CHAPTER 7

1881 Words
Sa pag-alis ni Jeremy ay nakaramdam ng takot si Ada. Nagkaroon na yata siya ng trauma dahil sa nangyari sa kaniya. Pakiramdam niya, anytime ay may susulpot upang kunin si Ethan sa kaniya. At pakiramdam niya si Jeremy lang ang may kakayahan na protektahan siya. Nagsimula siyang mag-overthink. Paano kung hindi na bumalik si Jeremy dahil masyado na siyang pabigat? Hindi na siya napalagay. Abala si Jeremy sa pagtingin sa kaniyang cellphone para mag-check ng messages, chats, and e-mails. He was about to call Nina nang makita niya ang isang pamilyar na sasakyan na pumarada sa harap ng ospital. "Sh*t!" aniya. Matutunton na ni Leandro Clemente si Ada at si Ethan. And he can't make that happen. Kumaripas siya ng takbo pabalik sa kwarto ni Ada. "Jeremy?" gulat na gulat na bulalas ni Ada. "Hindi ka pa nakakaalis? Bakit humahangos ka? Ano'ng nangyayari?" Kumuha ng wheelchair si Jeremy at itinulak iyon palapit kay Ada. "Nandiyan na sina Mr. Clemente. Kailangan na nating umalis dito," tugon niya. Kaagad tumahip ang puso ni Ada sa sobrang kaba. Inilapag muna niya si Ethan at inalalayan siya ni Jeremy pababa ng hospital bed at paupo ng wheelchair. Pagkatapos ay iniabot sa kaniya ni Jeremy si Ethan. Sumilip muna si Jeremy sa labas ng kwarto kung may makakakita sa kanilang mga empleyado ng ospital. Mapalad naman at klarado ang hallway. Mabilis niyang itinulak ang wheelchair palabas doon. Tinanggal niya ang kaniyang coat at ipinatong iyon sa balikat ni Ada. Napalunok pa siya nang makita sa sulok ng kaniyang mata na nasa nurse's station si Mr. Clemente at nagtatanong na kung may naka-confine at nanganak bang nagngangalang Adalia Mendoza sa ospital na iyon. "Nasaang kwarto siya?" tanong ni Leandro. Tiningnan ng nurse ang registration sa records. "Kapamilya ho ba kayo ng pasyenteng hinahanap ninyo?" tanong nito kay Leandro. "Of course!" pagalit na tugon ni Leandro. "Why else would I pay her a visit?" Napalunok ang nurse. Hindi na naghintay pa si Jeremy na matapos ang pakikipag-usap ni Leandro sa nurse at nagmamadaling inilabas niya sa ospital si Ada. Hirap na hirap pa siyang maipasok ito sa kotse. Tiniis ni Ada ang kirot ng kaniyang tahi makatakas lamang kay Mr. Clemente. Samantala, nagtungo si Leandro sa mga recory rooms para sa mga bagong panganak, ngunit hindi niya nakita si Ada. Nakasalubong niya ang isang nurse na nagkakamot ng ulo. Narinig niya ang sinabi nito. "Nasaan na kayo iyon? Pambihira!" anang nurse. Nilapitan niya ang nurse at nginitian ito. "Sino ang hinahanap ninyo, Ma'am?" tanong niya. "Iyong isa hong pasyente na kakapanganak lang through C-section. Nawawala ho sila," tugon ni nurse. Napabuntong hininga si Leandro. Natitiyak niyang sina Ada nga iyon. At natakasan na naman siya nito. "May kasama ba siya?" tanong niya pa sa nurse. "Iyong asawa niya ho," tugon ng nurse. Nagsalubong ang kilay ni Leandro. Ang alam niya ay walang tumatayong asawa si Ada. "Sigurado kang asawa niya?" usisa niya sa nurse. "Opo," tugon ng nurse. Bakas sa mukha nito ang pagtataka. Kaya naman nagpasya na si Leandro na lisanin ang ospital. Nang mga oras na iyon ay bahagya nang nakalayo sina Jeremy. Panay ang lingon-likod niya kay Ada na sa likod nakasakay. "Are you okay?" tanong niya rito. "Just hold on. Malapit na tayo. Tinawagan ko na ang family doctor namin. Pagdating natin sa bahay, nandoon na siya. Huwag kang mag-alala, okay?" Tumango si Ada na iniinda pa rin ang sakit ng kaniyang sugat. "Mabuti pa nga siguro na isama ko na kayo. Mukhang hindi kayo magiging ligtas hanggang hinahanap kayo ni Leandro Clemente." Lihim na natuwa si Ada dahil iyon talaga ang nais niya. Humahangos si Nina matapos tumakbo mula sa mansiyon hanggang sa gate. Nabuksan na iyon ng gwardiya. Pagkapasok ng kotse ni Jeremy ay kaagad siyang bumaba. "Dios Mio!" bulalas ni Nina. "Madaling araw na, Jeremy. At bakit nandito si Doc Cuevas? Mayroon ka raw kasamang pasyente. Ano ba ang pinaggagagawa mong bata ka?" aniya. "'Ya, mamaya ka na magtanong. Ipasok na muna natin si Ada at ang baby sa loob," tugon mi Jeremy. "Ada? Sinong Ada? At sinong baby?" anang matanda. "Ano, nakabuntis ka?" Nagbuntong hininga si Jeremy at nailing. "Yaya, please! Stop asking," mariing wika niya. Binuksan niya ang pinto sa likod ng kotse at kinuha niya ang baby kay Ada. "Hawakan mo muna si Ethan, Yaya," pakiusap niya kay Nina. Bumagsak ang panga ni Nina. Ang akala niya ay nagbibiro lang si Jeremy tungkol sa bata. Totoo pala. At sa unang tingin niya ay kakaluwal pa lang ng sanggol na iniabot nito sa kaniya. Inalalayan naman ni Jeremy si Ada palabas ng kotse at pasakay muli ng wheelchair. "Are you okay, Ada?" tanong niya. Tumango si Ada. Itinulak niya ito nang marahan hanggang sa makapasok sila sa mansiyon. Samantala, si Nina naman ay hindi na nilubayan ng tingin ang binata. Tiningnan ni Doc Cuevas ang tahi ni Ada. "She will be fine," aniya. "She just needs to rest. Iwasan ang paggalaw nang galaw. Lilinisan ko lang ang sugat niya, and she's good." Nakahinga nang maluwag si Jeremy. Tiningnan niya si Ada. "Narinig mo ang sabi ni Doc. You will be fine. Kaya huwag ka nang mag-alala. At hindi ka na nila masusundan dito. Dadaan muna sila sa akin," aniya. Ngumiti si Ada. "Maraming salamat talaga, Jeremy. Lumaki lalo ang utang na loob ko sa iyo," wika niya. "Wala iyon," tugon ni Jeremy. "Sa guestroom na kayo ni Ethan pansamantala. Malinis naman iyon. Araw-araw kong pinalilinisan kahit walang tumatao. Just in case. Okay lang ba sa iyo?" Nahihiyang natawa si Ada. "Grabe. Syempre naman, oo," tugon niya. "Sandali nga," sabat ni Nina. "Jeremy, pwede mo na bang sabihin sa akin ang nangyayari? Nagmumukha na akong tanga rito. Sino ba ang babaeng iyan at ang sanggol na ito?" Nagbuntong hininga si Jeremy. Bago sagutin si Nina ay tumingin muna siya kay Ada. Humingi siya ng permiso upang sabihin sa matanda ang totoo. Walang pag-aalinlangan na pumayag si Ada. "Hindi ho ako natuloy sa party ni Jake, kaya nagtatampo iyon sa akin. Hindi ko alam kung kailan niya ulit ako kakausapin. Muntik ko na hong mabangga si Ada dahil bigla na lang siyang sumulpot mula sa nga talahiban. Mabuti na lang at maagap akong nakapagpreno," kwento niya. "Noong una ay ayaw ko pang maniwala na buntis siya. Ang akala ko ay nagkukunwari lang at peperahan ako. Pero nang marinig ko ang boses ng tiyahin niyang kaniyang tinatakbuhan, I knew I had to help her. At ayon, saktong manganganak na siya kaya sa ospital na kami dumeretso." "Bakit mo naman tinatakbuhan ang tiyahin mo, Ineng?" tanong ni Nina kay Ada. "Malaki ho kasi ang pagkakautang ni Tiya kay Mr. Clemente. Aksidente kong narinig ang usapan nila. Inalok siya ni Mr. Clemente na ang anak ko na lang ang maging pambayad sa lahat ng utang niya kapag nanganak ako. Kaya ho ako tumakas," naiiyak na tugon ni Ada. "At hanggang ngayon, hinahanap pa rin si Ada ni Mr. Clemente. Mukhang walang balak tumigil hangga't hindi nakukuha si Ethan," dugtong ni Jeremy. Napa-sign of the cross si Nina. "Si Leandro Clemente ba ang tinutukoy ninyo?" Tumango si Ada at Jeremy. "Naku! Talagang hindi titigil iyon dahil kung ano ang gusto niya ay kaniyang nakukuha kahit gumamit pa siya ng dahas." Nasapo niya ang dibdib. "Mabuti na lang at tinulungan mo siya, Jeremy. Nakakaawa naman itong bata kung makukuha ng d*monyong Leandro Clemente na iyon." "Sabi ko naman sa inyo, Yaya, eh. Hindi kalokohan ang dahilan kung bakit hindi ako makauwi," ani Jeremy. "Sa unang beses sa buhay mo, nakagawa ka rin ng matino." "Grabe ka talaga sa akin, Yaya. Ang sakit mong magsalita," protesta ni Jeremy. "Sa harap pa mismo ni Ada ninyo ako pinagsasalitaan ng ganiyan. Bigyan n'yo naman ako ng kaunting kahihiyan. Tingnan n'yo nga at bayani ang tingin niya sa akin." Napa-aray si Jeremy nang lapitan siya ni Nina at batukan. "Nagbubuhat ka na naman ng sarili mong bangko," ani Nina. "Maganda ang ginawa mo pero huwag mong masyadong ipagmalaki. Kawang-gawa iyan dapat. Mahiya ka kay Ada." Hindi mapigilang matawa ni Ada. "Okay lang ho, Aling Nina. Talagang bayani ho ang tingin ko kay Jeremy. Dalawang buhay po ang sinagip niya. Kaya nga ho tatanawin kong malaking utang na loob ito habang nabubuhay ako," aniya. "Naku!" ani Nina. "Huwag mong pinaparinig kay Jeremy ang mga ganiyan at lalaki ang ulo niyan. Makikita mo at ibibida niya ang kaniyang sarili sa mga kaibigan niya." Napakamot sa ulo si Jeremy. "Alam mo, Yaya, imbes na yurakan mo ang pagkatao ko, bakit hindi n'yo na lang ako ipaghanda ng pagkain at nagugutom ako?" aniya. "Talagang nakakagutom ang magisa sa sariling mantika," hirit pa ni Nina. Iniabot niya ang sanggol sa binata. "Ikaw na muna ang bahala sa kaniya. Hawakan mo nang maigi dahil kapag iyan ibinagsak mo, papalitan mo iyan. Sa bagay, magaling ka namang gumawa ng bata. Hindi ka lang marunong managot." Iiling-iling na naglakad palayo si Nina. "Excuse me, Yaya! Wala pa akong nabubuntis," sigaw ni Jeremy. Umiling siya. "Hindi ko talaga maintindihan ang role ni Yaya sa buhay ko, kung kakampi ko ba o kontrabida. Hindi ko naman mapalayas." Tawang-tawa si Ada. "Ang cute ninyong dalawa," aniya. "Para talaga kayong mag-ina." Jeremy chuckled. "Pagpasensiyahan mo na si Yaya. Gano'n lang talaga iyon magsalita, very straightforward. Kita mo nga, hindi na ako binigyan ng kahihiyan. Hay!" Pati siya ay natawa. "Nagugutom ka ba? Sabihin mo lang, ha. Kung may kailangan ka, sabihin mo rin. Gusto mo bang magpahinga?" "Hindi pa ako inaantok," tugon ni Ada. "Nakakagising ng diwa ang usapan ninyo ni Aling Nina." "But you have to rest," ani Jeremy. "You are still weak and you have to recover. Matulog ka nang mahimbing dahil wala ka nang dapat ipag-alala. You're safe here. Ethan is safe with us. Maaalagaan siya ni Yaya nang mabuti." Ngumiti si Ada kasabay ng pangingilid ng luha. "Hindi ko talaga alam kung paano ka pasasalamatan. Sobra sobra ang lahat ng ginagawa mo para sa amin ng anak ko," aniya. "Isipin mo na lang na nag-i-enjoy ako sa ginagawa ko. Maniwala ka na lang kay Yaya na ginagawa ko lang ito para ibida ang sarili ko sa mga kaibigan ko." He laughed softly. "Hindi na magbabago ang tingin ko sa iyo. Para sa akin, isa kang bayani. At lalaki si Ethan na gano'n ang pagkakakilala sa iyo." Ayaw nang makipagtalo pa ni Jeremy kaya ngumiti na lang siya. Dinala niya si Ada sa magiging kwarto nito at sinigurado niyang komportable ito. Binigyan niya ito ng bell upang patunugin kapag may kailangan. Paglabas niya ng kwarto ay nakasalubong niya ang kaniyang Yaya na karga pa rin ang mahimbing na natutulog na si Ethan. "Aba, nawiwili na kayo kay Ethan, ah," nakangiting wika niya kay Nina. "Paanong hindi ako mawiwili, eh ang cute cute niya!" nanggigigil na wika ni Nina. "Para mo akong dinalhan ng apo, Jeremy." Napakamot sa batok si Jeremy. Tiningnan siya ni Nina. Ngumiti ang matanda. "Alam mo kahit siraulo kang bata, may kabutihan pa rin talaga riyan sa puso mo. At sinasabi ko sa iyo ngayon, Jeremy, proud na proud ako sa iyo," anito. Inakbayan niya ang kaniyang Yaya at sabay nilang pinagmasdan ang sanggol. Ewan niya ba at pakiramdam niya ay may parating na magagandang pangyayari sa hinaharap. Kung ano man iyon ay nasasabik na siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD