Prologue

1496 Words
Bumuhos ang malakas na hangin at nagsimula ng pumatak ang mga maliliit na butil ng tubig sa lupa ngunit wala lang ang lahat ng ito para kay Miyo na mag-isang naglalakad ngayon pauwi sa kanila. Isinuot ng dalaga ang takip ng kaniyang suot na jacket at inilagay niya ang kaniyang mga kamay sa loob ng bulsa nito. Tahimik lang siyang naglalakad habang minamasdan ang mga tao na nakasalubong niya sa daan. Huminto sa paglalakad si Miyo matapos siyang makarinig ng isang sigaw hindi malayo mula sa kaniyang puwesto. Lumingon siya sa pinanggalingan ng boses at kumunot ang kaniyang noo nang nakita niya ang isang bata na nasa itaas ng puno. Hindi napigilan ni Miyo ang tanungin ang kaniyang sarili kung ano ang ginagawa ng bata roon sa mataas na sanga ng puno. Binalewala na lang ni Miyo ang bata at hinayaan na lamang niya ito. Nagpatuloy na sa Miyo sa paglalakad nang sumigaw na naman ang bata, dahilan upang pumikit nang mariin ang dalaga at huminto sa paglalakad. Huminga nang malalim si Miyo at napaisip siya, tutulungan ba niya ang bata o hindi? Tumingin si Miyo sa gawi ng bata at bumuntong-hinga siya nang nakita niyang umiiyak na ito. Wala ng nagawa si Miyo at nilapatan na niya ang bata na hindi niya kilala. Nang nakalapit na siya sa puno ay tumingala si Miyo at naabutan niyang nakatingin ang bata sa kaniya. "Tulungan niyo po ako…" iyak ng bata at pinunasan nito ang kaniyang mga luha. "Paano ka ba napunta riyan?" nag-aalalang tanong ni Miyo. "Naglalaro po kasi kami ng mga kaibigan ko ng tagu-taguan. Umakyat po ako rito upang magtago at—" "At hindi mo na alam kung paano bumaba," pagtatapos ni Miyo sa sinabi ng bata at nahihiyang tumango ang bata kay Miyo. Lumingon si Miyo sa kaniyang paligid at nakita niya na walang tao masyado ang lugar kaya itinaas niya ang kaniyang mga palad at nagtaka naman ang bata dahil sa mga kilos ni Miyo. Alam ni Miyo na hindi niya dapat gawin ang nasa kaniyang isip ngayon ngunit wala na siyang nakikita na ibang paraan para makababa kaagad ang bata. Sigurado rin siya na nag-aalala na nang husto ang mga magulang ng bata kaya kailangan na nitong makauwi. Huminga nang malalim si Miyo at muli niyang tiningnan ang bata sabay sabi, "Pumikit ka." Pumikit naman ang bata at sa isang iglap ay umilaw ang mga kamay ni Miyo. Naramdaman niya ang paglamig ng kaniyang mga palad at unti-unti na itong binalot ng yelo. Kinuyom ni Miyo ang kaniyang mga kamay at nakita ng dalaga kung paano nag-ipon ang liwanag dito. Nanginig ang mga kamay ni Miyo at nang hindi na niya kinaya ang lahat ay pinakawalan ni Miyo ang liwanag na nasa kaniyang mga kamay. Nagkalat ang liwanag at sa isang iglap ay naging yelo ito. Mula sa lupa ay kumalat ang yelo patungo sa sanga ng puno kung nasaan ang bata at naging pakurba ang hugis nito. Nang nawala na ang liwanag ay dito na nagsalita si Miyo. "Open your eyes," sabi ni Miyo at binuksan ng bata ang kaniyang mga mata. "Slide down the ice slowly and carefully," dagdag ni Miyo sa bata na ngayon ay gulat na nakatingin sa pakurbang yelo na nasa kaniyang harapan. Hindi nagsalita ang bata at dahan-dahan itong bumaba sa sanga ng puno. Marahan na lumapit sa yelo ang bata hanggang sa dumausdos ito pababa at tinulungan ni Miyo na tumayo ang bata. Nakangiting tumingin ang bata kay Miyo, halata sa mga mata nito na nagustuhan niya ang ginawa ng dalaga. "Ayan, nakababa ka na ng puno," nakangiting sabi ni Miyo sa bata. Nilinis ni Miyo ang damit nang bata nang bigla itong nagsalita. "A-Ate…" kinakabahan na sabi ng bata kaya kumunot ang noo ni Miyo at tumingin siya sa bata. Tinuro ng bata ang likod ni Miyo kaya lumingon siya rito at lumaki ang kaniyang mga mata dahil sa gulat. Nabalot ng nakakabinging katahimikan ang buong paligid at tanging ang malakas na pagtibok lamang ng puso ni Miyo ang maririnig ngayon. Sa bawat oras na nagdaan ay bumibigat ang pag-hinga ni Miyo. Nagsimula na siyang manlamig, walang tigil sa pagbagsak ang kaniyang mga butil ng pawis at nanginginig na ang kaniyang buong katawan. May kutob na si Miyo sa mga nangyayari. Ayaw man niyang paniwalaan ay wala na siyang magagawa dahil halata na dahil sa mga nangyayari. Lumunok si Miyo at dahan-dahan siyang lumingon sa mga taong takot na nakatingin ngayon sa kaniya. "N-Nakita niyo ba iyon? Hindi ko inakala na may tinatago pala ang batang iyan." "I-Isa siyang alagad ng mga demonyo!" "Ilayo niyo ang babaeng iyan dito! Kamatayan ang dala ng dalagang iyan!" "H-Halimaw! Patayin niyo ang dalaga na iyan!" Hindi makagalaw si Miyo. Binalot na nang sobrang pagkatakot ang kaniyang buong pagkatao. Hindi na niya alam kung ano ang kaniyang gagawin. Umihip ang malakas na hangin kasabay ang pagbagsak ng mga luha ni Miyo na kanina pa nagbabadya sa kaniyang mga mata. Nagsimula ng mag-iyakan at mag-sigawan ang mga tao dahil sa takot at lumayo sila mula kay Miyo na nakatayo ngayon sa gitna ng kaguluhan. "Anak!" tawag ng isang babae. Nagulat si Miyo nang biglang tumakbo ang batang tinulungan niya papunta sa babae. Nakita ni Miyo kung paano niyakap ng bata ang babae kaya mas lalo pa siyang kinabahan dahil matalim siyang tiningnan ng babae. "Napaka-walang hiya mo! Hinawakan mo ang anak ko! Demonyo ka! Demonyo!" galit na sigaw ng babae habang niyayakap ang bata na tinulungan ni Miyo. Alam ni Miyo na ito ang magiging resulta kapag ginamit niya ang kaniyang mahika ngunit hindi niya alam na ganito pala ka tindi ang magiging epekto ng kaniyang nagawa sa kaniyang sarili. Yumuko si Miyo at bumagsak ang kaniyang mga luha na kanina pa niya pinipigilan. Mula sa gilid ng mga mata ni Miyo ay nakita niya ang mga tao na takot na takot ngayon sa kaniya. Pinagbabato ng mga tao si Miyo ng iba’t ibang mga bagay at kinagat ng dalaga ang kaniyang labi upang pigilan ang kaniyang mga iyak. Nang nilapitan si Miyo ng isang tao. Isang tao na naging sandalan ni Miyo noong nangangailangan siya ng kalinga mula sa isang magulang. "N-Nanay Dina..." umiiyak na sambit ni Miyo. Umiiyak at habol ang mga hininga ni Dina dahil sa takot. Si Dina ang nag-alaga kay Miyo simula noong namatay ang kaniyang mga magulang. Kahit hindi niya kadugo ay kinupkop pa rin ni Dina si Miyo at itinuring niya itong parang isang tunay na anak. Ngunit matapos niyang masaksihan ang ginawa ng dalaga ay nagbago ang kaniyang paningin tungo kay Miyo. Nabalot ng takot ang buong sistema ng matandang babae at hindi na niya napigilan ang manginig at umiyak. "M-Miyo…" nanginginig na tawag ng matandang babae na si Dina kay Miyo. "Nanay Dina…" umiiyak na sambit ni Miyo. Lalapitan na sana niya ang matandang babae nang bigla siya nitong itinaboy paalis. "U-Umalis ka na rito! Isa kang halimaw na nagbabalat-kayo! Napakawalang hiya mong tumira sa pamamahay ko! Umalis ka na rito, demonyo ka! Sana ay namatay ka na na lang! Sana hindi ka na nabuhay pa!" sigaw ni Dina at walang tigil sa pag-agos ang kaniyang mga luha. Gumuho ang buong mundo ni Miyo nang narinig niya ang mga salitang iyon mula kay Dina. Hindi makapaniwala si Miyo dahil sa mga narinig niya mula sa taong naging pangalawang magulang niya. "Nanay Dina, hindi po ako isang demonyo! Hindi po ako masamang tao! Tinutulungan ko lang po ang bata," iyak ni Miyo. Lalapit na sana si Miyo kay Dina ngunit mabilis na lumayo si Dina kaya tumigil ang dalaga. "Umalis ka na. Lumayas ka na at huwag ka ng magpakita sa akin kahit kailan!" galit na sigaw ni Dina kay Miyo. Pinulot ni Dina ang isang bato na nasa kaniyang may paanan at napasinghap si Miyo dahil sa kaniyang nakita. Mabilis na umiling si Miyo habang umaatras palayo kay Dina. "Nanay Dina, huwag po…" takot na saad ni Miyo. "Lumayas ka na rito, demonyo!" Binato ni Dina si Miyo. Mabilis na lumipad sa ere ang bato ngunit bago pa matamaan si Miyo ay mabilis niya itong pinigilan gamit ang kaniyang mahika. Naging yelo ang bato at bumagsak ito sa lupa. Wala sa kaniyang sarili na ibinaba ni Miyo ang kaniyang kamay at tiningnan niya si Dina na ngayon ay nanginginig dahil sa sobrang takot. "D-Diyos ko…" gulat na gulat na sabi ni Dina sa kaniyang sarili. Kinagat ni Miyo ang kaniyang labi at kinuha niya ang isang panyo mula sa bulsa ng kaniyang pantalon. Lumapit si Miyo kay Dina at pilit niyang kinuha ang mga nanginginig na kamay ng matanda. "Ito po ang panyo na binigay niyo sa akin noon. Maraming salamat po sa pag-alaga niyo sa akin. Aalis na po ako," malungkot na sabi ni Miyo kay Dina. Matapos iyong sabihin ni Miyo ay tumakbo na siya papaalis at iniwan na niya ang mga tao na nagkagulo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD