Chapter I

2168 Words
Kaligayahan, pagmamahal at pamilya.  Sa buhay raw ay ang tatlong bagay na iyan ang importante. Sa buhay raw ay iyang tatlo ang kailangan natin para mabuhay. Para patuloy na lumaban sa araw-araw. Mga inspirasyon natin para harapin ang bukas. Pero paano kung hindi ka na masaya, hindi sapat ang pagmamahal at kulang na ang pamilya? Ibig bang sabihin ay walang kabuluhan ang buhay mo? Ibig bang sabihin ay... kulang ka na at walang karapatang sumaya?  Sa edad na beinte-siyete ay maagang namulat si Janet Silvano sa responsibilidad at reyalidad ng buhay. Dati naman ay payak at simple ang buhay niya kasama ng kanyang Mama at Papa, ngunit nang madamay sa gulo ang kaniyang amang si Aurelio pitong taon na ang nakakaraan at namatay ay nagbago na ang lahat. Ang dating masaya at kumpletong pamilya ay nalagasan. Ang dating masaya at maliwanag na tahanan ay unti-unting dumilim.  At ang masakit pa riyan, ang ina niyang si Felicita ay naging tulala, madalas ay nakaupo lamang sa isang tabi at hindi na nagsalita pa mula nang mamatay ang haligi ng kanilang tahanan.  Naging mahirap, malungkot at mabigat ang buhay na tinatahak ni Janet. Dahil hindi na lamang siya isang anak, kung hindi tumatayo na ring ama sa kanilang tahanan. Oo, kahit na hindi na sila kumpleto at kahit pa tila nag-iisa na rin siya sa buhay ay tahanan pa rin ang tawag nila sa kanilang tirahan.  Dahil para sa kanya, hangga't may buhay ay may pag-asa. Hangga't may dahilan pa siya para mabuhay ay tuloy lang ang buhay. Sinubukan naman noong ipakonsulta ni Janet ang ina, ngunit walang nakitang mali kay Felicita. Nang ipatingin niya ito sa psychiatrist, wala rin itong nakitang mali at sinabing ang kanyang ina lamang ang makakagamot sa kanyang sarili. Naging napakasakit at hirap na makitang ganoon ang kaniyang ina, ngunit hindi nawala ang pag-asang gagaling din ito. Ibinangon ni Janet ang mabigat na katawan, ang kaniyang lumang kama ay umingit na tila gustong magreklamo sa kaniyang bigat. Nang kanyang kunin ang tuwalya habang nakapikit ay kinamot niya ang bilbil at malakas na naghikab sa harap ng salamin. Nang magmulat siya ay pinisil-pisil niya ang sariling bilbil sa harap ng tuwalya at tinignan ang nangingitim na eyebags sa ilalim ng kanyang malaki at bilugang kayumangging mga mata.  Hugis oval na mukha na binagayan ng bilugang mga mata na malimit mong makikita sa mga cartoon. Maliit at hindi katangusang ilong, makapal, ngunit mamula-mula namang mga labi at may nunal sa kanang tuluan ng luha. Iyan ang mukhang nalikipagtitigan ngayon kay Janet.  Halos maduling siya nang makita ang tayo-tayo at gulo-gulong maiksing kulot na buhok at muling tinignan ang kanyang kabuuan.  'Magda-diet na talaga ako' at 'Titigil na ako sa pagkain, promise.'  Mga salitang paulit-ulit na sinasabi ni Janet sa kanyang sarili, ngunit hindi naman niya magawa-gawa. Isa pa, mahal naman niya ang kanyang sarili bagaman at may pagkakataong naiinggit pa rin siya sa mga mapapayat na babae.  Average ang kanyang height at hindi masasabing maliit talaga kaya naman hindi mo siya maaaring tawaging gasul. Katawang bilugan, dibdib na singlaki na halos ng papaya, tatlong layer ng bilbil at likuran na matambok.  Imbes na pagtawanan at insultuhin pa ang sarili ay iniwas na ni Janet ang tingin sa salamin at tumungo na sa kanilang maliit na banyo. Kasing-liit lamang ng C.R ng isang Mall ang kanilang bahay kung tutuusin. Ang banyo ay masiyadong maliit para sa katawan ni Janet, ngunit natuto na siyang magpasalamat sa kung ano ang mayroon sila.  Count your blessings, ika nga.  Sa labas ay narinig niya ang pagdating ng kanyang butihing tiyahin na si Nenita, ang nakababatang kapatid ng kanyang Mama. Biyuda na ito at ang dalawang anak naman ay may kanya-kanyang buhay at pamilya kaya naman nang pakiusapan niya itong mag-alaga sa kaniyang Mama habang siya'y nagtatrabaho.  Matapos maligo ay nagbihis siya sa kanyang kwarto na halos wala namang gagalawan. Mayroon itong isang aparador na may salamin at lumang kama. Sinuot niya ang kaniyang uniporme bilang isang stock helper sa isang lokal na Mall na kulay dilaw at itim naman na pants. Noong una ay isang Cashier o hindi kaya naman ay Sales Lady ang nais sana niyang maging trabaho, ngunit dahil sa kanyang laki ay hindi siya matanggap-tanggap, kaya naman nakuntento at nagpasalamat na lang siya sa trabaho. Idagdag mo pa riyan na hanggang Second Year lamang sa kolehiyo ang natapos niya sa kursong Business Management.  Ang importante naman ay may marangal na trabaho. Ss awa naman ng Diyos ay magdadalawang-taon na siya rito at disente rin naman ang sahod.  Pagkalabas mula sa kwarto ay handa na siya sa pagpasok. Kumuha lamang siya ng pandesal na dala ng kanyang tiyahin at nagpalaman ng scrambled egg bago dumukot ng dalawang libo mula sa kaniyang gasak na wallet. Pag-aari pa kasi ito ng kanyang nasirang Papa kaya hindi niya ito magawang palitan.  "Pagpasensyahan niyo na ho itong nakayanan ko ngayong buwan, tiyang. Hayaan niyo ho at magtitipid pa ako upang lumaki ang bigay ko sa inyo." nahihiya niyang sabi sa tiyahin bago pinagpatuloy ang pagkain habang nakatayo. Malungkot namang ngumiti si Nenita at tinanggap na rin ang bigay ng pamangkin dahil alam niya na hindi naman ito matitigil. "Kuh, ikaw na bata ka. Ilang beses ko namang sinabi sa'yo na hindi mo naman ako kailangang bigyan at kapatid ko pa rin naman ang Mama mo." Ang sinabi niya at hindi na matandaan pa kung ilang beses na ba niya itong sinabi, ngunit sa tuwina ay inaabutan pa rin siya ng masipag at matiyagang pamangkin? Siya na lang ang natitirang kamag-anak ng mag-ina kung tutuusin. Ampon lamang si Aurelio kaya't wala itong kapatid o kamag-anak. Sila ng Ate niya lamang ang magkatuwang sa buhay mula noon dahil inahon lamang nila ang mga sarili sa hirap at tumakas sa malupit na kamay noon ng kanilang Papang na matagal na ring namatay. Ang nag-iisang kapatid nilang lalaki ay nangibang-bansa at wala naman silang contact sa pamilya nito.  Sabi nga nila, kapag buhay ang mga tao ay mahirap hagilapin, ngunit oras na mamatay ka ay doon magsusulputan ang mga ito.  "Maliit na bagay na nga ho iyan kung tutuusin. Hindi ho maitutumbas sa mga naitulong ninyo sa amin sa nakaraang pitong taon. Kaya't araw-araw ko hong ipinagdarasal na sana ay gabayan kayo ng Diyos." Madamdaming sabi ni Janet habang pinipigilang maging emosyonal.  Hindi na nakatiis pa si Nenita at niyakap ang pamangkin bago lumayo at natawa. "Naku! Ang aga-aga namang dramahan nating ito. Sige na, lumarga ka na at baka maubusan ka ng jeep." "Sige ho."  Lumapit siya sa Mama niya na nakatulala pa rin kahit pa nakaupo. Wala kang mababasang anumang emosyon sa mukha nito at gumagalaw lamang ito kung kailangan. Buto't balat na rin ito halos dahil sa araw-araw ay wala ito halos kainin. Malungkot. Sa tuwina ay simisikip ang dibdib ni Janet sa tuwing pagmamasdan ang Mama niya na malayo na sa hitsura nito dati. Kung dati'y masiyahin, palangiti at matulungin sa iba ang kanyang ina, ngayon ay tila ba binibilang na lamang nito ang mga araw.  Parang pinapatay si Janet sa tuwing iisipin niya na baka nagiging selfish siya. Na baka naman gusto na ring lumisan ng kanyang ina, ngunit dahil sa kaniya ay hindi ito sumusuko. Nariyan ang pag-asa sa puso ni Janet na ang kaniyang dating ina na mahal na mahal siya ay nasa loob pa rin at babalik pa.  Nagmano siya sa kanyang ina bago ito hinalikan sa noo. "Aalis na ako, Ma. Promise ko na mag-iingat ako, hindi ako papakagutom at uuwi kaagad." nakangiti niyang sambit sa araw-araw.  Nang lumayo siya ay walang naging pagbabago at hindi man lang siya tinapunan nito ng tingin, ngunit sanay na siya kaya naman ngumiti na lang si Janet at ilang sandali pa ay kabilang na siya sa mga nakapila habang nag-aabang ng jeep. Dahil oras ng pasukan ay hindi mahulugang karayom ang mga taong nag-aabang ng jeep. Inihanda na ni Janet ang kaniyang sarili dahil alam niyang kapag may dumating na jeep ay magkakagulo na.  Ilang sandali pa nga ay tila mga sasabak sa gyerna na humanda ang mga nag-aabang ng jeep, nakataas ang noo, nakaabante ang kanang binti at mahigpit na nakahawak sa kani-kanilang mga bag. Nakahandang sikuhin at itulak ang mga katabi makasakay lang.  Nang sa wakas ay matanaw na ang jeep ay inihanda na ni Janet ang sarili at nakipaggitgitan. Siko rito, siko roon. Halo-halo na ang kanilang mga amoy kahit na ang iba ay bagong paligo lamang. Ginamit ni Janet ang laki ng katawan at nakipagtulakan hanggang sa siya'y makahawak sa jeep at agad na sumakay at naupo sa gitna. Ilang sandali pa ay napuno na ang jeep at muli ay nakarinig ng hindi kaaya-ayang komento. "Ano ba 'yan? Ang taba-taba naman kasi isinisiksik ang sarili sa jeep. Dapat nag-tricycle na lang." ang inis na bulong ng babae sa kanyang kanan.  Ang lalaki naman sa kaniyang kaliwa ay umangil din. "Dapat doble ang singil nyo sa ganito, boss. Sayang naman iyong isa pa sanang nakasakay dahil sa kanya." Ngayon ay nakatutok ang atensyon ng ilan sa kaniya at pinilit namang ngumiti ni Janet. Naaapektuhan siya. Oo, nasasaktan ang damdamin niya, ngunit matagal na niyang napagtanto na kung mahina ang kalooban mo ay tatapak-tapakan ka. Kung iiyak ka sa bawat komentong ibabato sa'yo ay hindi ka aangat. Imbes, pinapadaan na lang niya sa kabilang tenga ang mga ganitong komento. Isa pa ay ayaw niya ng away. Wala namang ambag ang mga ito sa kanyang buhay. Basta siya'y kakayod hangga't kaya niya. Hangga't kaya pa niya. Para sa kanyang ina. Dahil pangarap niya itong mabigyan ng magandang buhaya t kapag may sapat na siyang ipon ay muli niyang ipapatingin sa doktor ang kanyang ina.  Araw-araw din niyang hinihiling na sana ay may dumating na swerte sa buhay niya at kapag nangyari ito ay hindi niya ito tatanggihan pa at tatanggapin. Sa araw-araw ay hindi na nawala sa buhay niya ang mga masasamang komento at insulto patungkol sa kanya. May ilang makakasalubong lang niya, ngunit titignan siya mula ulo hanggang paa at pagtatawanan. Na para bang kilala nila siya. Na para bang alam ng mga ito ang storya niya bukod sa laki ng katawang nakikita ng mga ito. Na para bang isa lang siyang bilog na bagay na walang buhay, walang pakiramdam at walang pangarap.  Nang makarating sa Mall ay dumaan siya sa pasukan para sa mga empleyado at ilang sandali pa ay kaisa na sa mga kasamahan niya sa pag-aayos ng mga shelves bago tuluyang magbukas ang Mall. Sa linggong ito ay isa siya sa mga nakatakda para mag-restock ng mga grocery items kaya hindi na siya nag-petiks pa at gumalaw na. Hindi na niya namalayan pa ang oras at ilang sandali pa ay nagsimula nang dumating ang mga customers nila.  "Good morning po." magalang niyang pagbati sa mga nakikita o daraang mamimili.  May ilang ngingiti, tatango at babati rin, ngunit kadalasan ay hindi sila papansinin. Madalas din siyang mapagtanungan kung nasaan ang mga bagay kahit na may mga signboards, ngunit sumasagot naman siya na may ngiti sa labi.  Nang matapos sa section ng mga chichirya ay maglalakad na sana pabalik sa stock room si Janet nang hindi niya mapansin ang basa at madulas na lapag.  Napasinghap siya ng madulas at mariing pumikit para ihanda ang sarili sa paglagapak sa marmol na sahig. Nahiling niya na sana ay hindi ito mabasag sa kanyang bigat kung hindi ay baka pagbayarin siya.  Ilang sandali pa ay natigilan siya nang ang pagbagsak na inaasahan ay hindi nangyari. Imbes, nakaramdam siya ng paghawak sa kanyang baywang.  Napamulagat siya at natulala nang makita ang isang lalaking ala-Prince Charming ang hitsura. Sa hinuha niya ay six footer ito base na rin sa height nito na lagpas na sa shelf. Hugis parisukat na mukha, mga matang tila kung makatingin ay para kang may ginawang masama at hinihigop ang kaluluwa mo. Napakalalim nitong tumingin. Matangos na ilong na parang kahawig ng ilong ni Piolo Pascual at maninipis na mga labing nakatikom. In short, ang lalaki ang perfect definition ng tall, dark and handsome.  Ang lalaking nasa harapan niya ngayon ay walang iba kung hindi si Warren Ancheta. At si Warren ay ngawit na kaya naman walang pagdadalawang-isip niyang binitawan si Janet, dahilan para tuluyang lumagapak sa sahig ang dalaga. Isang pilyo at nakakalokong ngiti ang pinakawalan ni Warren nang makita kung paanong napangiwi ang babaeng balyena na wala naman talaga siyang balak na iligtas.  "Sorry. Bigat mo kasi kaya hindi kinaya ng kamay ko. Sa susunod kasi, kung wala kang balak na magbawas ng timbang, at least huwag kang magpakatanga." nakangiting advise niya sa babaeng ngayon ay matalim ang titig sa kaniya bago muling naglakad para hanapin ang kasamang nobya.  Sinundan naman ng tingin ni Janet si Warren at kung pwede lang ay hahabulin niya ito at dadaganan. Napasimangot siya bago tumayo at para hindi na pagtawanan pa.  Prince Charming? Demonyo ang ugali ng lalaking iyon!  "Huwag ko lang siyang makita sa susunod at makikita talaga niya." inis niyang wika sa sarili bago napabuntong-hininga nang maramdamang basa ang likod niya. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD