CHAPTER EIGHT

1191 Words
NAKAHIGA si Angelo sa kama habang hawak ang cellphone sa tenga. Kausap niya si Zen, at sa boses ng babae, tila nawawala lahat ng kanyang mga naiisip. Kanina pa niya gustong pumunta sa babae pero nasa bahay ang kanyang ama kung kaya hindi siya makaalis. Ilang araw na rin silang nagkikita ni Zen at nag-uusap at nagiging malapit na sila sa isat-isa. Nararamdaman niya rin na may gusto ito sa kanya dahil kung wala bakit tinutugon nito ang mga halik niya. “Sana bukas magkita tayo,” ani Angelo na bahagyang ngumingiti. “Alam mo bang ikaw lang ang dahilan kung bakit masaya ang mga araw ko at kung hindi kita nakikita pakiramdam ko ay may kulang.” “Binobola mo na naman ako,” sagot ni Zen mula sa kabilang linya, pabirong may halong kilig kung kaya napangiti siya. “Hindi ako marunong mambola dahil totoo ang sinasabi ko… Paano kung ligawan na kita?” Ngunit bago pa man nakasagot sa kabilang linya si Zen ay biglang bumukas ang pinto ng kanyang silid. Mukha iyon ng ama at galit na galit. Malalim ang mga mata nitong nakakunot ang noo, at halatang kanina pa uminit ang ulo sa kanya. “Angelo!” “Tatawag ulit ako,” paalam niya kay Zen na nahihiya. “Yan ba ang dahilan kung bakit araw-araw kang nawawala!” sigaw ni Alejandro na itinuturo si Angelo. “Habang kami dito ay abalang pinoprotektahan ang pangalan ng pamilya, ikaw kung saan-saang babae sumasama! Hindi ka na talaga nag-iisip ano?” Napabangon si Angelo sa kama. Nagulat siya sa biglaang pagpasok ng ama. “Pa, wala akong ginagawang masama. Gusto ko lang—” “Gusto mo lang?!” sigaw ni Alejandro. “Yan ang problema sayo! Lagi mong inuuna ang gusto mo! Hindi mo ba naiisip ang nangyayari sa paligid mo? Akala mo wala akong alam ano? Bago pa man mamatay si Lyka, nagkita kayong dalawa…At ikaw? Anong ginagawa mo? Nagpapakita kaagad na may iba ka na?” Nanlaki ang mata ni Angelo sa sinabing iyon ng ama. “Ano po bang ibig mong sabihin? Hindi ko siya sinaktan! Hindi ko siya ginalaw! Si Lyka mismo ang nakipaghiwalay sa akin! Bakit parang ako ang may kasalanan sa pagkamatay niya?” “Dahil ikaw ang huling kasama niya bago siya nawala!” bulalas ng ama, puno ng panunumbat at takot. “At ngayon, iniimbestigahan na ng media ang koneksyon mo sa pagkamatay niya! Gusto mo bang makulong? Gusto mong pabagsakin ang pangalan ng Villarin? Ha?!” Hindi makapaniwala si Angelo sa sinasabi ng ama. “Pwes, kung iniisip mong may ginawa ako—mali po kayo! Wala akong kinalaman sa nangyari sa kanya. Ni minsan, hindi ko siya sinaktan!” “Sinong maniniwala sayo? Ang mga pulis?” “Yun ang totoo!” sigaw ni Angelo. Napapagod na siyang magpaliwanag. Sasagot pa sana ang ama nang pumasok ang ina niya. “Sinasabi ko na nga ba, Alejandro…” matigas ang tinig ni Criselda. “May tinatago ka! Bakit parang takot na takot ka? Bakit parang… alam mo talaga kung ano ang nangyari kay Lyka?” “Wala akong alam,” sagot ng ama. “Itong anak mo ang kausapin mo! Siya ang may tinatago!” Lumapit si Criselda kay Angelo, halos manginig ang tinig. “Ikaw ba, anak? Ikaw ba ang pumatay kay Lyka? Sabihin mo sa akin para alam natin kung ano ang gagawin natin.” Natigilan si Angelo…Sobrang sakit sa kanya na ang sariling ina ay nagdududa sa kanya. “Ma…” namamaos ang boses niya, “Wala akong alam, wala akong ginawa. Kung alam n’yo lang kung gaano ko tinanggap ang lahat ng lumayo si Lyka. Tinanggap ko kahit nasaktan ako. Pero hindi ko siya kayang saktan lalo na—--ang patayin siya.” “Kung totoo ngang wala kang kasalanan, Angelo,” sabi ng ina, “simulan mong mag-ingat. Dahil kung hindi ikaw ang may kagagawan sa pagkamatay ni Lyka… baka ikaw ang madiin sa pagkamatay ni Lyka.” “Imposible naman yata yun. Bakit ako?” “Dahil ikaw ang nobyo ng Lyka na yun! Kung noon pa sana hiniwalayan mo na ang babae na yun, sana wala tayong gulo. Hindi sana tayo pinupunterya ng mga kalaban natin. Konting butas lang ang masilip nila ay pupulutin tayo sa kangkungan! Hindi ko alam na suicidal pala ang Lyka na yun! Idadamay pa tayo!” “Hindi tayo babagsak dahil wala akong kinalaman okay?” “Kung ganun, talian mo muna yang sayo at pumirme ka ng bahay! Magpakita ka naman apektado sa pagkamatay ng ex mo! Yun lang ang hinihingi ko sayo, maliit na bagay lang yan para hindi mo sundin!” duro pa sa kanya ng ama kaya napabuntong-hininga siya. Nasa kalagitnaan sila ng pagtatalo nang biglang pumasok ang katulong nila na humahangos. “Sir Alejandro! Sir Angelo! May mga pulis po sa labas! Hinahanap si Sir Angelo!” Nagkatinginan silang mag-ama dahil sa narinig. Pagbukas ng malaking pintuan, bumungad ang tatlong naka-unipormeng pulis, kasama ang isang plainclothes investigator. Nasa kamay ng lead officer ang hawak na papel—isang subpoena para sa imbestigasyon. “Good evening po. Kami po ay mula sa CIDG. May mandato kaming dalhin si Mr. Angelo Villarin sa presinto para sa ilang katanungan kaugnay sa pagkamatay ni Ms. Lyka Vera.” Tumigil ang mundo ng pamilya Villarin sa isang iglap. Mabilis na bumaba si Alejandro at tinangka agad harangin ang mga pulis. “Sandali lang! Hindi niyo basta-basta pwedeng dalhin ang anak ko! Wala kayong arrest warrant!” Lumapit ang imbestigador at mahinahong nagsalita. “Wala po kaming warrant of arrest, sir. Pero may subpoena for questioning kami. Hindi ito aresto. Pero kung hindi siya makikipagtulungan, pwede kaming maghain ng obstruction of justice,” ani ng pulis. Dahan-dahang bumaba si Angelo mula sa hagdan, suot pa rin ang simpleng t shirt. Hindi niya mapigilang ang hindi kabahan sa mga nangyayari. “Ano ‘to? Bakit bigla niyo akong kinukuha?” “Sir, may bagong ebidensya kaming natanggap,” sagot ng opisyal. “Base sa CCTV footage na nakuha sa isang lugar kung saan huling nakita si Lyka—ikaw ang huling taong kasama niya bago siya namatay.” Halos bumaon ang mga salita sa utak ni Angelo. "Ako?" Lumingon siya sa kanyang ama na tila biglang namutla. “Pa, anong nangyayari?” tanong niya, nanginginig ang boses. “Wala kang sasabihin! Tatawagan ko ang abogado natin ngayon din!” Ngunit bago pa siya mapigilan, lumapit si Criselda. “Sumama ka, Angelo.” “Ma—” “Sumama ka para linisin mo ang pangalan mo. Kung wala kang kasalanan, wala kang dapat ikatakot. Susunod kami ng Papa mo pagkatapos namin tawagan ang abogado, okay?” Tinitigan ni Angelo ang kanyang ina. “Ma.” Napansin ni Angelo ang pagluha ng kanyang ina. ANG mga mata ng mga katulong, guwardya, at ilang miyembro ng household ay nakatutok sa kanya. May mga kapitbahay ang lumalabas, nag-uusyoso, nagre-record sa kanilang mga cellphone habang nag-uusap. Alam niya kung ano ang nasa isipan ng mga ito. Bago siya sumakay sa sasakyan ng mga pulis ay niyakap sya ng ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD