nasa i-im-impyerno ba ako?”
Ilang segundo rin na nangibabaw ang katahimikan sa loob ng selda bago malakas na humalakhak ang halimaw sa harap ko. Halos ramdam ko ang paggalaw ng lupa sa lakas ng kanyang tawa, kasabay nito ang nakakabinging dagundong ng kanyang boses. Hindi ko tuloy alam kung uunahin ko bang takpan ang tenga ko o ang kumapit sa nakausling bato sa dingding.
“WOHOHOHOOO! WOHOHoho… hoho… ho… ho… pasensya na. Ngayon ko lang ulit narinig ang salitang impyerno.”
Huminto na ang paggalaw ng lupa, at unti-unti na ring nawawala ang alingawngaw ng pagtawa ng halimaw.
Ayaw ko nang magsalita, baka may masabi akong nakakatawa o nakakagalit, o anuman na maaaring reaksyon niya. Baka hindi lang pagyanig ng lupa ang pwedeng maging resulta ng susunod niyang maging reaksyon.
“Ahem!” Pagsasadya niya ng tikhim. Nabalisa naman ako sa takot na gumalaw ulit ang lupa. “Pasensya na. Nakalimutan kong magbago ng anyo. Kaya pala takot na takot ka,” pahayag niya.
Hindi ba’t huli na siya upang humingi ng tawad para diyan?
Tumigil sa pagsasalita ang halimaw. Literal niya akong tinitigan pababa gamit ang kanyang kakaibang mga mata.
“Hmm… lumipat muna tayo ng lugar,” aniya saka ipinitik ang mga daliri na nag-vibrate sa hangin.
Sa isang iglap ay nagbago ang paligid ko. Ang kaninang madilim na selda sa kweba ay napalitan ng malawak na silid. Nawala na ang magaspang na lupa, imbes ay ang makinis na pulang red carpet na gawa sa velvet na ang napapatungan ng mga paa ko.
Lumiwanag din ang paligid. Nang sinuyod ko ng tingin ang silid ay kahawig nito ang magagarang bahay ng mga mayayaman. Isang mansyon.
Nasaan ba ako? Hindi kaya nasa ospital lang ako ngayon at epekto lang ito ng anesthesia?
Tumingala ako sa lalaki. “Gaano ba katagal bago mawala ang anesthesia?”
“Hm?”
“‘Y-Yung anesthesia po… kailan po mawawala ang epekto? Kung saan-saan na lang po kasi ako nadadala ni… to.” Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang hinay-hinay na nagbago ang anyo ng lalaki sa harap ko.
Pumayat at lumiit ng konti ang sungay ng halimaw tapos ay naging normal ang anyo ng kanyang mga mata, at ang mala-higante niyang katawan ay unti-unti ding lumiliit. Ang kanyang balat na kulay pula sa liwanag ay naging kayumanggi na rin.
“Aah~ ayos na ba ang itsura ko?” sabi niya saka sumilip sa malaking salamin sa kanyang gilid para tingnan ang kanyang sarili. “Pasensya na, may sinasabi ka ba?”
“A… A… Aaahhh!” Hindi ko na kinaya ang lahat ng mga nakikita ko. Palala nang palala ang mga nangyayari habang tumatagal ako rito. Nagiging mas malabo na gawa lang ito ng anesthesia.
Yumuko ako at mahigpit na niyakap ang mga tuhod ko. Hindi ako tumigil sa pagsigaw at mas nilakasan pa ito. “AAAHHH!” Sana naman sa pag-angat ko ng ulo ko ay bumalik na sa normal ang lahat. Mas gugustuhin ko pa na magising sa silid ng ospital kaysa sa engrandeng silid na ito kasama ang estranghero na nagpapalit ng anyo.
“Naku. Naku. Paki-tikom ang iyong bibig, tao.”
“Gusto ko nang umuwiiii! Aaahh!” Ito na ata ang unang beses na sumigaw ako ng ganito kalakas simula noong araw ng libing ng tatay ko. “Gagawin ko po ang lahat basta ibalik niyo lang po ako! Ano po ba ang gusto niyo? Malusog po a– hmph… Hm?” Kinapakapa ko ang bibig kong nawawala na naman sa puwesto niya. “Hm! Hm! Hm!” untag ko.
“Isara mo muna iyan,” sambit niya, “hayaan mo na ako muna ang magpaliwanag kung paano ka napunta sa mundong ito.” Ngumiti siya sa akin bago tumalikod para pumunta sa upuan niyang nasa gitnang dulo ng silid.
Puti ang kulay ng pintura ng mga dingding kaya nangingibabaw ang kulay itim na upuan na parang trono ang dating. May mahaba itong talim sa magkabilang dulo ng sandalan, at tila pakpak ng demonyo sa likod. Kaya nung umupo siya ay nagmistulan siyang may pakpak sa likod niya.
“Simulan natin ang kuwento sa iyong tiyahin at tiyuhin…” Tumikhim siya, “Hindi ko alam kung paano nila nakuha ang orasyon para tawagin ako sa mundo ng mga tao, pero isang araw ay malungkot na naman akong kumakain mag-isa sa hapag ko. Nang bigla na lang lumitaw ang summoning circle sa kinatatayuan ko at dinala ako sa loob ng silid ng iyong mga kamag-anak. Noong una ay natakot sila pero nang sinabi ko na ang orasyon na ginamit nila ay para sa mga sakim na tao na gusto ng pera ay mabilis silang naging matapang sa harap ko. Pero siyempre binanggit ko muna ang kondisyon na mayroon ako, at ‘yun nga ang buhay ng isang tao.” Tumigil siya sa pagsasalita nang itinaas ko ang isa kong kamay, “May sasabihin ka?”
Pinitik niya ang kanyang daliri at naramdaman ko na ulit ang bibig ko. Kinapa-kapa ko muna ang mukha ko para masigurado, at nang maayos na ay nagtanong kaagad ako, “B-Bakit naman daw nila ako ibibigay sa’yo? Hindi ba’t ang sama naman nilang kamag-anak kung gagawin nila sa akin ‘yun?”
“Uh-huh. Tama. Tama. Pero mortal, ano ang gagawin mo kung sabihin ko sa’yo na sila mismo ang nagka-ideya na ibigay ka sa akin?”
Kinabahan ako sa sinabi niya. Masamang mga tao ang tiyahin at tiyuhin ko. Gumagamit sila ng droga at madalas na nasa pasugalan. Nagtitipid sila ng pera para sa mga bisyo nila kaya ako na ang naghahanap ng pagkain ko. Wala silang anak dahil ayaw nila ng sanggol na aalagaan. Panggulo lang daw.
Paano kung ganun na lang talaga sila kasama para ipamigay sa demonyo ang pamangkin nila?
“Para malinawan ka, mas mabuti siguro kung panoorin mo ito. Nakakapagod din na magkuwento wohohoho,” litanya ng demon bago iwinisik pataas ang kanyang daliri. Kasabay naman nito ay ang paglitaw ng mga imahe sa malaking salamin na nasa gilid.
“... pera? Madali lang ‘yan. Pero kailan kong humingi ng kapalit.”
“K-K-Kapalit?” takot na takot na tanong ng tiyahin ko habang nakakapit sa braso ng asawa niya.
Nagtitigan muna silang dalawa, tumango si Tiya saka sinabi ni Tiyo sa demonyo ang mga katagang, “S-Sige! Pero… pwede bang malaman muna kung ano ang kapalit na gusto mo?”
Ngumisi ng malapad ang demonyo saka hinimas ang ilalim ng kanyang baba. “Hmm… nitong mga nagdaang araw, masyado ng malungkot ang pagkain ko ng mag-isa sa lamesa. Kailangan ko ng makakasama. Aha! Gusto ko ng tao. Kayamanan kapalit ng kahit sinong tao na inyong maibibigay sa akin.”
“T-Tao?” ani ni Tiyo.
“Babe.” Kumapit pa ng mas mahigpit si Tiya sa kanya. Kitang-kita ang pagdadalawang-isip sa mga mata nila. “Anong gagawin natin?”
Napalunok ang tiyuhin ko. Luminga-linga siya sa loob ng kuwarto. Hindi ako sigurado kung ano ang nasa isipan niya pero hindi nagtagal ay biglang narinig sa silid nila ang tunog ng mahinang pagbagsak ng pinto.
“Ano? Wala kayong maibibigay? Aalis na ako, nasa kalagitnaan pa naman ako ng pagkain ko na–”
“Ah! Te-Teka. Teka!” sabad ni Tiyo. “‘Yun! ‘Yung bata sa labas ng kuwarto! Sa’yo na ‘yun!”
“Ano? Ipagpapalit mo si John? Nababaliw ka na ba?” bulyaw ni Tiya.
“Bakit ba? Ano ba ang pakinabang na nakuha mo sa batang ‘yan?”
“Pero…”
“Wala namang silbi sa bahay na ‘to ‘yang batang ‘yan, ah. Gastos lang ang naibigay sa’tin. Isipin mo na lang magkakapera pa tayo kung ibibigay natin siya sa demo– sa lalaking ‘to.”
Nagpalipat-lipat ng tingin si Tiya sa demonyo at kay Tiyo. Nakangiti si Tiyo habang tumatango-tango. Habang kita naman ang pagkabagot ng demonyo.
Sa kalagitnaan ng pag-iisip ni Tiya ay bumuntong-hininga ng pagkalalim-lalim ang halimaw. “Maghanap na lang kayo ng ibang demonyo kung hindi niyo pa kayang magdesisyon ngayo–”
“T-Teka!” pagpigil ni Tiya sa umuusok na lalaki sa harap nila.
Inangat ng demonyo ang kanyang mga kilay, palatandaan na handa pa rin siyang makinig sa kanilang dalawa.
“P-P-Payag na ako… Sige, kunin mo na si John, ibigay mo na sa amin ang kayamanan na sinasabi mo.”
Ngumisi ng pagkalapad-lapad ang demonyo na pati ang mga mata niya ay nakakurba na pababa. “Sige.” Lumitaw sa pagitan ni Tiyo at Tiya ang isang lumang papel at pluma na kulay itim. Kinuha ito ni Tiyo sa ere. “Isulat niyo ang inyong pangalan sa dulo ng papel, paki-lakipan na rin ng inyong pirma bilang patunay ng ating pinagkasunduan.”
Sinunod nilang dalawa ang sinabi ng halimaw na para bang pumipirma lang sila ng kontrata sa isang lending corporation.
“Tapos na,” banggit ng halimaw nang matapos nang pumirma sina Tiya at Tiyo. Naglaho ng parang bula sa ere ang papel at pluma. “Iiwan ko muna siya rito. Ako na ang gagawa ng paraan para makuha siya sa inyo, kaya huwag na kayong magtaka kung isang araw ay hindi na siya makakauwi.” Ito ang mga huling kataga ng halimaw bago siya naglaho.
Binalot ng katahimikan ang loob ng silid nila Tiya at Tiyo habang tinitingnan ni Tiyo ang kanyang cellphone. Seryoso silang nakatitig dito, pero hindi rin nagtagal ay sumigaw si Tiya ng, “YES! Sa wakas! Mabibili ko na rin lahat ng gusto ko!” Tapos sunod silang nagtatatalon sa saya na para bang nanalo sila sa lotto.
Unti-unting lumabo ang mga imahe sa salamin hanggang naiwan na lang ang puting repleksyon ng katapat nitong dingding.
“At sa ganoong paraan ka ipinagkanulo ng iyong pamilya. May tanong ka pa ba?”
Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa sobrang gulat. Alam kong maluho ang tiyahin ko at sugarol ang asawa niya pero hindi ko akalain na aabot sila sa punto na ibigay ako sa isang halimaw kapalit ang kayamanan. Naalala ko tuloy bigla ang libro ng mga orasyon na nasa sala ng bahay nila. Madalas ko ‘yung nakikita na pinapatungan ng laptop ng tiyuhin ko o kaya naman minsan ay pinag-iipitan ng mga natuping listahan ng mga utang nilang mag-asawa. Sinong may akala na totoo pala ang mga nasa librong iyon?
“A-Anong kailangan mo sa akin?”
“Mabuti naman at naitanong mo ‘yan!” masigla niyang batid at muling ipinitik ang kanyang mga daliri. Sa isang kisapmata lang ay napuno ng mga kagamitan ang malawak na silid. Nawala rin ang itim na trono sa gitna. Nagkaroon na lang bigla ng malaki at magarang pulang kama, mga kabinet, study table, raketa ng mga libro, at iba’t iba pang bagay na madalas na makikita sa loob ng isang silid ng karamihan ng kabataan.
“A-Ano ‘to?”
Lumapit sa akin ang mahiwagang nilalang saka niya hinawakan ang magkabila kong balikat. “Narinig mo naman siguro ang sinabi ko kanina, hindi ba?”
“S-Saan do–”
“Napakalungkot ng hapunan ko nitong mga nagdaang araw. Wala kasi akong kasama rito sa bahay at tumatanda na rin akong demonyo.”
“G-Gusto niyo po ba na pagsilbihan ko kayo?”
“Naku, hindi. Hindi,” tanggi niya, “Malakas pa naman ako para diyan.”
“Uh… k-kung ganun, kailangan niyo po ba ng katulong sa bahay?” tanong ko ulit, at kung sasagot pa rin siya ng hindi ay wala na akong ibang magagawa kung hindi ang tanungin ang tungkol sa malungkot niyang pagkain. Kaso kinakabahan ako, paano kung sabihin niya na kailangan niya ng bagong putahe sa hapag niya. Paano kung sabihin niyang tao ang gusto niyang kainin para maging masaya?
“Hindi rin. Si Sebastian ang nakatoka sa bagay na iyan.”
Ah. Katapusan ko na.
“K-K-K-Kung ganun, ka-kailangan niyo po ba ng… kailangan niyo po ba ng bagong k-k-ka-ka–”
“Kasama! Tama! Kailangan ko ng bagong kasama!”
“Ano?”
“Hm?”
Kasama? Tinagilid ko ang aking ulo dahil sa pagkalito. “Bakit?”
“A-Ah.” Nagkamot ng kanyang batok ang demonyo, “Ilang libong taon na kasi ang lumipas pero wala pa rin akong asawa. Nasa mataas na ranggo na rin ako kaya wala ng gustong mangahas na sumama sa akin.” Sumimangot siya sa harap ko.
“Ano po ang gusto niyong gawin ko?”
Lumiwanag ang mukha ng demonyo, lumapad ulit ang labi niya at kumikislap-kislap ang kanyang mga mata, saka malakas na sinabi ang, “Pakiusap! Maaari ba kitang maging anak?” Natulala ako sa biglaang pagluhod niya sa harapan ko. Nakayuko rin siya na para bang nabaliktad ang sitwasyon naming dalawa, siya na isang demonyo na nakikiusap sa taong katulad ko.
Anak? Ibig sabihin ba nito ay binata pa siya? Pero sa nakikita ko ay medyo matanda na siya para maging anak ako. Apo siguro pwede pa.
Dahan-dahan na umangat ang ulo ng halimaw para sumilip sa akin. Nang magtagpo ang aming mga mata ay kaagad siyang umupo ng matuwid.
Woah. Ang taas niya pa rin kahit na nakaupo na siya sa tapat ko. Halos magkasing-tangkad pa rin kami sa kabila ng nakatupi niyang mga biyas.
“Anong mangyayari kung tatanggi po ako?”
“Kakainin kita para kahit papaano ay makatikim naman ako ng bagong putahe. Matagal-tagal na rin simula noong huli akong nakakain ng tao.”
“AAHH! Huwag! Huwag!” Napaatras ako sa takot.
“Hm? Ah, oo nga pala. Pasensya na. Maliban sa kunin ka bilang parte ng pamilya ko ay hindi ko na alam kung ano pa ang pwede kong gawin sa’yo lalo na at nakuha na ng pamilya mo ang yaman na hinihingi nila.”
Patay. Patay na patay ako. Pero ano naman kaya ang makukuha ko kung pumayag ako sa kondisyon niya?
“Itong silid na ito. Akin po ba ito?”
“Oo! Sa’yo ‘to. Lahat ng bagay na makikita mo sa loob ay sa’yo!”
Sinuyod ko ng tingin ang silid. Hindi na kailangan na maging henyo ako para lang hindi mapagtanto na mas maganda ang silid na ito kaysa sa silid na meron ako sa bahay nila Tiya. Isang kuwarto lang ang meron ang bahay nila, dahil sila lang naman din talaga ni Tiyo ang nasa bahay na iyon ay sapat na ang lahat ng mga kagamitan para sa dalawa. Ginagamit ko ang masikip na espasyo na nasa pagitan ng bodega nila at ng pader sa likod bahay nila. Gumawa ako ng pader mula sa sira-sirang bubong ng bahay sa tabi nila. Ibinigay naman sa akin ni tiya ang folding bed at extra nilang mga unan at kumot para may matulugan ako. Maganda ang pwesto ko roon. Malamig kahit tag-init pero halos hindi naman ako makatulog kapag tag-ulan dahil sa ingay ng mga patak.
“P-Patay na ba ako?” tanong ko.
“Oo. Nabangga ka ng trak kanina kaya patay ka na. Pero sa mundong ito buhay na buhay ka, ginawa ko ‘yun sa pamamagitan ng kapangyarihan ko. Medyo malaki nga lang ang naging epekto nito sa katawan ko pero magiging maayos na rin ang pakiramdam ko. Limitado nga lang muna ang kapangyarihan ko ngayon…”
“Hindi na ba ako makakabalik sa mundo ko?”
“Hmm… makakabalik ka pa, pero mahirap. Dadaan ka sa napakainit na apoy at iilang yugto ng pasakit bago ka makabalik sa itaas.”
Napangiwi ako sa sinabi ng halimaw. Sabagay, ano pa ba ang ibang aasahan ko sa impyerno kung hindi ang walang katapusang init ng apoy.
“May nakalagpas na po ba sa mga yugto na tinutukoy mo?”
“Wala pa. Ikaw pa lang ang taong dinala ko rito ng buhay…” N-N-Ng buhay? “at isa pa, kung malalagpasan mo man ang mga ‘yun ay wala namang makakaalala sa’yo pagbalik mo sa ibabaw.”
Bumuntong-hininga ako. Ang hirap mag-desisyon. Pero kung iisipin ng mabuti ay wala naman sigurong masama kung papayag ako. Kung tutuusin mas maganda ang lugar na ito kaysa sa tagpi-tagpi kong kuwarto. Isa pa, mukhang mabait naman ang demonyo na ito. Simula nang dumating kami sa lugar na ito ay wala na siyang ibang binanggit pa kung hindi gaano siya kalungkot mag-isa.
“Anong mangyayari sa akin kung papayag ako na maging pamilya mo? Hindi ba sila magtataka na isa akong ta–” Hindi pa man ako tapos na magsalita ay sinabuyan na niya ako ng malamig na tubig. “Bwah! Anong ginagawa mo? A-At saan galing ‘yan?”
“Tubig ‘yan na may halong amoy ko. Simula ngayon ay maliligo ka na gamit ‘yan. Sa ganitong paraan ay hindi ko na kailangan mag-alala pa na maamoy nila na isa kang tao.” Lumapit ulit siya sa akin tapos bumulong ng, “Importante ‘yan dahil kapag nalaman nila na may tao sa Underworld ay tiyak na magkakagulo at ang malala pa ay maaaring kainin ka nila.”
“H-H-Hindi po ba napakadelikado nito para sa akin?”
“WOHOHOHO! Huwag kang mag-alala, tao. Basta makinig ka lang sa akin, mananatili kang ligtas!”
Ano pa ba ang magagawa ko kung siya lang ang kilala ko sa lugar na ito.
Tumango lang ako bilang pagsang-ayon sa sinabi ng demonyo.
“Ano? Papayag ka na ba na maging anak ko?” Tumayo siya sa harap ko. Halos dalawang beses ang tangkad niya sa akin sa malapitan, kahit na mukha na siyang tao na may sungay ngayon.
“O-Oo. Payag na po ako,” sagot ko.
“Wohohoho! Magaling. Ano ang iyong pangalan bago kong pamilya?” magalang niyang tanong sabay abot ng kamay niya.
Tinitigan ko ito bago tumingala sa kanya at tanggapin ito. “John Mark Garcia.”
“Ikinagagalak kitang makilala John Mark Garcia. Ako si Alastor ang iyong bagong pamilya.”
Wala naman ata masyadong pinagkaiba kung ihahambing ko ang buhay ko sa mundong ibabaw. Doon man o rito ay pareho pa rin akong nasa impyerno.