1

4188 Words
AJ absolutely loved Dr. Sybilla Torres. She looked up to her. She idolized her. She had been a hero—or a heroine. An inspiration. Napakasuwerte niya dahil nagkaroon siya ng pagkakataon na makasama sa iisang ospital ang mahusay na siruhano. Masuwerte siya na isa siya sa mga surgical interns na tinuruan nito. Gagawin niya ang halos lahat para sa hinahangaang doktor. Kaya naroon siya sa studio na iyon imbes na sa ospital. “Kung hindi po n’yo mamasamain, Doc,” sabi ni AJ nang hindi na siya makatiis. “Ano po ang ginagawa ko rito?” Nang sabihin nitong kailangan siya nito, tuwang-tuwa siya. Inakala niya na mayroong bagong pasyente na kailangan ng kanyang serbisyo. Patapos na si AJ sa internship program ng Dr. Rizalino Mendoza Memorial Hospital. Naghahanda na siya para sa exams at sasamantalahin niya ang bawat pagkakataong matuto. Marami na siyang natututunan kahit na madalas na nakakapagod at nakaka-stress ang trabaho. Hindi niya naisip na kakailanganin siya ni Dr. Torres. Inilibot ni AJ ang paningin sa paligid ng malaking dressing room. Napakaraming wedding gowns doon. Mula raw sa mga sikat na designer ang mga gown. Nakahilera na rin ang naggagandahang wedding shoes sa sahig. Walang ibang nakikita ang kanyang mga mata kundi wedding accessories. Hindi pa ikakasal sa araw na iyon si Dr. Torres sa nobyo nitong si Dr. Mathias Mendoza na chief of surgery sa pinagtatrabahuhan nilang ospital. Naroon sila para sa isang photo shoot. Hindi rin iyon prenuptial photo shoot. Para sa isang bridal magazine ang photo shoot na iyon. Napaaga sila ng dating kaya hinihintay nila ang stylist at make-up artist sa loob. Abala na ang ilang staff sa paghahanda ng set. “Nagtrabaho ka sa isang celebrity, hindi ba?” Dahan-dahang tumango si AJ. Hanggang ngayon ay mayroon pa rin siyang responsibilidad kay Isabel Briones, isang award-winning actress sa bansa. “Hindi ko pa rin po—” “You’re not new to all of these.” Iminuwestra ni Sybilla ang kapaligiran. Halos wala sa loob na muling inilibot ni AJ ang paningin sa kinaroroonang silid. Totoong hindi siya bago sa ganoong environment. Hindi madalas ngunit nakakapasok siya dati sa mga ganoong studio. Nakasalamuha na niya hindi lang ang mga sikat kundi pati na rin ang mga staff sa likod ng camera. Ngunit hindi yata gaanong alam ni Sybilla ang talagang naging trabaho niya kay Isabel Briones. Hindi siya naging personal assistant ng sikat na aktres. “Doc, hindi po—” Natigil ang pagpapaliwanag ni AJ nang marahas na nagpakawala ng buntong-hininga si Sybilla. “I just want you here, Javier.” “Flattered po ako.” Totoo iyon. Nais din naman niyang makilala ang mahusay na siruhano sa ibang setting at environment. Nais niyang makilala ang babaeng Sybilla, hindi lang basta Dr. Torres. “Pero dapat po ay mga kaibigan n’yo ang narito, Doc.” Nakikita na niya ang uneasiness ni Sybilla kahit na pilit nitong itinatago. Hindi makakakitaan ng ganoong ekspresyon ang hotshot surgeon kapag nasa loob ng OR. Nakakaaliw din palang makita na nagiging typical itong babae. “Tutuksuhin lang ako nang walang humpay ni Johanna. Saka she’s busy with her new husband. Wala na silang ibang ginawa kundi magkulong sa silid ni Garrett kapag walang trabaho sa ospital.” Ang Johanna na tinutukoy ni Sybilla ay ang matalik nitong kaibigan na isang mahusay na scrub nurse sa ospital. Pinakasalan ni Johanna si Dr. Garrett Mendoza, isang mahusay na general surgeon. “Friends always tease each other.” “Yeah. Johanna married a womanizer like Garrett in Vegas. Siya—si Johanna ang dapat na ikinakasal sa ganitong paraan. Wedding gowns, wedding shoes, veils. Frills and laces. Si Johanna ang tipo na napi-feature sa magazines. Hindi ako. This is not me, AJ.” Napangiti si AJ. Naiintindihan na niya ang uneasiness nito. “Growing up, I was never the typical girl. I didn’t do dress up. I was not the girl who daydreamed about weddings and fairy tales.” Naiintindihan niya dahil minsan siyang naniwala na ganoon din siya. Ngunit may paraan ang buhay para sorpresahin siya. “Kung gayon, bakit po kayo pumayag na ma-feature kayo sa bridal magazine?” “Ang makukuha kong pera dito ay makakasuporta ng dalawang indigent patients na nangangailangan ng major operations. Hindi ko man ganap na naiintindihan kung paano naging interesting ang pagiging bride ko, ang mahalaga ay may matutulungan sa frivolity na ito.” “We gotta do what we have to do.” Labis niyang hinahangaan ang adhikain ng maraming siruhano sa ospital. Ginagawa ng karamihan ang lahat upang makatulong sa mga nangangailangan ng operasyon ngunit walang sapat na pera. Sybilla was ready to endure anything. Tumango si Sybilla. “You’re here as a reminder.” “What?” Bahagyang nawala si AJ. “A reminder?” Muling tumango si Sybilla. “A remembrance of me.” Lalong naguluhan si AJ. She had wanted to be like Dr. Sybilla Torres because she was nothing like her. Hindi siya kasintalino nito o kasingganda. Sybilla was a goddess in the operating room. Hindi ganoon si AJ. Ngumiti si Sybilla. “You look so confused. Nakikita ko ang sarili ko sa `yo.” “Really?” “Really. You are hardworking and hungry for knowledge. You really wanna be a surgeon. I see your passion. I’ve read your file. Ginawa mo ang lahat para makapasok sa med school kahit mahirap. Pagsisisihan ko siguro ang pagsasabi nito pero ikaw ang pinakapaborito ko sa mga intern.” “Naging masuwerte ako kaya nakaabot ako sa puntong ito ng buhay ko.” “Kahit na gaano kasuwerte ang isang tao kung hindi masikap at matiyaga, walang mangyayari.” Tumango si AJ. “Hindi naging madali ang lahat.” May mga pagkakataon na hindi pa rin niya mapaniwalaan ang naging takbo ng lahat sa kanyang buhay. Hindi niya inakala na hahantong siya sa ganito. Hindi pa siya siruhano at alam niya na marami pa siyang hirap na pagdadaanan at pagsubok na kailangang lampasan ngunit malayo-layo na rin ang narating niya. The future looked bright. “Distract me. Tell me about yourself.” “My life’s kind of dull and boring.” “Hindi yata totoo ang bagay na iyan. Tell me about Isabel Briones and your work with her. Tell me about Dr. Salvador.” Hinayaan na ni AJ ang sarili na balikan ang naging umpisa ng pagbabago sa kanyang buhay. “I worked as a nanny.” Luminaw sa kanyang balintanaw ang guwapong mukha ni Iñaki Salvador. Napangiti siya. Napuno ng tuwa ang kanyang puso. “Doctor Iñaki Salvador is my first love...”   KINAKABAHAN si AJ habang papasok sa loob ng isang matayog na gusali. Iyon ang unang araw niya sa trabaho kaya labis siyang kinakabahan. Panay ang usal niya ng panalangin na sana ay maging maayos ang lahat. Panay din ang pagsasaisip niya ng mga positibong bagay. Mas inilarawan niya sa kanyang isipan ang magagandang senaryo na maaaring mangyari sa araw na iyon. Mabait ang magiging amo niya, ituturing siyang kaibigan. Mas magiging mabait ang kanyang alaga. Anghel. Susunod sa lahat ng utos at hindi siya pahihirapan. Magiging masaya siya sa paninirahan sa isa sa mga unit sa gusaling iyon. Ngunit bakit kahit na ano ang gawin niyang pangungumbinsi sa kanyang sarili ay hindi pa rin maganda ang kanyang pakiramdam? Waring may nakaambang panganib. Iba ang t***k ng kanyang puso. Dahil ba mas bahagya pa siyang napalayo sa kanyang pamilya? Dahil ba sa hindi naman talaga ganito ang nais niyang maging trabaho? Isang yaya si AJ kahit pa madalas na mas nais niyang tawagin na “private nurse” ang sarili. Nagtapos siya sa kursong Nursing sa edad na beinte. Taga-Tarlac siya at ang kanyang pamilya. Mahigit isang taon na mula nang maipasa niya ang Nursing Licensure Exam. Walang pagsidlan ang kanyang tuwa noon. Pakiramdam niya ay umpisa na ng katuparan ng ilan sa kanyang mga pangarap. Matutulungan na niya sa wakas ang kanyang mga magulang na nahirapan nang husto sa pagpapaaral sa kanilang magkakapatid. Pangalawa sa tatlong magkakapatid si AJ. Ang panganay na si Brigit ay mayroon ng asawa at dalawang anak. Bago pa man makatapos ang kanyang ate sa kursong Education ay nabuntis na ito ng nobyo. Kailangang aminin ni AJ na labis siyang nanlumo noong mga panahon na iyon. Gayundin ang kanilang mga magulang. Inaasahan kasi nilang ang kanyang Ate Brigit ang makakatulong sa kanila sa pag-ahon sa hirap. Kapag natapos ang panganay ay umasa sila na ito ang magpapaaral sa sumunod—kay AJ. Ngunit wala na silang magagawa. Nagdadalang-tao na ang kanyang nakatatandang kapatid. Nakabukod na ng tirahan si Brigit at mayroon namang trabaho ang asawa ngunit minsan ay kinakapos din at nakakahingi pa rin sa kanyang tatay na pamamasada ng jeep ang hanapbuhay. Ang kanilang bunso ang nag-iisang lalaki sa kanila. Kasalukuyang nasa huling taon ng high school si Carlo. Kahit na hindi sabihin ng kanyang mga magulang ay alam ni AJ na nahahapo na ang mga ito. Ngunit hindi maaaring pabayaan si Carlo na determinadong kumuha ng kursong Civil Engineering sa college. Kaya pursigido si AJ na makahanap kaagad ng trabaho pagkapasa niya sa board exam. Kahit na palasak ang volunteer jobs sa mga ospital, hindi niya matanggap na magtatrabaho siya nang libre at kailangan pa rin niyang humingi ng pang-araw-araw na pamasahe at pangkain sa kanyang mga magulang. Lahat daw ng mga nursing staff sa kahit na saang ospital ay nagsimula sa volunteer job. Masama ang kalooban ni AJ sa kalakarang ganoon, bagaman may parte sa kanya ang nakakaunawa dahil napakarami naman talaga ng mga nars sa Pilipinas at iilan lamang ang mga ospital na maaaring pagkuhanan ng experience bago makapag-abroad. Hindi madali para kay AJ na makatapos ng Nursing. Maraming beses siyang nangamba na hindi makakatapos. Hindi mura ang naging kurso niya. Nabaon sa utang ang kanyang mga magulang. Naisanla ang halos lahat ng maaaring isanla upang matapos siya sa pag-aaral. Sa likod pa ng isipan ng kanyang mga magulang ang pangamba na baka magaya siya sa ate niya na nabuntis at nag-asawa bago makatulong sa pamilya. Naging determinado siya na makatapos dahil doon. Kaagad siyang kumuha ng board exam pagka-graduate. Hindi na siya pumasok sa review center kahit na marami sa kasama niya ang humikayat sa kanya. Kesyo ang ilan sa mga tanong sa licensure exam ay nasa mock exams ng mga review center. Nag-self review siya. Ipina-xerox niya ang ilang review materials ng mababait niyang kaklase at kaibigan na kayang mag-review center. Sa awa naman ng Diyos ay naipasa niya ang eksamin. Naging rehistrado siyang nurse. Puno ng pag-asa at enerhiya si AJ noong nagsisimulang maghanap ng trabaho. Hindi na niya mabilang ang napadalhan niya ng mga resume. Minsan ay nagkaka-schedule siya ng interview ngunit hindi natatanggap. Paglipas ng dalawang linggong paghahanap ay unti-unting nababawasan ang pananabik, pag-asa, at enerhiya niya sa katawan at isipan. Isang araw ay nakahingi ng tulong ang kanyang ina sa asawa ng kanilang kapitan sa barangay. Kakilala nito ang asawa ng isang doktor na kilala sa pagtulong sa ilang mahihirap na mamamayan sa kanilang bayan. Nagtatrabaho ang nasabing doktor sa provincial hospital at may clinic hours sa isang pribadong ospital. Naisip ng kanyang ina na makakatulong ang ginang na maipasok siya sa mga ospital. Nabalitaan ng kanyang ina na kahit na paano ay may travel allowance na ibinibigay sa mga nagbo-volunteer sa pribadong ospital. Ang suma, naipakilala si AJ sa asawa ng doktor na kaibigan ng asawa ng kapitan. Mabait naman ang ginang. Malumanay nitong ipinaliwanag na punuan na ang mga ospital na pinagtatrabahuhan ng asawa nito. Hindi na gaanong nagulat si AJ sa sinabi nito ngunit nadismaya pa rin siya. Nasisiguro niya na hindi lang siya ang natatanging humingi ng ganoong klaseng tulong sa ginang. “Pero may alam akong taong nangangailangan ng private nurse kung hindi ka mapili sa trabaho, hija.” Nabuhayan ng loob si AJ sa narinig mula sa ginang. Kahit na anong trabaho ay papasukin niya sa puntong iyon. Hindi na siya mamimili. Yaya. Iyon ang unang naging trabaho ni AJ. Isang mayamang mag-asawang negosyante sa Tarlac ang kanyang mga naging amo. Sanggol ang kanyang inaalagaan. Medyo maselan ang nanay dahil ayaw nito ng tipikal na yaya. Nais nito ng edukada at college graduate. Nurse. Walang sakit ang sanggol ngunit naisip nitong mas makakabuti kung isang nurse ang magiging yaya. Noong una ay nagalit ang ama ni AJ at hindi pumayag na magtrabaho siya bilang yaya. Nakakababa naman daw kasi. Ganoon din ang pakiramdam ni AJ sa una. Dahil nga college graduate at board passer, may parte sa kanya ang tumututol sa magiging trabaho. Ngunit napagpasyahan pa rin niyang isantabi na muna ang pride. Wala pa siyang karapatang magmataas ng husto. Kailangan niya ng trabahong may pasuweldo. Ikinatwiran niyang hindi naman siya magtatagal sa pagiging yaya. Naging maayos naman ang pagiging yaya/private nurse ni AJ. Mababait ang kanyang mga amo at mga kasamahan sa malaking bahay. Mabait din ang kanyang alaga na may-kakulitan man ay nakakatuwa pa rin. Hindi inakala ni AJ na mahusay siya sa pag-aalaga ng sanggol. Noong una ay bahagya siyang kinabahan dahil wala siyang karanasan sa pag-aalaga ngunit nakagamayan din niya. Masaya na siya sa pinagtatrabahuhan. Halos lahat ng kanyang suweldo ay ibinibigay niya sa mga magulang dahil libre naman ang pagkain at iba pa niyang kailangan sa bahay ng mga amo. Nagbago ang lahat nang dumalaw sa kanilang bahay ang matalik na kaibigan ng kanyang among babae. Namilog ang kanyang mga mata nang malaman na isang sikat na artista ang matalik na kaibigan ng amo. Si Isabel Briones. Host ng isang lifestyle show sa telebisyon. Isa ring sikat na artista. Nasa treinta y singko na ang babae ngunit may ganda at pigura na madalas na makikita sa mga artistang may edad beinte-singko. Galing din ang babae sa kilalang de buena familia. Kontrobersiyal ang babae dahil sa love life nito. Aminadong umibig sa isang lalaking may asawa na noong beinte-singko ito. Pagkatapos ay nakilala nito ang isang Chinese businessman at umibig. Nagpakasal ngunit pagkalipas ng limang taong pagsasama ay nagkahiwalay din ang dalawa. May anak ang mag-asawa na limang taong gulang na batang lalaki. Paano nalaman ni AJ ang lahat ng iyon kahit na hindi siya interesado? Madalas kasi na laman ng showbiz news ang babae—sa lahat ng media outlet. Kakatwa rin kasi ang mga Pilipino. Napakaraming sinasabing hindi magaganda sa mga celebrity sa TV kapag nagkakaroon ng kontrobersiya ngunit tinatangkilik pa rin naman ang mga produktong ineendorso, mga palabas at pelikula. Kaya lalong sumisikat. Hindi nanghuhusga si AJ pero marami mang naririnig na hindi maganda tungkol kay Isabel. Hindi niya hinayaan ang sarili na makabuo ng opinyon—maganda man o hindi. Unang-una, wala siyang karapatan kahit na sabihing public figure naman ang babae at natural na mayroon at mayroong masasabi ang ibang mga tao. Ang sabi nga ng iba, ‘you just know my name, you don’t know my story.’ Hindi lang inakala ni AJ na magiging amo niya ang isang sikat at kontrobersiyal na personalidad sa telebisyon at pelikula. Nagulat siya nang kausapin siya ng dating amo tungkol sa paglipat kay Isabel Briones. Ilang sandali na hindi malaman ni AJ ang itutugon, maging ang iisipin. Ayaw daw sana ng dating amo na ipamigay siya sa kaibigan nito dahil gusto ng dating amo ang pag-aalagang ginagawa niya sa anak nito. Ngunit labis naman itong naaawa kay Isabel. Kailangan na kailangan daw ng anak nito ng isang competent na yaya. Halos lahat daw ng agency ay tumanggi nang magpadala ng yaya para sa anak ni Isabel. That already said a lot of things about the work. May dahilan kung bakit ayaw nang magbigay ng tao ang ilang agencies. Gayumpaman ay doble ang inialok na suweldo sa kanya. Kompleto pa ang benefits. Ang sabi ng dating amo ay hindi siya nito pipilitin kung ayaw niya. Pinag-isipan pa rin nang husto ni AJ ang alok na trabaho. Malaki ang maitutulong ng malaki-laking sahod sa kanyang pamilya. Hindi na gaanong mahihirapan ang kanyang mga magulang sa paghahanapbuhay. May maitatabi rin siya kahit na paano para sa kanyang sarili. Alam ni AJ na magiging napakahirap ng trabaho, ngunit naisip din niya na wala namang madaling trabaho. Kung hindi siya magpupursige, walang mangyayari sa kanya. Kung hindi siya susugal sa ilang bagay, hindi siya uunlad. Kailangan niyang aminin na waring may kaunting appeal din ang paninirahan sa Maynila. Muling nainis ang tatay ni AJ nang sabihin niya ang kapasyahang lumipat ng trabaho. Bagaman mas maganda ang kita, ang suma ay yaya pa rin siya. Hindi pa rin yata matanggap ng pride nito na pinag-aral siya ng apat na taon sa kolehiyo at nauwi lang sa pagiging isang yaya bukod pa sa medyo mapapalayo siya sa pamilya. Hindi na siya madalas na makakauwi sa kanila. Nagpakawala siya ng buntong-hininga. Nagbalik na ang kanyang isipan sa kasalukuyan nang bumukas ang elevator sa palapag ng bago niyang pagtatrabahuhan. Kaagad niyang nahanap ang tamang pintuan dahil tatlo lang naman ang mga pintuan sa palapag na iyon. Hindi na niya sinubukang kalmahin ang sarili dahil tila hindi naman epektibo. Itinaas na lang niya ang kamay at kumatok sa pinto. Isang ginang na nakasuot ng bulaklaking scrub suit ang nagbukas ng pinto sa kanya. Pagkakita niya ng isang mabait at palakaibigang mukha ay bahagyang naglaho ang kaba at pangamba sa kanyang dibdib. “Ikaw si AJ?” kaswal nitong tanong habang niluluwangan ang pagkakabukas ng pinto. “Opo,” tugon niya, hindi pa rin humahakbang papasok. “Tuloy, hija. Mabuti naman at mas maaga ka kaysa sa sinabing oras ng pagdating mo.” Noon lang humakbang papasok si AJ. Isang magarang tahanan ang bumungad sa kanya. Isang napakalaking portrait ni Isabel Briones ang nakasabit sa dingding ng foyer. Sa tabi niyon ay isang napakalaking vase na punong-puno ng mga rosas. Iginiya siya papasok ng ginang at halos awtomatiko ang paglilibot ng kanyang mga mata. Bahagya pang umawang ang kanyang mga labi sa pinaghalong pagkamangha at paghanga. Bawat detalye ay elegante at halatang mamahalin. Hindi nakaligtas sa kanyang pansin na bukod sa foyer ay wala nang mga babasaging vase sa paligid. May ilang laruan din siyang nakita sa magarang sala nang dumaan sila roon. Sa kusina siya dinala ng mukhang mabait na ginang. “Ako nga pala si Ana. ‘Ate Ana’ ang tawag sa akin ni Madam Isabel. Puwede mo na rin akong tawaging ‘Ate’ para naman hindi ako masyadong tumatanda.” Ngumiti siya. Mas napalagay ang kanyang loob sa ginang. “Ate Ana.” Tumango-tango ito. “May taping si Madam at isinama niya si Gretchen kaya ibinilin ka na muna sa akin.” Kilala na ni AJ si Gretchen. Gretchen was a he. Ito ang assistant ni Madam Isabel Briones. Si Gretchen ang tumawag sa kanya at nakipagnegosasyon. Ang assistant ang nagbigay sa kanya ng job description. Parang mabait naman ang boses nito sa telepono. “Naipaliwanag naman na sa `yo ni Gretch ang halos lahat, hindi ba? Gusto mo ba ng maiinom o meryenda bago kita isama sa tutulugan mo? Magkakasama tayo sa isang kuwarto, ha? Maliit lang pero kasya naman tayo.” “Okay lang po.” Hindi naman gaanong maselan si AJ pagdating sa mga ganoong bagay. Mas gusto pa nga niya ng may katabi sa pagtulog. Lumaki siya na kasama ang kanyang ate sa higaan. “Meryenda?” Nakangiting umiling siya. Wala pa siyang nailalagay sa kanyang sikmura mula nang umalis siya ng Tarlac ngunit hindi rin naman siya makaramdam ng gutom. Siguro ay sanhi iyon ng kaba at takot na nadarama niya patungo roon. Nagtungo na sila sa silid na sinasabi ni Ate Ana. Kumpara marahil sa ibang silid sa condo ay napakaliit ng kuwarto ngunit sa pamantayan ni AJ ay komportable na iyon. Double deck ang kama. Sa itaas siya dahil sa ibaba natutulog si Ate Ana. Mayroong maliit na telebisyon sa isang gilid at mesa. Masasabing malinis at masinop si Ate Ana kung pagbabasehan ang nakikita niyang ayos ng silid. Pagkatapos maitabi ang kanyang mga gamit ay inilibot siya ni Ate Ana sa loob ng condo unit. “Dalawang unit ito na pinag-isa kaya medyo malaki ang unit ni Madam. Bale lima na tayong nakatira dito. Kusinera ang pinakamahalagang papel ko sa bahay na ito. May cleaning crew na twice a week kung nagpupunta rito para maglinis. Ayaw kasi ni Madam ng maraming staff. Hindi lang assistant ni Madam si Gretchen, parang house manager na rin. Siya ang nagpapasuweldo sa atin, siya ang nagbibigay ng budget para sa mga gastusin dito. Mabait si Bakla, huwag kang masyadong mag-alala,” pagpapaliwanag ni Ate Ana sa magaang na tinig. Halatang kasundo nito si Gretchen. “Dahil nga may bata, madalas na magulo ang loob ng bahay. Naku. Magtutulong-tulong na lang tayo sa paglilinis at pagliligpit habang wala pa ang cleaning crew, ha? Okay lang ba iyon sa `yo?” Tumango si AJ. Bakit naman hindi magiging okay? Nang pasukin niya ang pagiging yaya, ang pagliligpit ng mga kalat ng kanyang alaga ay kasama na sa job description niya. Mataman siyang pinagmasdan ni Ate Ana. Bahagya iyong ikinailang ni AJ. Banayad ang naging ngiti ni Ate Ana. “Nang sabihin sa akin ni Gretchen na nagtapos ka ng kolehiyo at nakapasa sa board exam, nahirapan akong paniwalaan na tinanggap mo ang ganitong trabaho.” “Mas maganda po ang sahod sa trabahong ito kaysa sa ilang trabaho na pagpipilian ng mga katulad ko. Ang ilan po ay magbabayad pa kami para lang makapagtrabaho kami sa ospital nila.” Maaari marahil niyang ikonsidera ang call center ngunit nauna na ang ganitong trabaho. Tumango-tango si Ate Ana. “Ganoon nga ang mga naririnig ko. Pero marami pa rin ang pumapatol sa ganoon para sa experience. Para makapag-abroad na sila. Doon ay malaki ang sahod. Parang investment kumbaga ang volunteer job dito sa Pilipinas. Pagdating ng ibang bansa ay tiba-tiba na.” Ganoon nga ang kaisipan ng karamihan kaya nagbo-volunteer sa ospital o nagbabayad ng malaki para magkaroon ng hospital experience. Mababawi naman ang lahat ng gastos at hirap kapag nasa abroad na. May dahilan ang hype ng nurses sa panahon na ito. May mga tao na caregiver o katulong mang maituturing sa ibang bansa, milyonaryo naman pag-uwi ng Pilipinas. Maalwan ang buhay ng mga kamag-anak na naiwan. Malamansiyon ang mga bahay sa mga gated community. Hindi lang sigurado ni AJ kung iyon din ang dahilan kung bakit napagpasyahan niyang kumuha ng Nursing. “Sa ngayon po kasi ay kailangan ko ng suweldo, Ate,” ang sabi ni AJ. “Nahihiya na po kasi akong humingi ng panggastos sa mga magulang ko. Siyempre po pinaaral na po nila ako ng apat na taon sa kolehiyo, kailangan ko na pong kumita. Kahit na hindi na po ako makapagbigay, huwag lang po akong hihingi.” “Mabait na bata,” ani Ate Ana, may kaunting kinang ng admirasyon sa mga mata. Hindi malaman ni AJ kung bakit bigla siyang nakaramdam ng pagkailang. Para siyang nagi-guilty dahil waring hindi siya karapat-dapat sa papuri. Kailangan kasi niyang aminin kahit na sa kanyang sarili lamang na may mga bagay na hindi siya sigurado sa kanyang buhay. May mga bagay na sigurado siya. Sigurado siyang ayaw na niyang magpabigat sa kanyang pamilya, nais niyang makatulong sa mga gastusin at pagbabayad ng mga utang. Ngunit hindi talaga siya gaanong interesado sa mga bagay na sa palagay ng iba ay nais niyang gawin sa hinaharap. Hindi siya sigurado kung nais niyang magtungo at magtrabaho sa ibang bansa. Kaya marahil lakas loob niyang tinanggap ang trabaho na ito. Nais niyang malaman kung saan ito maaaring magtungo. Madalas niyang konsolahin ang sarili sa pagsasabi na bata pa siya. May karapatan naman siguro siyang maguluhan. Kapapasa lang niya sa licensure exam. May panahon pa siya upang limiin ang kanyang mga gusto sa buhay, ang mga nais niyang mangyari sa hinaharap. Minsan ay nawawala ang hindi komportableng pakiramdam dahil doon. Minsan naman ay lalo lang lumalala. Hindi niya ganap na maipaliwanag kahit na sa kanyang sarili. “Ipinapanalangin kong sana ay magtagal ka, AJ,” wika ni Ate Ana, lubos ang pag-asam sa tinig. Bahagyang nangungunot ang noo na napatingin siya sa ginang. “S-sana nga po,” ang tugon niya dahil hindi niya sigurado kung ano ang tamang dapat sabihin. “Sinasabi ko iyan sa lahat ng yaya na nag-uumpisang magtrabaho rito.” Napangiti si AJ. “Kung gayon ay hindi naman po pala ako espesyal.” “Gusto kong umasa na ikaw na ang tamang tao para kay Gilbert. Kailangan na kailangan ng bata ng gabay at pag-aalaga.” Si Gilbert ang kanyang alaga. Ang alam niya ay kasalukuyang nasa preschool ang bata kaya hindi pa niya nakikilala. “Umaasa rin po ako na magiging maayos ang lahat.” Nakita ni AJ na hindi lubos na nakampante si Ate Ana sa kanyang tinuran. Mababakas sa mga mata nito ang duda at kaba. Hindi niya gaanong maintindihan kung bakit ganoon na lang ang reaksiyon nito. Tinapik-tapik ni Ana ang kanyang balikat. “Sana ay matatag kang bata, AJ. Sana nga ay kayanin mo ang trabaho na ito.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD