CHAPTER 7

2454 Words
ORLENE Dalawang araw na akong hindi pinapansin ni Marian dahil sa nangyare no'ng nakaraan kung saan naabutan kami ni Sir Lorenzo Clyde at napagalitan ng wala sa oras dahil sa akin. Dagdagan pang nagulo ko rin ang ginagawa nitong pag-aayos sa kama na mas lalo pang ikina-bad trip nito sa akin. Pagkatapos no'n ay hindi na ako kinausap pa ni Marian hanggang ngayon. Hindi niya rin ako pinapansin. Halatang nagtatampo talaga ito dahil do'n. Hindi na niya kasi ako kinikibo kahit na magkasama kaming dalawa na naglilinis sa iisang kwarto. Kahit na kinakausap ko siya ay hindi na rin ito sumasagot. Tahimik lang ito na para bang wala siyang kasama at naka-focus lang sa ginagawa nito. Nagsasalita lang ito kapag may kailangan pero 'pag wala ay tahimik lang ito. Ilang beses ko siyang sinubukan na makipagbati pero ayaw nito. Talagang tinitiis niya ako. Hindi na ito katulad ng dati na ma-chika at kung anu-ano pa ang napagkukuwentuhan namin habang nagta-trabaho. Pakiramdam ko nga ay ayaw na niya akong kasama pa dahil do'n sa nangyare. Umiiwas na talaga ito. Hindi na rin kasi kami sabay na kumakain at umuuwi 'pag uwian sa hapon. Minsan ay nauuna na itong mag-out at hindi na ako hinihintay pa. At sobra talaga akong nalulungkot. Siya at si Sandra lang ang pinaka-close ko sa lahat ng mga chambermaid dito tapos mukhang mababawasan pa. Hindi ko kayang tuluyan na magkalabo kami. Ayokong masira ang samahan at pagkakaibigan na nabuo namin. Isa pa naman siya sa mga sinasabihan ko ng problema. Hinihingan ng advise at pinagkakatiwalaan sa lahat. Hindi na nga kami okay ni Ms. Lovely tapos madadagan pa. Aminado naman akong kasalanan ko ang lahat. Masyado akong nadala ng emosyon ko. At kung may dapat mang sisihin kaya nangyare ito ay ako rin iyon. Ako naman ang may kagagawan ng lahat. At naiintindihan ko naman siya kung bakit nagtatampo ito. Kung bakit hindi na niya ako pinapansin at kinakausap. Tama naman kasi ito sa sinabi nito. Hindi ko dapat siya dinadamay sa kalandian ko pagdating kay Sir Lorenzo Clyde. Dapat marunong akong ihiwalay ang emosyon ko lalo na 'pag nasa trabaho na kami. Kapag nagkataon kasi na magka-problema ay posibleng madadamay pa ito. At ayoko namang mangyare iyon. Pagkakaalam ko pa ay bread winner ito sa kanila at kailangan niya itong trabaho. Kaya naman big deal sa kanya ang nangyare. Ayaw lang siguro nitong ma-involve na pupwedeng ikatanggal nito sa trabaho. Nasa cafeteria na ako para sa lunch break namin at kasabay ko si Sandra. Wala si Marian dahil nauna na ito sa amin. Bitbit na namin ang mga pagkaing naming nasa tray para mananghalian. Naghahanap na rin kami ng pwesto nang mapansin namin na naroon pa pala si Marian at kumakain na mag-isa sa isang lamesa. Nakita namin may bakante pang upuan roon sa kanya. "Tara do'n kay Marian!" aya ni Sandra sa akin. Nauna na itong lumapit doon at naupo sa tabi nito. Medyo nag-aalangan akong lumapit dahil baka biglang magalit si Marian. Baka kasi ayaw niya akong kasabay. Hindi pa ito tapos kumain at baka mawalan ito ng gana nang dahil sa akin. Napalinga ako sa paligid para maghanap ng ibang pupwedeng mauupuan pero nakita ko na lahat ng mesa ay ukupado na at wala nang bakante pa. Tanging ang mesang kinaroroonan lang Marian ang maluwag at may bakante. "Hoy!" tawag ni Sandra. "Ano pang itinatayo-tayo mo riyan. Halika ka na rito." "Okay lang ba?" tanong ko pa muna. "Baka ayaw ni Marian." "Wala siyang magagawa. Hindi niya pag-aari 'tong lamesa. Kaya bilisan mo na para sabay na tayong kumain," saad muli ni Sandra. "Okay," nasabi ko na lang at agad na lumapit sa kanila. Inilapag ko ang tray ng pagkain sa lamesa at naupo sa tapat ni Marian. Tinitignan ko siya kung anong magiging reaksyon nito. Kung papansin niya ba ako o hindi. Kung magagalit ba ito dahil naupo ako at naki-share ng table sa kanya. Pero wala man lang itong reaksyon. Ni hindi ito tumingin sa akin. Tuloy lang ito sa pagkain nito at binilisan pa na para bang nagmamadali ito. Halos inilang subo lang nito ang kinakain saka uminom ng tubig at bigla na lamang itong tumayo para umalis na. Pero bago pa nito magawang makaalis ay mabilis naman itong hinawakan sa braso ni Sandra para pigilan. Nagulat pa ako sa ginawa nito. Maging ang reaksyon ni Marian dahil sa ginawa ni Sandra. Nakatingin lang ako sa kanila. "At sa'n ka pupunta?" tanong ni Sandra kay Marian. "Aalis na," sagot naman ni Marian. "Bakit?" "At talagang iiwanan mo kami rito, ha?" ani Sandra na mukhang hindi nito nagustuhan ang balak ni pag-iwan ni Marian sa amin. "Oo. Nauna akong nag-break kaya kailangan ko nang bumalik. Baka ma-late na ako." "Walang aalis! Maupo ka rito," utos ni Sandra sa maawtorisadong tinig na hindi pa rin binibitawan ang braso ni Marian. "Bakit ba?" ani Marian. "Naku! Tigilan niyo nga ako diyan sa pag-iinarte niyo, ha? Maupo ka rito at pag-usapan natin 'yang problema niyo ni Orlita habang kumakain kami," ani Sandra. Alam ni Sandra ang naging tampuhan namin ni Marian. Sa kanya ko kasi ikinikuwento ang lahat. Mula sa kung paano nagsimula iyon hanggang sa ilang araw nang hindi pagkausap ni Marian sa akin. Sa kanya ako nagsasabi at naglalabas ng mga saloobin ko at mga nararamdaman ko. Nakikinig naman ito sa akin. At sabi niya ay naiintindihan naman niya ang side ko. Gusto niya na rin sigurong magkabati na kami ni Marian kaya niya rin ginagawa ito. "'Wag mo na siyang pilitin kung ayaw niya, Sands. Hayaan mo na si Marian. Baka ma-late pa siya," singit ko na para pabayaan na niya ito. Ayoko nang madamay pa si Sandra sa tampuhan namin ni Marian. Baka hindi pa ito handang makipag-usap at makipagbati sa akin. Naiintindihan ko naman ang intensyon niya na pagbatiin kami pero mukhang ayaw pa talaga ni Marian. Ayaw ko namang pilitin ito para lang magkaayos kami. "Ah... hindi! Hindi ako papayag. Walang aalis hangga't hindi kayo okay. Total andito na tayo pag-uusapan na natin 'yan," paninindigan pa rin ni Sandra. "Fine!" napilitang sagot ni Marian at muli itong naupo kahit na halatang napipilitan lang ito. "Wala ba kayong planong magbati, ha?" tanong muli ni Sandra sa amin. "At pinaabot niyo pa talaga ng dalawang araw." Hindi ako sumagot. Nakatingin lang ako kay Marian. Hinihintay kong maunang sumagot ito. Dahil kung ako lang ang masusunod ay gusto ko nang maging okay na ulit kami. Ayoko na ganito ang sitwasyon namin. Gusto ko nang matapos ito. Nami-miss ko na siya sobra. Ang kakulitan at palaging pagkontra nito sa akin in a positive way. Nami-miss ko na rin siyang maka-chikahan. Ang mga tawanan namin. Ang bonding namin kapag magkasama kaming naglilinis ng kwarto na dalawa. Siya pa naman ang ka-partner ko lagi. Nami-miss ko na ang dati naming samahan sa totoo lang. 'Yong okay kami at walang ganitong problema. Kung tutuusin ay hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkaroon kami ng misunderstanding. Ilang beses na rin naman kaming nagkatampuhan pero nagkaka-ayos din naman. Hindi na ito bago sa aming tatlo dahil maging kami ni Sandra ay nagkatampuhan na rin dati. Maski silang dalawa ay gano'n din. Nagkataon lang na ito ang pinakamatagal. Tapos umabot pa sa point na hindi na ako kinakausap at pinapansin ni Marian kaya naman apektado na talaga ako. Hindi ko na kaya na binabalewala niya ako. Marian is like a sister and a bestfriend to me. Gano'n din naman si Sandra sa akin. We're sisters hindi lang sa trabaho kundi maging sa mga puso namin. Alam naming tatlo iyon. At hangga't maari ay ayokong may makatampuhan sa kanilang dalawa. Silang dalawa ang isa pa sa mga dahilan kaya masaya akong pumapasok lagi, nagiging magaan ang trabaho namin kahit na nakakapagod at kaya rin tumagal ako sa trabaho namin bilang chambermaid. Sila ang mga kasabayan ko mula nang nag-umpisa akong nagtrabaho rito sa Hotel Trevino. Kaya kung iisipin ay matagal-tagal na rin talaga ang pinagsamahan naming tatlo. Kaya parang nakakapanghinayang lang na masisira nang gano'n-gano'n lang. "Hindi pa ako ready," sagot ni Marian na hindi pa rin ako tinitignan. "At kailan ka pa magiging ready, aber? Two days ka nang nag-iinaso, inday! Baka gusto mo nang makipagbati kay Orlene. Napapraning na siya kasi 'di mo kinikibo. Kausapin mo na kaya siya," sabi ni Sandra at nagsimula nang kumain. "Sorry na, 'day," nasabi ko. Hindi ko na hinintay na sumagot si Marian. Sa halip ay inunahan ko na siya. "Patawarin mo na ako. Nadala lang naman ako 'ron, eh. Alam mo naman kung gaano ako ka-deads kay Sir Lorenzo Clyde 'di, ba? Kaya hindi ko na rin napigilan ang sarili ko na hindi kiligin. Sobrang saya ko lang talaga no'n. Matagal kong hinintay ang pagkakataong iyon na matignan at mapansin niya ako." Nakita kong tumingin na sa akin si Marian. "Alam ko naman 'yon. Pero pinagalitan na nga tayo, tuwang-tuwa ka pa tapos ginusot mo pa ang beddings ko dahil kinilig ka. Pwede namang magtatalon ka na lang sana pero humiga ka pa talaga do'n sa inaayos ko. Nagmamadali na nga akong matapos tapos nanggulo ka pa. Sinong hindi maiinis at maba-bad trip do'n? Eh, paano kung bumalik agad si Sir Lorenzo Clyde at naabutan niya tayo ro'n, eh, 'di natanggal na tayo pareho sa trabaho?" aniya na hindi na rin napigilang maglabas ng sama ng loob sa akin. "Sorry talaga. Hindi ko naman hahayaan iyong mangyare sa atin, 'day. Alam ko naman kung gaano sa 'yo ka-importante ang trabaho natin. At saka ayoko ring matanggal ka nang dahil sa akin. Kaya nga humihingi ako ng kapatawaran sa 'yo. Inaamin ko kasalanan ko talaga ang nangyare. At promise, hindi na talaga mauulit pa iyon. Magse-seryoso na ako kapag nasa trabaho tayo. Kaya bati na tayo, please?" nagsusumamo kong hinging paumanhin at saka nag-sad face sa harap nito. Baka sakaling maawa na ito sa akin at patawarin na niya ako. Naghintay lang ako sa isasagot nito. Alam ko na hindi niya rin ako matitiis, eh. Hindi rin naman gano'n katigas ang puso nito pagdating sa amin. Ngayon pang nagkapaliwanagan na kaming dalawa ng bawat side at mga saloobin namin. Na-badtrip lang talaga siguro ito sa akin kaya tumagal nang ganito ang hindi namin pagkakaunawaan. "Oo, na agad! Patawarin mo na," singit pa muli ni Sandra habang may laman ang bibig nito. Patuloy pa rin kasi ito sa pagkain nito habang nakikinig sa usapan namin. "Please?" pagsusumamo ko pa ulit. Hindi agad nakasagot si Marian. Kapwa lang kaming nakatingin sa isa't-isa. Mukhang nag-iisip pa ito ng mabuti. Siguro ay iniisip nitong kung papatawarin na ba niya ako o hindi. "Oo, na!" ani Marian matapos ang ilang saglit. "Talaga?" reaksyon ko na parang hindi ako makapaniwala. Bigla akong napangiti. Umaliwalas agad ang mukha ko pagkarinig ko niyon. "Oo, nga. Bati na tayo. Pinapatawad na kita." "Hay, salamat naman!" nasaad ni Sandra na mukhang nakadama ng relief sa pagkakaayos namin. "'Pag nag-inaso pa kayo uli, pag-uuntugin ko na talaga kayo," pahabol pa niya. "Hindi na. Last na 'to," sagot ko. "Siguraduhin niyo lang." "'Di ba, 'day?" baling ko kay Marian. Tumango ito. "Thank you so much, 'day, ha?" nasabi ko sa kanya sa sobrang kasiyahan sabay abot ko sa kamay nito para hawakan. "I love you, 'day. Namiss kita sobra," dugtong ko pa na hindi maitago ang nararamdaman kong tuwa. "Naku! Pasalamat ka talaga kung hindi baka next year na talaga kita kakausapin." "Grabe ka naman sa akin. Titiisin mo talaga ako ng gano'n katagal?" "Oo, dahil diyan sa kalandian at kagagahan mo." "Grabe ka naman. Pagpasensyahan niyo na ako. Alam niyo naman ang sitwasyon at nararamdaman ko pagdating sa my loves ko. Ganito talaga 'pag in love. Nakakawala sa sarili. Bigla na lang inaatake ng kilig. Maiintindihan niyo rin 'yan 'pag nagkagusto na kayo." "Sus! Ewan ko sa 'yo. Hindi ko pa rin talaga maintindihan kung anong nagustuhan mo sa palalabs mo na 'yon." Si Marian. "Oo, nga, 'day," sang-ayon ni Sandra na muling tumigil sa kinakain. "Anong nakita mo 'ron kay Sir Lorenzo Clyde at patay na patay ka talaga sa kanya?" Napangiti ako. Mabilis na rumehistro sa utak ko ang mukha ni Sir Lorenzo Clyde. Natigilan na lang ako at napangalumbaba. "Hoy, gaga! Ano nga?!" untag ni Sandra na naghihintay pala ng isasagot ko. "Siyempre pogi," sagot ko. "Given naman 'yon. Minsan nga nauumay na ako kapag nakikita si Sir, eh." "Hoy! Anong umay ka diyan? 'Yong mukha kaya niya ang sarap titigan. Hindi nakakasawa." "Siguro sa 'yo. Pero sa amin hindi na. As in wala. 'Di ba, Yan?" baling pa ni Sandra kay Marian. "Tama. Wala siya masyadong epek. Hindi gano'n kalakas ang dating niya. Tapos hindi pa marunong ngumiti at lagi na lang seryoso kaya lalong wala talaga." "Hindi lang naman 'yon, eh. Ang hot at ang macho rin kaya niya. Parang sarap lumambitin sa mga maskels niya na halatang matigas. Tapos ang laki pa talaga ng ano niya..." "Ang laki ng alin?" sabay pang tanong nina Marian at Sandra. "Ng katawan niya siyempre. Ano pa ba?!" "Ah," aniya ng dalawa at napatango-tango pa. Mukhang iba yata ang naisip ng mga ito. "Ano bang iniisip niyo? 'Yong ano niya?" "Wala kaming sinabing ganyan, ha?" depensa agad ni Marian. "Parang gano'n kasi ang gusto niyong malaman no'ng sinabi kong malaki ang ano niya." "Tapusin mo kasi ang sentence mo 'pag nagsasalita ka." Si Sandra. "Ba't parang kasalanan ko?" "Gaga!" "Ah, basta!" ani Marian. "'Yong promise mo, ha? Kung hindi, hindi na talaga kita kakausapin kahit kailan. Itatakwil na kitang kaibigan ko." "Oo na! Hindi ko nakakalimutan 'yon." "Okay lang naman na kiligin pero 'wag naman sa inaayos kong higaan. Kahit na maglupasay ka pa sa sahig hindi kita pipigilan." "Wow! Supportive." "Wala naman kaming choice, eh. Para saan pa at naging kaibigan mo kami kung hindi ka rin namin masuportahan diyan sa pangarap mong maging jowa ang manager natin." "Aw! Na-touch naman ako sa inyo. Salamat mga, inday." "Oh, siya kumain ka na at ako'y magta-time na rin. Male-late na talaga ako. Maiwan ko na kayo," paalam ni Marian sa amin saka ito tuluyang tumayo para umalis na. "Okay, 'day! Sabay tayong umuwi mamaya, ha?" pahabol ko pa. "Okay!" tugon pa nito at nagmadali nang lumabas ng cafeteria. "Ano? Happy na?" saad ni Sandra sa akin nang maiwan na kaming dalawa. "Yes! Thank you rin sa 'yo, 'day," masayang saad ko sa kanya. "No worries! But remember okay lang ang kiligin pero 'wag mo nang idamay ang mga gawain." "Noted po!" "Sige, na. Kumain ka na. Hihintayin kita." "Sige!" sang-ayon ko at saka nagsimula na rin akong kumain. Medyo malamig na ang kanin ko pero ayos lang. Masaya pa rin akong nagkaayos na uli kami ni Marian. At ang gaan lang sa pakiramdam.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD