Dahil sariwa pa sa isipan ni Menerva ang mga sinabi ni Cristal tungkol kay Lawrence, she found herself studying her boss the next day habang nakaupo siya sa harapan ng desk nito. Naghihintay siyang magdikta ito ng sulat matapos nitong pagaralan ang isang report na binabasa.
Tama si Cristal, amin ng dalaga. Makisig nga at macho ang amo niya. Kahit na ngayon na hindi ito conscious sa kanyang anyo, may magnetism ang lalaki at outrageous attraction na nakikita ng dalaga kahit na hindi niya gusto ito. Ano kayang pakiramdam na maging nobya ng milyonaryo? naitanong niya sa sarili, Agad niyang dinispatsa ang isiping iyon at sinabi sa sariling sino mang babaeng magkaroon ng kaugnayan kay Lawrence ay mananatiling nasa ilalim nito. Ngunit ayon sa gossip columns ng mga pahayagan, marami pa ring mga glamorous women na patay na patay sa kanya.
At ang pinaka-latest acquisition ni Lawrence ay ang maganda, sophisticated at mayamang si Lilet Imperial, ang socialite daughter ng isang mayamang negosyante. Ang kulang na lamang sa mga katangian ng babae ay utak. Ngunit marahil ay iyon ang type ni Lawrence dahil tiyak na hindi makaka-kontra sa gusto niya. Galing siya sa Anilao Beach Resort at nagmamadaling pabalik sa Lucena para sa isang mahalagang meeting nang magkabangga sila ni Menerva. Natuklasan niya ito sa diary ng boss niya na pinangahasan niyang pakialaman. Na para bang mahalaga sa kanya ang personal na buhay ng lalaki. Napangiti siya nang maalala niya ang pagkakaiba nila ni Lilet.
"Nakahanda ka na bang magtrabaho?" isang sarkastikong tinig ang gumambala sa pagninilay ng dalaga.
Halos mapalundag siya sa pagkabigla. "Sorry. Medyo lumayo ang isip ko."
"Mukha nga." Inilapag ni Lawrence ang binabasa. "Ngunit kung ano man iyong iniisip mo ay tila nakakasiya sa iyo. Baka puwede mong ibahagi sa akin kung ano mang joke iyon??
"Sa palagay ko ay hindi makakasiya sa iyo. At personal ito."
Sumimangot si Lawrence. "Kung tungkol sa latest boyfriend mo, kalimutan mo muna para makapagtrabaho tayo. Kalabisan ba ang hinihiling ko?"
"Hindi, Mr. Flores."
"Gusto kong sabihin sa iyo na ginulat mo ako sa kalidad ng trabaho mo na hindi ko inaasahan. You are very efficient. Ngunit huwag mong pabayaang sirain ito ng pribadong buhay mo. Kung ano man ang gustong gawin mo pagkatapos ng oras ng trabaho ay wala akong pakialam. Ngunit inaasahan ko ang iyong one hundred percent cooperation sa oras ng trabaho. Maliwanag ba?"
"Yes. Hindi na mauulit ito," inis na inis si Menerva.
Nagsimulang magdikta si Lawrence. Hindi lamang iisa kundi anim na sulat. Manhid na ang mga daliri ni Menerva nang lumabas siya sa opisina ng boss niya. At sinabi pa ng lalaki na kailangang tapusin niya iyon bago ito umuwi.
Hindi maintindihan ng dalaga kung bakit ang kanyang usual speed at accuracy sa makinilya ay pumalpak sa pagkakataong iyon. She made error after error. Ang dami niyang itinapong papel sa basurahan bago niya natapos ang kanyang ginagawa.
Bumukas ang pintuan at napuno ng halimuyak ng mamahaling pabango ang silid. Kung ang mukha ni Lilet Imperial ay maganda sa mga society pages ng mga pahayagan, ang personal na anyo ng socialite ay higit pa. Napakaganda nito at ang suot na itim na bestida ay tila napakalalim ng cleavage sa oras na iyon ng araw ngunit bagay naman sa babae ito. Ngumiti ito kay Menerva at tuluy-tuloy sa inner office na kinalalagyan ni Lawrence Flores.
Tumayo si Menerva. "Excuse me, pero may appointment ba kayo kay Mr. Flores??
Tumigil ang socialite at tumingin sa kanya. "Ikaw ang bagong sekretarya ni Louie, hindi ba, darling?" humagikhik ito. "Ang dragon na tumatakot sa mga gustong makipagkita sa kanya. No, wala akong appointment, pero makikipagkita siya sa akin. Ako ang nobya niya."
Noon lamang nalaman ni Menerva na Louie pala ang nickname ng boss niya. Ngunit alam din niya na kahit na gaano ka-close si Lilet dito in private life, ayaw ni Lawrence na magambala sa mga oras na iyon. Nagkulong ito sa kanyang tanggapan at nag-order ng sandwiches at coffee for lunch. Mahigpit na nagbilin na huwag siyang iistorbohin. Complicated deal sa isang mahalagang kliyente ang inaasikaso ng lalaki.
Humarang sa daraanan ni Lilet si Menerva. "Sa palagay ko ay hindi maaaring gambalain si Mr. Flores sa mga sandaling ito. May mahalaga siyang ginagawa. Baka puwedeng bumalik kayo mamaya nang kaunti? Baka puwede kang mag-shopping muna."
"Gusto kong makausap si Louie ngayon din," maktol ni Lilet na tila isang batang aagawan ng paboritong laruan. "Makikipagkita ako sa kanya kung kailan ko gusto. Huwag mo akong haharangharangan. Umalis ka riyan." Tumaas ang tinig ni Lilet as she tried to sidestep Menerva.
"Miss Imperial, please ... " tumaas na din ang tinig ni Menerva.
Biglang bumukas ang pintuan ng tanggapan ni Lawrence at iritadong lumabas ang lalaki.
"Bakit ang ingay dito? Anong nangyayari ...Miss Reyes?"
Bakit ako pa ang dapat magpaliwanag ngayon, inis na naisip ni Menerva. Ngunit bago siya nakapagsalita ay dinamba na ni Lilet si Lawrence. Naglambitin ito sa batok ng lalaki.
"Louie, darling. Itong stupid secretary mo, ayaw akong papasukin dahil busy ka daw. Kailan ka pa naging busy para sa akin?" buong tamis siyang ngumiti kay Lawrence. "Galit ka ba sa akin, Louie darling?"
Tila nawala ang init ng ulo ni Lawrence at ngumiti na rin sa babae. "Of course, hindi ako maaaring magalit sa iyo."
"Sabihin mo sa kanya na huwag niyang uulitin ito," inirapan ni Lilet si Menerva. "Dapat siyang humingi ng dispensa sa akin dahil tintrato niya akong isang pangkaraniwang panauhin mo lamang."
"Bago lamang si Miss Reyes, Lilet, at marami pa siyang dapat na matutunan," ani Lawrence. Tumingin siya kay Menerva at bakas sa mukha nito ang labis na pagkairita. "Baka puwede mo akong dalhan ng kape," anito sa kanyang sekretarya.
Pumasok sila ni Lilet sa tanggapan ng boss niya.
Nang dalhin ni Menerva ang tray ng kape pagkatapos ng ilang sandali, obvious na mali ang timing niya. Naghahalikan sina Lawrence at Lilet. Ni hindi siya pinansin ng mga ito at nasulyapan niya si Lawrence na puno ng lipstick ang nguso. Inilapag ni Menerva ang tray sa desk ng lalaki at dalidaling lumabas ito na nag-iinit ang mukha.